“Mababait ang mga magulang ni Aurora at halos wala akong maipintas.” Magkababaryo sina Aurora at Soleng kaya magkakilala ang kanilang mga pamilya. “Pero minsan ay masyadong mababa ang expectations kay Auring, alam mo ba? Kasi madalas niyang sabihin na gusto niyang tumugtog. Hindi naman niya pangarap maging sikat na singer kasi hindi naman ganoon kagandahan ang boses niya. Pero mahusay siyang tumugtog ng piano at gitara, `di ba? Iyon lang ang pangarap niya eh, makatugtog palagi. Ang sabi ng mga magulang niya, pangmayaman ang ganoong mentalidad. Hindi praktikal sa estado ng buhay nila—natin. Si Aisa ang mas matalino, ang mas may matayog na pangarap. Hindi siguro direktang sinasabi ng mga magulang nila pero si Aisa ang pinakainaasahan sa pamilya nila. Ang anak na aasenso nang husto. Ang anak na aalis sa maliit na bayan na ito. Sinabi ko na ang obserbasyon na ito kay Auring, alam mo ba. Sang-ayon siya pero hindi sa negatibong paraan niya tiningnan. Mas may pag-asa nga naman talaga si Aisa na umasenso kasi nga napakatalino. Okay na rin daw ang ganoon kasi ang hirap `pag mataas ang expectations sa `yo. Naaawa pa nga raw siya sa kapatid niya minsan. Kapatid niya na mababa rin ang tingin sa kanya. Badtrip ako sa kapatid niyang iyon. Mapangmata. Mapagmataas. `Kala mo nakakaangat siya sa lahat kasi matalino siya at sa private school siya nag-aaral.”
Naaalala ni Santino na hindi nga siya kailanman nagustuhan ni Aisa. May pagkakataon nga na tinataasan siya nito ng kilay sa tuwing bumibisita siya kay Aurora sa bahay ng mga ito. Hindi rin niya gaanong nagustuhan si Aisa dahil iba nga ang tingin nito sa nakatatandang kapatid. Hindi nito gaanong ginagalang si Aurora. Ngunit hindi gaanong nagsasabi ng anumang negatibo si Santino dahil mahal na mahal ni Aurora ang mga kapatid.
Aurora had been Santino’s first love. He was even convinced that she had been the love of his life. The love had been so intense he almost couldn’t contain it. Hindi naging perpekto ang relasyon nila na tumagal ng mahigit apat na taon. Marami silang naging away at tampuhan lalo na sa bandang huli. May pagkakataon na sandali silang naghiwalay. Naging problema ang distansiya dahil sa Maynila napagpasyahang mag-aral ni Santino ng kolehiyo. Nakakuha siya ng scholoarship at part-time job. Ngunit nanatili nilang mahal ang isa’t isa.
Kahit na magpasya si Santino na tapusin na ang lahat sa pagitan nilang dalawa, nasisiguro niya na mahal pa rin niya si Aurora. Ngayon ay natatakot siyang tanungin sa sarili kung nanatili niyang mahal ang dating nobya sa nakalipas na mga taon.
Dahil pakiramdam mo ay nagtaksil ka sa akin? Sa mga alaala ko?
Napabuntong-hininga si Santino nang marinig na naman ang pamilyar na tinig ng asawa sa kanyang isipan.
Sinikil mo ang nararamdaman mo sa loob ng napakaraming taon. Ni hindi mo hinayaan ang sarili mo na isipin siya nang matagal, alalahanin ang masasayang sandali. Masyado ka nang matagal nagdusa. Matagal na mula nang pagbigyan mo ang sarili mong maging lubos na masaya.
Ito na ba ang tamang panahon para mag-isip si Santino ng mga bagay tungkol sa nakaraan nila ni Aurora?
Bakit hindi?
Marahas na napabuga ng hangin si Santino. “Nagdurusa si Auring dahil sa ginawa ni Dado. I remind her of so many painful things.”
Kung hindi ngayon, kailan pa, Santi? Kailan mo planong itama ang maling desisyon mo noon?
“Hindi mali ang naging desisyon ko noon.”
Kaya mo bang sabihin sa akin na hindi mo kailanman pinagsisihan ang naging desisyon mong pakasalan ako?
“Narating ko ang kinaroroonan ko ngayon dahil sa `yo, Teresa. Wala akong karapatang magsisi. Nakamit ko ang lahat ng gusto kong makamit sa tulong mo, sa tulong ng pamilya.”
Kahit na wala ang tulong ng pamilya ko, mararating mo pa rin ang kinaroroonan mo ngayon, Santi. Masipag ka. Matiyaga, matalino at madiskarte. Siguro ay matatagalan nang kaunti pero mararating mo rin ang narating mo ngayon kahit na hindi mo `ko pinakasalan noon. Maniwala ka sa sarili mo.
“Karapat-dapat pa ba ako kay Auring? Karapat-dapat bang balikan ko siya pagkatapos ng ginawa ko sa kanya noon?”
Naghintay si Santino ngunit wala siyang narinig na tinig. Nais niyang mapangiti nang mapait. Sa kanyang palagay ay hindi talaga niya alam ang sagot sa tanong na iyon. Dahil napakaimportante na malaman ang sagot sa tanong na iyon, hinayaan niyang balikan ng isipan ang araw na tinapos niya ang lahat sa pagitan nila ni Aurora.
Sa bus pa lamang ay kinakabahan na si Santino. Napakahirap ng nakatakda niyang gagawin. Tutol ang kanyang buong puso. Ngunit ang sabi ng kanyang isipan ay hindi siya maaaring maging makasarili. Alam niya na kailangan niyang gawin ang bagay na iyon. Paulit-ulit niyang sinabi sa sarili na nakapagpasya na siya at naibigay na niya ang kanyang salita.
Sa isang fast-food restaurant sila magkikita ni Aurora. Hinintay niyang matapos ang klase ng nobya. Ngiting-ngiti si Aurora nang makita siya nito. Nabasa ni Santino ang pananabik sa mukha ng nobya, ang kasiyahan na makita siyang muli. Nais niyang sugurin ng yakap si Aurora, pupugin ng halik ang buong mukha. Kuyom ang palad na pinigilan niya ang sarili. Hindi na siya malayang gawin ang bagay na iyon.
Nahiling niya na sana ay sa sulat o sa telepono na lamang niya ginawa ang bagay na ito. Ngunit kaagad din niyang naisip na hindi iyon magiging sapat. Hindi rin nararapat para kay Aurora. Mas maisasara nila ang lahat ng pintuan kapag magkaharap silang mag-uusap.
“Na-miss kita, grabe,” sabi kaagad ni Aurora paglapit nito sa kanya. Naupo ang nobya at kaagad na inabot ng dalawang kamay ang kamay niyang nakapatong sa mesa. Bakas na bakas sa mga mata nito ang pangungulila sa kanya. Sa paraan ng pagtitig nito ay waring binubusog nito ang mga mata sa kanyang anyo.
Sa loob ng ilang sandali ay ganoon din ang ginawa ni Santino. Pinakatitigan niya ang magandang mukha ni Aurora. Minemorya. Baka ito na ang huling pagkakataon na matitingnan niya ang dalaga nang ganoon. Ramdam niya ang unti-unting pagkawasak ng kanyang puso. Kinailangan uli niyang paalalahanan ang sarili kung bakit niya ginagawa ang bagay na iyon.
Tumikhim si Santino at inihanda ang mga sasabihin. Nais sana niyang manghiram pa ng kaunting sandali. Nais niyang kumain muna sila, magkuwentuhan sandali. Ngunit labis nang nahihirapan si Santino. Hindi na yata niya kayang mandaya. Ayaw niyang ipagsapalaran ang posibilidad na baka maduwag siya at hindi niya masabi ang totoo.
Unti-unting hinila ni Santino ang kamay mula sa pagkakahawak ni Aurora. Nagsalubong ang mga kilay ni Aurora habang nakatuon ang mga mata sa kanyang mukha. Nasisiguro niyang kaagad nitong naramdaman na mayroong mali sa kanya. Na isang hindi magandang balita ang dala niya sa pag-uwi ng probinsiya.
Humugot ng malalim na hininga si Santino bago ibinuka ang bibig at nagsalita. “Sa palagay ko ay kailangan na nating tapusin ang relasyon natin, Auring.”
Napanganga si Aurora. Ilang sandali na hinayaan muna ni Santino na tumimo sa isipan nito ang kanyang sinabi. Nahihirapan din siya sa ginagawa ngunit kailangan niyang magpakatatag.
“A-ano ang s-sinabi mo?”
Kahit na nahihirapan ay nagawa pa ring ulitin ni Santino ang nasabi.
“B-bakit?”
Iniiwas ni Santino ang mga mata kay Aurora. Hindi niya matagalan ang pighati at heart break na malinaw na malinaw sa mga mata nito. Namamasa na ang mga mata nito. Hindi iyakin si Aurora kaya mas nahihirapan si Santino sa ginagawa.
“H-hindi... Hindi na rin n-naman...” Humugot uli ng malalim na hininga si Santino. Mabilis niyang ikunurap-kurap ang mga mata upang hindi na namuo ang mga luha. Pilit siyang nagpakatatag. “Sa paghihiwalay din naman mauuwi ang relasyon na ito, Auring.”
“Paano mo alam? Paano ka nakakasiguro? Matagal na nating naalagaan ang relasyon natin.” Muling inabot ni Aurora ang kanyang kamay. “Santi—“
“Mas madalas na tayong nag-aaway,” ang maagap na sabi ni Santino. Ramdam niya na pakikiusapan siya ni Aurora at baka hindi kayanin ng kanyang puso. Inasahan na niyang hindi siya basta susukuan ni Aurora. Mas masasaktan ang dalaga kung ganoon ang mangyayari.
“Ipagbebenta na nina Tiyo ang bahay at lupa. Sa Maynila na maninirahan ang pamilya. Hindi na ako makakauwi sa San Pioquinto.”
“Ako ang luluwas ng Maynila,” ang sabi ni Aurora sa matatag na tinig. “Sandali na lang at ga-graduate na ako. Sa Maynila na ako kukuha ng exam. Sa Maynila na rin ako maghahanap ng trabaho. Maraming paraan, Santi. Alam ko na hindi naging madali ang long distance relationship pero kinakaya naman natin. Nagbabati naman tayo pagkatapos ng awayan.”
“Pero gusto mo ba talagang lumuwas? Gusto mo ba talagang sa Maynila magtrabaho, Auring? Kaya mo bang iwanan ang mga magulang mo, ang San Pioquinto?”
“Oo.”
Ngunit kahit na mabilis ang naging sagot ni Aurora, alam ni Santino ang totoo. Mas gusto ni Aurora sa probinsiya. Ngunit sa pagmamahal sa kanya ay kaya nitong isakrispisyo ang napakaraming bagay.
“Napapagod na ako sa ganitong relasyon,” ani Santino. Hindi pa rin siya makatingin sa mga mata ni Aurora dahil nagsisinungaling siya. “Hindi lang ako makatawag o makapag-text ay inaaway mo na ako kaagad. Nagseselos ka kahit na wala ka namang nakikita o naririnig. Naiinis ka sa distansiya sa pagitan nating dalawa pero minsan ay hindi ka naman gumagawa ng paraan para tawirin iyon.”
Humigpit ang pagkakahawak ni Aurora sa kamay nito. “Magbabago na ako. Hindi na ako magagalit at magseselos. Hindi na talaga.”
“Hindi—“
“Santi, please. H’wag mo namang gawin ito sa ating dalawa. Hindi tayo puwedeng maghiwalay. Mahal kita.”
“Ikakasal na ako, Auring.” Sinalubong ni Santino ang mga mata ni Aurora.
Nabitiwan ni Aurora ang kamay ni Santino. Namutla ang mukha nito. Ibinuka nito ang bibig ngunit walang tinig na namutawi. Nanginig ang mga labi nito. Dumaloy ang mga luha sa pisngi. Nais ding umiyak ni Santino.
I’m sorry, Auring. Patawarin mo `ko.
“Buntis siya.”
Mas natulala si Aurora. Patuloy ang pagdaloy ng mga luha. Mas nahihirapan sa paglipas ng bawat sandali si Santino. Alam niya na labis niyang nasaktan si Aurora at kahit siya ay hindi na marahil patatawarin ang sarili sa ginawa niyang ito.
Mahal na mahal kita. Hindi mo na malalaman kung gaano. Pero may mga kailangan akong gawin, Auring. Pinili ko na ang landas na tatahakin sa buhay at hindi kita maaaring isama. Ayaw kitang iwan, alam ng Diyos na ayaw kitang iwan. Pero kailangan. Kahit na hindi mo na `ko patawarin, ayos lang. Sana lang ay dumating ang araw na makalimutan mo na ang araw na ito, sana hindi ka na masaktan kapag binalikan mo ang araw na ito. Sana ay makahanap ka ng lalaki na mamahalin ka nang husto. Isang lalaki na hindi ka iiwan. Isang lalaki na anuman ang ibigay sa kanya ng buhay, ikaw pa rin ang pipiliin niya. Inakala ko na ako ang lalaking iyon pero pinatunayan kong mali ako. Sana maging masaya ka.
Imbes na sabihin ang mga iyon, tumayo si Santino.
“Kapag humakbang ka palayo, huwag ka nang magpapakita sa akin kailanman!”
Patuloy sa paghakbang si Santino palayo. Hindi siya gaanong lumayo, gayumpaman. Inalis lamang niya ang sarili sa paningin nito. Pinanood niya na natulala nang matagal si Aurora. Nagkukumahog na dumating si Soleng. Nai-text marahil nito ang kaibigan. Napabulalas ng iyak si Aurora pagkakita sa matalik na kaibigan.Kahit na kampanteng hindi pababayaan ni Soleng si Aurora, sinundan pa rin niya ang dalawa hanggang sa makauwi.
Pinili ni Santino ang pinakasulok na bahagi ng bus pauwi ng Maynila. Hinayaan niya ang sarili na masaktan at umiyak. Pagdating ng Maynila ay hindi na niya hinayaan ang sarili na balikan kahit na sa kanyang isipan lang si Aurora.
Iminulat ni Santino ang mga mata pagkatapos niyang magbalik-tanaw. Pinamasaan siya ng mga mata. Muli niyang hinayaan ang sarili na maramdaman ang kirot na kanyang naramdaman noong araw na iyon.
He lost a vital part of hi that day.