Nang umalis ako sa rancho ay halos gabi-gabi kung bumisita sa bahay si Mat. At sa tuwing wala siyang pasok kinabukasan ay sa bahay siya natutulog. Siyempre magkatabi kami niyan. Hindi naman kasi lingid sa pamilya ko ang namamagitan sa amin bagama't hindi pa masasabing opisyal.
Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa rin tinutugon ang matagal-tagal na rin niyang inialay na pagmamahal. Hindi ko naman siya nakitaan ng pagkainip dahil sa kanya na rin nanggaling na kaya niyang maghintay kung kailan handa na ako.
Gusto rin niya na kapag binanggit ko ang salitang OO ay nagkaisa ang aking puso at isipan ng isinisigaw dahil wala na raw bawian. Iyon ang panghahawakan niya kung saan may dahilan siya upang ilaban ako ng p*****n sa kahit na sinong magtangkang umagaw sa akin mula sa kanya.
Kapag sa bahay siya natutulog ay nagpapamasahe iyan bilang paglalambing sa akin at tumatalima naman ako. "Siya nga pala Mar, inimbita tayo ni Ricky sa kasal nila ni Lukas sa susunod na linggo"
Hindi kaagad ako naka-react sa kanyang ibinalita sa akin. Ewan, pakiramdam ko biglang tumigil ang pag-ikot ng aking mundo kasabay ng nararamdamang kirot sa aking puso. Talaga ngang mahal ni Lukas si Ricky dahil papatali na siya ng legal rito.
"Saan naman daw gaganapin ang kanilang kasal?"
Sinikap kong pasiglahin ang aking boses upang hindi niya mababanaag ang nararamdaman kong lungkot.
"Sa isang LGBT community sa Baguio. Isang judge mula Russia ang magkakasal sa kanila para maging legal ang kanilang pagsasama kahit na dito gaganapin ang kasalan"
"Pupuwede pala 'yon?" Ang malabnaw kong wika, hindi interesado.
Matapos ng pagmamasahe ko sa kanya ay nag-alibi akong umihi pero ang totoo niyan, tumungo akong kusina para uminom ng tubig dahil pakiramdam ko sumisikip ang aking dibdib. Hindi ko alam pero naiiyak ako sa nalamang kasalang magaganap nina Lukas at Ricky. Napagtanto kong hindi pa pala ako tuluyang naka-move-on sa kanya.
Matapos kong uminom ng tubig ay bumalik ako sa aking silid. Naratnan kong humihilik na si Mat. Marahil sa sobrang pagod sa mga gawain sa rancho kaya nakatulog agad. Hihiga na rin sana ako sa tabi niya nang dumako ang mga mata ko sa lumang aparador.
Tumayo ako at binuksan iyon. Tumambad sa aking paningin si Marlu, ang teddy bear na bigay sa akin ni Lukas, may labin-tatlong taon na ang nakalipas. Sobrang tagal na kaya naman nagiging powder blue na ang kulay nito na dating asul.
Labindalawa lang ako noon. Tandang-tanda ko pa ang sandaling binili niya si Marlu para sa akin sa isang tindahan sa dati naming bayan bago siya lumuwas ng Maynila.
"Kalaki-laki mo na, magti-teddy bear ka pa Koy?"
"H-hindi naman 'yan akin e, kundi para sa'yo. Yakapin mo lang ang teddy bear na iyan kapag namimiss mo ako. Isipin mong ako narin iyong niyayakap mo!"
Tandang-tanda ko pa ang usapan naming iyon. Nagkuminto pa nga iyong kahera na ang sweet daw niyang Kuya sa akin. Napagkamalan kasi kaming magkapatid.
Dinampot ko si Marlu. Dinala ko sa likod-bahay. Naupo ako sa duyan habang yakap si Marlu. Biglang naninikip ang aking dibdib nang maalala ang masayang bahagi ng aking kabataan.
Pumatak ang gabutil kong luha. Yumugyog ang aking balikat. Kung sana lang may nakapag-imbento ng time machine para makabalik ako sa panahong wala kaming ibang inisip kundi ang lalim ng aming pagkakibigan. Sumasampa sa kalabaw, naliligo sa patubig, nanghuhuli ng mga ibong tagak sa palayan at pamimingwit ng mga isda. Subalit lahat ng iyon ay naglaho na. Kalakip ng pag-ibig na minsan naming inialay sa isa't isa.
"Marlu, ikakasal na ang amo mo. Iiwan na niya tayo!" Sumbong ko sa teddybear. Kusa iyong lumabas sa aking bibig. Hindi ko lang kasi napigil ang silakbo ng aking damdamin. Lumabas din ang tunay na nilalaman ng aking puso na matagal ko nang itinatago. Talagang hindi iyon nakokontrol at nadidiktahan.
Makalipas ang tatlumpong minuto ay pinaklma ko ang sarili. Pinahid ko ang mga luha saka ako nagpasyang pumanhik ng bahay at baka hahanapin ako ni Mat sa tabi niya.
Subalit laking gulat kong makitang wala siya sa loob ng silid. Naisip kong baka pumunta lang ng banyo kaya humiga na ako.
Ngunit nang magdadalawampung minuto na at hindi pa rin siya bumabalik ay doon na ako nagtaka. Bumangon ako at tumungong banyo subalit wala siya roon. Lumabas ako ng sala sa pag-aakalang nanonood lang siya ng telebisyon subalit tanging si Leny lang ang nandoon na kasalukuyang nanonood ng Korean drama.
"Leny, si Mateo?"
"Hayun, padabog na lumabas. Nag-away ba kayo, Kuya?"
"H-hindi naman. Nasabi ba niya kung saan siya pupunta?"
"Hindi po e!"
Lumabas ako na puno ng katanungan sa biglaang pag-alis ni Mat na walang palaam. Unang beses niya iyong ginawa at padabog pa kaya labis ko iyong ipinagtataka.
Biglang pumasok sa isip kong marahil nakita niya akong umiiyak habang yakap si Marlu sa likod-bahay at sinasambit ang pangalan ni Lukas.
Naitanong ko sa sarili na hindi kaya iyon ang dahilan ng kanyang pagwalk-out? Kung ganoon ay nasaktan ko ang damdamin niya at kailangan kong makahingi ng tawad.
Dalawang lugar lang ang maari niyang puntahan. Una ang rancho at ang ikalawa nama'y sa restobar. Sa dalawang lugar na iyon, ang restobar ang mas malapit kaya iyon ang una kong pinuntahan. Mag-aalas-diyes pa lamang ng gabi kaya sigurado akong bukas pa iyon. Naisip ko lang kasi na kung nagtatampo nga iyon sa akin dahil sa mga narinig, malamang mag-iinom iyon ngayon.
Nang makarating ako ng resto ay mangilan-ngilan lang ang kustomer na nandoon kaya makikita ko na sa labas kung sino ang nasa loob kahit hindi na ako papasok.
Iginiya ko ang aking mga paningin sa loob, wala si Mateo roon. Sa halip, si Lukas ang aking nakita na siyang labis kong ikinagulat. Umiinom siyang mag-isa habang hinihintay ang torno niya sa pagkanta. Nako-curious tuloy ako na kung bakit hindi niya kasama si Ricky gayung alam kong daig pa ang isang dikya kung makadikit iyon sa kanya.
Nang umalingawngaw na ang intro ng kakantahin niya ay tuluyan na akong napako sa aking kinatatayuan. Nawala bigla sa isip ko si Mat at ang buong atensiyon ko ay na-focus na sa kinakanta ni Lukas na may malalim na kahalugan para sa akin.
DI MAAMIN, NG DAMDAMIN
NA NGAYO'Y WALA KA NA SA AKING PILING
BAWAT ARAW, ANG DALANGIN
AY MAYAKAP KA'T MULI AY MAANGKIN
Sa pagbigkas niya ng lyrics sa unang bahagi ng kanta ay bigla na lamang tumulo ang aking mga luha. Sapol kasi iyon sa akin dahil sa totoo lang hanggang ngayon, bagama't sinisimulan ko nang mahalin si Mat ay hindi ko pa rin maiwasang mangarap na muling madama ang init ng mga yakap at halik ni Lukas.
NGUNIT PAANO NGA BA ANG PAG-IBIG MO'Y MAGBABALIK
BATID KO NA NASAKTAN KITA NG LABIS...
AT SINABI KO SA'YO NA KAYA KONG LIMUTIN KA
BAKIT NGAYO'Y HINAHANAP KITA....
IKAW PARIN ANG NAIS KO
DAMANG-DAMA NG PUSO KO
MAHIRAP NA DAYAIN ANG ISIPA'T DAMDAMIN
IKAW PARIN ANG HANAP KO
MAPAPATAWAD BA AKO
MULI'T MULING SASAMBITIN
SINISIGAW NG DAMDAMIN
MAHAL PARIN KITA O GILIW KO
ALA-ALA ANG KASAMA
BAWAT SANDALI DATI ANONG SAYA
PINIPILIT NA LIMUTIN
BAKIT DI MAAMIN NA WALA KA NA
Gamit ang aking palad, pinahid ko ang mga luhang patuloy sa pagbulwak. Ayokong mag-assume na para sa akin niya inialay ang kantang iyon dahil alam ko, at sigurado akong wala na siyang nararamdaman pa para sa akin. Bilang patunay ay ang pagpapakasal niya kay Ricky.
Habang pinapayapa ko ang aking sarili ay biglang, "B-akit hindi mo siya lapitan at nang magkausap kayo ng maayos?"
Nagulantang ako nang malamang nasa likuran ko lang si Mat. Mababanaag sa kanyang mukha ang labis na kalungkutan sa nakita niyang pag-iyak ko. Kagat ang labi na para bang pinipigil na huwag maiyak.
"K-kanina ka pa ba, diyan? Hindi ka kasi nagpaalam na umalis kaya hinanap kita rito!"
Malayo ang sagot ko sa tanong niya. Hindi ako makatingin ng deretso dahil sa guilt na aking nararamdaman.
"Di pa naman masyado ngunit kitang-kita ko ang pag-iyak mo. At sa nakita kong pagyakap mo sa teddy bear kanina habang sinasambit ang pangalan niya..."
Binigyang diin niya ang salitang 'niya' sabay turo sa kinaroroonan ni Lukas.
"...Sigurado ako at alam kong mahal mo pa rin siya. Siya pa rin ang gusto mong makasama at hindi ako!" Sabay talikod sa akin at nagmamadaling umalis.
Hinabol ko siya upang makapagpaliwanag. Naabutan ko naman siya sa may parke. Hinawakan ko ang braso niya at nakikiusap na bigyan ng pagkakataon na ma-explain ang aking panig.
Pumayag naman siya. Nagpatiuna siya sa pagpasok sa loob ng parke. Naupo sa sementadong upuan. Tumabi ako sa kanya. Sandaling namayani ang katahimikan. Kapwa nagpakiramdaman. At dahil sa ako iyong humingi ng pagkakataon na magpaliwanag, ako iyong unang nagsalita.
"Si Lukas ay bahagi ng aking nakaraan na magpahanggang ngayon palagi pa ring sumuslpot sa aking isipan. Maaring hindi pa niya nilisan nang tuluyan ang isang bahagi ng aking puso subalit hindi naman iyon ang dahilan para maging sinungaling ako sa mga pangakong binitawan ko sa'yo. Papaalis na siya, paparating ka. Gusto kong yakapin ang bagong simula kasama ka. Patawad dahil hanggang sa ngayon may puwang pa rin siya sa puso ko. Pero maniwala ka, unti-unti ka ng nandito" Itinuro ko ang aking dibdib.
Isang malalim na buntong-hinga ang aking narinig mula sa kanya at,
"Salamat kung ganoon. Pero mas mainam pa ring magkausap kayo para mailabas n'yo ang inyong mga hinaing. Gusto ko kapag tinanggap mo na ako sa buhay mo ay nakasisiguro akong ako na lang ang nag-iisang may-ari niyan..."
Tinuro niya ang aking dibdib.
"...Kaya hangga't hindi pa buo ang loob mo sa akin, ibinabalik ko sa'yo ang kalayaan. Mag-usap kayo ni Lukas. Nagmamahalan pa naman kayong dalawa eh, sigurado ako roon. Ang tanging pumipigil lang sa kanya ay ang kanyang pride at sa'yo naman, ang guilt at hiya dahil sa maling pamamaraan mo noon sa pag-handle ng krisis sa inyong relasyon.
"Matagal na naming tinuldukan ang relasyon na mayroon kami. May kanya-kanya na kaming mga buhay na tinatahak. Patatali na siya kay Ricky at ako nama'y nagsisimula na ring humabi ng panibagong kabanata kasama ka kaya sa tingin ko wala na kaming dapat pang pag-usapan. Matagal na kaming nagkaroon ng closure. Pakiusap ko lang, sa halip na ibuyo mo ako sa kanya, tulungan mo na lang akong kalimutan siya nang tuluyan. Maari ngang pareho lang kami ng nararamdaman ngunit may ibang mga tao ng nasasaktan kung ipipilit pa namin ang isang pag-ibig na hindi naman talaga laan para sa amin"
Humagulgol ako. Niyakap ako ni Mateo. Hinalikan niya ako sa alimpuyo.
"Patawad kung sa tingin mo ipinagtutulakan kita sa kanya. Pero sa akin lang kasi, gusto kitang maangkin nang buo. Iyong wala ka ng ibang iniisip kundi ako lang. Ngunit tama ka, di nga ganoon kadali ang paglimot. Hindi naman kasi ito isang ordinaryong sakit lang na maaring itulog at iinom ng gamot na nabibili lang sa botika kaya ipinapangako kong tutulungan kita sa abot ng aking makakaya.
Pero bibigyan pa rin kita ng pagkakataong mag-isip. Kung talagang mas matimbang pa rin siya sa puso mo, balikan mo siya. Subukan mong ipagtapat ang tunay mong nararamdaman. Huwag mong alalahanin ang ibang tao sapagkat karapatan niyo ang kaligayahang matagal nang ipinagkait sa inyo ng pagkakataon.
Kung talagang ayaw na niya sa'yo, atleast nalaman niya ang tunay mong saloobin. Wala namang masama kung susubukan mo. Tanggap ko rin naman ang posibilidad na muli kayong magkakabalikan. Handa akong magparaya. Siya ang nauna sa buhay mo, pangalawa lang ako. Kaya sa tingin ko, siya na muna ang dapat mong unahin"
Hindi na ako tumugon sa kanyang pahayag. Nanatiling nakasubsob ang mukha ko sa kanyang dibdib habang pinag-iisapan ang kanyang mungkahi.
At sa bandang huli, natagpuan ko ang sarili sa isang desisyon, ayoko nang makipag-usap pa kay Lukas. Baka ito pa ang magiging mitsa ng ikakasira ng napipinto nilang pag-iisang dibdib ni Ricky.
Kung talagang mahal pa niya ako, hindi niya hahayaan ang sariling matatali sa iba. Hindi na ako umasa pang babalik siya sakin. Masaya na ako kapag makita siyang masaya sa piling ng iba. Deserve niya iyon. Kaya sa halip na sundin ang payo ni Mateo, sinisikap ko na lang na ibaling sa kanya ang buo kong atensiyon at pagmamahal.
Maaring tanggap ko na, pero hindi ko naman maitatwa na habang papalapit ang araw ng kasal nina Lukas at Ricky ay pakiramdam ko isa akong taong may taning na ang buhay. At sa mismong araw ng kanilang kasal ay ang araw rin ng aking kamatayan. Hindi man ng katawan ngunit ng aking puso at damdamin.
Hindi ko na mapipigil pa ang paglikwad ng oras. Nakapagbitiw na ako ng isang pangako kay Ricky na pupunta sa araw ng kanilang kasal. Sa katunayan may nabili na nga akong regalo para sa kanilang dalawa.
Mistula iyong pagpapatiwakal ngunit kinailangan kong dumalo para ipakita na rin kay Mateo na ayos na ako, na matagal na akong naka-move-on. Siya na ang lalaking bagong dinadambana ng aking puso at bahagi na lamang si Lukas ng aking nakaraan.
Isang araw bago ang kanilang kasal ay tumungo na kaming Baguio kung saan gaganapin ang kanilang pag-iisang dibdib.
Nagkasabay pa kaming maghapunan nina Lukas kasama ng kanilang piling mga kaibigan sa isang hotel kung saan gaganapin ang kanilang kasal.
Kitang-kita ko ang aliwalas ng kanyang mukha. Palatandaan ng ibayong kasiyahan sa nalalapit na pinakamahalaga at memorableng araw ng kanyang buhay.
Ako nama'y kabaliktaran ang nararamdaman. Damang-dama ko sa aking kaibuturan ang sakit na pilit kong itinatago. Mistula akong kandilang natutunaw sa sandaling iyon at ilang sandali na lang ay mawawalan na ng liwanag.
Idinadaan ko na lang sa pangiti-ngiti ang lahat habang ini-enjoy ang sarili sa ganda ng Baguio upang hindi ako mahahalata ni Mateo. Subalit sa loob ko, hinihiwa na ako nang pinung-pino. Damang-dama ko ang sakit at hapdi.
Alas-diyes na iyon ng gabi. Habang nagkakasiyahan ang lahat sa bar ng hotel, ako nama'y palihim na tumungong rooftop bitbit ang isang bote ng alak. Gusto kong uminom ng mag-isa at magpakalasing nang saganun malilimutan ko nang panandalian ang sakit na aking nararamdmaman.
Gusto kong dugasin ang talagang nilalaman ng aking puso at isipan. Ngunit ganoon na lamang ang aking pagkagulat nang maratnan ko si Lukas sa rooftop na umiinom nang mag-isa.
Gusto ko mang bumalik na lamang sa ibaba ngunit nakita na niya ako. Kaya wala na akong ibang choice kundi ang harapin siya.
"C-Congrats!" Ang bati ko sa kanya. Halata sa boses ko ang pagka-ilang.
"Salamat!" Ang tugon naman niya sabay lagok ng wine. Mga mata niya'y nakatuon sa isang pinetree na pinamahayan ng mga alitaptap.
Naaalala pa kaya niya ang tungkol sa mga alitaptap?
Katahimikan ang namagitan sa amin habang kapwa pinagmamasdan ang mga nagliliparang alitaptap na nakadagdag ng liwanag sa madilim na paligid. Hanggang sa, "Huwag mo nang sayangin si Mateo, tunay at wagas ang pag-ibig ang nararamdaman niya sa'yo" Basag niya sa katahimikan.
"Alam ko. Kaya nga unti-unti na siyang napapamahal sa akin"
Bumuntong-hininga siya. Tumungga ulit ng alak.
"May malaking ipon na rin iyan at may stable na trabaho kaya siguro naman hindi mo na makuhang maghanap pa ng iba"
Mistula akong sinampal sa sinabi niyang iyon ngunit mas pinili ko na lamang na huwag pumatol. Wala naman kasi siyang alam sa mga tunay na pangyayari nang nakaraan kaya hindi ko siya masisisi kung ganoon pa rin ang tingin niya sa akin, sugapa sa yaman.
Gawa nang nakainum na rin ako, di ko naiwasang maging emosyonal. Kusang tumulo ang aking mga luha nang hindi namamalayan. Ramdam ko ang biglaang pagaan ng aking dila. Kusang lumabas sa aking bibig ang mga katagang hindi ko inaasahan.
"Maari ba kitang mayakap sa kahuli-hulihang pagkakataon?"
Kitang-kita ko ang pamimilog ng kanyang mga mata. Nagdadalawang-isip kung ako ba ay pagbibigyan sa aking hiling.
Ngunit hindi ko na nagawang hintayin ang kanyang isasagot. Agad na akong yumakap sa kanya at isinubsob ko ang aking ulo sa kanyang dibddib.
God, kaytagal ko ring pinangarap na muling maramdaman ang init at tigas ng kanyang katawan.
Nakiramdam ako at wala naman akong naramdamang katiting na pagtutol mula sa kanya.
"Ikakasal ka na, Koy. May bago ng nagmamay-ari sa'yo at tanggap ko na iyon. Hiling ko lang na sana'y tanggapin mo ulit ako bilang kaibigan gaya noong mga bata pa tayo. Alam kong malaki ang pagkakasalang nagawa ko sa'yo at labis ko na iyong pinagsisisihan. Hindi ako matatahimik e, hangga't hindi ko makakamit ang iyong kapatawaran"
Tuluyan na akong humagulgol na tila batang nagsusumbong sa ina dahil sa pang-aaway ng mga kalaro.
Ilang saglit pa'y naramdaman ko ang mga bisig niyang lumingkis na rin sa akin. Wala mang salitang lumabas sa kanyang bibig subalit sapat na iyon upang ipabatid sa akin ang kanyang pagpapatawad kaya naman mas lalong tumindi pa ang aking pag-iyak hindi dahil sa lungkot kundi sa kasiyahan dahil hayan, sa wakas, nakamit ko na rin ang matagal ko ng inaasam na kapatawaran mula kay Lukas.
"M-maraming salamat, Koy. Dahil sa wakas pinatawad mo rin ako. Pupwede na akong mamatay kahit na bukas din!"
"Gago. E di mawawalan na ako ng bestfriend nito at abay sa kasal!"
Kumalas siya sa aming yakapan at binatukan ako. Nagpang-abot ang kanyang dalawang kilay.
"Kahit malaki ang kasalanan mo sa akin, hindi ko naman hinangad ang iyong kamatayan. Naging kaibigan din kita at binibigyan ko pa rin iyon ng halaga!"
Sa sinabi niyang iyon muli ko siyang niyakap. Masayang-masaya ako dahil sa bibig na niya mismo nanggaling na pinapahalagahan pa rin niya ang minsang pagiging magkaibigan namin. At sapat na iyon para sa akin. Iyon naman talaga ang hinihiling ko, ang manumbalik ang dati naming pagkakaibigan.
At iyong relasyon namin? Bahagi na lamang ng isang masaya at mapait na kasaysayan. Niyakap ko pa ulit siya bilang pamamaalam. Medyo matagal iyon hanggang sa, "Ehem!"
Ang narinig namin mula sa aming likuran. Si Ricky iyon kasama si Mateo. Agad din akong kumalas kay Lukas baka kung ano pa ang kanilang iisipin ngunit nakita ko naman ang pagsilay ng isang ngiti sa kanilang mga labi.
"Salamat naman at sa wakas bati na ulit kayo...!" Si Ricky habang papalapit sa amin. Lumapit din si Mateo at agad na inabot ang isa kong kamay.
"...Narinig namin ang inyong pag-uusap at masaya ako para sa inyong dalawa!" Dadgdag niya pa.
Sa gabing iyon mas lumalim pa ang pagkakaibigan naming apat. Pakiramdam ko nawala na ang mga bagay na nakadagan sa aking dibddib kaya nakahinga na ako nang maluwag.
Naroon pa rin naman iyong sakit subalit mas nangibabaw na ang kasiyahan sa aking puso dahil nakikita kong masaya na rin si Lukas sa piling ni Ricky.
Araw ng kasal. Napuno sa magagandang dekorasyon ang hardin ng hotel na pinagdarausan ng kasal.
Mga miyembro sa isang LGBT group sa Baguio ang karamihan sa mga bisita. Naroon din ang kani-kanilang mga pamilya.
Nagsimula nang kumanta ang wedding singer. Hudyat iyon na magsisimula na ang seremonya. Naunang naglakad si Lukas sa center aisle suot ang kulay puting tuxedo. Mas lalo siyang naging gwapo at makisig sa aking paningin. Hindi ko tuloy maiwasang makaramdam ng panibugho. Sumagi sa isip ko na sanay kami na lang iyong ikakasal. Subalit kailangan kong harapin ang realidad at tanggapin ang katotohanan na hindi kami ang itinakda para sa isa't isa.
Nang makarating siya sa may altar, pumuwesto siya sa may gilid para hintayin si Ricky na nasa pinakahuli ng entourage. Iyon bang parang sa isang normal na kasal ng lalaki at babae. Si Lukas iyong groom at si Ricky naman ay ang bride.
Sumunod na naglakad ang mga abay. Kabilang na ako kapartner si Mateo. Ang mga mata ko'y nakasentro sa kinatatayuan ni Lukas. Sinikap kong ngitian siya para maitago ang tunay kong nararamdaman.
Kahit pa tanggap ko na ang lahat, naroon pa rin sa puso ko ang sakit at labis na panghihinayang. Naibulong ko tuloy na sana panaginip lang ang lahat at kapag ako ay magising nasa tabi ko si Lukas at nakayakap sa akin.
Subalit nang makita kong naglakad na si Ricky sa center aisle at sinalubong siya ni Lukas sabay abot sa kamay nito, napagtanto kong napakalabong maging panaginip lang ang lahat sapagkat ramdam ko ang kirot at hapdi sa aking puso sa nakikitang eksena. Kailanma'y hindi matutulad sa mga napapanood kong mga lovestory ang kwento namin ni Lukas. Iyon ang isiniksik ko sa aking isip.
Nagsimula nang maglitanya ang judge sa wikang Ingles. Napakatahimik ng buong paligid ngunit ramdam ko ang nag-uumapaw na kilig ng mga dumalo lalo na iyong mga nasa gitnang kasarian.
Tulad ko, alam kong nakaramdam din sila ng inggit at nangangarap na balang araw ay makatagpo rin ng lalaking magmamahal sa kanila nan tunay.
Yumuko ako. Pinipigil ko ang matinding silakbo ng aking damdamin. Hangga't maari ayokong maiyak para paninindigan ang aking mga salita kay Mateo. Nanatili ako sa ganoong ayos hanggang sa tinanong ng judge kung may tumututol ba sa kasal. Nag-angat lang ako nang biglang, "Ako! Tumututol ako"
Gulat ang lahat sa sigaw ng isang lalaki mula sa aming likuran. Naglikha iyon ng bulong-bulungan ng mga taong nandoon.
"A-anong ginagawa mo dito, Keith?" Gulat na tanong ni Ricky. Sa paraan ng pagtatanong niya, mukhang matagal na sila nitong magkakilala.
"Ano pa nga ba? Narinig mo naman siguro ang sigaw ko di ba? Hinding-hindi ko matatanggap na lagi na lang akong inaagawan ng tang-inang gwardiyang iyan" Tinuro niya si Lukas.
"Matagal na tayong tapos, Keith. I thought naka-move-on ka na. Sana lang pabayaan mo na ako, pabayaan mo na kami"
"Tama ka, Ricky Boy. Matagal nang tapos ang sa atin pero hindi pa kami tapos ng lalaking iyan. Sinira niya ang buhay ko kaya hindi niya deserve na lumigaya" Sabay putok ng baril na pinatama sa lupa
Nagsimulang mag-panic ang mga tao. Ang iba ay dumapa at ang iba nama'y hindi magkandaugaga sa paghahanap ng matataguan. Si Mateo nama'y kinover niya ang kanyang katawan sa akin.
"Huwag ako ang sisihin mo kung nagkalitse-litse iyang buhay mo, siraulo. Ako pa ngayon ang may atraso gayung alam nating pareho na ako iyong minsang inagawan!" Ang pagsingit ni Lukas. Nagpupuyos siya sa galit sa biglaang pagsulpot ni Keith.
Sa sinabi niyang iyon, nakita ko sa mukha ni Keith ang pagsiklab ng hindi nakokontrol na galit. Alam ko iyon dahil may ilang taon din kaming nagsama.
Iniangat niya ang kanyang kamay na mag hawak ng baril at itinutok nito kay Lukas. Nanlilisik ang kanyang mga mata at nanginginig ang kanyang kamay. Kapag ganoon ay alam kong hindi siya magdadalawang isip na gawin ang binabalak.
At bago pa niya nakalabit ang gatilyo ng baril, naiharang ko na ang aking katawan kay Lukas at sa akin tumama ang bala na dapat sana ay sa kanya. Masyadong napakabilis ng mga pangyayari at natagpuan ko na lamang ang aking sarili na duguan habang nakahandusay sa mabermudang lupa. May narinig pa ako na ilang putok ng baril bago ako binalot ng kadiliman...