1
Tila wala sa wisyo si Alorna habang nakatingin sa pagkaing inihanda niya sa mesa. Gabi na ng mga oras na iyon. Hapunan na sana nila. Kaso nga lang, palaging siya lang ang kumakaing mag-isa. Ni minsan, hindi tinikman ng asawa niyang si Valerian ang luto niya.
"Anna, samahan mo akong kumain," sabi niya sa dalagang kasambahay.
Napatingin ito sa kanya bago ngumiwi. "Sigurado po ba kayo diyan, ma'am?"
Ngumiti siya ng tipid. "Oo naman. Bakit hindi? Marami iyan. Hindi ko mauubos mag-isa. Tawagin mo na ang mama mo. Sabay na tayong tatlo dito kumain."
Isang linggo pa lang doon si Anna. Dalawa kasi ang kasambahay nila. Umalis ang isa kaya kailangan ng kapalit. Anak siya ng kasambahay nilang si manang Jovie.
"Sige po, ma'am. Thank you po, maam. Tatawagin ko lang po si mama," sabi ni Anna bago naglakad patungo sa laundry area.
Bumuga ng hangin si Alorna. Sa araw-araw na lumilipas kahit ano pa ang gawin niya at kahit na kulang na lang sambahin niya ang asawang si Valerian hindi pa rin siya nakikita nito bilang asawa. Kinamumuhian siya ni Valerian at dama niya iyon sa bawat salitang binibitawan nito sa kanya.
Mayaman ang pamilya ni Alorna at nag-iisang anak nga lang siya. Siya ang magmamana ng lahat ng ari-arian ng kanilang pamilya. Ang mommy na lang niya ang buhay. Ganoon din ang mommy ni Valerian. Dahil sa kanilang mga ina kaya sila ikinasal. Arranged marriage ang nangyari sa kanila. Matalik na magkaibigan ang kanilang mga ina. Bata pa lang sila, magkaibigan na ang mga ito.
At napag-usapan nga ng kanilang mga ina na ikakasal sila kapag nasa hustong gulang na sila. At iyon ay labis na ikinatuwa ni Alorna dahil crush na crush niya si Valerian. At lumalim pa nga ang nararamdaman nito habang tumatanda sila. Pero taliwas ang nararamdaman ni Valerian sa kanya. Nang ikasal sila, galit na galit sa kanya si Valerian. Sinabi pa nito na pinaikot lang niya ang mommy ni Valerian para ikasal sila.
Wala kasing choice si Valerian kun'di ang pakasalan siya dahil kapag tumanggi si Valerian wala siyang mamanahin kahit singko.
"Kumain na tayo," halos pabulong niyang sabi sa mag-ina.
Mabagal siyang kumakain. Masarap siyang magluto. Pero parang wala namang kwenta iyon kung hindi naman tumitikim ng luto niya ang asawa niya. Pakiramdam niya nga, wala siyang kwenta. Hindi man lang niya magawang pagsilbihan si Valerian dahil ayaw nito. Palagi siyang pinagtatabuyan.
"Kumain pa po kayo ng marami, ma'am. Ang payat niyo na po. Pangit naman ang sobang payat. Mas mainam pa rin na may laman kahit papaano," sabi ni manang Jovie sa kanya.
Tipid siyang ngumiti bago binilisan ang pagnguya. Sa apat na taon nilang pagsasama ni Valerian sa iisang bubong palaging ang mga kasambahay niya ang kasabay niyang kumain.
Hindi rin sila magkatabing matulog. Kaya naman nananatili pa rin siyang birhen. Kahit halik sa labi hindi siya pinagbigyan ni Valerian. Sa pisngi lang siya nito hinalikan ni Valerian noong kinasal sila.
Kinabukasan, tinanghali ng gising si Alorna. Hindi kasi siya nakatulog kagabi ng maayos. Nakatulala lang siya at iniisip kung may pag-asa pa bang maayos ang marriage nilang dalawa ni Valerian. Sa ibang bansa pa naman sila kinasal. Kaya anytime puwede silang mag-file ng divorce.
Ngayon na lang siya ulit tinanghali ng gising. Maaga kasi siyang nagigising palagi para ipagluto ng almusal ang kanyang asawa. Pero dahil hindi naman kinakain ni Valerian ang pagkaing inihahanda niya, napagdesisyunan niyang huwag ng magluto para kay Valerian.
Sa loob ng apat na taon basura lang siya sa paningin ng kanyang asawa. Kaya naisip niyang baguhin na niya ang palagi niyang ginagawa. Siguro, tama na ang pagiging tanga. Tama na ang pagiging martir. Kailangan na niyang bigyang oras ang kanyang sarili.
Dapat na niyang mahalin ang sarili niya.
"Magandang umaga, ma'am. Tinanghali po yata kayo? Nagluto na po ako ng tanghalian natin. Kumain po muna kayo bago kayo umalis," sabi ni manang.
Nginitian niya ang kanyang kasambahay. Busy din naman siya dahil may sarili siyang negosyo. Kilala ang brand niya sa buong bansa na umabot na rin sa ibang bansa. Luxury bags, damit at make-ups ang kanyang negosyo. De-kalidad ang produkto niyang bags. Sumasabay ang ganda ng design at tibay sa ibang sikat na bags. Ganoon din sa mga damit. Pati na rin ang make-up. May sarili rin siyang kumpanya katulad ng asawa niyang si Valerian.
Matapos niyang kumain, nagpahinga lang siya saglit at pagkatapos dumiretso na siya sa kanyang sariling kumpanya. Ang Beauty and Carry Company. At dahil maganda, makinis at pinagpala si Alorna, siya na rin ang madalas na model sa kanyang beauty products.
Madalas makikita ang mukha niya sa naglalakihang billboards. Marami na rin siyang commercial na ginawa. Hindi siya masyadong nagha-hire ng artista para i-promote ang products niya. Sariling ganda niya ang ginagamit niya.
"Good afternoon my beautiful pinsan!" sabi ng pinsan niyang si Grace.
Isa sa board members ng kumpanya niyang iyon. Si Grace ang nagbigay sa kanya ng ideya noon na magsimula ng business hanggang sa mag-boom ito at nakapagpatayo siya ng sariling kumpanya.
"Good afternoon, pinsan. Kumusta ka naman ngayon?" tanong niya kay Grace.
Nginitian siya nito. "Palagi naman akong okay. Wala naman akong problema. Walang sakit sa ulo. Kaya masarap talagang maging single. Ikaw ba? Kailan mo balak maging single?" tanong ni Grace sabay tawa.
Mahinang tumawa si Alorna at saka tiningnan ang hawak niyang ballpen.
"Hindi ko alam pero parang gusto ko na nga ring maging single kagaya mo. Para hindi na sumasakit pa ang ulo ko. Para wala na akong ibang iniisip kun'di ang sarili ko. Para sarili ko na lang din ang mahal ko," malungkot niyang sabi bago pilit na ngumiti.
"Gawin mo na kasi! Mahalin mo ang sarili mo! Aanhin mo pa ang guwapong asawa kung hindi ka naman mahal! Marami pang guwapong lalaki diyan at siguradong mahahanap mo ang lalaking tunay na magmamahal sa iyo. Iwan mo na si Valerian. Please lang. Iwan mo na ang lalaking iyon. Wala naman siyang ambag sa buhay mo kun'di paluhain ka at saktan ang damdamin mo eh," inis na sabi ni Grace.
Bumuntong hininga si Alorna bago tumingala. Tama naman ang pinsan niya. Walang ibang naging ambag si Valerian sa buhay niya kun'di ang saktan siya at paluhain.
"Hihintayin ko na lang siyang mag-file ng divorce at pipirmahan ko agad ito. Tama na ang apat na taong pagdurusa sa piling niya. Panahon na para mahalin ko naman ang sarili ko. Sarili ko naman ang uunahin ko. Palalayain ko na ang asawa ko," halos pabulong na sabi ni Alorna bago mapait na ngumiti.
Alam niyang hindi magiging madali para sa kanya ang magiging desisyon niya ngunit alam nyang iyon ang tama at dapat.