Napatigagal ako sa hindi inaasahang tagpo. Hindi ko lubos maisip na kung paanong si Lukas ang gwardiya sa paaralang pinapasukan ko gayung sa pagkakaalam ko isa siyang varsity schoolar sa isang prestihiyosong unibersidad sa Maynila.
Tandang-tanda ko pa ang araw ng kanyang pag-alis sakay ng van na sumundo sa kanya sa terminnal ng aming bayan noon.
Anim na taon na rin ang lumipas at malamang graduate na siya subalit bakit sa pagiging gwardiya ang bagsak niya? Hindi ba dapat sa isang opisina o kompanya siya nagtatrabaho ngayon? O pwede ring nasa PBA na siya dahil sa angkin niyang galing sa larong basketbol?
Mga katanungang naglalaro sa aking isip na hindi ko nagawang naisatinig dahil sa muling pagkapukaw ng poot at hinanakit ko sa kanyang paglimot noon sa akin.
Nakita kong niluwagan niya ang gate upang makapasok ako ngunit hindi ako kumilos. Nanginginig ang kalamnan ko habang matalim ko siyang tinitigan. Nais kong maipadama ang aking mga hinanakit at galit sa titig kong iyon subalit tila manhid siya at nagawa pa niyang ngumiti sa akin na para bang ayos lang ang lahat.
"Ang laki na ng pinagbago mo, Koy. Hindi na ikaw ang dating si Mario na makulit at uhugin. Ang tisoy mo na at ang tangkad pa. Kunting sipa na lang, magkasingtangkad na tayo, tingnan mo nga naman oh!"
Ang nagagalak niyang sabi subalit blangko ang aking naging ekspresyon. Sarap lang paduguin ng kanyang nguso kung hindi lang ako makikick-out sa school.
"Alam mo bang matagal ko ng pinangarap ang araw na 'to na muli tayong magkita?"
Dahil sa sinabi niyang iyon lalo pang nag-uumapaw ang galit ko sa kanya. Isa na naman kasing napakalaking kasinungalingan ang lumabas sa kanyang bibig. Pinangarap daw niya ang araw na muli kaming magkita, ano yon? Ni hindi nga niya nagawang dumalaw sa burol ni Itay. Kalokohan.
"Sorry, hindi po kita kilala. Pasok na po ako dahil sobrang late ko na!" Ang sabi ko at sabay na tumalikod.
Nasipat ko pa ang gumuhit na gitla sa kanyang noo, tanda ng pagtataka sa aking inasal. Manhid nga yata siya at nakuha pa niyang nagpahabol ng, "Sabay tayo na kumain mamaya sa canteen, Koy!" Ngunit hindi ko na siya pinansin at nagtuloy-tuloy na ako sa aking silid-aralan.
Wala pa noon ang aming guro kung kaya abala sa pakikipagtsismisan ang aking mga kaklase na biglang natahimik na para lang nakakita ng anghel na napadaan nang makitang pumasok ako.
Mga mata nila'y nakasentro sa akin na para bang artistang naglalakad sa redcarpet para sa isang premier night ng isang pelikula.
Hinagod nila ako ng tingin mula ulo hanggang sa paa. Hindi ko lang alam kung iyon ba ay paghanga sa angkin kong itsura o pamimintas dahil sa sobrang laki ko para maging fourth year highschool. Kung anuman iyon, wala na akong pakialam pa, wala naman kasing nagbabawal sa mga taong ninais na mag-aral kahit na may edad na.
Ngumiti ako saka tinungo ang pinakahuling upuan. Muli silang bumalik sa kanilang tsismisan. Ako nama'y lumilipad ang isipan papunta kay Lukas, bagama't naroon ang mga hinanakit ko sa kanya di ko parin maitatwang naroon pa rin iyong lihim kong pagtatangi sa kanya lalo na ngayong mas gumuwapo siya sa aking paningin.
Ibang-iba na siya kaysa dati. Mas lalong naging maskulado ang kanyang katawan, mahahalata iyon sa bodyfit niyang unipormeng pang-gwardiya.
Naroon pa rin iyong mapupungay na tila nangungusap niyang mga mata at pamatay na ngiti na kung saan unang nagpabihag sa akin. Ngunit kailangan kong supilin ang nararamdaman ko. Hindi ako pwedeng papahulog sa taong kapareho ko ng kasarian dahil matagal ko ng isinantabi ang pagkataong iyon.
Nang mamatay si Itay at ako na ang bagong haligi ng aming pamilya, sinikap kong ituwid ang pagkataong meroon ako na bagama't mahirap napagtagumpayan ko naman. At ngayong nagkrus muli ang mga landas namin, hinding-hindi na ako pahuhulog pa sa kanya maski na sa ibang lalaki dahil kamalasan lamang ang hatid nito sa akin.
Dumating na iyong class adviser namin. Biglang tumahimik ang lahat. As usual kapag ganoong unang araw ng klase ay ang pagpapakilala sa sarili ang unang activity na bagama't mukhang magkakilala na sila sa isa't isa kanina kasi nga panay na ang kanilang kwentuhan.
Parang ako na lang iyong bago sa aming klase. Ang estudiyanteng nasa pinakaunang upuan ang unang tumayo at nagpakilala. At ako na nasa pinakahuli, ang huling tumayo.
"My name is Mario Pontillas, eighteen years old..." Panimula ko.
Napako na naman ang tingin nila sa akin habang ako ay nagsasalita lalo na ng sinabi kong eighteen na ako. Bakas sa kanilang mga mukha ang pagtataka na kung bakit nasa fourth-year pa rin ako kaya naman binuksan ko ang kwento ng buhay ko sa kanila.
Sinimulan ko noong mamatay si Itay at kung paano namin nilabanan ang hirap ng buhay ng mawala ang haligi ng aming tahanan.
"Tumungo kaming Nueva Ecija para makipagsapalaran. Sa pinsang buo ni Inay kami naninirahan na sa kalaunan lumabas din ang tunay na kulay na kung makatrato sa amin ay para lang kaming asong pagala-gala sa kalye. Parang wala na kaming nagawang tama sa kanyang paningin at kung ano-anong masasakit na salita na lamang ang binabato niya sa amin na para bang hindi kami tao at hindi marunong masaktan. Ngunit tiniis namin iyon dahil siya lang naman ang kamag-anak na pwede naming makakapitan. Pakapalan na lang ng mukha, ika nga. Nagkasakit si Inay na siyang dahilan na mas lalo pa kaming nalugmok sa kahirapan kung kaya huminto ako sa aking pag-aaral pati na ang dalawa ko pang kapatid. At para mairaos ko ang aming pangangailangan pumasok ako bilang tindero sa isang bakeshop. At kahit papaano nakaraos naman kami. Subalit isang araw pinalayas kami ng pinsan ni Inay dahil nawala iyong pera niya at ang bunso kong kapatid ang kanyang pinagbibintangan gayung alam ng Diyos na hindi niya iyon magagawa.....!"
Saglit akong napatigil sa pagsasalita. Pinahid ko ang luhang nanulay sa aking pisngi dahil sa hindi ko naiwasang maging emosyonal nang sariwain ang masaklap na bahaging iyon ng aming buhay.
Nakita ko ang pamumula ng mga mata ng aking mga kaklase at guro, halatang nadadala sila sa kwentong aking inihayag. Nang lumuwag na ang aking pakiramdam, ipinagpatuloy ko ang pagsasalita.
"...Kahit naman kasi mahirap lang kami at kinakapos sa pera subalit hindi sumagi sa isip namin na kunin ang isang bagay na hindi naman namin pinaghirapan. Turo kasi ng aming mga magulang na di bale na't salat basta huwag lamang kaming gumawa ng mga bagay na ikakasama ng aming kapwa. Pero bago pa nangyari ang insedenteng iyon, may napulot akong pitaka na naglalaman ng malaking halaga habang ako'y naglalakad patungong bakery na aking pinapasukan. Isang napakalaking tukso ang halagang iyon sa tulad naming nagdarahop ngunit nagsusumiksik sa aking isipan ang pangaral ng aking mga magulang kung kaya inihatid ko ang pitakang aking napulot sa istasyon ng radyo upang mapanawagan ang mang-ari noon base sa ID na naroon sa pitakang aking napulot. Hindi ko inakala na sa simpleng kabutihan na aking nagawang ay iyon ang magdadala sa amin ng pamilya ko dito sa Marevilles upang makapag-aral at mabigyan ng magandang trabaho na siyang ikanabubuhay namin. Higit pa sa halaga ng perang isinauli ko ang biyayang natanggap ko dahil sa aking pagiging tapat. Nagbunga rin ng maganda ang pagpapalaki ng maayos ng aming magulang sa amin. Iyon lamang po at magandang umaga sa inyong lahat!"
Isang umaatikabong palakpakan ang aking narinig na pinangunahan ng aming guro na noo'y hindi na naitago pa ang luhang nangilid sa kanyang mga mata. Kitang-kita ko rin sa mga mata ng aking mga kaklase ang paghanga nila sa akin at respeto kung kaya nang mag-elect kami ng mga class officers sa araw ding iyon ay ako ang inihalal nilang Class President at Prince Charming kasi nga di maitatangging may itsura naman ako at matangkad pa.
Lunchbreak na iyon at isa ako sa mga estudiyanteng nagtitiis sa mahabang pila sa canteen para makabili ng ulam. May baon na kasi akong kanin kaya iyon na lamang ang aking bibilhin.
Nang makuha ko na ang aking order ay dali-dali kong tinungo ang mesang nasa pinakagilid upang hindi ako maunahan ng iba. Akmang unang subo ko ng biglang, "Pwedeng pashare ng mesa, Koy!" Halos masamid ako nang makita si Lukas bitbit ang tray na pinaglagyan niya ng pagkain.
Hindi paman ako umoo ay nakaupo na siya at isa-isang inilapag ang mga ulam na kanyang inorder. Paano kaya niya mauubos ang mga iyon e, siya lang naman ang mag-isang kakain?
"Sandali, may nakalimutan ako!" Ang sabi niya at muling tumungo sa counter at nang makabalik bitbit na niya ang dalawang bote ng softdrinks at suman.
Ewan, subalit bigla na lamang nanariwa sa aking isip ang araw na kung saan una kaming nagkausap sa kanilang bahay noon at binigyan ako ng suman. Anong saya ko dahil iyon ang simula ng aming pagkakaibigan ngunit kanya ding sinira at binalewala sa kalaunan.
"Ayan ang suman mo, alam kong paborito mo 'yan!" Sa malamig at buo niyang boses na sinabayan pa niya ng pagkindat.
Umirap naman ako. Pinapakitang hindi ko nagustuhan ang pakindat-kindat niya subalit aaminin kong lihim na nagdiwang ang aking damdamin dahil kaytagal ko na ring inaasam na muling makita ang kindat niyang iyon.
Hay, nababaliw na yata ako. Alam ko kasing galit ako sa kanya ngunit bakit tila kinikilig ang aking kalooban nang makita kong muli ang kanyang gwapong mukha at kakisigan. Napaka-hunk niyang tingnan sa suot niyang unipormeng pang-gwardiya na hapit sa kanyang katawan.
"Ubusin natin 'to ha. Sinadya kong damihan ang ulam para sa ating dalawa"
"Sino bang may sabing damihan mo, e may ulam naman ako? At pwede bang huwag mo akong tawaging KOY, e hindi naman iyan ang pangalan ko. At isa pa, pwede bang huwag kang masyadong maging feeling close sa akin dahil hindi kita kilala!" Bulyaw ko sa kanya. Nakita kong titig na titig siya sa akin. Sinusuri ng mga mata niya ang aking kabuuan.
"Marahil nag-iba na nga ang iyong pisikal na anyo. Mas pumogi ka na at tumangkad pero hindi ako maaring magkamali, ikaw si Mario na kaibigan ko noon—"
"—Na iyong binalewala at kinalimutan. Ang batang pinangakuan mo na babalikan at kahit na anuman ang mangyari hindi magmamaliw ang malalim ninyong samahan. Pero anong ginawa mo? Nakaluwas ka lang ng Maynila at nakapag-aral ng kolehiyo, nilimot mo na agad ang ating sumpaan.
Hindi ka sumipot sa araw ng graduation ko gaya ng iyong ipinangako subalit pilit pa rin kitang inintindi na baka abala ka lang sa inyong pag-eensanyo.
Ngunit nang minsang nabalitaan ko mula sa iyong kapatid na umuwi ka ng isang araw at hindi man lang nagawang makipagkita sa akin ay doon na ang labis kong hinanakit. Doon ko napagtantong binago ka na nga sa kaunting tagumpay na iyong nakamit.
Pero dahil naroon pa rin sa akin ang kahalagahang ng ating pagkakaibigan, bagama't nahihirapan na ako, pilit pa rin kitang inunawa at umaasa pa rin akong kahit gaano ka na kasikat, o kung nagkagirlfriend man ay maalala mo rin na balang araw may isang kaibigan kang naghihintay na maambunan mo ng kahit kaunting pansin.
Ngunit nang mamatay si Itay at hindi mo nagawang sumilip man lang sa kanyang burol kahit na ilang oras lang, doon ko na tuluyang tinuldukan ang samahang meroong tayo. Alam mo bang napakasakit no'n sa akin? Tanggap ko na sana iyong pambabalewala mo sa akin pero iyong pambabalewala mo sa burol ni Itay, iyon ang hindi katanggap-tanggap.
Alam kong nakarating sa'yo ang balitang iyon ngunit bakit di mo man lang nagawang umuwi para makiramay? May malalim din naman kayong pinagsamahan ni Itay diba?" Ang aking mga panunumbat.
Gusto ko pa sanang sabihin na siya ang sinisisi ko sa nangyari dahil kung hindi dahil sa pagmamahal ko sa kanya, hindi ko sana babalikan iyong mga iniwang alaala niya sa akin na naging dahilan ng pagkasawi ni Itay dahil sa pagsagip sa akin mula sa nabuwal na puno.
Ngunit sinarili ko na lamang ang panghihimutok kong iyon. Ayoko ng ungkatin pa ang isang pag-ibig na matagal ko nang nilimot. Anim na taon na rin ang lumipas at naging masaya naman ako kahit papaano na wala siya sa tabi ko kaya wala ng dahilan pang sariwain iyon. Naituwid ko na ang pagkataong meroon ko, kaya isang malaking kahibangan ang mahulog muli sa kanya.
"Alam ko ang mga nangyari, Koy. Maniwala kang ginusto kong makarating sa libing at makita ka dahil alam kong malaki na ang atraso ko sa'yo subalit hindi ako pinayagan ng pagkakataon. Ngayong nagkita tayong muli sana naman magawa mong makinig sa paliwanag ko!"
"Na ano? Na masyado kang busy sa pag-aaral mo at pagiging varsity kaya nahihirapan kang imanage ang schedule mo? E bakit nang minsang nakauwi ka, hindi mo man lang nagawang sumaglit sa bahay? Huwag mong sabihing nakatungtong ka lang ng Maynila ay nakalimutan mo na kaagad ang daan patungo sa amin?"
"Nakikiusap ako sa'yo, Koy, makinig ka muna sa akin!" Pagsusumamo niya.
Medyo tumaas ang timbre ng kanyang boses na naging dahilan ng pagbaling ng tingin sa amin ng ibang estudiyanteng kumakain sa canteen.
"Ayokong makinig. Sa anim na taong nawala ka, kinaya ko naman e at nakaya ko. Kaya hindi na ako interesado sa anomang paliwanag mo. Ayaw na kitang maging kaibigan, Lukas. Matiwasay na ang buhay ko kasama ng pamilya ko at mga bagong kaibigan kaya sana irespeto mo iyon. Hindi mo na ako kayang daanin sa suman lang kahit pa magpagawa ka niyan ng kahit sandosena pa!"
Tinakpan ko ang aking lunchbox na hindi man lang nagalaw ang kanin at isinilid ko iyon sa aking bag. Ewan, nawalan lang talaga ako ng gana ng sumulpot siya.
Mabilis kong nilisan ang canteen at nagtungo sa silong ng manga sa likuran ng gymnasium ng paaralan. Sa sandaling iyon ay bigla na lamang bumulwak ang aking luha ng hindi inaasahan.
Alam kong galit ako sa kanya at ang kamuhian siya ang nais kong ipagsisigawan subalit tila yata hindi nakikiayon ang pintig ng aking puso.
Nang makita kong muli ang matamis niyang ngiti, ang mapupungay niyang mga mata, ang kanyang kabuuan ay tila tinutunaw nito ang galit na iniin-in ko sa aking damdamin ng matagal na panahon.
Kauupo ko pa lang sa malaking ugat ng puno nang maramdaman kong may tumabi sa akin. Tumayo rin naman ako agad upang lisanin ang lugar subalit maagap niya akong pinigilan sa pamamagitan ng paghawak sa isa kong braso.
Napakislot naman ako dahil may kung ano sa paghawak niyang iyon ang hindi ko mawari. Sinikap kong alisin ang kamay niya subalit ang higpit lang ng pagkakahawak niya sa akin.
"Koy, pwede bang mag-usap muna tayo. Hayaan mo na naman sana akong magpaliwanag. Alam kong galit ka at naiintindihan ko iyon kaya nga nandito ako, nakikiusap na bigyan mo ng pagkakataon para linawin ang lahat. Ayokong mawala ka sa buhay ko, Koy. Ayaw kong masira iyong samahan natin"
"Matagal ng nasira ang samhan natin, Lukas at ikaw mismo ang sumira nito. Nang makita ko ang pagmumukha mo, naalala ko lang ang masakit na pagkamatay ni Itay...!"
Nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo. Nagtataka marahil kung bakit naidawit ko siya sa pagkamatay ng aking ama kaya nama'y ikinwento ko sa kanya ang mga nangyari na sinabayan ng aking mga luha. Ang sarap lang niyang suntukin sa panahong iyon kung hindi lang ako takot na ma-guidance councilor.
Nakita ko naman ang mga butil ng luhang nangilid sa kanyang mga mata. Ngunit kahit pa dugo ang tumagas doon ay hindi na ako padadala pa. Hindi na kayang maibalik ng pagluha niyang iyon ang buhay ni Itay. Kaya buo pa rin ang desisyon kong hindi na muling makipagkaibigan sa kanya at tuluyan na siyang iiwasan.
"K-koy, sana lang magawa mong pakinggan ang kwento ko at nang malaman mo ang totoong mga dahilan kung bakit hindi ko nagawang magpakita sa'yo at sa burol ni Mang Mario!"
Pinahid niya ang kanyang luha. Iyon ang unang beses na makita kong umiiyak ng ganoon si Lukas, parang hindi bagay. Isang makisig na gwardiya na umiiyak? Parang, anong kadramahan?
"Hindi ako sirang plaka na paulit-ulit na babanggiting ayoko na Lukas. Huwag ka ng mag-aksaya ng panahon sa akin dahil wala na sa hinagap ko ang makinig sa mga kasinungalingang ihahabi mo. Ibaling mo na lang sa iba mong mga kaibigan ang atensiyon mo o hindi naman kaya'y sa girlfriend mo!"
"Nang magkalayo tayo, Koy, hindi na ako nagkaroon ng kaibigan na kagaya ng sa'yo. Namuhay akong mag-isa. Sinusolo ang lahat ng mga pasakit at mga suliranin. Mag-isa kong sinuong ang hindi masisikmurang dagok na nangyari sa akin. Girlfriend? Mas lalo ng wala, kung natatandaan mo ang sinabi ko noon na may hinihintay akong tao na kapag nasa hustong gulang na siya ay saka ko pa lang ipagtatapat sa kanya ang aking nararamdaman!"
"E, bakit ako ang pinag-aaksayahan mo ng panahon? Sa halip na ang pagkakaibigan natin ang iyong bigyan ng pansin, magpursige ka na lang kaya na ligawan iyong taong sinasabi mong mahal mo!" Singhal ko.
"Paano, hindi naman niya magawang makinig sa akin"
"Kasalanan ko pa pala ngayon? E, di, siya ang kulitin mo, huwag ako!"
Nakawala rin ako mula sa pagkakahawak niya sa akin at sinamantala ko naman iyon para muling makalayo. Hindi ko na hinayaang makalapit pa siya sa akin.
Dumeretso ako sa loob ng aming classroom at hindi na niya nagawang sundan ako. Bagama't iisang paaralan lang ang pinapasukan namin at hindi malayong magkikita kami sa araw-araw ngunit sisikapin kong hindi siya makalapit sa akin.
Kapag papasok ako ng paaralan ay sasadyain kong dumaan sa ikalawang gate na kung saan hindi siya ang nagbabantay at ganoon din kapag uwian sa hapon.
Sa lunchbreak naman ay sumasabay ako sa aking mga kaklaseng kumain upang hindi siya mabigyan ng pagkakataong makalapit sa akin.
Minsan kapag nagpi-PE kami sa labas, kunwaring magro-roving siya ngunit ang mga mata naman niya ay sa akin lang nakatuon ngunit hindi ko na siya pinag-aaksayahan ng panahon na tapunan ng tingin.
Ganoon na ang siste namin sa paaralan, parang naghahabulan at siya iyong taya. Alam kong nasasaktan siya sa ginagawa kong pag-iwas ngunit wala pa iyon sa kalingkingan sa sakit na dinulot niya sa akin. Kaya manigas siya.
Sabado iyon ng gabi. Nasa counter ako noon ng restaurant nang masipat ko ang pagdating ni Lukas. At ewan, bigla na lamang nangalog ang aking mga tuhod at pakiramdam ko'y malaglag ang aking panga nang makita ang kanyang itsura. Suot niya ay sando na kulay gray at tokong short dahilan para lumabas ang kanyang kakisigan.
Sumisilip na nga ang nag-uumbukan niyang dibdib sa suot niyang sando. At ang bumubukol na iyon sa kanyang pagitan dahil sa fit na short na kanyang suot. Agad siyang sinalubong ni Trexor, ang bading naming waiter at mukhang magkakilala na sila nito base sa panghaharot nito sa kanya. Nasipat ko pang pinisil-pisil nito ang malalaking bisig ni Lukas.
"Nakabalik ka na pala Luke, pero bakit natagalan yata? Kala ko ba isang buwan ka lang na mag-reliever doon sa Balanga!" Si Trexor iyon habang iginigiya si Lukas sa bakanteng mesa.
"Nag-AWOL kasi iyong isang gwardiya roon kaya sa halip na isang buwan lang akong madestino ay umabot hanggang anim na buwan dahil natagalan ang agency naming makahanap ng pamalit sa nag-awol na gwardiya!" Ang sagot naman ni Lukas.
"Mapapadalas ka na rito ha, para naman may vitamins na ulit ako sa mata. Simula kasi noong nawala ka, naku, never na kaming nagkaroon ng kostumer na singgwapo mo, ayyy!"
Nagawi ang tingin ni Lukas sa counter na kung saan naroon ako kaya agad akong nagkunwaring nagbibilang ng mga barya para hindi niya mapansing nakatitig ako sa kanya at nakikinig sa kanilang usapan.
"Talagang mapapadalas na ako rito" Ramdam kong sa akin siya nakatitig kung kaya patuloy ako sa kunwaring pagbibilang ng barya.
"Sagutin mo na kasi ako Luke, para may katuwang ka na sa iyong paghahanapbuhay o pwede ring ako na lang iyong maghahanap buhay para sa'tin!"
Napailing na lamang ako sa mga banat na iyon ni Trexor. Alam kong biro lamang niya iyon ngunit hindi ko maiwasang makaramdam ng inis.
Nagseselos ba ako?
Si Trexor pa naman iyong tipo ng baklang walang preno ang bunganga. At may bulong-bulungan pa akong narinig mula sa aming mga kasamahan na kapag may ginusto itong lalaki ay hindi maaring hindi niya ito matikman.
Lahat na raw ng lalaking waiter sa restaurant ay dumaan na sa kanya maliban sa akin dahil noong minsang pinopormahan niya ako ay agad ko siyang sinita kaya kahit anim na buwan na ako sa pinapasukang restaurant ni Mrs. Santos ay hindi kami masyadong close. Bibihira lang din ang mga sandaling magkausap kami.
Posible kayang dumaan na rin sa kanya si Lukas?
Malamang. Noon pa man kasi malibog na ang lalaking 'yon.
"Nagtatrabaho ka pala dito, kailan lang?" Halos napalundag ako sa gulat sa biglaang pagsulpot ni Lukas sa aking harapan. Hindi ko namalayan ang kanyang paglapit dahil sa paglalakbay ng aking isip.
"Six months na" Ang malabnaw kong tugon. Pinapahalata kong wala ako sa mood na makipag-usap sa kanya.
"Dito ako madalas bago nadestino nang pansamantala sa Balanga. Buti na lang sinikap kong makiusap sa aking agency na ibalik ako rito dahil dito pala kita matatagpuan"
"Talaga bang hindi mo ako titigilan?"
Bigla niyang inabot ang isa kong palad at mahigpit iyong hinawakan.Tinitigan niya ako sa mata. "Pasensiya na pero hindi ako makakapayag sa gusto mo, Koy. Gagawin kong lahat mapatawad mo lang ako. Gusto kong maibabalik ang dating tayo!"
Mahina ang pagkakasabi niya subalit may diin. Paraan niya iyon upang hindi marinig ng ibang mga kustomer na naroon.
"Para ano? Para gawin mo na namang parausan kapag taglibog mo?..."
Sinubukan kong bawiin ang aking palad subalit mas hinigpitan niya ang pagkakahawak nito. Gumuhit ang isang pilyong ngiti sa kanyang mga labi, "Bakit ayaw mo ba?" Kumulo nang husto ang dugo ko.
"Pinatulan lang kita noon dahil sa bata pa ako at walang kamuwang-muwang sa kamunduhang pinamulat mo. Kung iyan ang dahilan mo kung bakit gusto mong makipamabutihan ulit sa akin, no way. Hindi ako bakla, para pumatol ulit sa'yo, tang-ina mo!"
Inabot ng isa kong kamay ang isang basong tubig na nasa tabi ng POS Machine at isinaboy ko iyon sa kanyang mukha.
Sobra lang kasi akong nainsulto sa kanyang sinabi at nagsusumiksik sa aking isip ang katotohanan na ang dahilan ng kanyang pakipagmabutihan sa akin ay upang may mapagparausan na naman kaya hindi na ako nakapagpigil pa.
Nabitawan din niya ang isa kong kamay. Dinukot niya ang panyo sa bulsa at pinunasan niya ang basang mukha. Pati ang suot niyang sando ay nabasa rin. Wala namang ibang nakapansin sa aking ginawa maliban na lamang kay Trexor na noo'y kagagaling sa kitchen upang i-serve ang inorder na pagkain ni Lukas. Inilapag na muna niya ang dalang pagkain saka pumunta sa may counter area.
"Ano ba sa tingin mong ginagawa mo, Mario? Hindi mo ba alam na regular nating kustomer iyang si Luke...?"
Kumuha siya ng tisyu at tinulungang punasan ang basang mukha ni Lukas.
"...Alam kong malakas ka kay Madam pero hindi ko mapapalagpas ang ginawa mo. Pinakabilin-bilinan pa naman niyang alagaang mabuti ang ating mga kustomer kaya natitiyak kong hindi ka niya kukunsintehin!"
Nahimasmasan naman ako sa sinabing iyon ni Trexor. Natitiyak kong mapapagalitan ako ni Mrs. Santos kapag nakarating sa kanya ang ginawa ko kay Lukas.
Kung anuman ang gusot sa aming pagitan ay hindi ko dapat iyon dinala sa loob ng aking pinagtatrabahuan.
Anong idadahilan ko kay Mrs. Santos?
Takot pa naman akong sabihin sa kanya ang totoo at baka iyon pa ang dahilan sa pagkakabunyag ng aking lihim.
Dinampot ni Trexor ang telepono subalit mabilis naman ang mga kamay ni Lukas upang pigilan siya, "Huwag na Trex, kasalanan ko rin naman kasi"
"Kasalanan? O siya ikaw na ang mali, pero Customer is always right ang pinaiiral namin dito at mukha yatang hindi na-orient si Mario tungkol diyan!"
"Basta, huwag na. Ako na ang nakikiusap sa'yo!"
Nilalambing niya si Trexor sa pamamagitan ng paghimas ng tagiliran nito. Ikiniskis pa niya ang bumabakat niyang pagitan sa likuran nito dahilan upang maglulupasay sa sobrang kilig si Trexor at hindi na nito itinuloy ang binabalak.
Noon ko lang napagtantong malakas si Lukas sa mga bakla. Ang galing niyang manghuli ng kiliti at kung paano ito paaamuhin.
Marami na kaya siyang karanasan sa Maynila?
Tumindig ang mga balahibo ko nang maisip iyon. Parang nandidiri ako. Ngunit sa kabilang banda nama'y nakaramdam ako ng kunting kirot. Naaalala ko lang kasi iyong sinabi niya noon na tanging sa akin lang siya papatol.
Pero akin ding naisip na hindi nga niya natupad iyong ipinangako niya sa akin, iyon pa kaya? Kaya malamang maraming baklang na kanyang ang napaluhod. Sa ayos ba naman niya at porma, natitiyak kong pati tomboy ay mapapalambot niya.
Palabas na ako noon ng reataurant nang makita ko si Lukas sa may di kalayuan. Nakasandal siya sa kanyang nakaparadang motor. Wala siyang suot na damit at ang kaninang suot niyang sando ay nakita kong isinampay niya sa manibela ng motor.
Nagmamadali siyang lumapit ng makita ako. Halos malaglag naman ang aking panga at sunod-sunod ang paglunok ko ng laway nang tuluyan na siyang makalapit.
Sa ganda ng hubog ng kanyang katawan, panis sa kanya ang mga modelo ng porno na palihim kong pinapanood kapag nag-iinternet ako.
Iba talaga sa pakiramdam kapag nakakakita ka ng ganoon sa malapitan. Pagpapawisan ka nang malapot at manginginig ang iyong kalamnan ng hindi mo mawari.
"P-pasensiya ka na kanina, Koy. Muntik kana tuloy mapahamak nang dahil sa akin!"
"Iyon lang ba ang sasabihin mo?"
Napakamot siya sa ulo. "Ah, eh!"
"Salamat sa ginawa mong pagtakip sa akin kanina. Ngunit hindi ko iyon tatanawing utang na loob. Saan mang anggulo titingnan ikaw ang may kasalanan ng lahat. Nagkataon lang na kustomer kita kanina. Panghuli na 'tong sasabihin ko, Lukas. Tigilan mo na ako. Mapupudpod na lang iyang sapatos na suot mo sa kasusunod sa akin hinding-hindi ko pa rin maibibigay ang gusto mo. Kung taglibog mo ang inaalala mo, andiyan naman si Trexor na nakahandang magpakangkang sa'yo!"
May pait sa huling tinuran kong iyon dahil hindi ko kayang dugasin ang aking sarili na may nararamdaman pa rin ako sa kanya sa kabila ng aking mga hinanakit.
Ngunit naipangako ko na sa puntod ni Itay na maging tunay na lalaki para gampanan ang tungkuling naiwan niya sa aming pamilya.
Kung pagbibigyan ko si Lukas sa kanyang hiling, maaring iyon ang magiging simula sa muli kong pagkahulog sa kanya nang tuluyan. At ako rin ang magiging kawawa dahil malabo namang mamahalin niya ako dahil sa katotohanang isa siyang lalaki at babae ang hanap.
"N-nagseselos ka ba kay Trexor?"
"Walang dahilan para magselos ako. Halata namang malaki ang gusto niya sa'yo kaya natitiyak kong ikararangal niyang siya ang gagawin mong parausan. Iyon naman talaga ang dahilan kung bakit gusto mong ibalik sa dati ang ating samahan, diba?"
"Koy, may malalim akong dahilan kung bakit ninanais kong muli tayong maibalik sa dati. At kapag mangyari iyon, 'yon na ang simula na unti-unti kong ipapaunawa sa'yo ang lahat. Huwag mo sana akong husgahan dahil lang sa pilyong biro na aking ginawa. Seryoso ako sa'yo, Koy. Hinding-hindi ako titigil hanggat hindi ko maibalik ang dating tayo!"
"Seryoso rin ako, Lukas. Bago pa man muling nagkrus ang ating mga landas ay matagal ko ng nilimot ang kung anuman ang meroon tayo noon. Nasabi ko na sa'yo ang mga dahilan at hindi ko na iyon pwedeng ulit-ulitin pa!"
Mabilis ang mga paa kong humakbang palayo. Palihim kong sinipat si Lukas at nakita kong laglag ang mga balikat niyang bumalik sa kanyang motor.
Damang-damang ko ang paghihinagpis ng kanyang kalooban ngunit nararapat lamang iyon sa kanya. Kung tutuusin, kulang pa nga iyon sa sakit na idinulot niya sa akin.
Simula noong huling gabing nagkausap kami, hindi na muling lumapit sa akin si Lukas. Mukhang nadala na rin siya sa aking mga sinabi at lubos ko iyong ipinagpasalamat.
Bagama't palagi kaming nagkikita sa paaralan lalo na at siya ang nakatokang gwardiya sa main entrance ng paaralan subalit hanggang tingin na lamang siya sa akin.
Nakikita sa paraan ng pagtitig niya ang adhikaing lapitan ako at kausapin. May mga sandali pa ngang sinasadya niyang sabayan ako sa kanten na kumain ngunit hindi siya nabibigyan ng pagkakataon dahil kay Gina na pinakamalapit kong kaklase. Siya iyong kasabayan ko sa lahat ng mga gawain sa school, sa pananghalian at maging sa pag-uwi kinahapunan.
May mga pagkakataon ring ihahatid ko siya sa kanilang bahay kapag may sapat pa akong oras.
Batid kong may crush sa akin si Gina kaya ganoon na lamang kung dumikit sa akin. Tulad ko, transferee rin siya mula Dagupan at dahil sa may angkin din siyang kagandahan at marunong magdala sa sarili, siya ang nahalal ng aming klase bilang muse.
Dahil sa sobrang dikit namin, hindi maiiwasan ang tsismis na may lihim kaming relasyon. Subalit hinayaan ko na lang dahil pabor naman iyon sa akin upang mas lalo ko pang mapagtakpan ang tunay kong pagkatao at tuluyan kong maitaboy si Lukas.
Alam kong hindi lingid sa kanyang kaalaman ang umiinog na tsismis sa buong campus kasi nga hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko, matunog ang pangalan ko sa buong paaralan dahil ika nila, campus heartrob daw ako idagdag pa iyong pagiging vice president ko ng Student Council.
Gayunpaman, wala naman sa hinagap kong patulan ang tsismis at tutohanin ang panliligaw kay Gina dahil ayokong magmukhang manggagamit. Masaya na ako sa pagiging malapit namin at alam kong masaya na rin siya sa siste naming iyon na mukhang magsyota pero hindi naman.
Nasa opisina ako noon ng Student Council at nere-review ang ginawang minutes ng aming sekretaryang si Gina nang masipat ko sa labas ng bintana si Lukas na nagro-roving at naninita ng mga estudiyanteng hindi pumasok sa kani-kanilang silid-aralan.
Nang mapadaan siya sa aming himpilan. Pasimple siyang sumulyap sa loob at nang mapansing wala si Gina ay pumasok siya ng walang paalam at kinausap ako.
"K-kayo na ba ni Benitez?" Si Gina ang kanyang tinutukoy. Seryoso ang kanyang mukha.
"Hindi. Pero kung magiging kami man, wala naman sigurong masama dahil pareho naman kaming single" Ang sagot ko naman. Narinig ko ang paghugot niya ng malalim na hininga.
"M-mahal mo ba siya?"
"Sa ganda ba naman niya at kabaitan, hindi siya mahirap mahalin. Lahat naman siguro ng mga kalalakihan dito sa campus ay siya ang pinapangarap at mapalad ako na kanyang magiging malapit na kaibigan dahil hindi na ako mahihirapan kung sakali mang popormahan ko siya"
Tumango si Lukas. Bakas sa kanyang mukha ang lungkot. Iyon bang parang nagseselos. Kaya naman, "May gusto ka rin ba sa kanya?" Naisip ko kasi na baka may lihim rin siyang pagtatangi kay Gina.
"Ikaw ang —"
"Hi, Mar, pasensiya ka na medyo natagalan ako, sumaglit pa kasi ako sa kanten para bumili ng suman na paborito mo!" Ang pagsingit ni Gina kung kaya hindi na naipagpatuloy ni Lukas ang kanyang sasabihin.
Nasipat ko ang muling paglamlam ng kanyang mga mata. Tama nga siguro ang kutob kong may gusto siya kay Gina kaya naman nabuo sa isip ko ang isang plano, ang paselosin si Lukas. Totohanin ko na ang pagporma kay Gina.
"Uy, Chief andito ka pala, sabay kana sa aming magmeryenda!" Yakag ni Gina kay Lukas.
"Sa susunod na lang Gina, on-duty pa kasi ako at bawal sa akin ang tatambay lalo na dito sa loob ng opisina. Salamat na lang. Sige mauna na ako" At mabilis nitong tinahak ang daan palabas na hindi na gumawang lumingon.
"Ang gwapo ni Chief 'no, pang-artista!" Ang kuminto naman ni Gina nang kami na lamang dalawa.
"Siya na naman ang bago mong crush?"
"Hindi ah. Aaminin kong naguguwapuhan ako sa kanya pero ikaw pa rin ang aking ultimate crush. Ito naman, di pa nga nanliligaw nagseselos na agad!" Sabay hagalpak ng tawa.
Paraan niya iyon para magmukhang biro lang ang kanyang sinabi subalit batid kong may lihim siyang pagkakagusto sa akin. Iyon nga lang, nagdadalawang isip akong pormahan siya sapagkat alam ko sa puso kong hindi ang katulad niya ang makapagbibigay sa akin ng ligaya. Kaya naman sinasakyan ko na lang ang mga biro niya sa akin at ang mga haka-haka sa buong campus na may lihim kaming relasyon.
At dahil sa sobrang lapit namin ni Gina na daig pa ang mag-asawa ay nahahalata kong umiiwas na sa akin si Lukas. Kapag papasok ako ng paaralan at siya ang nakatokang gwardiya sa gate ay hindi na iyan susulyap sa akin na siyang dati niyang ginagawa. At kapag nakita niya kami ni Gina na sabay na kumakain sa kanten ay nahahalata ko sa kanyang mga titig ang panibugho.
Doon ko na tuluyang napagtantong may gusto nga siya kay Gina at ako ay kanyang pinagseselosan. Masaya naman ako dahil kahit papaano nakaganti na rin ako sa ginawa niyang pagtalikod nooon sa akin na bagama't nasa magkaibang aspeto. Ang sakit din kaya sa pakiramdam na ang lihim mong minamahal ay sa iba nahuhumaling at sa minsang naging kaibigan mo pa.
Napapadalas pa rin naman ang pagpunta ni Lukas sa restaurant na aking pinagtatrabahuan tuwing weekends ngunit gaya sa paaralan, hindi na ako kikibuin niyan. Si Trexor na ang palagi niyang nakakabangkaan ng usapan na kung umasta ay para ng boyfriend niya iyong tao. Deadma lang ako noon nang una ngunit sa kalaunan ay hindi ko na naiintindihan ang aking sarili na kung bakit nakaramdam ako ng inis kapag ganoong nakikita ko silang masayang nag-uusap.
May mga gabi ring sinusundo niya si Trexor sa restaurant kapag oras na ng uwian. Kung saan ang punta nila, hindi ko alam. Basta kinabukasan kapag papasok na ulit ako sa trabaho ay mapapansin ko ang ibayong kasiyahan ni Trexor. Pakanta-kanta pa siya habang nagse-serve ng mga inorder na pagkain at para bang hindi na sumasayad sa sahig ang mga paa niya habang naglalakad.
Napapansin din iyon ng iba naming kasamahan kaya panay ang pang-aalaska sa kanya ng, "Iba na talaga kapag laging nadidiligan, blooming na blooming" na sinasagot naman niya ng, "Inggit lang kayo sa beauty ko!" Sabay tawa.
At noong minsang nagsara na ang restaurant at naglilinis sila sa dining habang ako nama'y nagbibilang ng pera sa kaha ay naispatan ko si Lukas sa labas, mukhang inaabangan na naman niya ang paglabas ni Trexor.
"Besh, ang prince charming mo nasa labas, saan na naman ba ang punta n'yo?" Ang narinig kong tanong ng isa naming kasamahang babae kay Trexor, mahahalata sa boses nito ang sobrang kilig.
"Wala naman kaming lakad ngayon, gusto lang daw niyang palagi akong sunduin at baka may makadikwat daw sa aking iba, mahirap na!" Ang nagyayabang naman na sagot ni Trexor.
"Magkano naman ang downpayment mo sa lalaking 'yan?"
"Anong downpayment, wala 'no. Talagang nabibighani lang siya sa taglay kong alindog!"
Tawanan sila habang dala-dala ang mga panlinis sa loob ng storage room. Ako nama'y tahimik lang habang nililinis ang buong counter area. Binilisan ko ang aking kilos at nang makauwi na agad. Ayoko ko kasing makita si Lukas at Trexor na magkasamang nakaangkas sa kanyang motor.
Hindi ko alam pero may sundot iyon sa aking damdamin. Ayos lang naman sa akin kung isang babae ang kinahuhungalingan niya pero kung kay Trexor, parang hindi ko matatanggap.
Iyon ang tumatakbo sa aking isipan hanggang mahiga na ako sa aking silid. Binabagabag ako sa posibilidad ng pagkakaroon ng relasyon ni Lukas at Trexor. Buong akala ko ay si Gina ang kanyang gusto ngunit bakit kay Trexor ang bagsak niya?
Grrrr! Nasabunutan ko ang aking sarili nang isipin ang bagay na iyon. Naiinis din ako dahil ang dating galit na nararamdaman ko kay Lukas ay nadagdagan ng panibugho. Tama, nagseselos ako kay Trexor at hindi ko malilinlang ang aking damdamin.
Ngunit dahil pursigido akong hindi na pahuhulog muli kay Lukas, binabalak kong totohanin na ang panliligaw kay Gina. Biyernes iyon at huling araw ng aming intramural. Sa gabi ding iyon gaganapin ang taunang Miss Campus na kung saan isa si Gina sa mga kalahok. At sa gabi ding iyon isasakatuparan ko ang aking binabalak, ang ligawan siya kaya maaga pa lang bumili ako ng isang bouquet ng puting rosas at pagkatapos mismo ng pageant ihahayag ko sa kanya ang aking nararamdaman.
"Bahala na, matutunan ko rin siguro siyang mahalin sa kalaunan!" Ang bulong ko pa sa aking sarili habang inamoy-amoy ang mga bulaklak na dala ko.
Habang nasa ganoon naman akong ayos nang biglang, "Aakyat ka na ba ng ligaw?" Si Lukas iyon. Hindi ko napansing nasa gate na pala ako ng paaralan dahil sa napapaisip ako ng malalim.
Isang pagtango lang ang aking naging tugon. At napansin ko ang biglaang paglungkot ng kanyang mukha na tila naiiyak na. Naguguluhan tuloy ako sa inasta niyang iyon. Sino ba talaga ang gusto niya si Gina o si Trexor? Kung si Gina man, bakit hindi man lang niya sinubukang pormahan ito gayung alam naman niyang wala pang namamagitan sa amin ni Gina? Bakit kay Trexor siya pumatol?
"Goodluck, Koy!" Ang pahabol niya ng tumalikod na ako.
Gaya ng inaasahan ng nakararami, si Gina ang nakoronahan bilang bagong Miss Campus ng gabing iyon. Sasalubungin ko na lang siya habang pababa ng entablado upang iabot sa kanya ang bulaklak na hawak ko nang biglang may malakas na bisig na humila sa akin papalayo sa gymanasium ng paaralan. Sapilitan niya akong pinasasakay sa kanyang motor. At dahil sa sobrang lakas niya hindi na ako nakapalag pa.
"Saan mo ba ako dadalhin, Lukas?" Bulyaw ko sa kanya.
"Huwag kang maraming tanong, nauubusan na ako ng panahon!" Ang sagot niyang ikinakunot ng aking noo.