Chapter 3

6302 Words
Tatlong buwan ang lumipas mula nang magtungo si Lukas sa Maynila para maging varsity ng basketbol ay wala na akong narinig pa sa kanya. Nang minsang kinumusta ko siya sa kanyang mga kapatid ay ayos naman daw ang kaniyang pag-aaral at pagiging varsity doon. Minsan umuwi pa raw ito sa kanila upang mag-abot ng kunting pera mula sa inipong allowance na bigay sa kanya ng pinapasukan unibersidad. "Wala ba siyang nabanggit tungkol sa akin?" Ang tanong ko sa nakakabata niyang kapatid na babae. "Wala e. Sandaling-sandali lang naman siya dito at bumalik din agad ng Maynila dahil may ensayo pa raw sila" Laglag ang balikat ko nang bumalik ng bahay. Naglalaro sa aking isipan ang mga dahilan na kung bakit tila yata kinakalimutan na ako ni Lukas. Ang sakit lang sa loob kong isiping mukhang dinespatsa na niya ang aming pagkakaibigan. Saan na iyong sinasabi niyang isa ako sa mga taong inspirasyon niya sa pag-abot ng kanyang mga pangarap? Kung nagka-girlfriend man siya roon, kahit masakit sa akin, maiintindihan ko naman kasi nga lalaki siya. Pero sana hindi niya ako basta-basta iiwan na lang sa ere. Sana man lang maisip niyang nasasaktan ako sa mga pambabalewala niya sa akin. Dahil sa kanyang ginawa, napagpasyahan kong iwaglit na lang din siya sa aking isipan dahil masasaktan lamang ako kung patuloy akong aasa na may halaga pa ako sa buhay niya. Kaya naman itinuon ko na lamang ang aking buong atensiyon sa pag-aaral na bagama't salat nairaos naman kami nina Itay at Inay. Binuksan ko na rin ang mundo ko sa iba upang magkaroon na rin ako ng mga bagong kaibigan nangsaganun unti-unti kong maiwaglit si Lukas sa aking buong sistema. Itinago ko na rin si Marlu sa kahon kasama ng aming larawan at sumbrero na bigay niya upang mas mapadali sa akin ng paglimot. Bagama't unti-unti ko na ring natatanggap na wala na si Lukas dahil sa pagkakaroon ko ng mga bagong kaibigan, subalit hindi ko maitatwang may mga sandali pa ring sumusulpot siya sa aking ulirat lalo na kapag tamaan ako ng lumbay at maalaala ko ang mga intimate moments namin noon na tanging kami lamang ang nakakaalam. Minsan kapag tamaan ako ng libog, ang kabuuan pa rin niya ang sinasaliw ko sa aking isip habang nagpapaligaya sa sarili. Alam kong iba pa rin iyon sa totoong nandiyan siya sa tabi ko subalit sinikap kong makuntento sa pag-i-imigine kaysa ang tumikim ng ibang lalaki. Maaring wala na ngang halaga pa sa kanya iyong pagkakaibigan namin, ngunit mahalaga pa rin naman iyong mga habilin niya sa aking hinding-hindi ako titikim ng ibang lalaki. Kaya kahit nagsisimula ng lumukob sa aking katauhan ang sumpa ng pagiging bakla, sinikap ko pa ring umakto na parang tunay na lalaki. Salamat na lang at nabiyayaan ako ng magandang katangiang pisikal dahil malaki ang naitulong nito upang maitago ko ang tunay na ako. Kaya hayun, kahit papaano naging maayos naman ang takbo ng aking buhay sa kabila ng sakit na idinulot sa akin ni Lukas. Sinikap ko ring hindi na maiinlab pa sa kapwa lalaki dahil sa huli ako rin ang masasaktan. Ganunpaman, may bahagi pa rin sa akin na umaasang balang araw ay manunumbalik rin kami sa dati. Hindi ko man alam kung kailan pero ang puso ko ang nagsasabing mangyayari rin iyon sa takdang panahon. Isang araw, binayo ng napakalakas na bagyo ang aming probinsiya. Kaya naman pinalilikas kami sampu ng aming mga kabaryo doon sa malaking gymnasium sa sentro ng aming barangay. Tanging mga damit at mahahalagang dokumento tulad ng birth certificate ang aming dala dahil wala na kaming sapat na panahon na magligpit ng mga gamit dahil agaran na kaming pinalilikas gawa nang nagsimula ng humagupit ang malakas na hamgin na may kasamang malakas na pag-ulan. Sinundo kami kasama ng mga kapitbahay ng malaking truck na pag-aari ng barangay. Sasampa na sana ako sa nasabing truck nang biglang sumagi sa isip ko si Marlu, iyong teddybear na bigay sa akin ni Lukas bago siya tumulak patungong Maynila. Naalala kung nakalagay iyon sa isang kahon na naiwan sa bahay at ewan, pakiramdam ko, nagkabuhay ang aking mga paa at natagpuan ko na lamang ang aking sarili na sinuong ang malakas na ulan at hangin pabalik sa bahay upang kunin si Marlu. Dinig na dinig ko pa ang pagtawag sa akin ni Inay na pabalikin ako subalit tila bingi na ako sa kanyang pagtawag. "Mario, si junior mo, hindi ko alam kung ano ang nakain at bumalik ng bahay, habulin mo!" Ang narinig kong sigaw ni Inay kay Itay. Pati mga kapitbahay namin ay sumisigaw na rin na ako ay pabalikin at may iilang kalalakihan na bumaba ng trak kasama si Itay para habulin ako ngunit ambilis kong nakalayo. Hindi ko alam kung sila ba ay nakasunod sa akin gawa ng makapal na hamog na bumabalot sa buong paligid. Patuloy parin ako sa pagtakbo at hindi ko alintana ang malakas na pagbugso ng hangin kahit na pakiramdam ko parang ililipad na ako. Hindi ko na naisip ang peligro na maaring mangyari sa akin sa kagustuhan kong makuha si Marlu. Iyon na lang kasi ang tanging alaala ko kay Lukas at ayokong pati iyon ay maglaho sa akin nang tuluyan. Sinipa ko ng ubod ng lakas ang pintuan ng aming bahay, nasira iyon. Dali-dali akong pumasok at hinanap ko kaagad ang kahon na pinaglagyan ko kay Marlu na naroon lang sa itaas ng aparador. Nang makalabas ako ng bahay ay dala-dala ko na iyong kahon ngunit ganoon na lamang ang takot ko na may kasamang panginginig nang makitang matatamaan ako ng nabubuwal na puno ng mahogany. Gawa ng sobrang nerbiyos ay hindi ko naigalaw ang aking katawan upang makaiwas. At ang tanging nagawa ko na lamang ay ang pumikit at hintayin ang pagtama sa akin ng malaking puno na iyon habang yakap-yakap ang kahon. Ngunit sa isang iglap biglang, "Tabi, anak!" Si Itay iyon na mabilis akong itinulak upang makaiwas na madaganan ng malaking puno ngunit sa kasamaang palad siya iyong nadaganan ng puno at kitang-kita ko ang pagtagas ng bumubulang dugo sa kanyang bunganga, ilong at tainga na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan. "Itay!" Walang patid ang aking pagluha habang nasa tabi ako ng kabaong ni Itay na inilagak sa isang punerarya sa sentro ng aming bayan. Kung sana sa pagluha kong iyon ay kayang maibalik ang buhay ng nasira kong mahal sa buhay. Labis kong sinisisi ang aking sarili sa pagkawala ng aking ama. Kung hindi lang sana ako bumalik ng bahay upang kunin si Marlu, marahil buhay pa sana ngayon si Itay. Ipinagpalit ko ang buhay ng aking ama sa isang teddybear na galing sa taong ni kailanman hindi na ako pinapahalagahan. Ang taong nakalimot sa isang pangako dahil sa abot-kamay na ang tagumpay. Ang taong hindi marunong tumupad sa pangako. At ang isa ko pang panghimutok sa kanya ay kung bakit hindi man lang niya nagawang bumisita sa burol ni Itay gayung malalim din naman ang kanilang pinagsamahan. Alam ng mga magulang ni Lukas ang trahedyang nangyari at imposible namang hindi naiparating ng mga ito sa kanya ang sinapit ni Itay. Doon nagsimula ang matinding galit at hinanakit ko kay Lukas. Sa kanya ko isinisi ang lahat. Kung hindi dahil sa pagmamahal ko sa kanya, hindi ko sana babalikan ang teddybear na bigay niya na siyang dahilan ng pagkasawi ni Itay sa pagligtas sa akin. Isang malaking kapahamakan ang ibigin siya kaya buo na ang desisyon kong limutin na siya nang tuluyan. Hindi siya ang nararapat sa akin. At hindi ko na kailanman papangarapin na siya'y makitang muli kahit pa siya na lang iyong lalaking natitira sa mundo. Nang dahil sa nangyari, naisip kong tama nga siguro ang kadalasan kong naririnig na malas ang magmahal sa kapareho ng kasarian,na kamalasan ang dulot naming mga bakla sa pamilya kung kaya sisikapin kong maituwid ang baluktot na pagkataong meron ako.Wala na si Itay at ako ang panganay kaya sa akin nakaatang ang naiwang responsibilidad niya sa aming pamilya. Nilingon ko ang dalawa ko pang kapatid na sina Leny at Rolly na tulad ko, wala pa ring impit sa pag-iyak habang pinatatahan ni Inay na namumugto na ang mga mata dahil sa kaiiyak din. Makikita sa mukha ng aking ina ang matinding paghihinagpis sa pagkawala ng aming padre de pamilya at pag-aalala sa kung paano niya itaguyod kaming mga anak niya ng nag-iisa. Tumayo ako at lumapit sa kanila. Pinalipat ko na muna ng upuan si Rolly upang magkatabi kami ni Inay. "Sorry po, Nay. Kung hindi po naging matigas ang ulo ko, buhay pa sana ngayon si Itay, kasa-kasama natin sa kabila ng hirap ng buhay!" Wika ko. Nagsimula na namang pumatak ang aking mga luha. "H-huwag mong sisihin ang sarili mo anak. Wala kang kasalanan. Walang may gusto sa sinapit ng ama mo at aksidente lang ang nangyari!" Ang tugon naman ni Inay sabay hagod sa aking likod. "Pero kung hindi po sana ako bumalik ng bahay upang kunin iyong kahon. Hindi sana mangyari ang aksidenteng iyon. Ako dapat ang nakahiga diyan sa kabaong at hindi si Itay" "Anak, tungkulin ng mga magulang na protektahan ang mga anak nila. Alam kong masakit dahil hindi natin inaasahan ang maaga niyang pagkawala. Pero ito ang isipin mo anak, may dahilan kung bakit si Itay mo ang unang kinuha ng Diyos kaysa sa'yo. Bata ka pa, matalino. Alam kong malayo ang mararating mo kung magsumikap kang abutin iyon. Nasa sa'yo ang susi para maahon tayo sa lusak na ating kinagisnan. Samantalang ang Itay mo, matanda na. Kahit na anumang gawing pagsusumikap niya ay hanggang sa ipanglalaman ng ating mga sikmura na lamang ang pwede niyang maibigay. Samantalang ikaw, may malaki pang pag-asa. Kaya anak, huwag mong sisihin ang sarili mo sa halip gawin mong inspirasyon ang nangyari sa Itay mo upang magtagumpay. Isipin mong ibinuwis niya ang kanyang buhay di bale ng siya iyong masawi dahil siya mismo ay alam na nasa sa'yo ang katuparan ng mga pangarap niya para sa atin. Ikaw ang panganay, anak at lalaki pa kaya ikaw na ang makakatuwang ko sa pagtaguyod ng pamilyang iniwan ng Itay mo. Magpakatatag ka, Anak!" Niyakap ko sa Inay kasama ng aking mga kapatid. Nagyakapan kaming apat na may luhang bumabaybay sa aming mga pisngi. Tama ang Inay, ako ang panganay at hahalili sa naiwang responsibilidad ni Itay kaya nararapat lang na maging matibay ako, sa akin kasi sila kumukuha ng lakas. Wala na ring kahihinatnan kung patuloy kong sisisihin ang aking sarili dahil hindi na nito kayang maibalik ang buhay ng nasira kong ama kahit na maglulupasay pa ako at lumuha ng dugo. Ang dapat kong gawin ay tanggapin iyon at mag-move-on. Ituloy ang buhay naming mag-anak at magsusumikap para umangat. Maaliwalas na ulit ng panahon nang ilibing si Itay na taliwas sa nararamdaman naming mag-anak. Oo nga't tanggap na namin ang kanyang pagkawala subalit hindi pa rin nawawala iyong sakit lalo nang makita naming unti-unti ng binababa ang ataol sa hukay. Iyon ang simula ng kanyang paglalakbay at hindi na muling babalik pa sa piling namin. Bukod sa mga kapitbahay naming nakiramay sa pangunguna ni Mang Diego na ama ni Lukas, kaming apat lang nina Inay, Leny at Rolly ang naroon. Hindi kasi nakarating ang aming mga kamag-anak na nasa malalayong probinsiya dahil naghihikahos din ang kani-kanilang mga pamilya at wala silang pera pamasahe ngunit naiintindihan naman namin ang kanilang sitwasyon. Kinabukasan, habang pinagtutulungan naming ayusin ang nasira naming bubungan dahil sa bagyo ay dumating si Konsehal upang ipaalam na ibebenta na niya iyong lupain na sinasaka ni Itay upang maipagamot ang asawa niyang tinaaman ng kanser. Bilang pagtanaw sa kabutihan at pagiging tapat na tenant ng yumao kong ama ay bibigyan niya si Inay ng pera upang magagamit sa pagsisimula namin. Pumayag din naman si Inay dahil aniya hindi rin naman daw niya kaya ang magsaka at napakabata ko pa kung ako ang magiging kapalit ni Itay na mag-alaga sa apat na ektaryang lupain na natatamnan ng palay at mga niyog. Nang maibigay na kay Inay ang pera ay sinimulan na namin kaagad ang magligpit ng mga gamit. Iyong ibang hindi na namin kayang dalhin gaya ng aparador, at mga kasangkapan sa kusina ay ipinamimigay na lamang namin sa mga kapitbahay. Pansamantala na muna kaming makikitira sa pinasang buo ni Inay na si Tiya Minda na nasa Nueva Ecija. Ayon kay Inay, may dalawang anak daw itong puro lalaki at ang asawa ay nagtatrabaho sa Saudi bilang wielder sa isang construction. At habang nandoon kami, magtatayo si Inay ng maliit na tindahan sa tapat ng public elementary school gamit ang perang ibinigay ni Konsehal, iyon ang kanyang paiikutin para may pantustos kami sa aming mga kakailanganin sa araw-araw at sa aming pag-aaral. Gusto ko sanang hihinto na muna upang makaluwag-luwag kami at may makakatulong si Inay sa tindahan subalit hindi niya ako pinayagan. Walang hihinto isa man sa amin dahil pagsusumikapan daw niyang itaguyod kaming tatlo. Iyon daw kasi ang pangarap ni Itay noong nabubuhay pa, ang makapagtapos kami ng pag-aaral. "Kuya, dadalhin pa ba natin ito?" Tanong sa akin ni Leny mula sa aking likuran. Panandalian kong itinigil ang pagliligpit at siya'y binalingan at nalaman kong iyong kahon na pinaglagyan ng teddybear, sumbrero na bigay sa akin ni Lukas at iyong larawan naming dalawa ang tinutukoy niya. "Saan mo nakita 'yan?" Ang tanong kong medyo tumaas ang boses. Hindi ko kasi naiwasang magngitngit nang makita iyon dahil iyon ang nagpapaalala sa akin sa nangyaring trahedya. "Doon sa damuhan" Naalala kong naitapon ko nga pala ang kahon nang makitang nadaganan si Itay ng malaking puno. "Sige, ako ng bahala diyan" Inilapag ni Leny ang kahon sa papag at muling bumalik kay Inay para tumulong sa pagliligpit ng mga gamit sa kabilang kwarto. Nang maiwan akong mag-isa, binuksan ko ang kahon. Naroon pa rin sa loob ang cute na teddybear na si Marlu, ang sumbrero at ang larawan namin ni Lukas. Kinuha ko iyon at pinagmasdan. Ang saya lang namin sa larawang iyon. Naaalala ko pa ang sandaling iyon na paniwalang-paniwala sa kanyang mga pangako ngunit ni isa man sa mga iyon ay walang natupad. Hindi nga niya nagawang sumaglit man lang sa burol ni Itay. Talagang binago na siya sa kaunting narating niya. Nilamukos ko ang larawan. Ibinato ko iyon sa dingding. Galit na galit ako kay Lukas sa ginawa niyang paglimot sa aming pinagsamahan. Tumayo ako at tumungong kusina, hinagilap ko ang kutsilyo. Bumalik ako ng kwarto na bitbit iyon. Binutasan ko ang dibdib ng teddy bear. Muli kong dinampot ang larawan at pinunit iyon ng apat na beses at isinilid sa loob ng teddybear. Isinuot ko sa ulo nito ang sumbrero. Tumayo ako at kumuha ng lubid at itinali iyon sa leeg ng teddy bear at ibinitin ko iyon sa puno malapit sa bahay nina Lukas. Sa pamamagitan noon, maiparating kong tinatapos ko na ang aming pagkakaibigan sakali mang umuwi siya sa kanila. Sa paglisan namin sa baryong iyon ay iniwan ko ang lahat ng magaganda naming alaala at ang tanging naiwan ay ang poot at hinanakit ko sa kanya. Dapit-hapon na nang dumating kami sa bahay ng pinsan ni Inay na si Tiya Minda sa Nueva Ecija. Bagama't nagulat dahil sa aming biglaang pagdating, magiliw naman niya kaming tinanggap kasama ng dalawang anak niyang lalaki na sina Robert, labing-siyam na taong gulang at ang bunso na si Rico na kasing edad ko lang din na tulad ko, nasa unang taon na sa sekondarya ng panahong iyon. Ikinuwento ni Inay ang nangayri kay Itay, ang pagkasawi nito sa kasagsagan ng bagyo sa aming probinsiya at pagbenta ng may-ari ng lupain na aming sinasaka kaya nakikiusap si Inay na kung maari makikipisan na muna kami sa kanila. Nasa Mindanao pa kasi ang mga kamag-anak ni Inay at napakalayo na noon kung doon kami tutungo. Naiintindihan naman iyon ni Tiyang Minda kaya pumayag siya sampu ng kanyang mga anak na sa kanila na muna kami maninirahan. Malaki ang bahay ni Tiyang Minda. Kumpleto ito sa mga gamit. Halatang nakakaangat sila sa buhay dahil sa abroad nitong asawa. Sa likuran nito, naroon ang dati nilang bahay na yari sa kahoy na kung saan magiging pansamantala naming tirahan..May kaliitan ang bahay na iyon ngunit sapat na iyon sa aming apat. Kinabukasan, maaga kaming gumayak patungo sa paaralan upang magpa-enroll bilang mga transferee. Dala-dala naman namin ang aming mga papeles kaya walang naging problema. Pagkatapos, inasikaso kaagad ni Inay ang pagpapatayo niya ng kanyang maliit na tindahan sa tulong ni Tiyang Minda sa tapat ng public elementary school na kung saan mag-aaral ang aking dalawang kapatid. Naging maayos naman ang takbo ng buhay naming mag-anak. Kitang-kita ang pagsusumikap ni Inay na maigapang kaming magkakapatid. Halos wala na siyang pahinga dahil bukod sa pagtitinda niya, suma-sideline din siya ng paglalabada at pamamalantsa sa mga kapitbahay naming may kaya. Kaya naman pinag-igihan kong mabuti ang pag-aaral upang kahit papaano magbunga ang pagsusumikap niyang itaguyod kami. At anong tuwa niya nang isabit sa akin ang medalya bilang third honor nang nagtapos ako sa unang taon sa hayskul at nagsecond naman noong second-year ako. Ngunit noong palapit na ang pasukan ng thirdyear ay napansin ko ang pagpayat at pananamlay ni Inay. May mga sandali ring naghahabol siya ng hininga na para bang galing sa takbuhan. Ayos lang naman daw siya at dala lang marahil ng pagod ang kanyang sinabi nang tinanong ko ang tungkol dito. Umiinom naman daw siya ng mga vitamins para manumbalik ang dati niyang lakas kung kaya nakumbinse niya akong huwag ng mag-alala pa sa kanya. Subalit noong naglalaba siya ng tambak-tambak na mga labahin nina Tiyang Minda ay bigla na lamang siyang natumba sapo ang kanyang dibdib at hirap na hirap sa paghinga. Labis ang takot ko sa nangyari kay Inay at agad akong nagtatakbo sa loob ng bahay nina Tiyang Minda upang makahingi ng tulong na madala si Inay sa ospital. Tumalima din naman agad siya at inutusan nitong tumawag ng traysikel ang panganay na anak na si Robert na kasalukuyang nagko-computer sa kanilang sala. Ayon sa doktor na sumuri kay Inay, Pulmonary Edema ang kanyang sakit. Ito ay isang kondisyon kung saan napupuno ng tubig ang baga ng isang tao. Kapag nangyari ang kondisyong ito, ang katawan ng pasyenteng may tubig sa baga ay mahihirapang makakuha ng sapat na oxygen na naging dahilan na hirap siyang huminga, madaling mapagod, pananamlay ng balat at paminsan-minsang lumuluwa ng dugo. Nakakamatay daw ang sakit na ito kung hindi kaagad malunasan kaya naman ganoon na lamang ang takot ko dahil parang hindi ko kakayanin na si Inay na naman ang kukunin sa amin ng nasa taas. Paano na kaming magkakapatid kung tuluyan na kaming maging ulila sa mga magulang? "Magagamot naman siguro 'yan, Dok?" Ang tanong ni Tiyang Minda. Tahimik lang ako sa kanyang tabi bagama't may luha ng nangilid sa aking mga mata. "Yes, it's curable. Kailangang operahan ng pasyente para alisin ang tubig sa kanyang baga. Pero bago 'yon, hihintayin muna natin ang mga resulta ng lab exams niya bago natin isagawa ang operasyon!" Umalis na ang doktor sa ward na kung saan naroon si Inay na-confine. Mahimbing itong natutulog na may nakapasak na oxygen tube sa kanyang bunganga. Naawa ako sa kalagayan ni Inay. Naisip ko na kung hindi lang sana maagang nawala si Itay marahil hindi niya dadanasin ang ganitong pasakit. Kaming mga anak niya ang dahilan ng kanyang pagdodobleng kayod kaya naman nakuha niya ang ganitong karamdaman. "May pera pa naman siguro kayong naipon para sa operasyon ng inay mo, Mario?" Ang tanong sa akin ni Aling Minda sa mataas nitong boses. Ewan, pero pakiramdam ko nag-iba ang timpla ni Tiyang nang malaman ang halagang kakailanganin para sa operasyon ni Inay. "Meron naman po, hindi ko lang alam kung sasapat iyon sa mga gastusin sa ospital" Ang tugon ko naman na halos maiiyak na. "O sige, papahiramin ko kayo ng pera pandagdag sa mga gastusin dito sa ospital pero sabihin mo kay Lourdes na kailangan ninyo iyong mabayaran bago sumapit ang Oktubre ngayong taon dahil para iyon sa tuition fee ni Robert. Alam mo namang fourth year na siya sa Engineering at napakamahal ng kursong iyan!" "Opo, Tiyang" Ang tanging naisagot ko. "Mauna na ako. Magpapahatid na lang ako kay Leny ng pagkain mo rito at kasama na iyon sa utang na dapat n'yong bayaran!" Tanging pagtango na lamang ang aking naging tugon. Nakaramdam na kasi ako ng hiya kay Tiyang dahil base sa pananalita niya mukhang napipilitan lang siyang tulungan kami. Wala rin naman kasi kaming ibang kamag-anak na pwedeng lapitan kundi siya lamang. Sa awa ng Diyos, naging matagumpay ang operasyon ni Inay sa kanyang baga. Pinayuhan siya ng doktor na inumin lahat ng mga iniresitang gamot at mahabang pahinga sa bahay. Hindi na muna siya pinayagang magtrabaho lalo na ang paglalabada at pamamalantsa. Sinunod namin iyon at naging maayos naman ang lahat subalit ang inaalala namin ay ang paglabas ng totoong ugali ni Tiyang Minda na taliwas noong unang mga taong pamamalagi namin sa kanila. Kung dati ang bait nito sa amin na animoy isang santa, ngayon, may sa demonyo na. Araw-araw ay maaanghang at masasakit na salita ang mga naririnig namin mula sa kanya. Kesyu,dagdag palamunin daw kami sa kanila, mga walang silbi at perwisyo ang dala namin sa kanilang pamilya. At ang isa ko pang pinoproblema ay ang palagian niyang pagpaparinig sa nautang namin sa kanya dahil pang-tuition daw iyon ni Robert. Labis na ang awang nararamdaman ko kay Inay sa panahong iyon. Pinilit na kasi niyang magtrabaho para kahit papaano mayabaran ng paunti-unti si Tiyang at may pagkain kami sa araw-araw. Subalit hindi na sapat ang kinikita ng tindahan pambayad utang namin sa kanya at gastusin namin kaya naman napagpasyahan kong huminto na lamang ng pag-aaral. Sayang dahil magpo-fourth-year na ako sa panahong iyon kung saan wala pang K-12 subalit wala akong mapagpipilian. Kinailangan kong isantabi ang pag-aaral upang kumayod para tulungan si Inay. Papasok na lang ulit ako kapag makaluwag-luwag na kami. Kapag weekdays ay tumutulong ako kay Inay sa tindahan at kapag Sabado at Linggo naglalako kaming dalawa ni Leny ng mga kakanin sa mga kapitbahay. Mabenta naman ang aming mga inilalako lalo na sa mga bading na nagtatrabaho sa mga parlor na aming nadadaanan. Binatilyo na kasi ako sa panahong iyon at unti-unti ng lumalabas ang angkin kong kapogian na ayon sa kanila may kamukha daw akong artista, hindi ko lang matandaan kong sino iyon. Madalas pa rin ang pagsumpong ng sakit ni Inay kung kaya napapadalas din ang pamamalagi niya sa bahay at kapag ganoon, kaming magkakapatid ang kikilos ng doble para mairaos namin ang aming mga pangangailangan. Sobrang nahihirapan na kami dahil pinarerentahan na ni Tiyang Minda ang bahay na pinatirhan niya sa amin. Kaya ang pangarap ko na mag-aral sa susunod na taon ay muli na namang napurnada. Pati sina Leny at Rolly ay huminto na rin. Nahuhuli ko nang minsan na umiiyak si Inay ng palihim, at ang sabi niya sa akin hindi raw ganito ang pinangarap niya sa amin, ang huminto sa pag-aaral. Kung nabubuhay lang daw sana si Itay ay hindi raw kami maghihirap ng ganito. Hindi ko na naman maiwasang sisihin ang sarili. Ako kasi ang dahilan ng pagkamatay ni Itay na siyang dahilan ng sobrang paghihirap namin ngayon. Ngunit lagi naman akong pinapaalalahanan ni Inay na hindi ko kasalanan ang nangyari, aksidente lang ang lahat kaya naman iwinaglit ko na iyon sa aking isipan at ang tanging nasaisip ko ay gawin ang lahat para lang mairaos ko ang aming pamilya. Ako kasi ang panganay at sa akin nakaatang ang responsibilidad na naiwan ni Itay. At dahil hindi na naman ako makapag-aral sa taong iyon, napagpasyahan kong mag-apply na lang muna ng trabaho sa isang bakeshop sa Cabanatuan. At dahil urgent hiring sila, tinanggap agad ako bilang tindero na hindi na hiningan ng kung ano-anong requirements. Pabor iyon sa akin dahil bukod sa hindi na ako gagastos, hindi rin nila mabubuking ang tunay kung edad. Eighteen kasi ang hinahanap nila samantalang seventeen pa lang ako. Sabagay sa tangakad ko na iyon, talagang hindi ako paghihinalaan. Nang maging regular na ako sa bakeshop, kahit papaano nakaluwag-luwag na kaming mag-anak. Nakakakain na kami ng tatlong beses sa isang araw. Naiinom na rin ni Inay ang kanyang maintainance na gamot na walang palya. Nakapag-ipon na rin ako para sa pag-aaral naming magkakapatid sa susunod na pasukan. "Mario, anak, pasensiya ka na ha. Kung hindi lang sana ako naging masakitin marahil sa paaralan ang punta mo ngayon at hindi sa bakeshop na pinagtatrabuan mo" Ang madamdaming pahayag ni Inay isang umaga habang inaayos ko ang sarili sa harap ng malaking salamin. Naglalagay ako ng kunting clay sa buhok at pati iyon ay kailangan kong tipirin. Masasabi kong pinagpala nga ako sa tindig, porma at istura. Sabay sa uso ang istilo ang aking buhok, iyong hindi na ginagamitan ng suklay at kamay lang ang pinang-aayos dito. Maganda ang aking mga mata na ayon sa mga bading at mga dalaga na kostumer ko sa bakeshop ay nakakatunaw raw kung tumitig. Matangos ang aking ilong na minana ko pa raw sa aking lolo. Manipis ang mapupula kong labi na binagayan ng mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin. Makinis ang aking balat na bagama't hindi naman ganoon kaputi ngunit hindi rin naman maitim. Napabuntong-hininga ako. Pwedeng-pwede kong gawing puhunan ang aking itsura upang maiahon ko sa hirap ang aking pamilya dahil sa daming natatanggap ko na mga indecent proposal mula sa mga maperang bading. May nag-alok pa nga sa aking papaaralin ako sa kahit na anong kurso na gusto ko at bilang kapalit ay makikipag-live-in ako sa kanya. Isang magandang oportunindad na sana iyong maituturing subalit ang pangaral sa akin ni Lukas noon ang palaging nagsusumiksik sa aking isip. "Walang shortcut sa magandang kinabukasan kundi ang magsumikap sa malinis na paraan" Oo, kinalimutan ko na siya, gaya ng paglimot niya sa akin ngunit ang mga magagandang payo niya ay patuloy na nakain-in sa puso ko at isipan. Iyon ang naging gabay ko sa pagtahak ng tuwid na landas. Narinig kong inulit ni Inay ang kanyang sinabi sa pag-aakalang hindi ko siya naririnig. Sa pagkakataong iyon hinarap ko siya, hinawakan ko ang dalawa niyang palad at pinisil iyon at sinabi kong, "Nay, panganay ako, wala na si Itay kaya tungkulin kong igapang kayo ng mga kapatid ko sa abot ng aking makakaya. Kaya ko naman e, kinakaya naman natin diba?" "Pero paano ang pag-aaral mo? Paano ang mga pangarap mo sa buhay?" "Nay, ang tanong ay, paano kaming magkakapatid kung pati ikaw ay mawala na sa amin nang tuluyan. Hindi namin kakayanin 'yon Nay. Bata pa naman ako at malakas pa. Marami pang pagkakataon na makapag-aral ako kaya huwag mo na akong isipin. Magpakagaling ka Nay, iyon lang ang pwede mong gawin sa ngayon dahil sa inyo kami humuhugot ng lakas!" Niyakap ko si Inay ng buong higpit. Hindi ko napigil ang mga luha ko sa mata. Si Inay ay ganoon din. "Salamat, anak. Laking pasalamat ko sa Diyos na sa kabila ng hirap ng buhay ay binigyan naman niya ako ng anak na kagaya mo" "Makakaraos din tayo Nay, pangako!" Ang huling sinabi ko sa kanya bago ako umalis. Nilalakad ko lang ang bakeshop na nasa tapat ng palengke ng Cabanatuan para makatipid ako. Medyo may kalayuan din iyon sa kinaroroonan ng bahay nina Tiyang Minda subalit dahil sa sanay na ako, parang malapit na lang iyon sa akin. At habang naglalalad, di sinasadyang nasipa ko ang isang malaking pitaka sa gilid ng daan. Dinampot ko iyon at binuksan at laking gulat ko sa malaking halagang naroon idagdag pa iyong isang ATM card at dalawang tseke. May nakita rin akong mahahalagang papeles at isang ID. Pag-aari iyon ng isang Luz Santos na taga Maravilles, Bataan. Mukhang dayo ng Cabanatuan ang may-ari ng napulot ko. Naghihirap nga kami subalit hindi ako nasilaw sa malaking halagang nilalaman ng pitaka. Isa lang ang nasa isip ko ng panahong iyon, iyon ay ang maisauli ang pitakang napulot ko. Malayo na ang mararating ng perang iyon kung sakali ngunit ang katotohanang hindi naman iyon sa akin ang nangingibaw sa aking isip. Paano na lang kung may pagagamitan ang perang iyon? Kaya naman pumara ako ng traysikel at nagtungo sa isang lokal na radio station ng lungsod. Doon ko naisipang i-surrender iyong pera dahil mas madali sa kanilang mahagilap iyong may-ari dahil pwede nilang i-ere ang pangalan nito. Nakaharap ko ang station manager ng naturang FM stion. Sa kanya ko ipinagkatiwala ang pitakang napulot ko na ayon sa kanya siguradong maisasauli iyon sa tunay na may-ari. Bago ako umalis kinuha niya ang buo kong pangalan at address ng aking pinapasukan. Nang muli akong magtime-in sa hapon matapos ang aking tatlumpong minutong break ay sinabi sa akin ng kasamahan ko sa trabaho na may naghahanap daw sa akin na isang ginang na kasalukuyang nasa dining area at naghihintay sa akin. Agad ko din namang pinuntahan ang nasabing ginang at napag-alaman kong siya iyong may-ari ng napulot kong pitaka. Mabuti naman at naibalik na iyon sa kanya. "Maraming salamat sa pagiging tapat mo, Mario. Bibihira na lang sa panahon ngayon ang mga taong kagaya mo. Naku, paano na lang kaya kung hindi ikaw ang nakapulot ng pitaka ko? Ipambabayad ko pa naman iyon sa pagpapaospital sa ama kong na-stroke!" Ang wika sa akin ng ginang na halos mangiyak-ngiyak sa labis na pasasalamat. "Wala po 'yong anuman, Ma'am. Kahit na mahirap lang kami, kailanman hindi itinuro ng aking mga magulang na ariin ang isang bagay na hindi ko naman pag-aari. Isang tukso po ang napakalaking halagang napulot ko, pero gaya ng nasabi ko, hindi naman iyan akin kaya bakit ko iyan itatago? Naisip ko rin na baka may pagagamitan ang perang iyon kaya sa radio station ko naisipan na i-surrender para mas mapadali ang paghahanap sa inyo!" Ang tugon ko naman. "Kaya nga e, labis ang pasasalamat ko sa'yo. Teka, nag-aaral ka pa ba, iho?" "Hindi na po" Ang simpleng tugon ko. Hindi ko na sinabi ang dahilan dahil nao-awkward akong ikwento sa kanya ang pinagdaanan namin gayung hindi pa naman kami lubusang magkakilala kahit na mukha naman siyang mabait. "Mag-aral ka, iho. Sayang ang gwapo mong iyan kung hanggang dito ka na lang sa bakeshop na ito. Hindi sa minamaliit ko ang trabaho mo pero iba pa rin iyong makapag-aral ka at may narating" "Salat ho sa buhay e!" "Walang problema iyan. Desidido ka ba talaga na muling mag-aral?" Tumango ako. "Bakit hindi ka magwo-working student. Matutulungan kita diyan" "Talaga ho. Ano pong trabaho iyon?" "May seafood restaurant ako sa Maravilles na may videoke bar. Kung papayag ka, dadalhin kita roon para gawing cashier dahil alam kong mapagkakatiwalaan ka. Full time ka kapag Sabado at Linggo at kung weekdays naman, alas-sais ng gabi hanggang alas-diyes ang duty mo dahil papag-aralin kita sa umaga sa isang private school doon" "T-talaga po? Naku, maraming salamat po, Ma'am. Hindi ko po inaasahan na darating ang blessings na tulad nito. Pero pwede po bang isangguni ko muna ito sa Nanay ko?" "Sige, magpaalam ka muna sa Nanay mo. Tutal naman, tatlong araw pa akong mamalagi rito. Puntahan mo lang ako diyan sa ospital. Ako kasi ang nag-aasikaso sa ama kong na-stroke" Paulit-ulit kong binanggit ang salitang salamat bago tumalikod ang Ginang. Inabutan pa niya ako ng dalawang libo bago umalis. Hindi ko sana iyon tatanggapin dahil hindi naman ako humihingi ng kapalit sa kabutihang aking nagawa ngunit naging mapilit siya. Kaya wala akong nagawa kundi ang itago iyon at muling magpasalamat. Talaga pa lang totoo ang kasabihan na kapag nagtanim ka ng kabutihan ay tiyak kabutihan din ang iyong maaani. Iyon ang tumatakbo sa aking isipan nang pauwi na ako ng bahay. Halos liparin ko na lang sa sobrang saya at excitement na ipaalam kay Inay ang isang napakagandang balita. Subalit nawala ang lahat ng excitement na aking nararamdaman at napalitan ng galit ng dumating ako. Kitang-kita ko kasi na pinagtatapon ni Tiyang Minda kasama ng mga anak niya ang mga gamit namin sa bakuran at sumisigaw ng, "Mga magnanakaw, magsipaglayas kayo. Mga walang utang na loob!" Kaya naman patakbo akong lumapit. "Tiyang ano po bang nangyari? Bakit n'yo pinagtatapon ang mga gamit namin?" "Iyang si Rolly, ninakaw niya ang perang pang-renew sa alahas na sinanla ko. At ang Inay mo naman kinukunsinte pa ang kapatid mo!" Galit na galit na sigaw ni Tiyang Minda, mga mata niya'y nanlikisik na animoy leon na nakahanda ng lumapa. Nilingon ko sina Inay sa aking likuran. "Hindi totoo ang bintang ni Minda, anak. Kilala mo ang kapatid mo, kailanman hindi niya magagawa ang magnakaw!" Yakap-yakap nito si Rolly na umiiyak habang si Leny ay nasa kanyang gilid nakahawak sa suot niyang daster na umiiyak rin. "Sigurado po ba kayong si Rolly ang kumuha ng pera n'yo Tiyang? Baka naman nailagay n'yo lang iyon sa kung saan?" Baling ko kay Tiyang Minda. "At bakit naman hindi? E, si Rolly lang naman ang pumasok sa kwarto ko bago nawala ang perang nakalagay sa drawer, kaya sino pa ba sa tingin mo ang pwede kong mapagbintangan, aswang, mga multo? Kaya ibalik n'yo na ang perang ninakaw niya dali bago ko pa ipadadampot iyan ng mga tanod!" Binalingan ko si Rolly. "Pumasok ka ba sa kwarto ni Tiyang, Rolly?" "Opo. Inutusan kasi ako ni Kuya Rico na kunin daw iyong charger niya sa kwarto ni Tiyang. Pero maniwala po kayo Kuya, bukod sa charger, wala na po akong kinuhang iba. Noon paman, naghihirap na tayo, ngunit kailanman hindi ko po kaya na magnakaw!" Humihikbing pagpapaliwanag nito. Totoo ang sinabi ni Rolly, kinamulatan na namin ang kahirapan. Naranasan na namin ang magdildil ng asin o ang sahugan ng mantika ang kanin kapag wala na talaga kaming maiulam subalit kailanman hindi namin nagawa ang mang-umit ng mga bagay na hindi naman namin pinaghirapan. Iyon ang pinakaturo sa amin ng aming mga magulang. "Maaring si Rolly nga ang huling pumasok sa kwarto n'yo Tiyang, pero kilala ko ang kapatid ko, hinding-hinding niya magagawa ang ibinibintang ninyo. At para wala ng gulo, aalis na lang ho kami, ngunit ipagpapaumanhin ninyong wala kaming maibabalik na pera dahil wala naman ho kaming ninakaw!" "Ah, punyeta! Ano pang hinihintay n'yo, layas na. At huwag na huwag kayong makabalik-balik pa rito, mga magnanakaw kayo, letseee!" Ang pantataboy ni Tiyang Minda na daig pa ang nagpalayas ng asong gala. Pumasok ito sa loob ng bahay at pabagsak na isinara ang pinto. Tahimik naman naming pinagpupulot ang mga damit naming nagkalat sa lupa at isinilid sa maleta. Hindi ko naman maiwasang maluha sa nakahahabag na tagpong iyon. Wala mang salitang namutawi sa bibig ni Inay, ngunit kitang-kita ko sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala at kawalang pag-asa sa kung saan kami makahanap ng bagong matutuluyan. Marami namang mga kwartong pinarerentahan kaso kinailangan pang magbigay ng paunang bayad at deposit bago namin ma-okupa iyon ngunit wala naman kaming pera pambayad sa deposit at advance payment sa naturang mga silid. Panasamantala na muna kaming tumigil sa loob ng park. Nakatulog na sina Leny at Rolly sa inilitag kong kumot sa bermuda grass. Kami na lamang ni Inay ang nanatiling gising. Nag-iisip sa kung paano makahanap ng paraan sa panibago na namang dagok na humambalos sa amin, ang mawalan ng tirahan. "Anak, paano na 'to? Tanong ni Inay na para bang nasa akin ang kasagutan sa suliranin naming iyon. Mukhang sa akin na niya iniasa ang lahat kasi nga wala na si Itay na aagapay sa kanya. Sumagi naman sa isip ko si Mrs. Santos, ang may-ari ng pitakang napulot ko at nag-alok sa akin ng isang trabaho sa Maravilles bilang pagtanaw sa kabutihang nagawa ko. Kaya naman, nagpaalaam muna ako sandali kay Inay at nangangakong babalik din agad. Saka ko na sasabihin sa kanya ang tungkol sa pag-alis ko sa aking pagbalik. Kaagad kong tinungo ang pribadong silid na kung saan naka-confine ang ama ni Mrs Santos. Nakatatlong katok ako bago iyon bumukas. Ngumiti siya nang makita ako saka pinatuloy. Kaagad kong ikinwento sa kanya ang lahat ng nangyari at nakiusap na kung maari isasama ko sina Inay at ang dalawa ko pang kapatid na tumungong Maravellis dahil wala na silang matutuluyan pa rito. Wala namang pagtututol ang ginang at ang saya ko nang sabihin niyang kukunin din daw niya si Inay na maging dishwasher sa kanyang restaurant. Pati mga kapatid ko ay pagpapaaralin niya rin daw. Sa labis na tuwa ko ay napayakap ako sa kanya. "Hulog po kayo ng langit sa amin!" Nasambit ko. Napangiti na lamang si Mrs Santos nang makitang umiiyak na ako at sinabing, "Deserve mong matulungan, Mario dahil isa kang mabait at tapat na bata" Bumalik ako sa parke upang ipaalam kay Inay ang isang napakagandang balita. Halos maglulundag naman siya sa labis na kasiyahan nang malaman ang tungkol sa alok ni Mrs. Santos. Kinuwento ko rin sa kanya kung paano kami nagkakilala ng ginang. "Nagbunga rin ng maganda ang mga pangaral namin sa inyo ng mga kapatid mo!" Ang tanging naikomento niya habang pinunasan ang lumuluha niyang mga mata. Sinong mag-aakala na higit pa sa halaga ng perang sinauli ko ang biyayang aming matatanggap. Lumipas ang anim na buwan. Sa tulong ni Mrs. Santos ay lumuwag-luwag na rin kami. Regular ng empleyado si Inay sa kanyang restaurant bilang dishwasher at ako na naman ay kahero. Tinupad din niya ang pangako niyang papaaralin ako sa isang private school kasama ng aking mga kapatid ngunit dahil nakaramdam na kami ng hiya at parang kalabisan na, sinabi kong sapat ng ako iyong papaaralin niya ngunit dahil sa mapilit si Mrs. Santos at hangad niya ang makatulong lalo pa't hindi naman sila nabiyayaan ng anak ng kanyang asawa, ang kagustuhan pa rin niya ang nasunod. Ngunit sinabi kong huwag na lang sa private school sina Leny at Rolly na sinang-ayunan naman niya kahit pa ang talagang gusto niya ay sa pribadong eskwelahan. Inihahanda ko na ang sarili sa unang araw ko sa eskwela. Eighteen na ako at idagdag pa ang aking tangkad na 5"9 siguradong magmumukha akong bakulaw sa aming klase. Subalit hindi ko na iyon inisip dahil ang mas mahalaga ay ang maipagpatuloy ko ang pag-aaral at makapagtapos ako ng hayskul sa panahong iyon. Dahil sa inihatid ko pa ang dalawa kong kapatid sa kani-kanilang classroom sa isang public highschool ay kamuntikan na akong mahuli sa unang araw ng pasukan. Nakita kong isasara na sana ng gwardiya iyong gate kaya naman patakbo akong sumigaw ng, "Chief, sandali!" Hindi naman niya itinuloy ang pagsara ng gate at mukhang hinihintay niya ang pagpasok ko at no'ng nasa may gate na ako,"Koy, ikaw ba 'yan?" Ang tanong ng gwardiya sa akin na siyang labis kong ikinagulat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD