Nakalabas na din si itay mula sa hospital. Sobrang saya namin dahil mas okay na siya ngayon. Hindi na ako nakasama sa pagsundo kay itay dahil may trabaho pa ako. Ayoko na din kasing lumiban dahil nahihiya ako kay sir at tsaka baka may masabi pa siya sa akin.
Naalala ko ang sabi sa akin ni inay na imbitahan ko daw si sir sa bahay bilang pasasalamat sa pagpapahiram niya ng pera sa amin. Kaso lang ay nahihiya ako na kausapin siya. Pero itatry ko pa din.
Malapit ng matapos ang office hours at naglakas loob akong lapitan siya.
"Sir?" Sabi ko. Nakangiti naman siya sa akin.
"May kailangan ka ba Ms. Marquez?" tanong niya sa akin. Ewan ko ba pero naiilang ako kapag tinatawag niya ako ng ganoon samantalang Isabella naman ang tawag niya sa akin noon.
"May lakad po ba kayo pagkatapos ng trabaho?" lakas loob kong tanong sa kanya.
"Bakit?" tanong niya.
"Iniimbitahan po kayo ni inay sa bahay. Pasasalamat lang po niya sa inyo?"
"Ah? Para saan?"
"Sa pagpapahiram niyo po sa akin ng pera para sa pagpapaopera po kay itay. Nakalimutan niyo na po ba iyon?"
"Ahhhh... Iyon ba. Sure."
"Salamat po, sir."
Uwian na at pumayag din naman na maghapunan sa amin si sir.
"Saan ba banda ang bahay mo?" tanong niya sa akin.
Naguluhan ako bigla. "Ah sir, di ba po alam niyo na address ng bahay ko? Kasi hinatid niyo na ako doon." sabi ko sa kanya.
"Sorry, Ms. Marquez. Sa dami ng trabaho medyo magulo na ang utak ko, kaya nadami na akong nakakalimutan."
"Ganon po ba? Sige po ituturo ko nalang po."
Sinabi ko sa kanya ang address namin at ilang sandali lang ay nakarating din kami doon.
Pagpasok namin sa bahay ay kaagad kaming sinalubong ng kapatid ko.
"Kuya Axel. Mabuti po narito kayo."
"Ahhh, kilala mo ako?"
"Siyempre po. Kayo pa po ba." sagot ni Bugoy.
"Hello po, Good evening." bati ni sir kina inay.
"Magandang gabi din po sa inyo. Kayo po pala ang boss nitong anak ko. Lubos po kaming nagpapasalamat sa tulong niyo sa amin, kaya kahit sa simpleng hapunan lang po ay nakaganti kami. Pagpasensiyahan niyo na din po itong bahay namin dahil maliit lang."
"Naku, wala po iyon. Ayos lang po sa akin. Mas nagppasalamat po ako dahil inimbitahan niyo po ako."
Nagbihis lang ako at nagsimula na kaming kumain. Simple lang ang nasa hapag kainan pero mukhang nagustuhan naman ni sir dahil marami na siyang nakakain. Madalas ko ding mapansin na panay lang siya nakangiti. Hindi tulad ng dati na laging galit at masungit.
Naghugas ako ng pinggan pagkatapos naming kumain.
"Gusto mo tulungan na kita?"
"Naku sir, wag na po. Maupo na lamang po kayo doon."
"Marunong akong maghugas ng pinggan. Wala lang sa itsura."
"Wag na po sir. Kaya ko na po. Tsaka konti lang naman po ito. "
"Sige. Papanoorin nalang kita maghugas."
Hinayahan ko na lamang siya. Sa totoo lang ay naiilang ako dahil hindi ako sanay na may nagmamasid sa akin habang naghuhugas ng pinggan. Panay din ang hawi ko sa buhok kong mahaba dahil nababasa ito.
Nagulat na lamang ako ng bigla niyang hawakan ang buhok ko.
"Dapat nakaponytail ang buhok mo kapag naghuhugas ka ng plato, tingnan mo oh, nababasa na. Baka iyang nga pinggan ay malagyan pa ng nalagas mong buhok.
Sandali akong natigilan. Tinali niya ang buhok ko. Napatingin pa ako sa kanya bago ipagpatuloy ang ginagawa ko.
"Iyan, dapat ganyan." sabi pa niya.
"Salamat, sir."
"Your welcome."
Ilang sandali lang ay natapos na akong maghugas ng pinggan. Pasado alas otso na din iyon ng gabi. Si inay at itay ay nasa kwarto na at nagpapahinga, samantalang si Bugoy ay gumagawa ng assignment. Niyaya ko siya munang maglakad lakad sa labas.
"Thank you sa masarap na dinner." sabi niya sa akin.
"Wala po iyon. Kami po ang dapat magpasalamat dahil pumayag kayo."
"Next time ulit. Ako naman manlilibre. Kain tayo sa labas kasama kapatid mo at mga magulang."
"Naku sir. Wag na po. Nakakahiya."
"Okay lang iyon. Nakakasawa kasi kumain ng mag-isa. By the way, paano mo nga pala nakilala si ate Alexa?" bigla niyang tanong sa akin.
"Hindi niyo na po naaalala?"
"Medyo."
"Nakilala ko po siya dahil sa inyo. Nung gabi na makita ko po kayo na lasing sa daan, akala ko po magpapakamatay kayo. Tinulungan ko po kayo. Si ate Alexa po ang naghatid sa inyo pauwi."
"Ganun pala." tugon niya.
"Yung girlfriend po ba ninyo ang kasama niya nung isang araw?" bigla kong tanong sa kanya. Alam ko nakakahiya ang tanong kong iyon.
Bigla naman siyang napatawa. "You mean, si Pam?" balik niyang tanong sa akin.
Tumango lamang ako.
"Hindi si Pam iyon. She's Halia. Pinsan namin. Magkapatid ang mga dad namin."
"Ganoon po ba? Akala ko po siya ang girlfriend niyo."
"It's okay. Masyado kasi siyang maganda para maging pinsan ko. Pero mas maganda ka." sabi niya sabay ngiti sa akin.
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko ng mga oras na iyon.
"Wag niyo po akong bolahin sir." sabi ko naman
"Mukha ba kitang binobola?"
Patuloy lang kami nagkukwentuhan. Hanggang sa may marinig kami na nagtitinda ng balot.
"Balotttt!"
"Uy balot. Tara bili tayo." yaya niya sa akin.
"Manong, magkano ang balot?" tanong ni sir.
"Kinse po isa." sagot ng tindero.
"Ang mahal naman. Trese lang banda sa amin iyan e. Anyway, bigyan mo kami ng lima."
"Okay po." sagot naman ng nagtitinda.
Kaagad naman siyang nagbayad pagkatapos.
"Salamat, manong."
Pagkaalis ng tindero ay hinarapan niya ako.
"Kumakain ka ba ng ganito?" bigla niyang tanong sa akin.
"Oo naman po."
"Mabuti. Tara kain tayo. Alam mo ba favorite ko itong balot."
"Talaga po?" halos magulat ko pang tanong. Muli ay nagtaka ako dahil nung unang beses kaming pumunta ng park ay sinabi niya na never pa siyang kumain ng balot at sa pangalawang pagkakataon na tinikman niya ay halos magsuka pa siya.
"Oo naman. Hindi naman ako maselan sa pagkain."
Napatango na lamang ako sa kanya. Sa totoo lang ay ilang araw na akong naninibago sa kanya. Parang maraming nagbago sa kanya. Parang iba siya sa dating kilala ko.
Pinagmamasdan ko siya habang kumakain ng balot at talaga naman na hindi siya maarte dahil mukhang nag-eenjoy pa siya tuwing kinakain ito.
"Bakit hindi ka pa kumakain? Ayaw mo ba?" tanong niya sa akin.
"Medyo busog lang po ako, sir."
"Ganun ba? Itabi mo nalang tapos kainin mo nalang pag nagutom ka."
"Sige po."
Mag-aalas dyes na ng gabi ng magpaalam na siya.
"Thank you, Ms. Marquez. Nag-enjoy ako. See you tomorrow."
"See you tomorrow po, sir."