KABANATA XVI: Pagtutugma

1225 Words
1995 | Nakaaran | Maganda ang panahon ng araw na iyon, maliwanag ang kalangitan. Mahangin at hindi mainit sa katawan. Alas tres ng hapon sa loob ng Commune Coffee Shop and Bar na matatagpuan sa Makati Manila nagkita-kita ang mga grupo ng manunulat. Maraming pagkain at inumin, maganda ang tanawin, at mababait ang mga tao. Ang pangalawang palapag nito ay ginagamit sa mga event, workshops, parties, at minsan ay mga spoken word poetry at musikal na pagtatanghal. Ito ay talagang perpekto para sa mga mahihilig sa sining, tula, musika, libro, cinema, at iba pa. Dito rin kadalasan nagtatagpo ang mga umiibig at sawi sa pag-ibig. Nauna naghihintay roon si Joyce kasama si Ben. Sila naman ang nagplano ng kanilang pagkikita-kita kaya sila na rin ang naunang dumating. Nag-order na sila ng Espresso habang hinihintay ang iba pa. Si Joyce ay naka-pink tank top at denim jeans na bumabagay sa ash gray nitong buhok. Si Ben naman ay naka light blue na polo at black jeans. Pinagtitinginan siya ng ilang babae roon dahil ngunit sanay na siya. “I can’t wait to meet them,” sabik na saad ni Joyce. “Tingin ko mabilis natin silang makakasundo,” turan ni Ben. Ilang minuto lang ay dumating na rin si Lyca na naka-white top at brown na long fitted skirt, bagay na bagay iyon sa kaniya. Nakangiti niyang sinalubong ang dalawa. Halos kasunod niya lamang sina Jessa, Jericho at Maria. Simple lang ang suot ni Jericho, samantalang si Jessa ay naka-all black na fitted top at skirt. Maganda ang porma nito na tila aattend sa isang photoshoot. Ngunit ang mala-gatas na puti ni Maria at ang itim na itim niyang mahabang buhok ang agaw atensyon sa karamihan, bagay sa suot nitong pulang bestida. “Finally!” bulalas ni Joyce nang matanaw ang mga ito. Nagsiupuan na sa mga puwesto ang mga bagong dating. Nang makompleto na ay nagpakilala sila sa isa’t-isa. Bukod sa kanilang mga pangalan, sinabi nila ang mga genre na sinusulat nila at kaunting bagay tungkol sa kanila katulad ng edad, tirahan, at mga hilig gawin. Umorder na rin sila ulit ng pagkain at inumin. Nag-picture muna sila upang maging remembrance sa araw na iyon. “Grabe, nahiya ako sa puti ni Maria!” ani Joyce. Natawa naman silang lahat maging si Maria. “Anong sikreto?” biro naman ni Jericho na siyang pinaka-kayumanggi sa kanila. “Maligo ka ng gatas,” sambit ni Maria. Nagtawanan naman ito, lingid sa kanilang kaalaman na ito ang tunay na gawain ni Maria. Ngunit ilan sa kanila ay talagang hindi naniniwala sapagkat magastos ang bagay na iyon. Sumapit ang alas siyete ng gabi, narito pa rin sila. Marami na silang napagkwentuhan, kabilang roon ang tungkol sa pagsusulat at sa mga paborito nilang libro. Pagkatapos ay lumipat sila sa taas upang makisali sa gaganaping Spoken Word Poetry performance. Isa sa mga kalahok si Maria, may nakahanda na siyang pyesa. Siya ang pinakabago sa grupo kung kaya’t kinakailangan na mas mahasa ang kaniyang kakayahan. Siya rin ay mahilig sa mga tula at spoken word poetry kaya kasama iyon sa plano ni Joyce at Ben na rito sila magkita-kita. Ang tema ngayong gabi ay patungkol sa pag-ibig. Bago si Maria ay nakinig muna sila sa ibang tutula. Ang unang magtatanghal ay babae, lahat ay nakikinig ng mabuti sa kaniya. May kasabay na musika ang kanilang pagtula upang mas makuha nila ang atensyon ng mga tagapakinig at mas mabigyan ng emosyon ang kanilang mga pyesa. “Sana maaari. Sana maaari na ang pagtaboy ko sayo’y hindi pagkukunwari. Sana maaari na hindi na kailangang pigilan pa ang mga ngiti, kaso kahit anong mangyari ay talagang hindi,” aniya. Isa ito sa mga linyang nagbigay ng sagot sa mga tagapakinig. “Sana hindi posas kun’di rosas ang aking natatanggap. Ngunit mahigpit ang mga posas at ang rosas ay nalalagas. At sa paglipas ng mga oras, ang pag ibig mo sa’kin na wagas sana ay hindi magwakas,” muling dagdag niya sa mas mabilis at emosyonal na pagkakabigkas. “Tulad ng panahon na kailangan mong hintayin. Baka hindi mo rin kayanin at ako’y iwan din,” pagtatapos nito sa malungkot na paraan. Nagpalakpakan ang lahat pagkatapos, maging sa susunod na magtatanghal. Ang sumunod naman ay lalaki at may malungkot rin na tema. “Ikaw iyong nakaraan na hindi ko ibabaon sa limot. Ikaw iyong lumang pahina na hindi ko pupunitin. Bagkus, ikaw iyong kwentong paulit-ulit kong isusulat. Hindi pagkakamali ang makilala ka. Hindi pagkakamali ang ngitian mo ako at makaramdam ako ng kakaiba. Hindi pagkakamali ang hinayaan kong malunod ang aking sarili sa iyong mga mata. Hindi pagkakamali ang inibig mo ako at inibig din kita,” pagsasalaysay nito na talaga namang tagos sa puso. Bitin na bitin ang bawat isa sa mga susunod nitong sasabihin. At iyon na nga, lahat ay hinihintay na pinakahuling kataga. “Alam mo kung ano? Pagkakamali ang binangga tayo ng reyalidad at hindi sinaklolo ng tadhana. Pagkakamaling hindi tayo tinadhana.” “Aww…” sabay sabay na reaksiyon ng mga tagapakinig. Si Maria na ang susunod, at pagtawag ng kaniyang pangalan ay nagpalakpakan ang mga kasama. Kinakabahan siya sapagkat ito ang unang beses na magtatanghal siya sa harap ng marami. Huminga siya ng malalim bago bigkasan ang unang kataga. Manghang nakatingin sa kaniya ang mga tagapakinig. Isa na roon si Ben, pumukaw sa atensiyon nito ang kaniyang pyesa at galing sa pagtutula. “Natatakot ako. Wala nang bago d’on. Dahil buong buhay ko’y takot ako. Takot akong gawin ang mga bagay na gusto ko. Natataranta. Nababaliw. Hindi alam ang gagawin ko. Paano na lang kung marinig mo ‘to? Ayoko. Baka may magbago,” pagbigkas niya na nagpapakita ng kahusayan. Kitang kita kay Maria na gustong gusto niya ang kaniyang ginagawa. Maayos ang kaniyang mga gestures at emotion. Tugma rin ang tugtog na sumasabay sa bawat salita. Maganda ang daloy ng bawat pangungusap, at tulad ng mga nauna, nadadala rin ang mga tagapakinig sa emosyong pinapakita niya. “Paano pala kung wala sa mga tumatakbo sa isip ko ang iyong tunay na intensyon? Paano kung mali ako ng interpretasyon? Sa paraan ng paggamit mo ng letra, ng kuwit, ng bantas, natatakot akong gumamit ka ng tuldok sapagkat ayoko pa itong magwakas. Pakiusap. Kailangan mong intindihin ang bawat pangungusap, o huwag mo na lang sanang pakinggan.” Hindi niya maintindihan kung bakit nang mga sandaling iyon ay napalingon siya kay Ben na tila ito ang pinatutukuyan niya kahit hindi naman. Nakatitig ito ng mabuti sa kaniya, may kislap ang mga mata. Ngumiti ito nang mapansin na sa kaniya siya nakatingin, kaya napaiwas bigla ng tingin si Maria. “Hanggang ngayon, takot pa rin akong gawin ang mga bagay na gusto ko. At ito ang pinakamatinding takot na naramdaman ko, ang tuluyang mahulog sa’yo,” sambit niya habang ang mga mata ay kumikislap. Labis ang kasiyahang nadarama niya ngayon, ito ang pangarap niya. “Ohhh…” muling sabay sabay na reaksiyon ng mga tagapakinig. Lumipat si Ben sa kinauupan at tumabi kay Maria. Ginulo niya ang buhok nito dahilan upang mamula ang huli. Ngumiti sila sa isa’t-isa. “Ang galing mo,” aniya. “Salamat,” sagot nito. Pagkatapos ng pagtatanghal at pagpapakitang gilas ng mga talento sa pagtula ay may dalawang puso rin na nagtugma ng mga oras na iyon. Para sa lahat, ito ay isang alaalang hindi nila malilimutan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD