XI.

2198 Words
CHAPTER ELEVEN “GRABE, ano ba `yan? Katatapos lang n’ong isang bagyo, may bago na naman. At mas malakas pa raw. Abala sa negosyo.” Gulat na napatitig si Sanya kay Sannie habang katabi itong manood ng balita sa TV. “Akala ko, concerned ka sa mga taong masasalanta ng bagyo.” “Concerned nga. Kasi kung maaapektuhan sila ng bagyo, paano sila makakapunta sa coffee shop natin? E, di hindi rin tayo kikita.” Pabiro niyang ginulo ang buhok ng kapatid. “Natututo ka na, ha.” Hindi na niya napagtuunan ng pansin ang reklamo ni Sannie dahil nag-ring ang cellphone niya. Icing calling... Napangiti siya. Pumasok siya sa kwarto niya at doon sinagot ang tawag. “Hello, cupcake!” “Good evening, Icing!” “Kumain ka na?” “Hindi pa. Nagluluto pa si Nanay. Ikaw?” “Hindi pa rin. Nag-aayos ako ng mga gamit ngayon.” “Bakit?” Hindi napigilang kumunot ng noo niya. “May pupuntahan ka?” “Oo. Maaga ang lipad ko sa Leyte bukas, kasama si DILG Secretary Bonifacio. Do’n kasi tatama ang papasok na bagyo. Tutulong ako para makasigurado na makakalikas lahat ng mga tao na nakatira sa tabing-dagat at mabigyan na rin sila ng mga tent na gagamitin sa evacuation center. Sana lang hindi maging gano’n kalakas ang bagyo. Ayaw natin ng casualty sa mga ganitong pagkakataon.” Ibig sabihin, hindi na naman niya ito makakasama. Naiintindihan niya ito. Nalulungkot siya pero nangingibabaw ang paghanga niya rito. Kung tutuusin, pwede naman itong tumulong nang hindi pumupunta nang personal. Pero iba si Keith Clark. “Naiintindihan ko. Gaano ka katagal do’n?” tanong niya. “Hindi ako sigurado. Siguro hanggang sa masiguro ko na okay na ang lahat. Mami-miss din kita, cupcake.” “Ano?” Kunot ang noong napatingin siya sa cellphone na para bang iyon ang mukha ni Keith Clark. “Sinabi ko na bang mami-miss kita?” “Advanced ako mag-reply,” he answered chuckling. Ano pa ang hinihintay mo? Mag-‘I love you, too’ ka na rin. Ay, ano ba `tong iniisip ko? “Mami-miss kita,” napangiting sabi niya. “Ingat ka ro’n, Icing, ha. Alagaan mo ang sarili mo para hindi kami mag-alala ng mommy mo.” “Gagawin ko `yon, huwag kang mag-alala. I’ll call you when I get there. And, cupcake...” “Hmm?” “Huwag mo `kong ipagpapalit, ha?” Natawa siya. “Kanino naman kita ipagpapalit? Huwag mo rin akong ipagpapalit, ha.” “No way! Kanino naman kita ipagpapalit?” may diing sabi ni Keith Clark. “Ikaw kaya ang may pinakamasarap na cupcake sa buong mundo!” Hindi alam ni Sanya kung matutuwa siya sa sinabi nito. “So, ilan pang cupcake sa mundo ang natikman mo bukod sa cupcake ko? Ha?” ngitngit na tanong niya. “Cupcake...” Kamuntikan nang matawa si Sanya nang mahimigan ang pag-ingos sa tono ni Keith Clark. “Matagal na `yon. Loyal na `ko sa cupcake mo ngayon.” “Siguraduhin mo lang. Dahil kapag tumikim ka pa ng ibang cupcake, itong cupcake ko, `di mo na `to matitikman!” mariing sabi niya. “Cupcake, naman...” Nai-imagine na lang niya ang panlalaki ng mga mata ni Keith Clark. Napatakip siya sa bibig niya para hindi matuloy ang pagtawa. “Seryoso ako.” “Hindi mangyayari `yon,” he said with conviction. “Akin lang ang cupcake mo.” TUMAWAG sa kanya si Keith Clark bago ito sumakay ng chopper noong araw ng biyahe nito. Simula noon ay maya’t maya na kung tumingin sa weather report si Sanya. Pinakamaaapektuhan daw ng bagyo ang Visayas. Nasabi sa kanya ni Keith Clark na maglilibot ito at ang DILG secretary sa mga lugar kung saan pwedeng magkaroon ng landslide at baha. Ang pakonswelo lang kay Sanya, hindi kasinlakas ng naunang bagyo ang tumama sa Leyte ang bagyo ngayon. “Sana hindi siya magkasakit,” mahinang dasal niya habang may kaharap na paso. Dalawang araw na ito doon at naiintindihan niya kung bakit hindi na ito maka-update sa kalagayan nito. Naiinis nga lang siya dahil napakabagal ng signal ng internet sa bahay nila. Sa mga balita sa online na nga lang siya nakakasagap ng mga update `tapos ayaw pang makisama ng internet. Kahit may mag-upload man lang sana ng picture ni Keith Clark na okay lang ito. Hindi tuloy siya maka-concentrate sa ginagawa niya. Ang dami niyang customer para sa linggong iyon. Salamat sa malaking following ni Mrs. Escudero sa social media. I-p-in-ost kasi nito online ang ginawa niyang malaking painting nito at ni Mr. Escudero sa Nami Island. Nasa kilalang Metasequoia Lane ang mga ito, magkahawak kamay habang nakatapak sa mga nalaglag na dahon na nagsilbing carpet sa daanan. Saktong Autumn pa rin sa South Korea nang mga panahong iyon. Relationship goals talaga ang mga magulang ni Keith Clark. Sana... sana ganoon din sila pagdating ng araw. Araw-araw ay nakakatanggap siya ng tawag para mag-inquire at magpa-customize ng painting. Sa katunayan ay ubos na ang mga banga at pasong may painting sa shop nila at marami pa rin ang gustong um-order. Nakaka-overwhelm ang pagdagsa ng mga prospect buyers ni Sanya kaya naman nagpipinta siya araw-araw. Paraan na rin niya iyon para hindi masyadong mag-alala kay Keith Clark. “ATE, ATE, nandiyan ka ba?” Napalingon si Sanya sa pinto dahil sa pagtawag ni Sannie at sa mga sunod-sunod na katok. Napainat na napatayo siya at binuksan ang kanyang workshop. “Bakit, Bunsoy?” takang tanong niya. “Tingnan mo `to.” Bahagyang humahangos ang kapatid niya. “Siguradong hindi mo `to magugustuhan.” Ibinigay nito sa kanya ang cellphone nito. Tuluyang lumabas ng workshop niya si Sanya at isinara ang pinto. Ang akala niya ay nag-e-exaggerate lang ang kapatid niya. Nang tingnan niya ang nakabukas na app sa cellphone nito ay napangiti siya nang makita ang mukha ni Keith Clark. Halatang candid ang mga litrato. He looked tired, worn out, but was dashing as ever. Kasama nito sa larawan ang DILG secretary at ilan pang mga tao. Base sa caption ay mga opisyal ng siyudad at probinsiya ng Leyte ang kasama ni Keith Clark. Ano naman ang hindi niya magugustuhan sa nakikita niya? Nag-scroll down siya at agad napatigil nang makita ang isang magandang babaeng kasama nito. Simple lang ang suot ng babae pero litaw na litaw ang ganda nito. Sa unang litrato, wala lang ang kuha ng dalawa. Pero sa mga sumunod ay hindi na niya nagustuhan ang nakikita. Magkayakap sa isang litrato ang dalawa. This is Ormoc mayor’s only daughter, Pretzel Bello. Don’t they look good together? “Malisyoso ang caption na `to,” asar na anas niya at nag-scroll down pa. Sa sumunod na picture ay nakahalik sa pisngi ni Keith Clark ang Pretzel na ito. Meron ding picture ang mga ito na nagbibigay ng relief goods sa mga taong nasa evacuation center. Meron ding parang nagtatawanan ang mga ito habang nakahawak sa braso ni Keith Clark si Pretzel. Alam naman ni Sanya na picture lang iyon at pwedeng bigyan ng ibang kahulugan pero hindi pa rin niya mapigilang makaramdam ng selos. Pwede naman kasing nagyayakapan lang sila bilang magkaibigan, nagtatawanan bilang magkaibigan, humahalik sa pisngi bilang kaibigan... The most handsome senator in the history of the Republic of the Philippines x The prettiest mayoralty daughter. Don’t you think their ship should start sailing? sabi pa sa isang caption. Dumagdag pa sa pagkaasar ni Sanya ay libo-libong mga tao ang nag-share ng mga litrato na nagpapahiwatig ng pagsang-ayon. Hindi napigilang mag-init ng bumbunan niya. “Tutuktukan ko `tong may-ari ng account na `to,” hindi napigilang ngitngit ni Sanya. “Ship pala, ha. Ako lang naman ang iceberg na hadlang sa gusto niyang mangyari. Humanda siya sa `kin. Ire-report ko `tong account na `to.” Sino siya para ireto sa iba ang tanging icing ng cupcake ko? Sira-ulo `to! “Tubuan ka sana ng tigidigdig sa gilagid!” Hindi napigilang mapabungisngis ni Sannie. “Nakakatawa `yon, Maria Santina?” “Wala namang tawagan sa buong pangalan, Ate,” reklamo ng kapatid niya. “USAP-USAPAN ngayon ng mga netizen sa social media ang cute na mga larawan nina Senator KC Escudero at anak ni Ormoc City Mayor Patrick Bello na si Pretzel Bello.” Hindi napigilang tumiim ng bagang ni Sanya habang nanonood ng showbiz news segment sa balitang pinapanood nila. “Isa pa `tong Darlene Diaz na `to, e,” ngitngit niya sa showbiz reporter. Dumagdag sa asar niya nang ipakita sa TV ang mga larawan na nakita na niya kaninang umaga. “Makikita sa mga larawan ang cute na kuha ng dalawa habang tinutulungan ang mga tao sa evacuation center. Nag-donate ng personal na pera ang 27 years old na jewelry designer para ibili ng mga tent na magagamit ng mga tao sa evacuation center hanggang sa matapos ang bagyo. “Napag-alamang parehong single ang dalawa kaya mas lalong tumindi ang kagustuhan ng mga netizen na i-matchmake ang dalawa.” “I also believe in courtship,” sabi ni Pretzel sa isang interview. Nasa likuran nito ang pila ng mga tao habang tumatanggap ng relief goods. Nakuyom ni Sanya ang kanyang kamao. Oo nga, maganda nga ito at mas bata. Pero maganda rin naman siya at mukha ring bata. “But I also believe that if you like someone, you should go for it and you should waste no time. Matagal na kaming magkakilala ni KC. Pareho naman naming gusto ang isa’t isa so... let’s see what happens next.” Then Pretzel giggled. “Parehong gusto? Ang isa’t isa?” She gritted her teeth. “Napaka-assuming naman niya.” “Bakit si Senator, walang interview?” tanong ni Sannie. “Busy `yong tao,” angil naman niya. “Wala siyang time magpa-interview.” “Grabe, Ate, `yong nguso mo, pwede nang sabitan ng hanger, o,” turo pa sa kanya ni Sannie. Akmang babatuhin naman niya ito ng unan. Natatawang iniharang ni Sannie ang mga braso nito. Napaka-insensitive din naman talaga nitong magaling niyang kapatid! Nagseselos na nga siya, nakuha pa siyang asarin! Tumayo siya at pumunta sa kwarto niya. “Ate, chill ka lang. Mahal ka n’on!” pahabol pa ni Sannie. KINUHA ni Sanya ang cellphone at agad na tinawagan si Keith Clark. Kailangan niya itong makausap. Kailangan niyang malaman kung kilala pa rin ba siya nito. Kung totoo man ang sinabi ni Pretzel na gusto ng mga ito ang isa’t isa, dapat niyang malaman kung ano ba talaga ang tunay na estado nila ni Keith Clark at kung ano siya para rito. Mga dalawang araw palang silang hindi nagkikita at nagkakausap pero parang ang dami nang nangyari rito. Ang unfair naman sa kanya na matiyagang naghihintay at nagdadasal na sana maging okay lang ito. Lalong nadagdagan ang bigat ng nararamdaman ni Sanya nang hindi man lang mag-ring ang cellphone ni Keith Clark. Sinubukan niyang tawagan uli ito pero nabigo lang siya. Naka-off ba sa lahat ng pagkakataon ang cellphone nito? Wala na ba itong pahinga? Baka naman kontento na ito sa presensiya ni Pretzel kaya nawala na siya sa isip nito? Ang hirap ng ganito. “Sanya, pinapalala mo lang ang nararamdaman mo,” pagkausap niya sa sarili. Huminga siya nang malalim at ibinagsak sa kama ang sarili. “Walang kayo. Wala kayong label. Hindi defined ang relationship. Huwag kang mag-expect. Magtiwala ka lang sa kanya. Magtiwala ka lang kay Keith Clark. Kalma ka lang.” Muli siyang huminga nang malalim para kumalma ang dibdib niya. “Subukan lang niya akong saktan. Hindi na talaga niya matitikman ang cupcake ko. Kahit kailan.” Biglang nagtubig ang mga mata niya. Maagap iyong pinahid ni Sanya at suminghot. “Nami-miss ko na ang lokong `yon.” HINDI makapag-focus si Sanya nang sumunod na araw. Ang dami niyang kailangang gawin pero ayaw namang makisama ng katawan niya. Mas gusto na lang niyang tumunganga at isipin si Keith Clark at mag-imagine ng mga bagay na hindi naman niya siguradong mangyayari. “Ewan ko sa`yo, Sanya. Hindi matutuwa si Keith Clark na madatnan kang haggard at lutang,” mayamaya ay sabi niya. Tumayo siya at nag-inat. Kailangan niyang mag-exercise para magising ang nerves niya sa katawan. Nangako itong hindi ipagpapalit ang cupcake niya kaya bakit siya mag-aalala. `Di ba? Tumalon-talon siya at nag-jogging. Kailangang mawala ang negative vibes sa katawan niya. Sabi niya, cupcake ko ang pinakamasarap sa mundo. Hindi dapat ako mag-alala. “Ate.” Napatigil siya sa ginagawa nang mapasukan siya ni Sannie sa opisina niya. “Bakit?” hinihingal na tanong niya. “Nandito ang mommy ni Senator. Gusto ka niyang makausap.” “H-ha? Si T-tita—” Hindi na naituloy ni Sanya ang sasabihin dahil nakita niyang sumulpot sa likuran ni Sannie si Mrs. Escudero. “Hi, Sanya, dear,” magiliw na bati ng ginang nang makapasok na ito. Tahimik naman silang iniwan ni Sannie. “Tita Kristina.” Ngumiti siya. “Upo ho kayo. N-napadalaw ho kayo?” “Kailangan nating mag-usap tungkol kay Kitkat,” seryosong sabi nito. Napalunok siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD