Nagising ang dalawang bata kinaumagahan, na nagtataka sa kanilang paligid. Iba ang kwarto nila, nasa maganda rin silang kama. Binalingan ni Julio ang kapatid na si Julia.
"Nasaan tayo, Julia? ani niya sa kapatid. Nanlalaki ang mga mata nito sa nakikita sa paligid ng kwarto kung nasaan sila.
Pero agad silang napalingon sa magkabilaan nilang tabi, dahil katabi nila ang kanilang Nanay at si Manong Pogi.
Ano ang nangyayari? Sa isip ng batang si Julio.
"Good morning babies." paos na boses na binati ng binata ang dalawang batang nagtataka ang mga itsura.
"Good morning din po, Manong Pogi. Paano po kami napunta rito sa magandang kwarto? At bakit po namin kayo katabi?" agad na tanong ni Julio. Mula pa kahapon ang dami ng hiwaga na nangyayari sa pagtatagpo nila sa Manong Pogi na ito. "Sino ba talaga siya? Bakit kilala niya ang Nanay?" mga tanong sa isip ni Julio.
Bago pa man sumagot ang binata, nagising na rin ang kanilang Ina. Mugto ang mga mata nito.
"Good morning mga anak ko, may gusto sanang sabihin ang Nanay sa inyo. Makinig kayong mabuti, ah?" bungad na usal ng dalaga at agad na bumangon. Alam niya na maraming katanungan sa dalawang bata ang nabubuo. Hindi niya na dapat pang patagalin pa. Naaawa na rin siya sa mga anak niya. Sumama sila kagabi rito sa bahay ni Zapper dahil ito ang hiling ng binata. Sino ba naman siya para ipagkait sa mga anak niya ang dapat na karangyaan na ibibigay ni Zapper. Sa kanilang dalawa ng binata, wala pang linaw ang lahat. Dahil kahit isa wala siyang isinagot sa mga tanong nito. Hindi pa siya handa.
Una niya kasing iniisip ay ang dalawa niyang mga anak. Lumalaki na ang mga ito. Kailangan na rin ng gabay ng ama. At hindi niya na rin lahat maibibigay ang mga pangangailangan ng mga ito. Hindi nagiging sapat ang kanyang kinikita sa pagtitinda lamang ng mga gulay, karne at isda. Susundin niya ang payo ng kanyang kaibigan na ipakilala ang mga anak niya sa tunay na ama. Kaya heto na ang pagkakataon. Dalangin niya lang na sana matanggap ng mga ito ang paliwanag niya.
"Alam ko nagtataka kayong dalawa kung sino si Manong Pogi sa atin? Patawarin ninyo ang Nanay, dahil naglihim ako tungkol sa inyong ama. Hindi man kayo nagtatanong pero alam ko na nangungulila kayo sa Tatay ninyo. Patawad mga anak. Siya ang totoo ninyong ama. Nagkahiwalay kami noon ng ipinagbubuntis ko kayo. At hindi niya alam na dinadala ko na kayo sa sinapupunan ko. Siguro nagtataka rin kayo kung bakit kamukha ninyo siya. Patawad mga anak, hindi sinasadya ng Nanay na naglihim sa inyo." sabi ng dalaga na agad napahikbi matapos sabihin ang mga katagang iyon.
Ang pupungas-pungas na mata na si Julia agad nanlaki dahil sa narinig. Bigla itong bumangon at walang sabi-sabing yumakap nang mahigpit kay Zapper sabay sabing" Tatay". Nagulat ang binata sa biglang yakap ng anak na babae, pero agad niya rin itong ni yakap na mahigpit. Napaiyak na rin siya, dahil umiiyak rin ito. Ang sarap pala sa pakiramdam ang tawagin siyang tatay. Pangarap niya lang ito noon sa dalaga, pero ngayon natupad na. Walang pagsidlan ang kasiyahan niya sa mga oras na iyon. Napakasarap gumising na pagmulat ng mga mata mo. Ang binuo mong pamilya ang bubungad sa iyo. Tumingin siya sa anak na lalaki. Nakikita niyang nagpipigil din ito ng mga luha. Nagmana sa kanya, mahilig magpigil ng luha, pero kalaunan babagsak din naman.
Habang si Julio naman, naluluha pero pinipigilan niya. Hindi muna siya lumapit sa bagong kakilalang ama. Mahirap mag-assume sa isip niya. Baka panaginip lamang iyon. Dahil nga sa ilang araw na kakaisip na bakit kamukha niya ito, baka nanaginip lamang siya. Hindi totoo ang lahat. Pero naririnig niya ang kapatid na umiiyak.
"Julia, baka panaginip lang ito, huwag ka masyadong umasa. Masasaktan ka lang." pigil niya sa kapatid at hinihila ito para mahiwalay sa Tatay niya raw.
Hindi pa mag-sink in sa utak niya ang nangyayari. Dahil kung may Tatay sila bakit hindi sila hinanap nito? Bakit nito pinabayaan na ang Nanay lamang nila ang mag-alaga at bumuhay sa kanila? Ayaw niya magtanim ng galit pero may nararamdaman siyang tampo sa ama.
"Halika rito Julia, baka nanaginip lang tayo, hindi totoo na may Tatay tayo. Dahil kung meron, bakit hindi natin siya nakasama ng maraming taon? Halika rito, kay Kuya. Ako lang ang lalaki sa atin tatlo. Ako lang magtatanggol sa inyo ni Nanay!" at tuluyan na ngang tumulo ang luha ng batang si Julio.
Nabigla naman sina Zandra at Zapper sa inakto ng anak na lalaki.
Hindi alam ng dalaga na may hinanakit pala ang anak niya sa ama nito. Ngayon niya lang napagtanto, hindi pala madali ang lahat. Akala niya oras na maipakilala niya ang mga ito sa ama, matatanggap agad nito pero mali siya ng akala. Kilala niya ang anak niya, tahimik lamang ito, nag-oobserba, pero kapag naunawaan nito ang sitwasyon magugulat na lamang siya sa aaktuhin nito.
Umiiyak namn si Zapper, na pilit niyayakap ang batang lalaki. Nagpupumiglas ito para makawala sa kanyang mga yakap.
"Anak, anak ko, patawad. Patawarin mo ang Tatay. Patawad anak ko. Please." sumamo ng binata rito. Pero matigas ang loob ng batang lalaki.
Kung ang Nanay ko marupok, ako hindi! Sa isip ng bata.
Agad naman pinigilan ng dalaga na umiiyak rin-- ang binata sa pagpupumilit nitong yakapin ang anak.
"Zapper, hayaan na muna natin si Julio. Nabigla lang siguro siya sa mga nangyayari."
Nang bitiwan ng binata ang bata, agad itong tumakbo palabas ng kwarto. Naiwan naman si Julia sa kama na umiiyak at pinagmamasdan ang mga kasama sa kwarto.
Paglabas ni Julio ng kwarto agad bumungad sa kanya ang mag-asawa ng medyo may kaedaran na. Hindi niya ito kilala, pero parang may nararamdaman siya para sa mga ito.
Nagulat naman ang mag-asawa sa bumungad sa kanila pag-akyat sa ikalawang palapag ng bahay na ipinatayo ng kanilang anak. Madalas nilang bisitahin ang bahay na ito para linisin. Inaalagaan nila para sa pagdating ng babaeng hinahanap ng kanilang anak.
Pero ang bumungad sa kanila ay isang batang lalaki na siguro nasa edad na pito. Nakita nila itong umiiyak at galing ito sa kwarto ng anak nila. Nahihiwagaan sa nakikita. Mayamaya pa ay nakita nilang lumabas ang kanilang anak na patakbong hinabol ang batang lalaki. Bakit ba nag-iiyakan ang mga ito. Bakit umiiyak ang anak nilang si Zapper? Segundo lang ang lumipas may babaeng sumunod din sa anak na may mga luha rin sa mata. Akay nito ang batang babae.
Nagkatinginan ang mag-asawa at parehong napagtanto ang naiisip.
Si Zandra!
Nanlalaki ang mga mata nila sa nasasaksihang eksena. Hindi sila pansin ng mga ito. Naka-focus ang mga ito sa batang lalaki na nakaupo sa isang gilid at nakayuko sa mga tuhod na humihikbi.
Nakikita nila ang itsura ng batang babae na akay ng dalagang si Zandra, hawig sa anak nilang si Zapper.
"Anak, patawarin mo ang Tatay, please. Nandito na ang Tatay, hindi na kayo iiwan, ulit." dinig ng mag-asawa ang sinabi ng kanilang anak. Doon nila napagtanto na mga apo nila ang mga bata. At Kambal!
"Anak, makinig ka sa Nanay, please? Anak, alam ko na nagtatampo ka sa amin, sa akin, dahil hindi ko sinabi ang tungkol sa Tatay ninyo. Pero anak, hindi ka ba masaya na narito na siya? Na makakasama nyo na siya?"
Nag-angat ng mukha ang batang lalaki, puno ng luha ang mga mata. Awang awa ang dalaga sa nakikita sa mukha ng anak.
"Inay, h-hindi ko po a-alam k-kung matatanggap ko siya bilang Tatay. K-kasi po, nasaan po siya n-noong ipinanganak ninyo kami, na halos mamatay na tayong tatlo, kasi hirap ka na ilabas kami? N-nasaan siya Inay noong magkasakit kami ni Julia, na halos hindi na tayo palabasin ng hospital dahil hindi tayo makabayad sa bills? N-nasaan po ang Tatay na sinasabi ninyo ng mga oras po na iyon?"
Nabigla ang dalaga sa sinabi ng anak. May hula na siya kung sino ang nagkwento rito tungkol sa panganganak niya noon.
Sa nakikita at naririnig ng mag-asawa sa eksena ng anak nila at apo, parang dinudurog ang puso nila. Dahil isa sila sa naglayo sa anak nila sa Ina ng mga ito. Hindi nila alam ang nangyari sa dalaga magmula nang umalis ito sa mansyon matapos hiwalayan ng anak nila. Napa- iyak na rin ang ginang sa nasasaksihan.
Naagaw ng atensyon nila Zapper ang pag-iyak ng ginang sa likuran nila. Nagulat pa sila. Hindi nila ito napansin na naririto pala ang magulang niya. Agad niyang pinrotektahan ang mag-iina niya. Baka may gawin na naman ang mga ito. Wala pa siyang tiwala sa mga ito.
"Patawarin mo kami apo, kami ang dahilan kung bakit naghiwalay ang Nanay at Tatay ninyo. Patawarin mo kami apo." ani ng ginang. Napatigil naman sa pag-iyak ang batang lalaki at tumalim ang mga titig nito sa matatanda.
Pinunasan niya ang mga luha at tumayo.
"Tara na po Inay, umuwi napo tayo sa squatter. Hindi po tayo nababagay rito. Akala ko ang kinikilala lang naming ama ang kasusuklaman ko, Pati pala ang mga magulang ng Tatay namin. Tara na po Inay, Julia, uwi na tayo. Hindi natin sila kailangan."