Lumipas na ang isang linggo na wala pa din sa opisina si Sir. Aminin ko man o hindi pero sobrang naminiss ko na talaga siya. Gustong-gusto ko ng makita ang mukha niya pati ang mga ngiti niya.
Mag-aalas nuebe na ng umaga nang makarating na ako sa opisina. Pagbukas ko ng office ni sir ay nagulat ako dahil naroon na siya nakaupo at abala sa binabasa niya sa mga folders na nasa table niya.
Napatingin siya sa akin, pero ang mukha niya ay walang buhay.
"Ssirr nandito na po pala kayo." nauutal ko pang sabi
Tumango lamang siya sa akin at muling ibinalik ang tuon niya sa kanyang ginagawa.
Nakaramdam ulit ako ng lungkot. Bakit ganito pa din kalamig ang pakikitungo niya sa akin.
"Gusto niyo po ng kape?" muli kong sabi sa kanya.
"Sige." sagot lang niya sa akin na hindi man lang ako nililingunan.
Lumabas ako ng kanyang office para ipagtimpla siya ng kanyang kape.
Muli ay pumasok ako sa opisina niya at may dala-dala ng kape. Inilapag ko iyon sa kanyang table. Huminga muna ako ng malalim bago muli siyang kausapin.
"Sir, ilang araw na kayong tinatanong ni Mr. Chua."
"Ako na ang bahala doon, thank you." sagot lang niya sa akin.
Parang gusto ko ng maiyak dahil sa pakikitungo niya sa akin.
Muli ay naupo lang ako sa sofa habang maghihintay sa susunod niyang ipag-uutos.
"Hello babe." malakas niyang sabi kaya naman napatingin ako sa kinaroroonan niya. Napatingin din siya sa akin pero kaagad ding umiwas. Tumayo siya at lumabas ng office.
Hindi ako pweding magkamali, yung pinakamamahal niyang girlfriend iyon.
Gusto na talagang pumatak ng mga luha ko ng mga oras na iyon kaya lang ay pinipigilan ko dahil ayokong makita niya ako sa ganoong sitwasyon.
Ilang sandali lamang ay muli siyang pumasok sa loob. Napatingin ako sa kanya at ganoon din siya sa akin. At muli ay nag-iwas na naman siya ng tingin at dumeretso na sa kinauupuan niya.
Mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ko at bigla akong tumayo at lumapit sa kinaroroonan niya. Ewan ko ba kung saan ako kumuha ng lakas ng loob para muli siyang lapitan at nasabi...
"Sir, may nagawa po ba akong mali?" bigla siyang napatigil sa ginagawa niya at hinarapan ako.
"What do you mean?" seryoso niyang tanong sa akin.
"Para kasing iniiwasan niyo ako."
"Why? Ano ba dapat ang pakikitungo ko sa iyo? As far I know, empleyado kita, am I treating you wrong?"
Parang tinusok ng libo-libo ang aking dibdib. Bakit parang ang sakit para sa akin ang sinabi niya kahit na iyon ang totoo. Tama siya, empleyado lang niya ako, iyon lang.
"Sorry po, sir. Lalabas lang po ako, kung may uutos po kayo nasa labas lang po ako." pilit kong pinipigilan ang mga luha ko dahil ramdam ko na pag pumikit ako ay kusang malalaglag ang mga luha ko.
Hindi ko na siya hinintay pang sumagot o baka wala din naman siyang sasabihin sa akin basta ang alam ko lang ay dapat akong lumayo sa kanya.
Pumasok ako sa comfort room at doon ko binuhos ang mga luha ko.
"Ang tanga tanga mo Isay. Ano ang iniyak-iyak mo? Eh ano naman kung wala siyang pakealam sa iyo? Boss mo siya at empleyado ka lang niya kaya wag kang umarte na parang kayo." iyon ang tumatakbo sa isipan ko habang patuloy lang ang pag-agos ng mga luha ko.
Pinunasan ko ang mga luha ko at naghilamos ng mukha para hindi gaanong maging halata na galing ako sa pag-iyak. Ng makuntento na ako ay kaagad na akong lumabas ng cr.
Nanlaki ang mga mata ko dahil paglabas ko ay kaagad kong nakita si Josh.
"Josh? Anong ginagawa mo dito?"
"Belle, what happen? Bakit ka umiiyak? Okay ka lang ba?"
"Okay lang ako. Bakit ka ba narito? Kakausapin mo ba si Sir Axel? Wait lang tatawagin ko siya."
"Wag na. Hindi naman siya ang pinunta ko dito. Ikaw talaga ang sadya ko."
Bago pa ako makasagot sa kanya ay kaagad na niya akong hinila at dumeretso kami sa elevator.
"Saan tayo pupunta? Hindi ako pweding umalis, may trabaho pa ako."
"Don't worry pinagpaalam na kita kay Axel."
"Pumayag siya?" kuryosidad kong tanong.
"Of course."
Hindi na ako tumutol pa kundi sumama na sa kanya tutal ay pumayag naman pala siya tsaka isa pa ay ayaw ko na din muna sana siya makita dahil baka maiyak na naman ako kapag nakita ko siya.
Sumakay kami pareho sa kanyang sasakyan.
"Saan ba kasi talaga tayo pupunta?" muli kong tanong sa kanya.
"Sa bahay."
"Ano?!" gulat kong tugon sa kanya.
"Bakit?" dagdag ko pa.
"To meet my parents. Iyon naman ang gusto mo diba?"
"Josh, hiwalay na tayo, ano pa ang sense ng pagpapakilala mo sa akin sa kanila? At isa pa, ikakasal ka na kaya mali itong gagawin mo."
"Ikaw ang gusto kong pakasalan, Belle hindi si Elise. Unless ayaw mo na talaga sa akin."
"Mali ito, Josh. Pakasalan mo si Elise."
Tinangka kong buksan ang pinto ng kotse kaya lang ay nilock niya ito.
"Josh, palabasin mo na ako dito. Hindi ako sasama sa iyo."
"Why? Hindi mo na ba talaga ako mahal? Yung boss mo na ba ang gusto mo ngayon? Bakit? Dahil mas mayaman siya sa akin?"
"Ano?"
"Alam ko naman mayaman ang gusto mong mapangasawa dahil gusto mong iahon sa kahirapan ang pamilya mo diba? Ngayong nakakita ka ng mas mayaman kaysa sa akin kaya ayaw mo na. Ganoon na ba talaga kagustong yumaman?"
Sinampal ko siya ng malakas. Sobrang nainis ako sa kanyang mga sinabi.
"Ganyan ba ang tingin mo sa akin, Josh? Alam mo sa ginawa mong itong mas lalo mong pinatunayan sa akin na hindi ka karapat dapat sa akin. Kaya kung pwedi lang, palabasin mo na ako dito."
Ngunit parang hindi siya nakinig sa sinabi ko. Bagkus ay pinaandar pa niya ang kanyang sasakyan. Ngunit hindi pa kami nakakalayo ay nagulat kami pareho dahil may biglang humarang sa kotse. Biglang napapreno si Josh. Tiningnan ko ang tao sa harap at nagulat ako dahil si Sir Axel iyon
Kumatok siya sa bintana ng driver's seat. Lumabas naman si Josh para harapin si Sir Axel. At napahawak na lamang ako sa bibig ko ng makita ko na sinuntok na ni sir si Josh. Lumabas ako sa kotse.
"Sir, tama na po iyan."
Hinawakan ni sir Axel ang mga kamay ko.
"Ano bang problema mo, Axel. Di ba pumayag ka na hiramin ko ang girlfriend ko."
"Girlfriend o ex girlfriend? Ayaw niyang sumama sa iyo kaya wag mo siyang pilitin. Umalis ka na bago pa kita ipakaladkad sa mga security guard."
Wala ng nagawa si Josh kundi sumakay sa kotse niya at pinaandar iyon.
"Are you okay?" napatiingin ako kay sir nang sabihin niya iyon. Bakit kanina parang wala naman siyang pakealam sa akin tapos ngayon halos makipag-away pa siya para maligtas lang ako.
Tumango ako sa kanya. "Salamat po sir. Pero hindi niyo naman po kailangang gawin iyon." sabi ko sa kanya.
"Come on Isabella, I was just passing by at nakita ko na nagtatalo kayo kaya ko iyon ginawa. Wag mong lagyan ng ibang kahulugan ang pagtulong ko sa iyo dahil kahit sino ay gagawin ang ginawa ko."
Sabi niya sabay talikod sa akin at dumeretso sa kanyang sasakyan at pinaandar na iyon.
Isang masaganang luha na naman ang tumutulo sa mga mata ko habang tinitingnan palayo ang kanyang sasakyan.