Chapter 11

4839 Words
"Matagal n'yo na pala akong niloloko, Koy?" Ang sigaw ni Lukas na nagpabalik sa akin sa katinuan. Agad kong naitulak si Keith at bumalikwas ako sabay hila sa puting kumot para pagtakpan ang hubad kong katawan. "P-paano mo nalamang nandito kami?" Ang tanong kong nakayuko. Dahil sa matinding hiya ko at guilt sa sarili ay hindi ako makatingin sa kanya kahit na panakaw na sulyap man lang. Gusto ko nga sanang maglaho na lamang akong bigla sa aking kinaroroonan upang hindi ko na makita pa ang mukha niyang puno ng paghihinagpis at galit. Maging ang panunumbat niya dahil sa ginawa kong kataksilan. "Ang tanong ko ang sagutin mo! Paano mo nagawa sa akin ito?" Lumapit siya sa kama sabay hila sa aking kamay. Sa lakas niya, napatayo akong walang saplot sa katawan. "Kami na ni Keith, magdadalawang buwan na" Nabigla siya sa aking sinabi. Napapailing tanda ng hindi makapaniwala sa kanyang narinig mula sa akin. Ako man din ay nabigla sa mga katagang lumabas sa aking bibig. Oo nga't binalak ko na ang makipaghiwalay sa kanya kahit labag iyon sa aking kalooban ay wala sa hinagap kong ganoon ang aking magiging dahilan. Mistula iyong palasong tumusok ng makailang ulit sa aking puso at alam kong higit pa sa talim at talas ng palasong iyon ang nararamdan niya. Namula ang kanyang mga mata. Halatang pinipigilan ang mga luhang gustong bumulwak ngunit hindi niya iyon naitago sa garalgal niyang boses nang muling magsalita. "Nang maging inutil akong nakaratay sa ospital. Nang makipagbuno ako kay kamatayan para lang muli kang makita, mayakap at mahalikan. Marinig muli ang boses mong palaging nagsasabing ako lang at wala ng iba. Iyon pala, may kinakasama ka ng iba? Bakit, Koy? Ano bang nagawa kong pagkakamali at bakit mo ako ipinagpalit sa lalaking iyan? Dahil ba sa mahirap lang ako at mayaman siya? Dahil ba sa narealised mong wala kang magandang kinabukasan sa tulad kong isang hamak na gwardiya lang? Dahil ba mas kumportable kang sumakay sa mamahalin niyang kotse kaysa ang umangkas sa pinaglumaan ko ng motorsiklo?" Sa sinabing niyang iyon ay hindi ko na napigil ang aking mga luha na huwag pumatak. Gusto kong pabulaanan ang kanyang mga sinabi na tanging siya lamang ang lalaking mahal ko at walang kinalaman ang karangyaang pinatamasa sa akin ni Keith na kung bakit ko siya ipinagpalit. Ngunit buo na ang desisyon ko. Alam ko ang pwedeng gawin ni Keith kapag baliin ko ang naipangakong desisyon kaya kahit masakit man sa aking kalooban, kahit taliwas man iyon sa kung ano ang isinisigaw ng aking puso, kailangan kong panindigan ang isang kasinungalingan alang-alang sa kanyang kaligtasan. "Narinig mo naman siguro ang sinabi ko, Lukas. Kami na ni Keith kaya pwede bang umalis ka na. Tama ka, narealised ko ngang may mas magandang kinabukasan nga ako at ang pamilya ko kung si Keith ang aking pipiliin kaysa ikaw na isang hamak na gwardiya lamang. Ni hirap mo ngang buhayin ang sarili mo at ang iyong pamilya ako pa kaya?" Ang nakagigimbal kong mga pahayag. Sinikap kong huwag mag-c***k ang boses para mas maging makatotohanan ang pagbunyag ko ng isang kasinungalingang ako rin ang lubhang nasasaktan. At sa sinabi kong iyon, hindi na niya napigil pa ang gabukal na luhang bumaybay sa kanyang pisngi. "I-ikaw ba talaga 'yan, Koy? Naririnig mo ba iyang mga sinasabi mo?" Kitang-kita ko sa mga sandaling iyon ang kanyang panginginig. Mukhang hindi pa nagsink-in sa kanya ang mga pangyayari. "Ako 'to, Lukas. Alam mo namang wala akong kakambal diba..." Sarakastiko kong tugon. "...pasensiya ka na pero hanggang dito na lang tayo, si Keith na ang gusto kong makasama habang ako'y nabubuhay" At sa isang iglap lumuhod siya sa aking paanan, niyakap ang aking dalawang binti. Humahagulgol na tila isang batang inagawan ng laruan ng mga kalaro. Labis ang pagmamakaawa niyang muling pag-isipan ang aking mga naging pahayag ngunit buo na ang loob ko. Maski na lumuha pa siya ng dugo ay hindi ko na maaring bawiin pa ang mga nauna kong pahayag. Sa nakita kong ayos niyang iyon, pakiramdam ko ay bibigay na ako. Sobrang sakit lang na makitang ang nag-iisang mahal mo, nagmamamakaawa sa iyong harapan na para bang hinatulan ng parusang bitay at tanging ikaw lang ang makapagligtas sa kanya. Ngunit kailangan kong maging maramot alang-alang din sa kanyang kapakanan. "M-makakaalis ka na, Lukas. Hindi ka naman siguro bingi upang hindi marinig ang mga sinabi ko. Tapos na ang sa atin. Magsisimula na ulit kami ni Keith ng panibago. Sana ikaw rin!" Hindi siya umimik ni ang kumilos. Katahimikan ang namagitan sa aming tatlo. Buong akala ko ay ikinintal na niya sa kanyang isip ang katotohanang wala na kami ngunit bigla siyang tumayo at nagsisigaw, "Hindi ako naniniwalang hindi mo na ako mahal, Koy. Sa tagal ng ating pagsasama, sa hirap at ginhawa ay alam kong hindi mo ako basta-basta mapapalitan sa puso mo. Sigurado akong nilason ng tang-inang lalaking iyan ang pag-iisip mo!" Dinuro-duro niya si Keith dahilan para umalma ito. "Dahan-dahan ka sa pananalita mo, Pre at baka maulit muli ang nangyari sa'yo. Sige ka, hindi mo pa naman ako kilala nang lubusan!" Ang mahinahon nitong pahayag ngunit mahahalata ang pagbabanta. "Ipapatay mo ako? Sige, gawin mo at nang matapos na ang paghihirap ko!" Idinuldol nito ang katawan kay Keith na tila ba nanghahamon. Nakita kong nagsisimula ng mainis si Keith kaya naman hinila ko si Lukas at itinulak nang buong lakas para maiwasan na magbabaga ang namuong tensiyon sa kanilang dalawa. "Hindi ko alam kung ikaw ba'y bobo o nagtatangahan lang. Kita mo na ngang ayaw na sa'yo ni Mario oh. Bakit mo pa ipinagpipilitan ang iyong sarili sa taong ayaw na sa'yo. Tanggapin mo na lang ang iyong pagkatalo. Ano nga bang laban ng isang hamak na gwardiyang katulad mo sa isang tulad ko? Pwee, matuto kang lumugar, Pre. Natauhan lang si Mario na may magandang kinabukasan siya sa piling ko kumpara sa'yo!" Sabay pindot ng intercom. At ilang saglit pa'y dumating ang dalawang gwardiya ng hotel. Hinawakan nito sa magkabilang bisig si Lukas at pinakiusapang umalis. Hindi naman siya nanglaban. Ngunit halatang nagpupuyos ito sa galit. Isang makahulugang tingin ang ipinukol niya sa amin bago nilisan ang silid. Ako nama'y nagmamadaling nagtungo ng banyo at nagkunwaring nagbawas. Inilock ko ang pinto at pinaandar ang shower. Kasabay ng pagbagsak ng tubig ay ang pagbulwak ng aking mga luha. Sa narinig kong pang-aalipusta at pagmamaliit ni Keith sa pagkatao ni Lukas ay ako iyong labis na nasasaktan. May udyok sa aking sumama sa kanya palabas ng hotel ngunit nagsusumiksik pa rin sa aking isip ang takot sa pwedeng gawin ni Keith. "Patawarin mo ako, Koy. Walang sinumang nagmamay-ari ng puso ko kundi ikaw lang!" Mga katagang ninais kong sabihin sa kanya kaninang hindi ko nagawa. Nakahalukipkip ako sa ilalim ng bagsak ng tubig. Damang-dama ko ang sakit na dulot ng aming masaklap na paghihiwalay. Ang mga mata niyang lumuluhang nangungusap sa akin na sana baliin ko ang nagawang desisyon ang siyang nagpadurog nang husto sa aking puso. Paano ko maiparating sa kanya na ang masasakit na narinig niya mula sa akin ay kabaliktaran sa kung ano ang tunay na nilalaman ng aking puso? Napakahirap. Sobrang hirap. Pakiramdam ko'y huminto ang pag-inog ng aking mundo. Biglang nanariwa ang mga panahon ng kabataan namin ni Lukas. Ang unang araw na nagsimula kami bilang magkaibigan. Ang paglangoy namin sa irigasyon ng palayan na kung saan siya ang nagturo sa aking lumangoy. Ang pagsampa namin sa likod ng kalabaw, pamimingwit ng isda sa dam, pagpapalipad ng saranggola sa parang, ang pag-asinta ng mga ibon sa sanga ng puno gamit ang tirador. Lahat ng iyon ay laging bumabalik-balik sa aking isip. At higit sa lahat ang aming sinumpaang pagmamahalan sa hardin ng mga gamugamo. Wala na si Lukas. Wala na ang kaisa-isang lalaking minamahal ko. Halos mag-isang oras din ako sa loob ng banyo bago ko naisipang lumabas. Pinayapa ko muna ang sarili bago ko hinarap si Keith na parang walang nangyari. Ayokong ipakita sa kanyang nasasaktan ako sa paghihiwalay namin ni Lukas. Ayokong isipin niyang mahal ko pa rin ito at baka totohanin nito ang banta kanina. Ayaw ko mang isipin pero may kutob akong siya ang may kagagawan sa pananambang kay Lukas. Sinet-up niya ang lahat. Kaya sasamantalahin ko ang pagkakataong kumalap ng mga ebidensiya habang patay na patay siya sa akin. "It was indeed like an epic drama!" Pahayag niya nang makabalik ako sa kama. "And you're the one whose enjoying it the most!" Tugon ko naman. "Absolutey. Kung hindi pa ako kumilos malamang, namamangka ka pa rin ngayon sa dalawang ilog" "Ikaw ba ang dahilan kung bakit nasundan niya tayo dito? Kaya pala sinadya mong iawang ang pinto para madali para sa kanya na mahuli tayo sa akto?" "Exactly, Baby Boy. Ang bagal mo kasing kumilos eh. Naiinip na ako sa'yo. Kaya, hayun, boom! Gising. Nagising rin sa katotohanan ang loko. Poor Lukas!" Napapailing. Bumalikwas siya at may kinuhang maliit na box sa side table. Isang mamahaling singsing ang nilalaman nito at isinuot niya sa aking daliri. "From now on, you are mind!" Dinampian niya ng halik ang aking kamay. Muli niya akong inangkin sa sandaling iyon at ako nama'y nagpaubaya kahit pa ni katiting na init ay wala akong nararamdamang sa kanya. Alas- siyete ng umaga nang bumalik ako ng bording house para kunin ang aking mga gamit. Kumuha kasi si Keith ng isang condominium unit para sa akin upang doon na titira. Bibisitahin niya lang daw ako roon nang madalas dahil di rin naman daw niya pwedeng iwan ang bahay nila sa Forbes park dahil nandoon ang mga alaga niyang aso. Pabor naman iyon sa akin upang hindi ko makita ang nakakasuklam niyang pagmumukha sa araw-araw. Nasa bungad na ako ng hagdan nang mapatda ako sa nakita. Nakaupo si Lukas sa unang baitang ng hagdan, nakayuko at mukhang tulog dahil sa kalasingan, may mga basyo ng alak na nakakalat sa kanyang tabi. May nakita rin akong mga upos ng sigarilyo sa kanyang paligid. "Buti naman at nandito ka na, Baby Mar. Alam mo bang kaninang hating-gabi pa 'yan...!"Boses iyon ni Kuya Bradley mula sa aking likuran. "...Nag-iisang umiinom habang umiiyak at laging sinasambit ang pangalan mo. Sinubukan naming awatin pero ayaw talaga. Ano ba kasing nangyari?" "Wala na ho kami, Kuya Bradley" "A-anong wala? As in hiwalay na tulad ng mag-jowa? My gosh, ang showbiz n'yo naman, kung kaila'y hiwalay na saka pa nagkaaminan. Anlaking pasabog nito!" "S-sige ho, akyat na muna ako sa taas. Magliligpit lang ako ng mga gamit. Siya nga pala, lilipat na ho ako ng tirahan" Iniwan ko si Kuya Bradley na bakas pa rin ang pagkagulat sa kanyang mukha. Nilagpasan ko si Lukas na di man lang tinapunan ng tingin kahit pa sa loob ko'y gustong-gusto ko na siyang yakapin nang mahigpit. Nang matapos ko ng mailagay sa malaking bag ang aking mga gamit ay may mga bisig na lumingkis sa akin. Si Lukas iyon, humihikbi. Naamoy ko pa ang amoy alak niyang hininga at ang usok ng sigarilyong dumikit sa kanyang damit. Iyon ang unang beses na makita ko siyang napainom ng marami at ang humithit ng sigarilyo. Talagang dinibdib niya nang husto ang aming paghihiwalay. "Koy, hindi ko maiisip ang buhay ngayong wala ka na. Saan na iyong mga ipinangako mong tanging ako lang ang lalaking mamahalin mo kahit na ako'y isang gwardiya lamang? Saan na iyong mga sinabi mong sabay nating abutin ang ating mga pangarap sa kabila ng hirap na ating tinatamasa?" Ang pahayag niya sa gitna ng paghikbi. Hinayaan ko lang siyang nakayakap sa akin. Ninanamnam ko nang palihim ang higpit ng kanyang yakap dahil natitiyak kong iyon na ang kahuli-hulihang pagkakataon na maramdaman ko ang matitigas niyang bisig na nakalingkis sa aking katawan. "Isipin mo na lang na ipinanganak ka sa mundong ito na wala ako sa tabi mo. Naging masaya ka naman bago pa tayo nagkakilala kaya natitiyak ko, magawa mo ring lumigaya kahit na ako'y wala na. Kung natatandaan mo noong mga bata pa lamang tayo, sinabi mong walang bagay ang nanatili sa mundo, lahat lumilipas, kasabay niyon ang ating mga damdamin kaya sa tingin ko hindi mo na dapat ipinagtatakang nagbago ang pagtingin ko sa'yo. Tanggapin na lang natin ang ating kapalaran. Hindi tayo ang para sa isa't isa, Lukas. Buksan mo lang ang iyong puso sa iba, sigurado akong mahahanap mo rin ang taong para sa'yo!" Palihim kong pinahid nang mabilisan ang aking mga luha. Ako man ay hindi alam kung saan ako kumukuha ng tapang upang isatinig ang mga kasinungalingang iyon. Hindi iyon ang nais iparating ng aking puso. Isa lamang ang isinisigaw nito, na mahal ko pa rin siya at patuloy na pakamamahalin. "Minahal mo ba talaga ako, Koy?" Muling tanong niya. Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi upang malabanan ang matinding emosyon na lumukob sa akin. Muli, buong tapang ko siyang hinarap. "Minahal naman kita. Ngunit sana lang kayang buhayin ng pagmamahal na iyan ang nagdarahop kong pamilya" "Oo, alam kong pasan mo ngayon ang daigdig sa iyong balikat. Subalit ang kumapit sa patalim ay hindi ko kailanman itinuro sa'yong mainam na paraan upang makamit mo ang inaasam na kaginhawaan. Kung ipinagpalit mo ako sa kanya dahil sa pera, makakaasa kang mamahalin pa rin kita. Umaasa ako na balang araw ay maimulat mo ang iyong mga mata at tandaan mong ako'y maghihintay sa'yo sa hardin ng mga gamugamo!" Pagkasabi niyang iyon ay tumalikod na siya sa akin. Naiwan akong lumuluha sa loob ng silid na minsang naging saksi sa wagas naming pagmamahalan. Walang patid ang aking pagluha nang bumaba ako at mukhang nakisampatiya pa sa amin ang langit dahil biglang bumuhos ang malakas na ulan. Nagmamadali akong makalabas ng highway upang sa huling pagkakataon makita ko pa ang lalaking aking minahal. Hindi nga ako nabigo. Nakita ko siyang nakayukong sinuong ang malakas na ulan sa dako pa roon. Gumagalaw ang kanyang magkabilang balikat tanda ng paghikbi. Likod na lang niya ang tanging naaabot ng aking mga mata. Naibulong ko na lang sa ilalim ng pagbuhos ng ulan na siya lang ang aking mamahalin at wala ng iba. Sa isang luxury condo na ako nakatira. Pinatigil ako ni Kieth sa pagtatrabaho sa fastfood. Talagang tinupad niya ang pangakong magbubuhay prinsipe ako kapag siya ang aking pipiliin. Lahat ng materyal na mga bagay at luho sa katawan ay ibinigay niya sa akin. Kung tutuusin wala na akong mahihiling pa, bukod sa may itsura siya makapal pa ang laman ng kanyang bulsa. Ngunit ramdam ko pa rin ang malaking kakulangan. Oo, nasa akin na ang lahat ngunit hindi ko pa rin nararamdaman ang tunay na kaligayahan. Kaligayahang tanging kay Lukas ko lang makakamtan. Isang linggo ang dumaan nang aming hiwalayan ay naisipan kung umuwi sa amin. Sembreak na rin kasi iyon at nababagot naman akong mag-isang tumambay sa condo. Nasa Singapore kasi si Keith para sa isang business summit at sa isang lingo pa ang balik niya. Dumaan muna ako sa grocery para mamili ng mga pasalubong kina Inay. Tuwang-tuwa naman sila nang dumating ako bitbit ang aking mga pinamili. Panay ang aming kwentuhan habang tinutulungan ko silang iayos ang mga grocery sa aming cabinet. Bigla naman akong napatigil at napahugot ng hininga nang masipat ko ang dating silid namin ni Lukas. Pumasok ako at napansin kong wala na ang kanyang mga gamit. Nanikip na naman ang aking dibdib nang maalala ko ang mga sandaling pinagsamahan namin ni Lukas sa loob ng silid na iyon lalo na ng aming mga intimate moments. Dumungaw ako sa bintana. Naroon pa rin ang duyan na gawa sa gulong ng trak na nakabitin sa sanga ng manga. Bumaba ako at nagtungo roon. Umupo ako sa duyan. Parang kailan lang dito kami palihim na naglalambingan sa takot na baka mahuli kami ni Inay. At dahil sa pagsulpot ng mga alaalang iyon, di ko na napigil pa ang aking mga luha na kaagad ko rin namang pinahid nang mabilisan nang maramdaman ko ang mga yabag papalapit sa akin. "Umalis na si Lukas, anak noon pang isang Lingo. Nagulat nga kami dahil wala naman siyang sinabing dahilan ng pag-alis niya. Nag-away ba kayo, anak?" "M-may kunting misunderstanding lang po" Tumabi ng upo si Inay. "M-may maitutulong ba ako, anak? Hindi man ako namulat sa ganyang relasyon pero maski papaano alam ko naman kong paano masulosyanan ang problemang ganyan. Wala naman kasi iyang pinagkaiba sa relasyon ng normal na lalaki at babae" "Huwag na po, Nay. Magkakaayos din kami sa tamang panahon. Siya nga pala Nay, diba malapit na ang pista? Mamasyal kami nina Leny at Rolly mamaya sa perya!" Pag-iiba ko ng usapan. "Sige, pero huwag kayong masyadong magpagabi at baka mapagdiskitahan kayo ng mga lasinggo diyan sa kanto" Kinagabihan nagtungo kaming magkakapatid sa plasa na kung saan naroon ang perya. Maraming tao ang naroon lalo pa't may singing contest na nagaganap. At habang naaaliw ang dalawa kong kapatid sa panonood ay naisipan kong maglakad-lakad na muna. Inabutan ko sila ng pera bago ako umalis para may pambili sila ng kanilang magugustuhan. Hinayaan kong magdesisyon ang aking mga paa kung saan mang dako ako nito dadalhin. Napadaan ako sa dati kong pinapasukang paaralan noong hayskul. Saglit akong tumigil nang nasa tapat na ako ng gate na kung saan muli kaming nagkita ni Lukas noon nang hindi inaasahan. Tandang-tanda ko pa ang araw na iyon na kung saan nagtatatakbo ako na pumasok dahil late na ako. "Chief, sandali!" Ang sigaw ko noon sa kanya. "Koy, ikaw ba 'yan?" Ang nagagalak naman niyang tanong nang mamukhaan niya ako at doon na nagsimula ang panibago at masaya naming simula na nagtapos sa isang masaklap na pagwawakas. Hindi rin ako nagtagal sa lugar na iyon dahil mistula ng hinihiwa ang aking puso nang biglang nagsulputan ang masasayang alaala naming dalawa. Kaya naman naglakad-lakad muli ako hanggang sa natagpuan ko ang sarili sa tapat ng dati kong pinagtatrabahuan na ngayo'y isa ng restobar. Pasimple naman akong sumilip sa loob at nakita ko si Lukas na walang tigil sa pag-inom at napapaligiran ng tatlong matatandang bading. Hindi ko lang alam kung iyon ba ay mga kasamhan niya o kaya'y nakiki-table lang sa kanya. Bagama't dim light, pansin ko kaagad na mukhang napapabayaan na niya ang sarili. Ibang-iba kaysa dating malinis at maalaga sa katawan. Malago na ang kanyang buhok na mukhang walang planong magpagupit. At iyong suot niyang sando, mukhang may ilang araw ng hindi napapalitan. Subalit naroon pa rin naman ang angkin niyang kapogian at kakisigan kaya naman daig pa ang isang tuko kung makadikit ang mga gurang na baklang iyon sa kanya. Sarap lang nilang kalbuhin nang mahalata kong tsinatsansingan na nila ang walang kamalay-malay na si Lukas. Ilang sandali pa'y nakita kong may ibinulong si Lukas sa nakaakbay sa kanyang bading. Maya-maya pa'y tumayo iyong bading at nagtungong videoke machine at nagpindot ng numero. Palakpakan naman silang lahat ng nagsimula na ang intro ng kanta na para bang may isa sa kanila na sumali sa isang singing contest. Tahimik lang akong nakamasid sa kanila. IKAW PALA AY SALAWAHAN BAKIT AKO AY PINAASA INIBIG PA KITA NG LUBUSAN AT AKO AY IYONG INIWAN NILIMOT MO NA ANG SUMPAAN PATI ANG TAMIS NG SUYUAN DINULOT MO AY KASAWIAN SA AKING PUSONG NAGMAMAHAL DARATING DIN ANG ARAW NA IYONG MADARAMA ANG PAG-IBIG KONG ITO SINTA TAPAT SAYO KAILAN PAMAN Walang patid ang aking pagluha nang matapos iyong kantahin ni Lukas na pakiwari ko'y sadyang nilikha para ipatama sa akin. Maaring salawahan ako. Siya ay aking pinaasa at iniwan ngunit may malalim iyong dahilan na hirap kong sabihin. Gusto ko lang isalba ang buhay niya at mailigtas sa kapahamakan. Mas mabuti na iyong malaya na siya at maaring may makakapiling ng iba kaysa naman hindi ko na siya makikita pa magpakailanman. Kailanman, hindi nawala sa aking puso ang aming sinumpaan. Paulit-ulit kong sasabihin na siya lang ang lalaking mamahalin ko sa habambuhay. Katawan lang ang sakop sa akin ni Keith hindi ang aking damdamin. Nakita kong isinubsob ni Lukas ang mukha sa mesa matapos iyong kanta. Gumagalaw ang kanyang balikat tanda ng labis na pag-iyak. Mukhang hindi pa niya nakakayanan ang sakit at pait na dulot ng aming paghihiwalay, ako man ay ganoon din. Alisto naman ang bading na nasa kanyang tabi upang aluin siya. Ngunit sigurado akong may kalakip iyong pagnanasa habang ang palad niya ay kunwaring hinahagod ang likuran nito. Gusto ko sana siyang lapitan upang iuwi na ng bahay ngunit nag-aalangan naman akong gawin iyon dahil ayokong bigyan siya ng kunting pag-asa. At isa pa natatakot din ako na baka makarating iyon kay Keith. Alam ko kasi na bago siya pumunta ng Singapore ay may sinuhulan siyang mga tauhan para magmanman sa bawat kilos ko. "Mag-iisang linggo na siyang ganyan. Pariwara at mukhang nawala na sa tamang direksiyon ang buhay" Agad akong lumingon sa boses na nagmumula sa aking likuran, si Trexor iyon. Suot niya ay semi-formal na kasuotan. "Trexor, kumusta ka na?" Ang bati ko sa kanya sa pinasigla kong boses. "Heto,kahit paano na-promote na rin" "Wow, manager ka na?" "Hindi pa naman umabot sa ganoong level" "Supervisor?" "Parang ganun na nga!" "Anlaki na ng pinagbago mo! Hinawakan ko siya kamay. "Wala bang painom diyan?" "Sure, tara sa loob" Nagpatiuna na siya sa paglakad ngunit nag-aalangan naman akong sumunod dahil naroon pa rin sa loob si Lukas. "Naiilang ka sa kanya?" Deritsahan niyang tanong. "Ayoko lang na magpang-abot kami" "Nakokonsensiya ka? Hindi mo ba makakayanang tingnan ang buhay na iyong sinira? Ang lalaking iyong pinaasa at iniwan kung kailan higit ka niyang kailangan?" Nag-iba ang tono ng kanyang pananalita. Mahahalata ang panunumbat. Hindi kaagad ako nakapagsalita. Ano ba naman kasi ang aking sasabihin. "Alam ko ang lahat, Mar. Sa akin siya unang dumulog nang hiwalayan mo siya dahil ipinagpalit mo raw siya sa mayaman mong jowa. Wala man akong alam sa tunay mong mga dahilan ngunit isa lang ang masasabi ko, iniyakan ka niya nang husto. Sana lang hindi ka makarma sa ginawa mo. Pasensiya na, wala ako sa posisyon para manghimasok ngunit bilang kaibigan niya nasasaktan din akong nakikita siyang ganyan na tila ibong nawalan ng pakpak. Alam mo bang kamamatay lang kahapon ng ama niya. At sa makalawa na ang libing" "P-patay na si Mang Diego?" "Oo. At isa iyon sa mga dahilan na kung bakit lugmok na lugmok iyan ngayon!" Nang dahil sa aking mga nalaman ay mas lalo ko pang naramdaman ang matinding awa para kay Lukas. Naroon sa akin ang udyok na siya ay damayanan ngunit nagdadalawang isip naman ako na baka mas lalo lamang lumala ang sakit na kanyang nararamdaman kapag magpakita ako. At isa pa pinagbawalan na ako ni Keith na makipaglapit sa kanya. Hindi ko alam ang maari niyang gawin kapag sinuway ko iyon. Iyon ang tumatakbo sa aking isip na naging dahilan kung bakit hirap akong igupo ng antok nang nasa loob na ako ng aking silid. Napagdesisyunan kong pumunta sa mismong araw ng libing ng kanyang ama. Nakahanda na ako sa maaring gawin sa akin ni Keith at hindi ko na iyon alintana. Ang mahalaga ay maipakita ko kay Lukas na bagama't wala na kami, ninais ko pa rin siyang maging kaibigan. Unti-unti ng nagsialisan ang mga taong nakihatid sa libing ni Mang Diego sa sementeryo. Nang si Lukas na lamang ang naiwan sa harap ng nitso ay lakas-loob akong lumapit ko sa kanya. "N-nakikiramay ako, Lu—!" "—Hindi ka na sana nag-abalang pumarito at baka masunog iyang balat mo sa tindi ng sikat ng araw. Mamaya ako pa ang sisihin ng boyfriend mo!" "Parang ama na rin ang turing ko kay Mang Diego kaya hindi ko maatim na hindi man lang siya maihatid sa kanyang huling hantungan" Inabot ko sa kanya ang hawak kong sobreng naglalaman ng kunting tulong. "Hindi ko kailangan iyan. Mas lalo mo lamang pinapadama sa akin na napakaliit kong tao kapag tanggapin ko ang anumang bagay na nanggaling sa'yo, sa inyo ng boyfriend mo. Itong tandaan mo, Mario. Maghihirap man ako, gagapang man ako kasama ng pamilya ko sa lupa, kailanman hinding-hindi ako lalapit sa sa'yo. Darating din ang araw na maramdaman mo ang sakit at hirap na pinalasap mo sa akin. Yayaman din ako. Hindi man agad-agad ngunit nasisiguro kong gagawin ko ang lahat na maiangat ang aking mga paa sa lupa upang pantayan ang kaginhawaang tinatamasa mo ngayon. Uod man ako ngayon sa'yong paningin ngunit tandaan mong sa uod nanggaling ang mga alitaptap na lumilipad at nagbibigay liwanag sa gabi. Aangat ako. Ipapakita ko sa'yong kaya kong abutin ang aking mga pangarap na hindi ka kasama.Walang kang pinag-iba sa mga gamugamo. Kung nasaan ang liwanag nandoon sila. Parang ikaw rin, kung saan iyong sa tingin mong mapapakinabangan mo doon ka dumidikit. Kaya naman pinagsisihan kong bakit minahal pa kita!" Ang huling sinabi niya ang nagpabulwak nang husto sa aking mga luha na animoy isang talon. Naiwan akong napaluhod sa harap ng puntod. Higit pa iyon sa isang sampal na aking natamo. Naihanda ko na ang aking sarili sakali mang magawa niyang maghigante ngunit ang posibilidad na may bago ng magmamay-ari sa kanya ang hindi ko makakaya. Tama ba ang desisyong ginawa ko? Tama bang ipagpalit siya kay Keith kapalit ng kanyang kaligtasan? Naging sakim ba ako? Iyon ang mga katanungang naglalaro sa aking isipan habang minamasdan siyang papalayo. Gusto ko siyang sundan upang sana'y sabihin na sa kanya ang totoo ngunit nang maisip ko ang banta ni Keith ay tila nawalan ng lakas ang aking mga paa na humakbang. Ipinapasa-Diyos ko na lamang ang lahat ng sa amin ni Lukas. Kung darating man ang araw na magawa kong maging malaya kay Keith at siya ay malaya pa rin, sasamantalahin ko ang pagkakataong iyon na muling magtagpo ang aming mga damdamin. Subalit kung sa muling pagkrus ng aming mga landas ay may minamahal na siyang iba, kahit na masakit, tatanggapin ko iyon ng maluwag sa dibdib. Bumitiw ako sa aming sinumpaan kaya deserve ko ang anumang pasakit na maari kong mararanasan sa hinaharap. Sa makalawa na ang dating ni Keith galing Singapore kaya kahit gusto ko pang makasama ang aking pamilya ay kinailangan ko ng bumalik ng Maynila para maghanda sa araw ng kanyang pagbabalik. Ipapakilala niya raw kasi ako sa mga magulang niya. Hindi ko inakala na sa astig niyamg porma ay open siya sa kanyang pamilya. Medyo nate-tense akong isipin iyon at talagang nakiusap pa akong huwag na lang niyang ituloy ang binabalak dahil talagang nahihiya ako ngunit talagang mapilit siya. Sa aming relasyon, siya iyong palaging nasusunod. At ako naman iyong parang asong sunud-sunuran sa amo. Nagulat naman ako ng akmang pipihitin ko na ang seradura ng pinto ng aking unit. Sa pagkakaalam ko kasi ay nai-lock ko 'yong maigi bago ako umuwi sa amin. Nahintakutan ako na baka may nakapasok na magnanakaw kaya nagmamadali akong pumasok sa loob upang magtsek kung may nawawalang mga gamit. Ngunit napatda naman ako nang makita ang lalaking nakaupo sa couch. Nakasuot na siya no'n ng pambahay at may hawak na mga litrato. "Saan ka galing?" Paasik niyang sigaw. "Nabagot kasi ako rito kaya naisipan kong bisitahin sina Inay. Dumating ka na pala?" Lumapit ako sa kanya upang ambaan ng halik sa labi. "Talaga bang ang Inay mo ang iyong binisita o ang mahirap pa sa daga mong ex-boyfriend?" Iniwas niya ang mukha sa akin. "Siyempre ang Inay. Alam mong wala na kami diba, kaya wala ng rason para makipagkita pa ako sa kanya" "E anong ibig sabihin ng mga ito?" Isinampal niya ang hawak na mga litrato sa aking mukha. Nagkalat iyon sa sahig. Sandali kong sinulyapan ang mga ito. Kuha iyon ng mag-usap kami ni Lukas sa libing ng kanyang ama. Tama nga ang kutob kong may sinuhulan si Keith na magmanman sa akin. "Nakihatid lang ako sa libing ni Mang Diego. Ama na rin kasi ang turing ko sa kanya kaya hindi ko napigil ang sarili na huwag pumunta!" Isang malakas na sampal ang natamo ko sa kanya na pakiwari ko'y ikinalaglag ng isa kong panga. Lumapit siya sa akin at sinabunutan ang aking buhok. Sa sobrang sakit no'n hindi ko maiwasang mapa-aray. "Keith, ano ba nasasaktan ako!" "Talagang masasaktan ka kung patuloy kang sumuway sa akin. Tandaan mo Mario..." Hinila niya ako sa buhok papasok sa aming silid. Ibinalibag niya ako sa kama. "...utang mo sa akin ang buhay ng kapatid mo at nang tang-inang boyfriend mo. Kaya kahit ipapatay ko man silang lahat hindi ka pa rin bayad sa akin. Ano, susuway ka pa ha?" Mas lalo pa niyang hinigpitan ang pagsabunot sa akin at ang isang kamay niya ay nakahawak sa aking leeg na siyang dahilan na tanging pagtango ang aking naging tugon. "Ano, sumagot ka?" "Oo, Keith, oo!" Pinilit kong magsalita sa takot na baka mapuruhan niya ako. Nag-iba na kasi ang kanyang itsura na tila ba nasapian ng demonyo. Pagkatapos noon ay isang paghagulgol ang aking pinakawalan. Hindi ko inakala na may ganoong pagkatao si Keith. Nakakatakot. Nakakapanlumo. Ilang sandali pa'y nasipat kong biglang bumalik sa dating maamo ang kanyang itsura. Iyon bang parang nawala na ang sanib sa kanya. Tinanggal niya ang kanyang mga kamay na nakahawak sa aking leeg at nakasabunot sa aking buhok. "Ikaw naman kasi, Baby Boy eh. Kararating ko lang iyon kaagad ang salubong mo sa akin" Pinahid niya ang aking mga luha pati na ang dugong pumulandit sa aking labi ng sampalin niya ako. "Shhh, tahan na. Mahal na mahal kasi kita kaya ayaw ko lang na mabawi ka niya o may umangkin sa'yong iba!" Hinalikan niya ang pumutok kong labi. Sinuklay-suklay niya ang aking buhok gamit ang kanyang mga daliri. Nagpatuloy pa rin ako sa paghikbi kaya naman sinunggaban niya ang aking mga labi na nauwi sa mainit niyang pag-angkin sa akin. Ano ang kapalarang naghihintay sa akin sa kanya? May pag-asa pa kayang makatakas ako sa impiyernong aking kinasasadlakan? May pagkakataon pa kayang magtagpong muli ang mga landas namin ni Lukas at masabi ko sa kanya ang katotohanan? Paano kong huli na ang sa amin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD