Ang pangahas na halik na iginawad sa kanya ni Timothy ay mabilis na sinuklian ni Enrique. Habang patuloy sila sa paghahalikan, pinutol ito ng magising ang binatang pulis.
's**t! Panaginip lang pala.' saad sa sarili ni Enrique ng matantong panaginip lang ang naging halikan nila ni Timothy.
Kita rin nito ang nakabukas pang laptop, na kasalukuyang nandoon ang kuha ng cctv sa kuwarto ni Timothy. At doon bumalik sa binata, na matapos nitong makapagbihis ay pinag-aralan niya ulit ang kuha ng mga cctv sa ibang bahagi ng mansyon, at ang pinakahuli nga ang panonood nito sa kuha sa kuwarto ng heredero.
'Tinamaan na talaga ako sa kanya, pati sa panaginip siya parin ang laman ng isip ko.' saad sa sarili ng binata, na ang mata'y abala muli sa panonood, sa himbing nang natutulog na heredero.
...
Sa mga sumunod na araw ay pinili ni Enrique na pagtuunan na lamang ang pagpapanggap nito bilang hardinero. Minabuti na rin nitong iwasan na ang mapalapit pa lalo sa herederong amo, dahil batid nitong magiging kumplikado ang lahat, kapag hinayaan nito ang sarili na mahulog sa anak ng taong kailangan niyang mailagay sa loob ng rehas.
...
Kahit papaano'y pansamantalang nakalimutan ni Timothy ang nagawang pag-angkin sa kanya ng lalaki, na malakas ang kutob nitong si Andres ang taong iyon. Nakatulong rin nang nalaman nito kinabukasan, na umalis na pala ng mansyon ang huli.
Sa mga sumunod na araw ay naging tahimik iyon para kay Timothy, wala parin kasi sa mansyon si Violet na madalas na makaaway nito. Bukod dun, pansin rin ng binata na tila ba nag-iba ang pakikitungo sa kanya ng hardinero nilang si Miguel. Ang hindi maintindihan ng binata ay kung bakit mas gugustuhin nito ang dati nilang pag-aasaran ng hardinero, kaysa sa parang hangin na lamang ang presensya niya ngayon para kay Miguel.
...
Hindi manhid si Enrique para hindi mapansin ang madalas na pagtitig sa kanya ng herederong amo, sa tuwing pareho silang nasa hardin. Sa totoo niyan kapag nakatalikod si Timothy, sa pagkakataong namang iyon ay palihim ang hardinero sa pagtingin sa heredero.
"Bakit ang hirap ang iwasan siya." mahinang saad ni Enrique na patuloy parin sa pagtingin kay Timothy.
At bago pa siya mahuli ng heredero sa pagtitig niya rito, muling pinagtuunan na lamang ng pansin ng binata ang pagdidilig sa mga halaman sa malawak na hardin.
...
Matapos madiligan ang mga tanim na mga halaman at mga bulaklak sa sariling hardin sa hapong iyon, naisipan na lamang ni Timothy ang maligo sa pool na malapit lang doon.
Kaya naman matapos itong makabalik sa kuwarto at makapagbihis ng kasuotan para dun, kaagad na itong nagsimula sa paglangoy sa malawak na swimming pool.
Nakatawag ng pansin kay Enrique ang narinig nitong ingay na dulot ng paglangoy ni Timothy, kaya naman muli ay hindi napigil ng binata ang pagmasdan ang heredero na laman ng kanyang isipan sa mga nakalipas na araw.
Habang masayang lumalangoy si Timothy ay napalitan ito ng pagkabahala ng maramdaman nito na bigla na lamang siyang pinulikat, kasabay ng nararamdamang pagkabahala, sunod ay ang dahan-dahang mahirapan rin ito sa paglangoy na naging dahilan ng paglubog nito sa tubig.
Gaya kanina, palihim ang ginagawang pagtingin ni Enrique sa herederong amo na abala ngayon sa paglangoy. Kaya naman ang sayang hatid sa binatang pulis na mapagmasdan ng palihim si Timothy ay mabilis na napalitan ng pag-aalala ng masaksihan rin nito ang tila ba nahihirapang paglangoy ng heredero.
Sa nasaksihan nga ay mabilis at walang pagdadalawang isip ng tumalon sa pool si Enrique, para sagipin ang taong alam niyang hindi na lamang laman ng kanyang isipan, kungdi pati na rin ng kanyang puso.
Mabilis namang naiakay at naiahon sa tubig ni Enrique ang katawan ni Timothy, at dahil sa wala paring malay ang herederong amo, kaagad na rin nitong binigyan ito ng cpr.
"Uhuk! Uhu! Uhu!" ingay na dulot ni Timothy ng mailabas nito ang tubig na pumasok sa kanyang baga.
Tila nabunutan naman ng tinik si Enrique, na sobrang kinabahan sa ilang segundo ng nawalan ng malay si Timothy.
"A-ayos ka na ba? Wala bang masakit sa'yo?" sunod-sunod na tanong ng binatang pulis na labis na nag-alala sa nangyari sa heredero.
"O-okay na ako kuya." sagot ni Timothy na kaagad ring nailang, sa nakitang magkalapit ngayon ang mga mukha nila ng kanilang hardinero. Batid rin ng binata na si Miguel ang tumulong at nagligtas sa kanya sa tuluyang pagkakalunod.
"Sa-salamat nga pala kuya." muling saad ni Timothy na naiilang parin, dahil bukod sa magkalapit parin ang mga mukha nila ni Miguel, pansin rin ng binata ang seryosong pagtitig sa kanya ng hardinero.
"Wala 'yon senorito, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, makasiguro lang ako na walang masamang mangyayari sa'yo." seryoso at sinserong sagot ni Enrique.
Hindi naman inaasahan ni Timothy ang mga salitang maririnig nito, sa noong una ay para sa kanya ay bastos at nakakainis na lalaki, kaya naman pinamulahan ng mukha ang heredero.
Lihim namang natuwa si Enrique sa nakitang reaksyon ni Timothy, at sa nasaksihan nga ay pigil ng binata ang sarili na pisilin ang cute at namumulang mukha ng heredero, pati na ang mahalikan ang mga labi, na ilang beses nitong dinampihan kanina ng i-cpr niya ito.
"Mabuti pa ay ipasok na kita sa loob ng mansyon, nang sa ganun ay makaligo ka na ng maligamgam na tubig sa shower." suhestiyon ni Enrique at inihanda na ang sarili na buhatin ang katawan ng heredero.
"Te-teka kuya! Kaya ko namang maglakad mag-isa pabalik sa loob." nahihiyang saad ni Timothy ng matanto nito ang gagawin sa kanya ng hardinero.
"Hindi senorito, sa ayaw at gusto mo ay bubuhatin kita hanggang sa kuwarto mo, 'wag ng matigas ang ulo." seryoso at pinal na sagot ni Enrique.
Sa narinig ni Timothy, nahihiya man ito sa gagawin ng hardinero, minabuti nito ang sumang-ayon na lamang.
Kasunod nga nito ang pagbuhat ng basang-basang si Enrique, sa namumulang mukha at tanging nakatrunks lamang na si Timothy papasok sa loob ng mansyon.
"Diyos ko! Bakit buhat-buhat mo si senorito, Miguel?!" gulat at kinakabahang reaksyon ni Myrna sa nakitang ayos ng dalawa.
"Ipapaliwanag ko po mamaya nay, pero kailangan na po muna ni senorito ang makaligo ng maligamgam na tubig, sige po sasamahan ko na po siya sa kanyang kuwarto." sagot ni Enrique.
"Siya, sige." sang-ayon ng matandang kasambahay, na sinundan na lamang ng tingin ang dalawa.
...
"Ku-kuya okay na, ibaba mo na ako dito." saad ng nahihiyang si Timothy nang makapasok na sila ni Miguel sa kuwarto.
"Sige, senorito." sagot ni Enrique at sunod nito sa kagustuhan ng heredero.
"Salamat ulit kuya." saad ni Timothy at kahit pa nahihiya parin ito, minabuti nitong titigan sa mukha ang taong nagligtas sa kanya.
"Walang anuman senorito, sige na lalabas na rin ako para makaligo ka na." nakangiting sagot ni Enrique at gamit ang isang kamay, ginulo nito ang buhok ng cute na heredero bago ito tuluyang lumabas ng kuwarto.
Sa paglabas ni Enrique, naiwan ang pinamulahan ng mukha na si Timothy na dulot ng ginawa sa kanya ng una. At habang namumula parin ang kanyang mukha, sunod na naramdaman ng binata ang mabilis na pagkabog ng kanyang puso.
'Ito na ba ang sinasabi nilang pakiramdam, kapag ang tao ay mayroon ng iniibig?' saad sa isipan ni Timothy.