Paris' POV
Nakakulong lamang ako sa silid ni Eunika at pinagninilay-nilayan ang buhay ko. Iniisip ko, paano ba ako napadpad sa ganitong sitwasyon?
Inalala ko ang araw na iyon. Araw kung kailan nagbago ang lahat, ang takbo ng mga buhay namin.
"Iiwanan ka na namin!" rinig kong sigaw ni Kuya Pierce.
"Kuyaaaa! Wait!"
Isinakbit ko sa magkabilang balikat ang backpack ko at tumakbo palabas ng kwarto ko. Hinila ko yung pinto para isara pero may nakaharang na isang libro.
Pinulot ko ito at binigyan ng mabilis na tingin ang titulo ng libro. The Hidden Forest. May pagkaluma na ito at may parteng sunog yung cover. Saan kaya galing 'to? Ba't nasa kwarto ko 'to?
"Paris! Tatamaan ka na talaga sa 'kin tingnan mo!"
"Yeah! Wait up!"
Pinagpag ko ang libro at ipinasok sa bag ko. Mamaya ko na titingnan kung ano iyon. Isinara ko na ang pinto at tumakbo na palabas ng bahay.
"Bye, 'Ya!" paalam ko sa yaya namin. Ngumiti naman siya sa 'kin at nilagpasan ko na siya.
"At last! Nakarating ka rin," inis na sabi nito at sabay na kaming sumakay sa kotse. Dito ako sa likuran with his friends.
"Sino 'tong chix na 'to?" biro ni Kuya Tevin. Tinaasan ko siya ng kilay kaya tumawa siya. "Hi, Paris."
"Oh? Chix na si Paris ngayon?" ang isa pang kabarkada niya na si Kuya Jan at tumingin sa 'kin. Inirapan ko lang siya. "Parang kailan lang nung uhugin ka pa ano?"
"Whatever, Kuya Jan." At pinalsak ko na lang ang earphones sa magkabilang tenga ko. Mapang-asar kasi talaga 'tong mga 'to.
Humalakhak ang isa pa nilang kasama. "Si Vincent na naman ang nakita niyo," komento ni Kuya Felix na nasa shotgun seat. Naku, tatamaan na talaga sa 'kin ang mga magbabarkadang ito.
"Tama na. Baka sa 'kin gumanti 'yan," ani Kuya Pierce na nagda-drive. Talagang gaganti ako sa kanya! Isusumbong ko siya kay Mama!
Nag-play na ako ng music at nakinig na lang dito hanggang sa antukin ako.
"Kuya Tevs," pagtawag ko kay Kuya Tevin.
"Hmm? Inaantok ka na ba?" Marahan akong tumango. Sobrang antok na 'ko. "Higa ka na rito sa balikat ko, Paris. Kawawa ka naman," pagtawa pa niya at saka inilahad sa akin ang kanyang balikat na sinandalan ko. 'Di na ako nakapag-react kasi inaantok na talaga ako.
"Kuya Pierce, sina mama?" tanong ko sa nakatatanda kong kapatid. I know na kilala ako bilang isang anak ng mga Hamilton, but I actually had a brother.
"Pupuntahan nga natin. Excited?" sarkastiko niyang sinabi. Kakagising ko lang at wala pa ako sa sarili, tapos susungitan pa niya ako. Ang mga kasama ko naman dito sa passenger seat ay mga tulog. Ang layo kasi ng biyahe papunta sa probinsya.
Napa-pout na lang ako. Kahit kailan talaga! Parang ano kung sumagot, eh.
Nakarating kami sa isang may kalumaang bahay, pero mukha naman itong pang-mayaman. Luma nga lang at kulang sa linis. Medyo nakakatakot.
Humawak ako nang mahigpit sa braso ni Kuya Pierce.
"Kuya, wala bang mumu rito?" bulong ko sa kanya pagkababa namin. Yung mga bagong gising na kaibigan niya ay sumunod na rin sa amin at mukhang nabigla rin sa nakita.
Tumingin naman siya sa 'kin. "H'wag kang matatakot, Paris, pero... meron. Sa katanuyan nga eh, may matandang babaeng nakahawak sa braso mo, eh," pabulong niyang sinabi sa akin.
Parang binuhusan ako ng malamig na tubig sa sinabi niya. Napatigil ako sa paglalakad. Hindi ako makagalaw.
"Paris, mauna na ako sa loob ah. May gagawin pa kasi ako." Nang aalis na dapat siya ay mas hinigpitan ko ang pagkapit sa braso niya. Namumutla na ako at sobrang lakas ng kabog ng puso ko, pero tinawanan lang niya ako at saka niya inalis ang pagkakahawak ko sa kanya. Sumunod naman sa kanya ang mga kaibigan niya na nagtatakbuhan pa.
Iniwan ako rito ni Kuyang mag-isa.
"Kuya!" pagtawag ko sa kanya pero hindi na siya lumingon pa.
"Yung matandang babae, Paris, ingatan mo ha," bulong pa sa akin ni Kuya Tevin na sumunod na rin kay Kuya Pierce.
Gustong-gusto ko nang sumigaw nang malakas pero parang hindi ko maibuka ang aking mga labi. 'Di talaga ako makagalaw. Madilim-dilim pa naman na.
"Paris." May humawak sa braso ko. Waaah! Mama! Kilala ako nung mumu. "Paris, ano bang ginagawa mo?"
Dahan-dahan akong lumingon at nakita si Kuya Felix. Whoa! Salamat naman!
"Akala ko mumu ka," mangiyak-ngiyak kong sinabi.
Tumawa siya. "Ikaw talaga. Halika na nga."
Pumasok kami sa bahay at iba talaga ang pakiramdam ko sa lugar na ito eh. Parang pinaliligiran ng mga.... hmm nevermind.
Hinatid ako ng isang maid sa kwarto ko at whoa, ang laki! Makaluma nga lang ang style. Pero in fairness, malinis siya at maayos. Hindi ko na kailangang maglinis pa. Lalo na't tinatamad ako ngayon.
Ibinaba ko yung bag ko sa side table at pabagsak na humiga sa kama. Whoo! Sa wakas, nakahiga na ako sa malambot na kama!
Tumingin ako sa kisame. Hindi kaya ako mabo-bore dito? Ilang araw kami sa lugar na ito. Naku. Walang katao-tao.
"Aha! May libangan pala ako rito."
Umupo ako at inabot yung bag ko. Kinuha ko yung librong napulot ko sa bahay kanina at inilapag sa kama.
May silbi pala siya. Kaya siguro nakita ko 'to. May purpose. Para hindi ako ma-bore. Wahaha! Buti naman.
Dumapa ako at nagsimula nang buklatin ang bawat pahina ng libro. Sa unang pahina, mga pictures. Pictures ata ng mga tauhan.
"Journey to the Hidden Forest."
Ano bang meron sa hidden forest na ito? Nagsimula na akong magbasa pero sobrang liliit ng mga letra. Hindi ko nga alam kung letra pa ang mga nakasulat eh. Mukhang ibang language pa ata. Hays!
Naiub-ob ko ang mukha ko sa libro. Akala ko naman makakaligtas na ako sa kabagutan dito. Pero napatigil ako sa pagmukmok nang maramdaman kong may nagmamasid sa akin.
Pinakiramdaman ko ang paligid at lumingon lingon at may nakita ako!
Isang... isang... Ibon!!!
Napabuntong hininga na lang ako at tumayo na upang lumapit sa bintana. "Shoo!" Taboy ko at isinara ang bintana na gawa sa kahoy.
Bumalik ako sa kama at umupo. Wala bang magagawa rito? Nakakatamad kaya.
"Ma'am Paris! Kakain na raw po."
"Opo! Bababa na po ako."
Itinabi ko yung libro at tumakbo na pababa. Gutom na rin ako.
Pagkababa ko, nakaupo na ang lahat sa mahabang mesa.
"Evening, Ma, Pa." Humalik ako sa pisngi nila. "Mga Kuya." Tinanguan ko sila. Ngumiti naman sila pabalik.
"Kumusta naman ang buhay sa Manila, Pierce?" tanong ni Papa. "Nag-aaral naman ba nang mabuti ang anak ko, Felix? Jan? Tevin?"
Close si Papa sa kanila na parang mga anak na niya kung kausapin. Mabait 'yan eh. Medyo strict nga lang pagdating sa pag-aaral.
"Opo, Tito. Nangunguna po siya sa klase namin," sagot ni Kuya Tevin. Tumango naman si Papa na mukhang satisfied sa narinig na tugon nito.