"Taga-saan po kayo, Tito Pogi?" tanong ng batang babae. Bibong-bibo ito hindi katulad ng kuya niya na medyo tahimik at seryoso. Pero hindi humihiwalay sa kakambal niyang babae.
"I live in Dasmarinas Village, in Makati," sagot naman ng binata. Hindi niya mapigilan makipag-kuwentuhan sa mga ito lalo na sa kambal dahil mukhang interesado sa mga bagay-bagay na willing naman siyang ituro sa mga ito. Iba talaga ang pakiramdam niya mula nang makilala ang mga ito noong unang bisita niya sa squatter. Kahit na ang pakay niya ay libutin ang lugar, nawala na sa kanyang isip.
"Bakit hindi n'yo po dala ang bamborghini ninyo? Sana dinala n'yo, gusto ko kasi ulit iyon makita. Nagagandahan kasi ako roon. Pangarap nga namin iyon ng Kuya Julio ko!" Sabay turo sa kapatid na katabi sa upuan.
"Bibili kami noon paglaki namin. Para makapag-joy ride kami kasama ang nanay namin. 'Di pa kasi kami nakasakay sa ganoon, eh. Iyong kay Tita Wella naman hindi naman bamborghini 'yon, Honda raw tawag doon sa kotse niya. Hindi masyado maganda," pabulong na sabi nito sa huling salita.
Agad napatawa nang malakas ang binata, siniko naman agad ni Julio ang kapatid.
"Ano ka ba, Julia, sabi nang lamborghini,eh, puro ka bamborghini!" medyo naiinis na wika ng batang lalaki.
"At saka huwag ka nga, pasalamat ka nakakasakay tayo ng libre sa kotse ni Tita. Ang demanding mo talaga!" wika nito sa babaeng kapatid.
"Eh, iyon ang binibigkas ng bibig ko, Kuya, huwag ka nga rin diyan! Huwag ka mag-alala, sa susunod mabibigkas ko na nang tama 'yun!" medyo mayabang na wika ng batang babae.
Napanguso na lamang ang batang babae.
Napapangiti nang malawak ang binata sa tinuturan ng magkapatid. Ang sarap kausap ng mga ito. Nagbabangayan pero may pagmamahal naman sa isa't isa.
"Sige sa susunod na punta ko rito, iyon ang dadalhin ko, tapos kung gusto n'yo mag-joy ride isasama ko kayo. Kahit ikot lang dito sa lugar n'yo." naisip ng binata na magandang idea iyon para makapaglibot ng maayos sa binabalak na bilihin na lupa.
Kaya lang agad siyang nakaramdam ng lungkot nang ma-isip ang mga batang ito na mawawalan nang tirahan. Pero nakahanda naman ang relocation site nila sa mga gustong lumipat doon. Meron naman siyang back up plan para sa mga ito. Alam na niyang mahirap mawalan ng tirahan, kaya kung papayag ang mga residente rito, doon niya palilipatin ang mga ito. "It's just that this place is perfect for his new project," sabi ng isip niya.
"Ilan taon na kayo? Para kasing marami na kayong alam sa edad n'yo, lalo na ito, si baby girl?" Sabay haplos niya sa ulo ng batang babae.
"Seven years old na po kami, Tito Pogi! Marunong na nga kami magsaing ng kuya ko, eh! Tapos marunong din kami maglinis nang bahay at maghugas ng Plato." Matatas na turan ng batang babae.Sabay subo nang chichirya at higop nang chuckie chocolate drink. Napakadaldal nito. Na ikinatuwa nang husto ng binata.
"Talaga? Wow! Buti pa kayo, at a young age you know how to do house chores, while me, when I was a kid, I only knew how to play with gadgets. My mom doesn't allow me to do the chores. I'm honestly envy to the both of you,"
"Itong, Kuya Julio, ko nga po, minsan siya ang nag-iigib ng pampaligo namin ng nanay namin. Kapag nawawalan ng tubig sa gripo. Minsan kasi nawawala ang tubig sa Nawasa, buti na lang may bomba ng tubig sa likod nang bahay namin kaya malapit lang kapag nag-iigib ang Kuya ko. Macho na nga siya,eh," Sabay hagikhik nito. Siniko muli ng batang lalaki ang kapatid. Nahihiya sa mga sinasabi nito. Hindi kasi pala-kwento ang batang lalaki, magkaiba silang dalawa. Isang maingay at isang tahimik.
" Ang ingay mo talaga, Julia. Dalian mo na kumain diyan, tapos na ako, baka mamaya hinahanap na tayo ng nanay," wika nito.
"Salamat po Tito Pogi sa masarap na libreng meryenda, ah, sa wakas nakatikim ako muli nang paborito ko." Hagikhik muli nito matapos magpasalamat sa binata. Ganoon na rin ang ginawa ng iba pa nilang kalaro, nagpasalamat ang mga ito.
"Sa uulitin po muli," pagbibirong turan ng batang babae.
"Sure! Sa susunod na pagbabalik ko, ililibre ko kayo ulit!" wika niya.
"Yehey!" sabay na sigaw ng mga bata. Animo'y nakahanap ng bagong Santa Claus na manlilibre sa kanila.
Tatayo na sana ang binata upang magpaalam nang marinig niyang tinawag ang pangalan nila Julio at Julia.
" Julio, Julia! Mga anak ano ang ginagawa ninyo rito sa tindahan nila Aleng Menchie?" wika ng nanay ng dalawang bata.
Sa narinig na boses tila natuod ang binata. Kilalang-kilala niya ang boses na iyon, at hindi siya nagkakamali. Kilala niya ang may-ari noon.
Dahan-dahan siyang pumihit pa-harap dito at biglang nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Hindi siya nakapagsalita sa kaharap. Ang babaeng matagal niya nang hinahanap ay nasa harap niya ngayon.
Nakasuot ito ng medyo kupas na duster at sleeveless style na kulay pink, nakapusod pataas ang buhok, suot din nito ang tsinelas na mukhang lumang-luma na. Gusto niyang magsalita, ngunit naumid ang dila niya. Wala siyang ma-apuhap na salitang mai-bigkas mula rito.
"Nilibre po kami ni Tito Pogi nang meryenda, Inay! Ang sarap-sarap po ng libre," wika ni Julia.
"Opo, Inay! Nilibre po kami ni Tito Pogi!" sabay turo sa binata. Ngunit tila estatwa ang lalaki dahil hindi man lang sumasagot sa mga ito.
"Salamat, ho Sir, sa panlilibre sa mga anak ko. Alis na po kami," wika ng ina ng kambal.
Ngunit walang salita na lumabas sa mga labi nito.
Hanggang sa magpaalam na ang mga ito, hindi pa rin sumasagot ang binata. Tila nanigas sa kinatatayuan nito. Hinatid na lang nang tanaw ang magiina hanggang sa mawala sa paningin niya ang mga ito.
Habang ang dalaga naman na si Zandra, nagmamadaling naglalakad habang hila hila ang kambal. Patay malisya siya kanina nang makilala ang lalaki ng tinatawag ng kambal na tito pogi. Kung alam lang ng mga ito kung sino ang lalaking iyon? Tila nahihirapan syang huminga ng makarating sila sa pwesto niya ng mga paninda. Pinatingnan niya muna ito sa katabing tindahan upang hanapin nga ang mga anak. Dahil nagtaka siya kanina noong hindi niya na matanaw ang mga ito.