Mula sa malayong kalsada, tanaw na ni Valerian ang malawak na lupain na kinatitirikan ng kanyang mansyon. Ilang beses na rin niyang ginawa ang ganitong pag-uwi. Pero nitong mga huling buwan, parang lalo lang lumalaki ang katahimikan na sumasalubong sa kanya.
Pagbukas pa lang ng pinto, agad bumungad ang malamig na simoy ng aircon at ang amoy ng mamahaling kahoy na nakasanayan niya.
Ngunit wala na ang banayad na halimuyak ng sinigang o adobo na dati’y sumasabay sa kanya mula sa pintuan. Wala na rin ang mga paso ng halaman na dati’y pinipilit ni Alorna na ilagay sa gilid ng hallway, kahit ilang beses niya itong sinabihang nakakaabala sa daanan.
Tinanggal niya ang coat at iniabot sa isa sa mga kasambahay, pero hindi niya maiwasang mapansin na parang mas mabilis silang maglaho ngayon.
Tahimik.
Wala ni isang boses na masayang bumabati sa kanya ng....
“Kumain ka na ba?”
O kaya’y nagtatanong kung gusto niyang mag-kape.
Dumiretso siya sa sala at doon naupo. Binubuksan ang laptop para tingnan ang mga natitirang emails. Ngunit kahit abala sa trabaho nadama niya ang lungkot na bumabalot sa paligid.
Ang mansyon na dati’y parang may buhay ay mistulang isang malaking kahon ngayon. Maganda, perpekto pero walang init. Wala ng buhay.
Ilang gabi na rin siyang kinukulit ng mga kaibigan.
“Val, halika naman, may ipakikilala kami sa iyo. Maganda, smart at bagay sa iyo.”
Pero lagi niyang tinatanggihan. Palaging may dahilan. Pagod sa trabaho, maraming meeting, wala sa mood. Ang totoo wala siyang ganang magbukas ng puso para sa iba.
Isang buwan ang lumipas, isang gabi pumunta siya sa isang business gala. Malaki, marangya at punong-puno ng kilalang tao. Lumingon siya sa kaliwa at kanan. Ngumingiti sa mga bumabati ngunit pilit.
Hindi niya maiiwasang mapansin na kahit gaano karaming ilaw at musika ang nakapalibot sa kanya, para bang may puwang na hindi kayang punan ng kahit sinong tao.
“Valerian,” bati ng isang matandang kasosyo.
"Narinig ko hiwalay na raw kayo ni Alorna. Totoo ba?”
Bahagya siyang natigilan bago sumagot. “We’re… living our own lives now.”
Walang dagdag na paliwanag. Wala na siyang sinabi pa. Mas mabuti ng ganoon kaysa magsabi pa siya ng kung ano.
Habang nag-ikot siya sa venue, nakikinig sa musika at nakikipagkamay nadadama niya ang mabigat na katahimikan na bumabalot sa puso niya.
Isang katahimikan na kahit gaano siya ka-busy, kahit gaano karami ang taong nasa paligid, hindi niya matatakpan.
At sa hindi niya maipaliwanag na dahilan naisip niya kung nasaan kaya ngayon si Alorna.
Hawak pa rin ni Valerian ang baso ng alak nang mapansin niyang tila may kaunting kaguluhan sa kabilang bahagi ng ballroom. Hindi kaguluhan na may sigawan o ingay. Kundi isang magaan ngunit malinaw na pagkakaiba sa kilos ng mga tao.
Parang biglang may pumasok na presensiya na kinuha ang atensyon ng lahat.
Napalingon siya.
At doon niya nakita.
Si Alorna.
Nakasuot ng pulang gown na may simpleng hiwa sa gilid, sakto para ipakita ang mahabang mga binti ngunit hindi labis para magmukhang mapang-akit. Ang buhok niya’y nakalugay, bahagyang kulot sa dulo, at ang mukha’y halos walang make-up pero kumikislap sa ilaw ng chandelier. Sa tabi niya naroon si Grace. Nakangiti at mukhang sanay sa atensyon na natatanggap.
Mula sa kinatatayuan niya, parang bumagal ang oras. Hindi niya alam kung dahil ba sa pagkabigla o dahil matagal na niyang hindi nakikita ang babaeng ito ng malapitan.
Ngunit malinaw sa kanya na iba na si Alorna. May isang klase ng tapang sa kanyang mga mata na hindi niya nakita noon.
Habang abala sa pakikipag-usap si Alorna sa ilang negosyante, napansin niyang tila wala siyang pakialam kung nasa paligid siya. Hindi man lang siya tinapunan ng tingin. At doon siya nakaramdam ng kakaibang hapdi sa dibdib.
Isang bagay na hindi niya inaasahan.
Lumapit sa kanya ang kaibigang si Marcus. “Val, alam mo bang narito ang ex-wife mo?”
Tumikhim siya. “Nakikita ko,” tipid niyang sagot.
“Bagay pa rin kayo, bro,” biro ni Marcus pero agad din tumigil nang mapansin ang seryosong ekspresyon sa mukha niya.
Sa kabilang banda ng ballroom, biglang tumama ang paningin ni Alorna kay Valerian.
Isang segundo lang. Walang ngiti, walang tango at parang walang emosyon.
Ngunit para kay Valerian sapat na iyon para maramdaman niyang bumalik ang lahat ng alaala.
Isang waiter ang dumaan sa pagitan nila at pansamantalang tinakpan ang linya ng kanilang mga mata. Pagkalampas nito, wala na si Alorna sa kinatatayuan niya kanina.
Napalinga si Valerian, hinahanap siya sa dami ng tao. At sa hindi niya maipaliwanag parang mas lalo siyang nainis. Hindi dahil nawala si Alorna sa paningin niya, kundi dahil tila siya pa ang naiwan na naghahanap.
Hindi pa ito tapos...
VALERIAN’S GAZE roamed over the crowded ballroom, pero wala na roon ang babaeng kanina lang ay ilang metro ang layo mula sa kanya. Isang saglit lang siyang tumalikod para kamustahin ang isang business partner pero nang muling bumaling ang tingin niya sa direksyong iyon wala na si Alorna.
Hindi niya alam kung anong nagtulak sa kanyang hanapin ito. Hindi naman siya kilalang sumusunod o naghahabol. Pero ngayon parang may sariling isip ang mga paa niya habang tinatahak ang corridor palabas ng main hall.
Sa dulo ng hallway, may nakabukas na pinto papuntang veranda. Mula roon, tanaw ang isang bahagi ng hardin na may mahihinang ilaw at hanging malamig. At naroon siya...
Si Alorna.
Nakatalikod at hawak ang isang baso ng champagne at tila malayo ang iniisip habang nakatanaw sa hardin.
“Hindi ko akalaing magpapakita ka rito,” mahinang sabi ni Valerian habang lumalapit.
Bahagyang lumingon si Alorna. Walang ngiti sa labi pero maayos ang postura.
“At bakit naman hindi? May business ties din ako sa host ng event na ‘to. O baka gusto mong isipin na sinadya ko?”
“Hindi ko iniisip,” tugon niya kahit malinaw sa sarili na iyon nga ang unang pumasok sa isip niya.
“Pero nakakapagtaka… isang buwan tayong walang komunikasyon tapos bigla kitang makikita rito.”
Bumuntong-hininga si Alorna at saka inilapag ang baso sa gilid ng mesa.
“Kung gusto mong magtanong, gawin mo na. Pero huwag mong asahan na may maririnig kang gusto mong marinig.”
Bahagyang umigting ang panga ni Valerian. “Hindi ako nandito para humingi ng paliwanag.”
“Mabuti naman,” malamig niyang sagot.
“Kasi wala akong balak magbigay.”
Tahimik silang nagkatitigan. Sa mga mata ni Valerian, may bahagyang bakas ng galit at lungkot na parehong pilit niyang tinatago. Sa mga mata ni Alorna, may tapang na hindi niya nakita noon. Parang wala na itong tinatagong pag-asang babalikan pa siya.
Bago pa siya makapagsalita, isang waiter ang lumapit dala ang isang sulat na nakalagay sa puting sobre.
“For you, ma’am Alorna. Kanina pa po iniabot sa akin para i-deliver sa inyo.”
Kinuha ni Alorna ang sobre at saka binuksan sa harap niya. Binasa niya ang laman at unti-unting nag-iba ang ekspresyon niya.
.
Itinupi ni Alorna ang papel at tumingin kay Valerian, at saka bumulong...
“Hindi pa tapos ang lahat sa pagitan natin… pero hindi sa paraang iniisip mo," rinig niyang sabi ni Alorna.
Bago pa siya makapagtanong tumalikod si Alorna at tuluyang naglakad palayo.
Iniwan siyang nakatayo sa malamig na veranda habang hawak ang sariling tanong na wala pang sagot.