UMAHON ANG matinding pag-aalala at awa sa dibdib ni Ken. Lumapit sa kanya kanina lang ang mga Social Workers. Ayon sa mga ito, tumataas na ang bilang ng mga may dengue sa Sitio Galili, Antipolo. Ang mas nakakabahala pa, karamihan ay mga bata ang tinatamaan ng naturang sakit. Ayon pa sa mga social workers, walang sapat na pangtustos ang mga magulang ng mga bata sa mga kailangang gamot ng mga ito. Hindi maaaring wala siyang gawin. Dengue is dengue. Nakakamatay ito lalo na't napabayaan. Ganoon na lang ang pangingilabot niya kapag na-iimagine niya na hindi magamot ang mga bata. Hindi puwedeng may mangyaring masama sa mga ito.
Palibahasa'y tanging pagtatanim ng palay at mga gulay lamang ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng mga tao roon. Ang Sito Galili ay nasa pinakaliblib na parte ng Antipolo. Probinsya na rin halos ang lugar na iyon. Medyo malayo na rin sa sibilisasyon kung tutuusin.
Agad niyang tinawagan ang isa sa malapit niyang kaibigan na may pharmaceutical company. Humingi siya ng suporta at tulong dito hinggil sa mga kailangang gamot ng mga may dengue. Magsasagawa siya ng Medical Mission sa lugar na iyon sa lalong madaling panahon. Laking pasasalamat ni Ken ng hindi siya binigo ng kaibigan. Ang kailangan na lamang niyang gawin ay ihanda ang mga tao na isasama niya sa misyon na iyon. So, he asked his secretary to call all the Doctors Of Medicine who handles the Dengue cases.
Palabas na siya ng pribadong opisina nang biglang pumasok doon ang Ama niya. Si Don Ricardo Pederico. Retired doctor na ito. Sa ngayon ay ang tanging paglalaro ng golf na lang ang inaatupag nito.
"Dad," bati niya dito.
"Kumusta na itong ospital, Ken?" tanong nito.
May pagka-istrikto ang kanyang Ama. Lalo na't tungkol sa negosyo at sa pagbibigay tulong sa mga taong nangangailangan ang pinag-uusapan. So far, pasado naman siya sa performance ayon dito.
"Okay naman po," sagot niya. "Don't tell me, you came just to ask me how's the hospital?" biro pa niya dito.
Tumaas ang isang gilid ng labi nito saka umiling. Kung ganoon ay tama siya ng hinala. May gusto itong malaman at ikumpirmang balita na narinig nito sa mga tsismoso't tsismosa ng Tanangco.
"Well, that's one of the reasons. Pero, meron pang isa." Anang Ama.
"And?"
"Who is this Myca? Ilang beses nang may nagbanggit ng pangalan na iyon sa akin. And according to my sources, this girl is your girlfriend."
Natawa siya. May pagka-tsismoso ang Daddy niya. Mabuti na lamang at hindi masyadong halata.
"Dad, first of all. Hindi ko pa siya girlfriend. But yes, I admit. I'm courting her. And second, the hospital is doing great. And again, I'm in a hurry. Naghihintay na ang iba pang doctor sa conference room."
"What about the meeting?"
Sumeryoso ang mukha niya. "There's a Dengue Outbreak in a remote part of Antipolo. Karamihan ay mga bata ang mga biktima. I'm planning to have a medical mission on the place as soon as possible."
Nang marinig ng Daddy niya ang tungkol sa misyon ay nagpasya itong sumama sa naturang meeting. Naging interesado ito at nangakong magbibigay ng tulong pinansyal, basta't mailigtas lang ang mga biktima.
HINDI MAPAKALI si Myca. Dalawang araw na yata niyang hindi nakikita at nakakausap si Ken. Simula nang himatayin ito sa StarCity, hindi na muli niyang nakita ito. Hindi niya maintindihan kung nahihiya ba ito sa nangyari o sadyang busy lang ito.
Hindi naman siya siguro nito iniiwasan.
Eh ano naman kung iwasan ka? Don't tell me nami-miss mo na agad siya? Lihim na tukso sa kanya ng isang bahagi ng isip niya.
Napabuntong-hininga siya. Oo na. Sige na. Aaminin na niya. She missed him. Nasanay na kasi siya sa presensiya nito.
"Uy! Myca, bakit malungkot ka?" untag sa kanya ni Abby.
"Ha?" gulat niyang usal. Napakurap pa siya sabay lingon sa katabi niya.
"Ay sus, hayun at wala siya sa sarili niya." Anito.
"Siguro nami-miss mo si Ken, ano?" hula ni Madi.
"Oo nga. Two days na yata siyang hindi nagpapakita eh." Dagdag pa ni Allie.
"Hindi ah! Hindi ko siya nami-miss!" tanggi niya.
"Hay naku Myca! Huuuu-tang ng loob! Halos magkanda-haba na nga ang leeg mo sa kakasilip kung papasok dito sa loob ng Rio's si Ken eh." Sabi pa ni Panyang.
Natawa silang lahat ng wala sa oras. Sa loob niya, tama ang tinuran nito. Kanina pa nga siya nagbabaka-sakali na dumaan man lang doon si Ken. Pero wala kahit na anino nito. And she started to feel worry. Baka kung ano na ang nangyari doon.
"Eh paano ba naman kasi? Hindi ko man lang nalaman kung ayos na ba siya?" maktol niya.
"Ayun, eh di umamin ka rin. Hinihintay mo nga siya."
Marahan siya tumango. Hindi na siya makakatanggi pa dahil sukol na siya ng mga ito.
"Bakit kasi hindi mo na lang i-text?" suhestiyon ni Abby.
"Tama, sayang ang ganda ng cellphone mo kung hindi mo naman gagamitin pang-contact sa kanya." ani Chacha.
"Uh-huh!" maarteng sang-ayon ni Panyang.
"Hindi ba nakakahiya?" tanong niya.
"Hala, mahiya pa ba daw? Eh halos ikaw 'tong hindi maire sa sobrang pag-aalala diyan." Ani Panyang.
"Oo nga. Para hindi ka nag-aalala diyan." Sang-ayon ni Madi.
Huminga muna siya ng malalim bago kinuha ang cellphone niya. Akmang magta-type na siya ng message, bigla naman nag-ring iyon. Agad na kumunot ang noo niya nang makitang number ng kapatid niyang si Misty ang rumehistro. Sinagot niya iyon.
"Misty,"
"Ate, puwede ka bang umuwi dito sa bahay? Hindi ko na alam ang gagawin ko eh." Bungad sa kanya ng kapatid.
"Bakit? Anong nangyari diyan?"
Hindi ito sumagot. Mayamaya ay narinig na lang niya ang paghikbi nito.
"Bakit ka umiiyak? Sabihin mo sa akin kung ano ang nangyayari sa'yo diyan."
Napuno ng pag-aalala ang dibdib niya. Baka pati ang kapatid niya ay pinagbubuhatan na ng kamay ng Mommy nila.
"Basta Ate, umuwi ka muna dito. Kahit na isang araw lang." pakiusap pa nito.
"Oo sige, pupunta na ako diyan ngayon din."
Pagkatapos niyang makausap ang kapatid ay agad siyang nagpaalam sa mga kasama. Hindi puwedeng pabayaan niya si Misty. Kapag nalaman niya na sinasaktan din ito ng Mommy nila, kukunin niya si Misty.
DUMADAGUNDONG ang dibdib ni Myca sa kaba habang papalapit sa lugar na pinakaiiwasan niya. Kung siya ang tatanungin. Ayaw na muna niyang bumalik doon. Pero wala siyang choice, hindi niya puwedeng pabayaan si Misty. Hindi pa rin sinasabi nito ang tunay na nangyayari dito. Ngunit may kutob siyang sinasaktan na rin ito ng Mommy nila. Her Mother came to her worst, according to Misty. Nalulong na ito sa bisyo.
Tatlong beses pa siyang huminga ng malalim bago bumaba ng taxi. Nang makababa, agad niyang tinitigan ang two storey mansion nila. It used to be a happy home. Puno iyon dati ng tawanan, ng saya at ng pagmamahalan. Lumaki silang magkakapatid na maalwan ang buhay. Dahil na rin iyon sa furniture business na tinayo ng nasirang Ama.
Nangilid ang luha ni Myca. Pero sinira niyang lahat nang iyon. Siya ang sumira sa pamilya nila. Siya ang sumira ng lahat. Parang gusto na niyang maniwala sa Mommy niya.
Pinalis muna niya ang luha sa pisngi niya, bago pinindot ang doorbell.
Ilang saglit pa siyang naghintay, nang sa wakas ay may nagbukas na ng gate. Ganoon na lamang ang ngiting gumuhit sa mga labi ni Misty ng makita siya. Agad siya nitong niyakap.
"Ate, mabuti dumating ka na." anito.
"Oo, huwag ka nang mag-alala. Pero hindi ako magtatagal dito. Alam mo naman si Mommy kapag nakita ako." sagot niya.
Bahagya niyang nilayo ito at hinawakan sa magkabilang braso. Tinitigan niya ang mukha nito. Gaya ng huli niya itong makita sa bookstore, nanlalalim ang mga mata nito.
"Aray!" bigla ay daing ni Misty.
Napakunot-noo siya. "Bakit ka umaray?" tanong niya.
Naging mailap ang mga mata nito. "W-wala ate." Sagot nito sabay iwas ng braso nito sa kanya.
"Anong wala?"
Lumakas ang kutob ni Myca. Puwersahan niyang hinila ito palapit sa kanya at saka ipilit niyang tinaas ang manggas ng suot nitong blouse. Tumambad sa mga mata niya ang malaki at nangingitim na pasa sa braso nito.
"Anong nangyari dito sa braso mo?" puno ng pag-aalalang tanong niya.
Hindi ito sumagot, bagkus ay tahimik na lumuha.
"Misty, sagutin mo ang tinatanong ko. Anong nagyari sa braso mo? Sinasaktan ka ba ni Mommy?" sunod-sunod na tanong niya.
Marahan itong tumango. Nais niyang panghinaan ng mga sandaling iyon. Bakit pati ang kapatid niya? Walang kinalaman si Misty sa mga nangyari. Wala itong kasalanan sa nangyari. Umahon ang galit sa dibdib niya. Walang salita na sumugod siya sa loob ng bahay. Ngunit napalitan ng pagtataka ang galit niyang nang pagpasok niya sa loob ay halos wala nang laman ang sala nila. Wala na ang LCD TV nila. Ang mamahalin at antique jars. Their house is almost empty.
"Nasaan na ang mga gamit natin?" tanong ulit niya.
Pinunasan muna ni Misty ang pisngi bago siya hinarap. "Binenta nang lahat ni Mommy. Pinang-casino n'ya." Sumbong ng kapatid.
Napapikit siya at natutop ang noo. Anong nangyari sa Mommy niya? Siya ba ang may kasalanan lahat ng ito?
Hindi pa siya nakakabawi sa lahat ng rebelasyon nang magulat na lang siya at may nabasag sa harapan niya mula sa itaas.
Pagtingala niya ay naroon nakatayo sa puno ng hagdanan ang Mommy niya. Gusto niyang maawa dito dahil sa hitsura nito. Namayat ito ng husto, tila namumutla ang balat nito. May hawak itong sigarilyo sa isang kamay nito. Kailan pa natutong manigarilyo ang Mommy niya?
"Mommy," usal niya.
"Anong ginagawa mo dito?" may bahid ng galit na tanong nito.
Napaatras sila nang muli itong magbagsak ng jar galing sa mga nakadisplay sa gilid ng hagdan.
"Lumayas ka! Hindi kita kailangan dito!"
"Kukunin ko na si Misty, Mommy!" puno ng determinasyon na sagot niya sa Ina.
"Bakit mo siya kukunin? Hindi puwede! Dito lang siya! Walang mag-aasikaso sa akin!" sigaw nito.
"Hindi mo siya alila, Mommy. Anak mo siya. Anak mo kami. Bakit mo kami ginaganito? Si Misty, bakit mo siya sinasaktan?" may galit na sunod-sunod na tanong niya.
Mabilis itong bumaba sa hagdan saka siya sinugod ng sunod-sunod na sampal sa mukha at sa kung saan man tumama ang mga palad nito.
"Mommy! Tama na!" awat ni Misty dito.
Tiniis lahat ni Myca ang sakit at hapdi ng malakas na pagdapo ng mga palad ng Ina sa kanya. Matitiis niyang lahat, huwag lang nitong saktan ang kapatid niya.
"Umalis ka dito! Walanghiya ka! Hindi kita anak!"
"Tama na!" sigaw ni Misty sabay tulak ng malakas sa Mommy nila. Napaupo ito sa sahig. Galit na tiningnan nito ang una.
"Pati itong kapatid mo natuto nang lumaban sa akin ng dahil sa'yo!"
"Walang kasalanan si Ate, Mommy! Sumosobra na kayo!" umiiyak na wika ni Misty.
"Anong wala? Siya ang dahilan kung bakit namatay ang Daddy n'yo!" histerya nito.
"Hindi ko ginustong maaksidente kami. Ilang beses ko na bang kailangan ipaulit-ulit 'yan sa inyo." Lumuluhang tugon niya.
"Ikaw ang may kasalanan kung bakit ako nagkaganito! Kung bakit nasira ang pamilya ko! Sana ikaw na lang ang namatay!" sigaw ng Mommy niya.
Parang bombang sumabog iyon sa kanyang pandinig. Naglandas lalo ang mga luha sa kanyang mga mata. Iyon na yata ang pinakamasakit na salitang narinig niya mula sa Ina. Her mother just wished her dead.
"Oo nga. Sana nga. Sana nga ako na lang ang namatay. Dahil baka mas natanggap n'yo pa na wala ako kaysa ang Daddy. Sabagay, ampon n'yo lang naman ako, 'di ba?" Umiiyak niyang wika. Natahimik ang Mommy niya. Tumayo ito saka diretsong naglakad papunta sa kusina.
Binalingan niya ang kapatid. "Kung sasama ka sa akin. Ihanda mo na ang mga gamit mo. Babalikan kita, hindi ko kayang magtagal dito." Aniya. Hindi na hinintay pang sumagot si Misty. Basta na lang siya lumabas ng bahay.
Tila lutang ang utak nang lumabas siya ng bahay. Parang tape recorder na nagre-rewind sa utak niya ang sinabi ng Ina. Hiniling nito na sana'y siya na lang ang namatay. Kung ganoon, hindi siya mahal ng kanyang Ina. Sabagay, paano siya mamahalin nito? Gayong hindi naman talaga siya tunay na anak nito. Inampon lamang siya ng Daddy niya noong pitong taon gulang pa lamang siya. Natatandaan pa niya, ayaw ng Mommy niya na ampunin siya. Pero nanindigan ang Ama. Palibahasa'y alam nito na wala siyang mapupuntahan pa.
Ang tunay niyang mga magulang ay ayon dito'y namatay sa isang sunog sa Nueva Ecija kung saan siya pinanganak. Kaibigan daw ng Daddy niya ang Tatay niya. Kaya't ito na ang kumupkop sa kanya.
Wala sa sariling umupo siya sa gilid ng daan. Bigla ay nakaramdam siya ng panghihina. Bigla ay tila napagod siya.
Sana ikaw na lang ang namatay!
Umalingawngaw ang mga salitang iyon sa tenga niya. Tumungo siya saka niya binuhos ang lahat ng sakit at sama ng loob sa puso niya ay nananahan. Alam ng Diyos na hindi niya ginusto ang aksidente. Sino bang anak ang nais na mawalan ng magulang?
Kung hindi lang kasalanan sa Diyos, baka hiniling na niya na sana'y siya na lang ang nawala. Kaysa ganoon na siya nga ang nakaligtas, pero mas masahol pa sa patay ang pakiramdam niya. Habang buhay nang nakakabit sa pagkatao niya ang pangyayaring hindi rin naman niya ginusto.
Hindi niya namalayan kung gaano na siya katagal na naroon na nakaupo sa gilid ng daan at tahimik na umiiyak. Kung hindi pa niya naramdaman na may tila lamok na kumakagat sa kanya kanina pa ay hindi pa siya tatayo sa kinauupuan niya. Nabaling ang atensiyon niya nang marinig niyang mag-ring ang cellphone niya.
Tumikhim siya bago sinagot iyon.
"Hello,"
"Hi, Kumusta ka na?"
Napangiti siya nang marinig ang baritonong tinig ni Ken sa kabilang linya. Na-miss niya ito. It's been two days since she last saw him. Ang alam niya ay busy ito sa mga gawain nito sa ospital.
"Okay lang. Ikaw?"
"Okay lang din. I'm on a medical mission. Isasama sana kita kaso delikado dito. Mataas ang Dengue Outbreak dito sa kinaroroonan ko ngayon." Anito.
"It's okay. Nandito naman ako sa bahay namin. Sinusundo ko ang kapatid ko."
"I hope you're okay."
Ramdam niya ang pakikisimpatya nito sa kanya.
"I'm trying to be okay," sagot niya.
"Gusto ko tuloy puntahan ka. Baka saktan ka lang ng Mommy mo."
Muli ay nangilid ang mga luha niya. Kung nalalaman lang nito na namamanhid pa rin ang mga pisngi niya at ibang parte ng katawan niya dahil sa hampas ng Mommy niya. Malamang ay mapasugod ito. Pero ayaw niyang mag-alala pa ito. Kaya mas pinili niyang ilihim dito ang nangyari.
"No. I'm okay. Hindi na lang kami nagpasinan. Besides, mas importante ang medical mission mo kaysa sa personal kong problema. Ako nang bahala doon." Pagsisinungaling niya.
"Okay. Sabi mo eh. But if you need anything, just give me a call. Promise me."
"I promise." She answered with a smile.
"I have to go," ani Ken.
"Okay. Ingat ka diyan." Bilin pa niya.
Narinig niyang tumawa ito. "Ang sarap naman pakinggan no'n. Partida hindi mo pa ako sinasagot n'yan."
Natawa na rin siya. "Siraulo, sige na. Bye na."
"Bye. Take care, my Barbie."
Hindi na siya sumagot pa. Pinindot na niya ang end call button. Baka kasi hindi niya mapigilan ang sarili at kung ano pang masabi niya dito.
Mayamaya ay nakatanggap siya ng text message galing sa kay Misty. Nakahanda na daw ang gamit nito. Agad siyang naglakad pabalik sa bahay nila at habang naglalakad bigla ay parang bumigat ang pakiramdam niya. Parang bigla ay lalagnatin siya. Sumakit bigla ang ulo niya.
Pumikit siya sandali, para kahit paano ay makondinsyon ang sarili. Baka pagod lang iyon at stress emotionally. Hindi siya puwedeng magkasakit ngayon. Kailangan pa niyang balikan si Misty. Kailangan pa niyang mailayo ang kapatid niya.
NAPUNO NG habag ang puso ni Ken, matapos niyang makita ang kaawa-awang kalagayan ng mga batang tinamaan ng dengue. Halos hinang-hina na ang mga ito. Ang iba ay pinatakbo na nila sa ospital, sakay ng ibang ambulansyang kasama nila. Bukod sa dengue, pangunahing problema din sa Sitio Galili ang malnutrisyon.
Nanlulumo si Ken habang pinagmamasdan ang mga nakapilang mga pasyente. Kung may magagawa lang siya para sa mga ito. Mayamaya ay nilapitan siya ng Ama niya.
"Hijo,"
"Dad."
"Make sure you'll give the proper medication for them. Lalo na sa mga walang pera pampagamot. These people need our help."
Tumango siya. "Yeah, I agree. Nakakaawa sila. I'll do everything that I can."
Hindi pa nagtatagal ang pag-uusap nilang mag-ama nang may pumaradang taxi sa may harapan nila. Naroon kasi sila nag-set up sa may plaza ng naturang lugar. Mayamaya ay bumaba ang isang babae na nasa tantiya niya ay nasa seventeen pa lang ang edad. At para bang pamilyar sa kanya ito. Parang nakita na niya ito kung saan. Isang nag-aalalang mukha nito ang lumapit sa kanila.
"Doctor po ba kayo? Tulungan n'yo po ako!" anito na bakas ang takot sa mukha.
"Oo, bakit? Anong nangyari sa'yo?" tanong niya.
"Hindi po ako, 'yung Ate ko." Anito. "Nasa loob po siya ng taxi."
Agad nilang sinaklolohan ang Ate ng babaeng humingi ng tulong sa kanya. At ganoon na lang ang naramdaman niyang takot ng makita kung sino ang tinutukoy nitong Ate.
"Myca?" paniniguro pa nito.
"Kilala mo si Ate?"
Nilingon niya ang kapatid ni Myca. Kung ganoon ito si Misty, ang lumapit sa kanila ni Myca sa bookstore. Muli niyang binaling ang atensiyon kay Myca. Wala itong malay, ngunit may butil butil na pawis ito sa noo. Mabilis din ang paghinga nito. Sinalat ng palad niya ang leeg at noo nito. Ganoon na lang ang pag-aalalang umahon sa kanyang dibdib. Napakainit ng temperatura ng katawan nito. Kung hindi siya nagkakamali, baka malapit nang mag-kuwarenta ang temperatura nito.
"Doc, ano pong nangyayari sa Ate ko?"
"Teka, anong ginagawa n'yo ba dito? Hindi n'yo ba alam na delikado ang lugar na ito. Mataas ang dengue cases dito."
"Taga-rito talaga kami, Doc. Pinuntahan ako ni Ate Myca dito eh. Sinundo niya ako." ani Misty.
Muli niyang nilingon si Myca. Nagsisimula na rin may lumabas na pulang rashes sa braso nito. Napamura si Ken. Maaaring dengue ang sakit na dumapo kay Myca. Agad niya itong binuhat palabas ng taxi saka dinala sa isang stretcher.
"Myca, wake up." Bulong niya dito habang tinatapik ang pisngi nito.
Agad niyang tinawag ang doctor at ilang nurses para asikasuhin si Myca. Bago pa siya tuluyang makalayo kay Myca, napansin niya ang pamumula ng mga pisngi nito at ang ilang latay sa leeg.
"Bakit may mga latay ang Ate mo?" nagtatakang tanong ni Ken kay Misty. "Gaano katagal na siyang ganito?"
"Sinaktan siya ni Mommy kanina. Mga dalawang oras na ang nakakalipas simula nang dumaing siya na masama ang pakiramdam niya Nasa taxi na kami nang mamalayan kong mataas na ang lagnat niya."
Napapikit siya saka naihilamos ang kamay sa mukha niya. Bakit ba ganoon na lang kalupit ang Ina nito?
"Doc, her nose is bleeding. Dumadami rin ang rashes sa katawan niya. Kailangan na siyang dalhin sa ospital. It might be Dengue Hemorrhagic Fever." Anang isa pang doctor. "Her platelet count is starting to drop."
Walang salitang pinangko niya si Myca.
"Misty, sumakay ka sa kotse ko. Kailangan natin dalhin sa ospital ang Ate mo."
Halos paliparin niya ang kotse. Maya't maya ay hinihipo niya ang noo ni Myca. Mukhang pataas ng pataas ang lagnat nito. Kailangan niyang makarating agad sa ospital bago mahuli ang lahat. Hindi puwedeng may mangyaring masama kay Myca. Hindi maaari. Hindi siya papayag. Hindi niya hahayaan na mawala ang babaeng pinakamamahal niya.