NAALIMPUNGATAN si Myca nang masilaw siya sa isang liwanag na nanggaling sa may bintana. Dahan-dahan niyang minulat ang mga mata niya. Nagulat pa siya ng makitang maliwanag na sa labas. Napabalikwas siya ng bangon. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Nang tingnan niya ang oras ay halos alas-otso na ng umaga. Agad siyang tumayo at lumabas ng silid. Tinungo niya ang katabing kuwarto. Marahan siyang kumatok doon.
"Ken," tawag niya dito.
Ngunit walang sumagot. Naglakas-loob siyang buksan ang pinto. Pero walang Ken na nakahiga sa kama. Pumasok siya sa loob, kahit na sa CR ay wala ito.
"Ken," tawag niya ulit.
Napaisip siya. Kung ganon, hindi pa ito nakakauwi. Agad siyang lumabas saka bumalik sa loob ng kuwarto niya. Kinuha niya ang cellphone niya saka dinaial ang numero nito. Pero hindi niya ito ma-contact. Mukhang lowbat ito.
Bumuntong-hininga siya. Ang mabuti pa siguro'y magluto na lang siya para kung dumating na ito. Makakain na ito agad. Bigla ay sumingit sa utak niya ang nangyari kagabi bago ito umalis. Wala sa loob na napahawak siya sa mga labi niya. She just had her first kiss. At hindi niya maipaliwanag ang pakiramdam. Kahit na saglit lang iyon, parang hanggang sa mga oras na iyon ay nalalasahan pa niya ang tamis ng halik nito.
Napailing siya. Mukhang lumalala na ang tama niya kay Ken. Kaysa mag-isip siya ng ng kung anu-ano. Mas mabuti na lang na maghanap siya ng gagawin. Nilibot niya ang paningin sa paligid. Halos wala naman siyang makitang marumi doon. Naisip niyang magluto na muna nang almusal, para kung sakaling dumating si Ken. May maaabutan itong pagkain sa mesa.
Habang hinahanda niya ang lulutuin. Napapitlag pa siya nang tumunog ang doorbell. Nagtaka siya. Pasado alas-otso pa lang ng umaga. Sino naman kaya ang darating ng ganoong kaaga? Dahil kung si Ken 'yon, hindi na para mag-doorbell ito sa sarili nitong bahay. Nagtataka man, nagtungo pa rin si Myca sa pinto para sinuhin ang dumating. Naisip niyang baka pasyente ito ni Ken.
Tumunog ulit ang doorbell.
"Oo, nandiyan na." sagot niya.
Pagbukas niya ng gate, agad na nagsalubong ang kilay niya nang makita kung sino ang dumating. Anong ginagawa doon ng Mommy niya? Paano nito natunton ang kinaroroonan niyia?
"Mommy?"
"Hindi mo man lang ba ako patutuluyin muna?" mataray pa nitong tanong din sa kanya.
Luminga siya sa paligid. "Hindi po puwede dito. Nakikituloy lang ako dito." Aniya saka siya lumabas ng gate. "Ano po bang ginagawa n'yo dito?"
Tumawa ito ng pagak. Saka siya tiningnan simula ulo hanggang paa. "Tingnan mo nga naman. Sa sandaling panahon na nakaalis ka sa bahay. May ganito ka na agad kagandang bahay. Paano mo ginawa?" tanong nito na may bahid ng pang-iinsulto.
"Wala po akong ginagawang masama. Gaya po ng sabi ko, nakikituloy lang ako dito."
"Kailangan ko ng pera. Wala na akong pang-casino."
"Ma, wala akong pera."
"Madamot ka!" biglang sigaw nito.
Nagulat siya. Agad siyang lumingon sa paligid. May mga tao na sa paligid at kahit ang mga ito ay napalingon sa kanila.
"Wala kang kuwentang anak! Madamot ka!" sigaw ulit nito. Sinadya pa talaga nitong lakasan ang boses nito para mapahiya siya.
"Ma, tama na please..." pagmamakaawa niya ditoi. Pero tila naging bingi na ito sa pakiusap niya.
"Pagkatapos kitang palakihin at arugain at ituring na parang isang tunay na anak, ganito pa ang igaganti mo sa akin! Ang pagdamutan ako"
"Ma, ano ba? tama na po!" naiiyak na siya.
Biglang umigkas ang kamay nito at dumapo iyon sa pisngi niya. Sa lakas ng sampal nito, bumalandra siya sa may gate. Napaupo siya lupa sabay sapo sa pisngi niyang nasaktan. Parang sinapian na naman ito nang sunod-sunod na niyang naramdaman ang masasakit na hampas ng mga palad nito.
"Ikaw ang pumatay sa asawa ko! Kasalanan mong lahat kung bakit wala na ang asawa ko sa akin! Ikaw ang sumira sa pamilya ko!"
"Hindi totoo 'yan!" depensa niya.
"Sinungaling ka!" anang Mommy niya, sabay igkas naman ng paa nito. Napa-singhap siya sa sakit ng tumama ang paa nito sa tagiliran niya.
Mayamaya ay naramdaman niyang may umalalay sa kanya sa pagtayo. Nang lumingon siya ay si Madi, Allie, Panyang at Abby ang naroroon. Habang hawak naman nila Vanni at Roy ang Mommy niya.
"Myca, ayos ka lang?" tanong ni Abby.
Hilam ang mga mata sa luha na umiling siya.
"Huwag n'yong tulungan ang babaeng 'yan! Inuuto lang kayo n'yan. Ginagamit lang kayo n'yan. Malas 'yan! Malas!" sigaw pa nito.
"Hindi ako malas!" depensa ulit niya sa sarili. "Tama na, Mommy! Kung hindi n'yo ako matanggap na anak n'yo. Okay lang naman sa akin 'yun. Naiintindihan ko kayo. Pero ang isisi sa akin ang pagkamatay ni Daddy. Kahit kailan ay hindi ko matatanggap 'yun. Hindi lang kayo ang nawalan. Nawalan din kami ng Ama. Si Misty. Si Kuya Martin. Nandiyan pa silang mga anak mo!"
"With all due respect Ma'am. Kapag hindi kayo tumigil sa p*******t kay Myca at sa pag-eeskandalo dito. Mapipilitan kaming tumawag sa barangay o 'di kaya'y sa mga pulis." Banta ni Roy sa mahinahon na tinig ngunit naroon ang autoridad sa himig nito.
"Mas makakabuti po siguro kung umalis na lang kayo," dagdag pa ni Vanni.
Hindi ito kumibo. Parang walang narinig na binawi nito ang dalawang braso mula sa pagkakahawak nila Vanni at Roy. Saka naglakad palayo.
"Myca, puro kalmot ka sa mukha." Ani Abby.
Saka lang niya naramdaman ang hapdi. Hindi na niya namalayan kanina na nakakalmot na pala siya.
"Lintik! Parang may lahing pusa ang Mommy mo ah! Ang tinding magalit!" napapailing na wika ni Panyang.
"Halika na sa loob," yaya ni Allie sa kanya.
Umiling siya. "Ayoko diyan. Nakakahiya na kay Ken. Doon n'yo na lang ako dalhin sa bahay ni Chacha." Sagot niya.
"Pero baka hanapin ka ni Ken. Magagalit 'yun." Sabi ni Abby.
"Basta," usal niya.
"O sige, kung iyan ang gusto mo." Si Madi. "Kami na lang bahalang magpaliwanag sa kanya."
Inalalayan siya ng mga itong maglakad. Hindi niya maipaliwanag kung bakit ganoon na lamang ang galit sa kanya ng Mommy niya. Parang ibang tao na siya nito kung ituring. Tumulo uli ang luha niya. Oo nga pala. Ibang tao nga naman siya. Ilang beses na ba nitong ipinamukha sa kanya na ampon lang siya?
"I'll call Ken. Kailangan niyang malaman ang nangyari sa'yo." Wika ni Vanni.
"Huwag na, please..." mabilis niyang pigil dito.
"Ha? Bakit naman?" nagtatakang tanong ni Madi.
"Huwag na. Ayoko nang abalahin pa siya. Masyado na siyang maraming nagawa para sa akin. Kailangan kong kayanin 'tong problemang ito ng mag-isa." Sabi niya.
"Pero—"
"Baka nga tama si Mommy. Baka nga malas ako. Ayokong madamay sa kamalasan ko si Ken." Umiiyak niyang tugon.
"What?!" Roy exclaimed.
"What kind of crap did you just said?" naiinis na tanong ni Vanni.
"Myca, hindi ka malas. Huwag mong intindihin ang lahat ng sinabi ng Mommy mo. Hindi totoong malas ka," sabi ni Allie.
"Right. Sinabi lang niya lahat 'yun. To get even with you." sang-ayon naman ni Panyang.
"Basta. Huwag na lang ninyong tawagan si Ken. Hindi na ako babalik sa bahay niya." Sabi niya. Buo na ang desisyon niya. Lalayuan niya si Ken. Hindi siya karapat-dapat dito.
Kumpara dito. She's nothing. Wala siyang maipapagmalaki dito. Wala na siyang maipagmamalaking buong pamilya dito. Magiging kahihiyan lang siya nito. At hindi niya hahayaang madamay ito sa gulo ng buhay niya.
ABALA SI KEN sa pagbabasa ng Medical Record ni Mylene, ito ang batang pasyente niya na nine years old. Naging kritikal ang kondisyon nito kagabi kaya hindi niya naiwan ito. Sa murang edad nito ay may sakit na ito sa puso. At hindi puwedeng pabayaan ito. Napasulyap siya sa wrist watch niya. Mag-aalas diyes na pala ng umaga. Unti-unti na rin niyang nararamdaman ang pagod at antok.
Napalingon siya nang may tumapik sa balikat niya. Agad siyang napangiti nang makita na ang Ninong pala niya iyon. Si Doctor Garcia. Just like him, he is also a Cardiologist. Matalik na kaibigan ito ng Daddy niya. At parang pangalawang Ama na rin ang turing niya dito.
"Ninong,"
"You looked tired," anito. "I think you should go home." Anito.
"I can't. I have to check on Mylene's condition from time to time."
Napailing ito habang nangingiti. "You work too much. Kapag ganyan ka ng ganyan, baka sa susunod na pagkikita natin ay ikaw na ang nakahiga sa hospital bed." Biro pa nito.
"Hindi naman po siguro, Ninong."
Nagkibit-balikat ito. "You'll never know. Sige, ikaw rin. Kapag hindi mo iningatan ang sarili mo. Baka maagang ma-biyuda ang babaeng pinopormahan mo. Ang sabi pa naman ng Daddy mo ay nababaliw ka doon. She must be a fine, beautiful lady."
Natawa siya. Kung ganoon, pinag-uusapan pala siya ng dalawang ito.
"What? Sinabi talaga ni Dad 'yon? Hindi ko alam na intrigero pala ang Daddy ko."
Natawa ang kausap niya. "He's just happy, you know. Ang tanging gusto lang niya ay ang magka-apo." Sagot nito.
"We'll get there, Ninong. Huwag ninyo akong madaliin. Hindi pa nga ako sinasagot eh."
"Aba, humihina na yata ang diskarte mo sa babae." Biro pa nito.
Natawa silang dalawa. "That is not true. Ayaw ko lang siyang kulitin. Baka mamaya imbes na sagutin ako eh mabasted pa." depensa niya sa sarili.
Nasa kalagitnaan sila ng pag-uusap nang biglang may dumating na isang may edad na babae. Unang tingin pa lamang ay halatang mataray na ito. Naka-ismid ito at nakahalukipkip. Sigurado si Ken na hindi pa niya nakikita ito sa tanan ng buhay niya.
"Yes Ma'am, what can I do for you?" tanong ng Ninong niya.
"I'm here for Doctor Pederico." Sagot nito sa mataray na tinig.
Kunot-noong nagkatinginan sila ng Ninong niya. "Yes, I am Doctor Pederico. Do I know you?" tanong niya.
Tumikhim ang Ninong niya saka siya tinapik ng mahina sa braso. "I'll go ahead, hijo. I'll just see you around." Anito.
"Okay Ninong, thanks!"
Tumango lang ito saka naglakad palayo sa may hallway ng ospital, patungo marahil ito sa pribadong opisina nito. Muli niyang binalingan ang bagong dating.
"Ano po bang maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong niya. "Pasyente po ba kayo dito?"
"Kaya pala hindi na umuwi si Myca, iyon pala'y may kinalolokohan nang lalaki." Anito.
Bumaha ang pagtataka sa kanya. Bakit nito kilala si Myca?
"Excuse me, but I don't understand. Bakit n'yo kilala si Myca?"
"Ako ang Mommy niya."
Nagsalubong ang kilay niya. Kung ganoon, ito ang nagpalaki kay Myca at ito rin ang nananakit sa kanya.
"Ano po bang kailangan n'yo?" tanong niya sa pormal na tinig. "Paano ninyo nalaman kung saan ako matatagpuan?"
"Hindi na importante 'yon kung paano. Narito ako para balaan ka."
"Balaan?"
"Oo. Concern lang ako sa mga tao sa paligid ng babaeng 'yon." Anito.
"Ma'am, hindi ko po maintindihan ang pinupunto ninyo. Will you please go straight to the point? As you can see, marami po akong trabaho."
"Okay. Layuan mo si Myca. Kung ayaw mong madamay ka sa kamalasan ng babaeng 'yun. Masisira lang ang buhay mo. Peperahan ka lang n'ya."
Nag-init bigla ang ulo niya. Ano bang klaseng Ina 'to? Bakit nito sinisiraan si Myca sa kanya?
"Look, hindi ko alam kung bakit kailangan ninyong magsalita ng ganyan sa akin tungkol sa kanya. First of all, hindi ako naniniwala sa malas. Tsaka bakit kailangan n'yong magsalita sa kanya ng ganyan? Hindi ba ninyo itinuring na tunay na anak man lang si Myca kahit na kaunti? I know her. Mabait siya at hindi mahirap mahalin." Pagtatanggol niya sa dalaga. Hindi siya papayag na magsalita ito ng kung anu-ano dito.
"Nabilog na rin pala niya ang ulo mo."
"Mahal ko po si Myca. At handa akong ipagtanggol siya sa kahit na sinong gustong humila sa kanya pababa. Hindi po ako naniniwala sa mga sinasabi ninyo tungkol sa kanya. Dahil alam kong mabuti siyang tao, gaya na lang ng pagkakakilala sa kanya ni Martin at ni Misty. At kung nabubuhay man ngayon ang asawa ninyo. Sigurado akong pareho kami ng sasabihin tungkol kay Myca. Minahal niya kayo na parang isang tunay na Ina. Imposibleng hindi ninyo naramdaman iyon."
Nagsalubong ang kilay nito saka biglang tumalikod at naglakad palayo. Sinundan niya ng tingin ang ginang. Base sa mga narinig niyang pagsasalita nito. Talagang malaki ang galit nito kay Myca. Pero naniniwala siya na mabuting tao ang babaeng minamahal niya. Alam niya iyon. Nararamdaman niya iyon. Dahil iyon ang sinasabi ng puso niya.
Kahit na anong mangyari, Myca. Ipagtatanggol kita. Pinapangako ko sa'yo na hinding-hindi ka na puwedeng apakan o saktan ng kahit na sino... aniya sa sarili.