Mga paborito ko ang inihanda ni Nanang para sa hapunan, kaya nalimutan ko muna ang binata at itinutuon ang atensyon ko sa pagkain.
“Sangol, dahan-dahan naman. May bisita tayo,” mahinang wika ni Papang, sapat lang para marinig naming apat.
Napatingin sa akin ang binata at minsang napasamid sa tubig—at ang loko, nagpipigil pa ng tawa.
“Kabagin ka sana,” bulong ko habang tinatapunan siya ng masamang tingin. Lalo namang lumapad ang ngiti nito, dahilan para lumitaw ang pantay-pantay at mapuputi nitong ngipin.
Bago pa ako madala sa ngiti niya, inabot ko ang stainless naming baso at uminom. Napapikit ako habang dumadaloy ang malamig na tubig sa lalamunan ko.
“Aaaaah. Ang sarap. Grabe, nabusog agad ako,” sabi ko habang hinihimas ang tiyan. Matapos mahimas-masan sa kabusugan, itinukod ko ang dalawang braso ko sa lamesa.
“Kailan mo balak umalis?” Walang prenong tanong ko sa binata, na ikinagulat ng dalawang matanda.
“Sangol…” mahinang suway ni Nanang, pero hindi ko siya pinansin. Diretso pa rin ang tingin ko sa binata. Uminom muna ito ng
tubig bago sumagot.
“Hindi ko alam kung paano umuwi ng Maynila. Wala akong pamasahe. Ni telepono, wala ako,” sagot nito, diretso at tila inihanda na ang sarili.
“Wala kaming pera na maipapahiram sa’yo para pamasahe. Aba’y ang kapal naman ng mukha kung kami pa ang mamomroblema. Malayo ang Maynila at baka kulang pa ang kikitain ko sa isang araw para lang sa pamasahe mo.”
“Hindi ako mangungutang—” hindi ko na siya pinatapos.
“Mabuti,” sagot ko agad. Nag-iba ang anyo ng mukha niya. Naging seryoso ito, parang nagpipigil ng galit. Pero bakit ayaw pa
niyang tapusin ang mga sinasabi?
“May telepono ba kayo dito? Maari ba akong makitawag?” masama ang tingin niya sa akin, parang ako pa ang may kasalanan.
“Naku, iho. Wala kaming telepono dito. Pero puwede kang pumunta sa bayan. Panigurado, may mahahanap kang linya doon,” sagot ni Nanang, marahil ay napansin na ring umiinit ang usapan.
“Sa oras na makontak ko ang kaibigan ko, aalis na ako. Pasensya na kayo at dito pa ako napadpad,” dagdag pa niya.
Hindi na ako nagsalita. Nakinig na lang ako sa usapan nila.
“Ay, paano ka nga pala napadpad dine sa amin?” tanong ni Papang.
“Nahulog po ako sa yacht ng kaibigan ko dahil sa kalasingan,” sagot niya.
Umikot ang mga mata ko. Lasinggero. Tsk.
“Mabuti na lang po at nagawa ko pang makalangoy. Kung hindi, baka pinagpi-piestahan na ako ng mga pating,” dagdag pa nito.
Akmang tatayo na ako sa hapag-kainan dahil pakiramdam ko, nagsasayang lang ako ng oras sa pakikinig sa kwento nito, pero napigilan ako ni Nanang.
“Nako, wala talagang nagagawang maganda ang alak sa buhay ng tao,” sang-ayon ni Nanang habang hawak pa rin ang braso ko.
“Nahulog? O inihulog?” sabay salubong ng kilay ko.
“May naligaw na dati dito sa atin. Inihulog siya sa barko dahil may ginawang masama. Baka naman...”
“Sangol, tama na,” suway ni Papang.
“Pasensya ka na, iho. Medyo matulis talaga ang dila ng anak namin,” hingi ng paumanhin ni Papang.
“Sinisigurado ko pong wala akong ginawang masama. Mabuti po akong tao. Naniniwala po ako na dapat nasa selda ang masasamang loob,” sagot ni Lorcan. Naikuyom ko ang kamao ko. Bakit parang may pinaparinggan? Tumitig siya kay Papang, at doon ako napatayo.
“At sinisigurado ko rin sa’yo na walang masamang loob sa pamamahay na ’to!” Matapang kong tugon, sabay lakad palabas ng kubo para lumanghap ng hangin.
Masama ang mag-isip ng masama sa kapwa, pero iba talaga ang pakiramdam ko sa binatang ’yon.
Kaya dapat ay umalis na siya sa lalong madaling panahon. Kung kailangan pang ibigay ko ang ipon kong pera para lang makauwi siya — ibibigay ko.
Ilang oras na akong nakaupo sa buhanginan malapit sa dagat. Ayoko munang umuwi sa bahay—pag tulog na ang lahat, saka na lang ako babalik. Unti-unti na ring nilalamon ng dilim ang paligid habang unti-unting lumulubog ang araw, kasabay ng pagdami ng lamok.
Nagulat ako nang may balabal na biglang bumalot sa likuran ko. Lumingon ako kung sino ang naglagay, at laking gulat ko nang makita ang binata.
“Sabi ni Papang, baka daw ginawin ka. Malamig na raw kasi,” mahina at mahinahong wika nito habang umupo sa buhangin, hindi kalayuan sa kinauupuan ko.
Napantig ang tenga ko sa narinig. Papang? Tinawag niyang Papang ang tatay ko? Kapal talaga ng mukha ng mokong na 'to!
“Sabi rin ni Papang, tawagin ko na rin daw siyang Papang,” dagdag pa nito, parang nabasa ang iniisip ko.
Hindi na ako nag-aksaya ng oras para makipagtalo pa. Itinuon ko na lang ang pansin sa hampas ng alon.
“Pasensya ka na sa nasabi ko kanina,” dagdag nito. Napalingon ako sa kanya sa hindi inaasahang paghingi ng tawad. Marunong din pala siyang mag-sorry.
Nakatingin ito sa dagat, habang naglalaro ng buhangin ang kanyang kamay.
“Galit lang talaga ako sa masasamang loob,” patuloy niya. “Namatay ang mga magulang ko. Pinatay sila dahil lang sa walang kwentang bagay.”
Nalunok ko ang laway ko. Bakit niya sinasabi ito sa akin? Personal ‘yon — at sino ba ako sa kanya? Isang estranghero lang.
“Sorry,” iyon lang ang salitang lumabas sa bibig ko. Hindi ko alam kung saan nanggaling.
“Okay lang,” sagot niya. “Nabigyan ko naman ng hustisya ang pagkamatay nila. Nakulong ang pumatay, at sinigurado kong doon na sila mamatay.”
Ramdam ang galit sa tono ng boses niya, bawat salita may bigat.
“At sisiguraduhin kong lahat ng may sala—nasa selda.”
Matapang siyang lumingon sa akin, at sinalubong ang tingin ko. Mabilis akong umiwas ng tingin.
“Pero maraming nasa selda ang walang kasalanan,” mahinahon kong sagot.
Tumayo na ako. Hindi ko na kinaya ang bigat sa dibdib. Masyado nang masikip ang hangin sa paligid.
“Hindi na ako naniniwala sa hustisya.”
Ang hustisya, para lang sa may pera.
Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha. Buti na lang, nakatalikod na ako sa kanya.
Mabilis akong naglakad pauwi. Kailangan kong makalayo sa binatang ito. Sa kanyang mga salita. Sa kanyang presensya.