Kakaiba ang ngiti na nakapaskil sa mukha ni Ina. Nagsasayaw ito at kumakanta ng walang liriko at may tonong pambata. Ang pokus ng kaniyang mata ay sa niluluto niyang gulay. Inaamoy-amoy ang aroma. Hindi alintana ang mapulang sabaw at nakakadiri nitong itsura. Masaya siyang hinahain ito sa mesa.
“Anak, kain na,” aniya habang pasayaw sayaw.
Pagkuwa’y lumingon sa dalawang tao na nakagapos sa upuan. Binuhusan niya ng tubig ang mukha ng mga ito. Sabay na napasinghap si Maria at Ben bago nagmulat ng mga mata. Bumungad sa kanila ang nakangising mukha ni Ina. Hindi na napigilan ni Maria na tumili at sumubok na kumawala sa pagkakatali.
“Shhh,” anito habang nakatapat ang hintuturo sa kaniyang bibig. “Kumakain ang aking anak, huwag kang maingay,” dagdag niya.
Napalingon siya sa gawing itinuturo ni Ina. Naroon ang lamesa at mga upuan ngunit wala namang taong naroon. O anino man lang ng anak na tinutukoy niya. Ang nagpagulantang lamang kay Maria ay ang ulo na nakalagay sa isang pinggan. Mukhang niluto ito at may mga sahog pa. Ngunit kilalang kilala niya ang may-ari ng ulong iyon. Hindi siya pwedeng magkamali.
“Ate Joyce…” sambit niya na may kasamang pagtangis.
Mas lalong bumibigat ang loob niya sa tuwing naaalala ang sinapit ng mga kaibigan.
“Pakawalan mo kami! Pakawalan mo kami!” galit niyang sigaw habang nagpupumiglas.
“Shh!” pag-uulit ni Ina na galit na rin ang tono ng boses.
Kinuha niya ang kutsilyo na nakalatag sa lamesa at itinutok ito sa kaniya. Nanlaki ang mata ni Maria at napapikit sa takot.
“A-anong g-gagawin mo sa amin?” nauutal niyang sambit.
“Shhh!” muli nitong saad.
Kumunot ang noo nito habang nakatitig sa kanila. Napatahimik si Maria sapagkat mukhang hindi natutuwa si Ina sa kaniyang mga hinaing.
“Shhh!” muli nitong saad ngunit ngayon ay mas nakakatakot pakinggan, tila nagbabanta.
Sa sumunod na tanong ni Ina ay biglang humina ang kaniyang boses at naging nakakatakot, “Kamusta ang nasa sinapupunan mo?”
Hindi sumagot si Maria sapagkat hindi niya ito narinig ng maayos. Inulit ulit ito ni Ina upang mas maintindihan.
“Kamusta ang nasa sinapupunan mo?”
Nanlaki ang mata ni Maria sa gulat. Hindi niya inaasahan ang tanong na iyon. Napayuko siya at napatitig sa kaniyang tiyan. Iyon marahil ang dahilan kung bakit ito nanakit kanina.
“P-pa-paano mo n-nalaman?” lumuluha niyang saad.
Hindi siya makatingin ng diretso kay Ben na kanina pa tahimik. Hindi niya mabasa kung ano ang nasa isip nito. Ngunit ang kahulugan ng tanong ni Ina ay isang katotohanan. Subalit isa ring malalim na lihim. Nakakapagtaka kung paano iyon nalaman ni Ina sa ilang araw pa lamang nilang nakikilala. Ngunit hindi napansin ng mga kaibigan niya na nakasama sa loob ng mahabang panahon, o baka naman nagpapanggap lang ang mga ito na walang alam. Wala siyang ideya, at ngayon ay nabunyag na nga. Buntis siya.
Hindi naman sumagot ang ginang sa tanong ni Maria. Bagkus ay naglakad lamang ito palapit sa kaniya. Bigla siyang kinabahan.
“’W-wag kang l-lalapit!”
Ngunit nagpatuloy lamang ito. Mariin niyang pinikit ang dalawang mata sa pag-aakalang sasaktan siya ni Ina. Nagtaka naman siya dahil wala namang kahit anong bagay na dumapi sa balat niya. Naramdaman niya na lamang na binubuhat siya paikot.
“Gising na pala ang kaibigan mo.”
Doon niya lamang minulat ang mga mata. Mas malakas pa ang nagawa niyang tili kumpara kanina dahil sa nakita.
“Maria, anong nangyayari?” hindi mapakali sa upuan si Ben sapagkat hindi niya makita kung ano ang nasaksihan ni Maria.
Nasasaktan si Maria na makita sa ganoong kalagayan ang kaibigan niyang si Jessa. Wala na ngang mga mata, may busal pa ito sa bibig at nakatakip ang dalawang tenga. Ngunit malaya ang kamay at paa niya hindi katulad nilang nakagapos sa upuan. Gumagalaw ang ulo niya at mukhang nakikiramdam kung ano ang nangyayari sa paligid. Mistulang pinaparamdam sa kaniya kung ano ang buhay ng pagiging isang bulag, pipi, at bingi.
Hindi niya maiwasan na hindi sisihin ang sarili, kung hindi lamang sana nanakit ang tiyan niya ay nakatakbo at nakatakas na silang lahat.
“Kadalasan tayo ay nabubulag sa mga masasamang bagay na nangyayari sa mundo. Nilalamon tayo ng matinding galit sa puso. Pagkatapos ay laging bibig ang inuuna nating gamitin kaysa sa utak. Puro satsat at puro salita. Hindi tayo natututong makinig sa ating kapwa. Nagbibingi-bingihan tayo para makatakas sa problema.”
Hindi nila alam kung para saan ang mga sinasabi ni Ina. Himalang taimtim silang nakikinig sa sinasabi nito. At nag-aabang rin sa hakbang na gagawin ni Ina. Walang katapusang takot ang dulot nito.
Lalo na no’ng tumayo si Jessa, paika-ika pa ito kung maglakad. May mga pako na nakapalibot sa upuan ni Jessa samantalang sa dakong papunta sa direksyon ni Maria ay puno ng mga blade na kasing laki ng hintuturo. At hindi niya nakikita ang mga iyon kung kaya’t maaari siyang mapahamak.
“Jessa huwag! Lumayo ka dyan Jessa!” hiyaw ni Maria.
Kahit anong sigaw niya ay hindi siya naririnig ni Jessa. Kaya bigo siyang mailigtas ang kaibigan.
Nagpatuloy ito sa paglalakad, kaya pigil-hininga si Maria.
“Maria? Maria, sagutin mo ako! Anong nangyayari dyan?” natatarantang tanong ni Ben.
Hindi niya magawang sagutin si Ben dahil nakatuon lamang kay Jessa ang atensiyon niya. Sinubukan niyang kumawala ngunit hindi niya talaga magawa. Hindi niya matulungan si Jessa, at naiinis siya sa posibilidad na ito.
“Maria, anong nangyayari kay Jessa…” pati si Ben ay pumipiyok na ang boses. Mukhang may kutob na ang binata sa kung ano ang nangyayari.
Naapakan ni Jessa ang mga pako, awtomatikong napalundag siya ngunit nawalan ng balanse. Bumagsak rin ang katawan niya rito. Mula sa kinaroroonan ni Maria ay narinig niya ang pag-ungol nito sa sakit. Dumudugo ang mga paa at braso niya. Pinilit ni Jessa na bumangon at ialis ang katawan sa pagkakabaon sa mga pako. Gumapang ito papunta sa dating kinalalagyan. Hindi niya na nagawang tumayo muli. Nanlaki naman ang mata ng saksi na si Maria sapagkat patungo si Jessa sa direksyon niya. Nilalapit nito ang tenga sa harap at parang sinusubukan na makarinig.
“No Jessa, nooooo!” sigaw ni Maria.
Kung magpapatuloy ang kaibigan, maaari itong masugatan o mamatay. Sinubukan niyang itaktak ang mga paa sa sahig, ngunit iba ang dating ng mensahe sa kaibigan. Kaya naman hindi na napigilan pa ang mga sumunod na pangyayari. Nahiwa ang kamay at paa nito, at nang bumagsak muli ang katawan ay doon na tuluyang nasugatan. Saksi si Ina at Maria sa pagsirit ng dugo. Magkaiba nga lang ang ekspresyon ng mga mukha nila. Gulat, takot, at lungkot ang mababakas kay Maria. Samantalang mukhang natutuwa pa si Ina at parang wala lang sa kaniya ang brutal na sinapit ng dalaga.
Humahagulgol lang si Maria. Biglang nanakit ang tiyan niya dahil dito. Masyado ng maraming bagay ang gumagambala sa kaniyang isip. Napadaing siya sapagkat hindi niya mahawakan o mahaplos man lang ang nananakit na tiyan. Nag-aalala siya hindi para sa sarili niya kundi sa batang dinadala niya. Natatakot siya. Mas labis na takot ang kaniyang nararamdaman, dahil sangkot na rito ang isang imosenteng buhay.
Dumako ang titig ni Ina sa kaniya, “Kamusta ang nasa sinapupunan mo?”
Inulit ni Ina ang tanong sa kaniya kanina sa parehong tono ng pananalita. Pailing-iling lang si Maria. Masama ang kutob niya. Ipinagdadasal niya lang na sana ay walang mangyaring masama sa anak niya. Hindi niya kakayanin.
“Sisirain lang niyan ang buhay niyo,” dagdag pa ni Ina.
“Please maawa ka sa baby namin,” pagmamakaawa ni Maria habang humihikbi.
Nanahimik si Ina sa kaniyang tugon, tila nanigas sa kinatatayuan. Biglang may mga boses siyang naririnig sa paligid, tila isang alaala.
“Please, maawa ka sa baby ko. Huwag mong gawin ‘to, anak mo ‘ko. Patawarin mo na ako, nakikiusap ako. Huwag ang baby!”
“Nag-isip isip ka muna sana bago ka nagpabuntis ng maaga! Isa kang kahihiyan!”
“Ako na lang, huwag ang baby ko!”
“Hindi, maging leksyon ito sayo Lilith! Sinuway mo kami!”
Magulo ang mga salitang iyon, sabay sabay niya itong naririnig. Nakaramdam siya ng p*******t ng ulo. Pagkuwa’y tumawa siya ng malakas. Muli siyang humarap kay Maria.
“Alam mo, nakikita ko ang sarili ko sa’yo,” aniya.
Napaangat ng tingin si Maria dahil sa sinabi ni Ina.
“Iiwan ka lang ng lalaking ‘yan," pasaring na sambit nito.
“Hindi totoo ‘yan," pagtanggi ni Maria. "Mahal ko siya."
Kahit kailan, hinding hindi siya maniniwala na hindi siya mahal ni Ben. Hindi niya kaya. Ngunit wala siyang narinig na tugon mula sa lalaking nasa gilid niya at nakatalikod sa gawi niya. Nakaramdam siya ng dismaya, kahit alam niyang kasalanan niya ang lahat. Siya ang nagsimula ng alitan nilang dalawa. Dahil duwag siya, natatakot siya sa kahihinatnan ng lahat.
“Isa ‘yang pagkakamali. Nagiging delusiyonal ang tao sa pag-ibig,” muli ay sabi niya, may bahid ng lungkot ang pananalita.
Parehong magulo ang isip ng dalawa. Ang lihim na ito ang kanina’y pinagtatalunan lamang nila. Ngunit ngayon, kailangan nilang sabay na harapin ang problema. Kailangan mas matatag at matibay ang loob nila tulad ng isang kalabaw. Kailangan nilang magkasundo at pagtibayin ang pag-ibig na namamagitan sa kanilang dalawa. Sila na lang ang natitirang buhay, at dapat lumaban sila ng magkasama. Iyon ay kung gusto pa nilang mabuhay ang munting sanggol na nasa tiyan ni Maria.