9

2560 Words
“HINDI BA masarap ang pagkain, hija?” Pinagmasdan ni Santino ang plato ni Aurora na halos hindi pa rin nababawasan ang laman. Nais niyang igiit na sumubo ang dalaga ngunit pinipigilan niya ang bibig. Alam niya na kahit na napakasarap ng inihandang hapunan ni Manang Fe ay hindi nito iyon malasahan. Nagpasalamat na lang siya na kahit na paano ay nalamnan ng dalawang kutsara ang tiyan nito. Napangalahati rin nito ang soy milk na inilapag ni Manang Fe sa harapan nito. Nagpasalamat na rin siya na lumabas sa silid si Aurora at sinaluhan siya sa hapunan. Nginitian ni Aurora si Manang Fe. “Masarap po, Manang. Busog lang po ako.” “Saan ka naman nabusog? Wala ka namang halos kinain sa buong maghapon.” Tipid na ngiti ang naging tugon ni Aurora. Hindi pinigilan ni Santino si Manang Fe sa pagpipilit kay Aurora na kumain pa dahil nagagawa nito ang hindi niya magawa. “Huwag mong pababayaan ang sarili mo. Ipakita mo sa dati mong nobyo na kaya mong mabuhay kahit na wala siya. Siya ang nawalan.” Nasamid si Santino sa narinig mula kay Manang Fe. “Manang...” Hindi siya pinansin ng matanda. “Kumain ka at magpaganda. Santi, magpa-appointment ka sa salon.” Binalingan nitong muli si Aurora. “Hindi mo kailangan ng makeover dahil maganda ka naman. Pero hindi masama kung mas magpapaganda ka pa. Nakaka-relax ang masahe. Tama na ang isang araw na pagmumukmok at pag-iyak.” “Manang...” Hindi naituloy ni Santino ang nais sabihin dahil nakita niya ang ngiti ni Aurora. Malaki ang kaibahan ng ngiting iyon sa ngiti nito kanina dahil may kislap na sa mga mata nito. “Nauuso na iyong salon services ang dinadala sa bahay. I’ll ask my secretary to arrange something for you.” Kung pampering ang magpapasaya kahit na paano kay Aurora, kakayanin marahil niyang bumili ng salon. Tumingin siya kay Aurora at hinintay ang pagtanggi nito. Bago iyon magawa ng dalaga ay naunahan na ito ni Manang Fe. “Shopping din. Nakakagaan ng loob ang shopping.” “Wala po akong—“ “I’ll take you shopping,” ang maagap na sabi ni Santino. Noong nabubuhay si Teresa ay iyon ang libangan nito hanggang sa sabihin niyang hindi ma-afford ng suweldo niya ang madalas na pagbili ng mga gamit. Hindi niya hinayaan na tumanggap pa rin ang asawa ng allowance mula sa ama nito. Binigyan na sila ng bahay at magandang posisyon para sa kanya. Nahirapan man, nakapag-adjust pa rin si Teresa. “Sa Divisoria?” ang paghahamon ni Aurora. “Yes,” ang walang anumang tugon ni Santino. Hindi pa siya kailanman nakakarating sa Divisoria ngunit kung iniisip ni Aurora na aatras siya sa hamon, nagkakamali ang dating nobya. Bigla ay nais niyang ipakita at patunayan na naroon pa rin ang dating Santino kahit na marami na ang nagbago. “Okay. Kapag may libre kang oras.” Napagpasyahan ni Santino na magbakasyon na muna. Kaya naman niyang gawin ang ilang mahahalagang trabaho kahit na wala siya sa opisina. Napangiti siya nang makitang sumusubo na si Aurora ng pagkain. Nanahimik na muna si Santino at hinayaan si Manang Fe na mag-asikaso kay Aurora. Pagkatapos ng hapunan ay hinarap niya si Aurora. Waring nais na nitong umayat sa silid at ipagpatuloy ang pagmumukmok at pag-iyak. Nabatid ni Santino na hindi na niya kayang magsawalang-kibo. Sapat na marahil ang espasyo na ibinigay niya. Maaari na siguro silang mag-usap kahit na paano. Banayad niyang hinawakan ang braso ni Aurora nang talikuran siya nito. “Inaantok ka na ba?” kaswal niyang tanong. Pinagmasdan nito ang kamay niyang nakahawak sa braso nito. Hindi niya inalis ang kamay kaya hinila nito ang braso. Hinayaan ni Santino ang dalaga sa nais nito kahit na waring may mariing pinisil ang kanyang puso. “Inaantok ka na ba?” pag-uulit ni Santino. “Bakit?” “You wanna catch up?” Nais kutusan ni Santino ang sarili pagkatapos mamutawi ang mga katagang iyon sa kanyang mga labi. Wala na ba talaga siyang ibang naiisip sabihin kundi iyon? Waring ikinaaliw naman ni Aurora ang sinabi ni Santino, o ang reaksiyon ng mukha niya pagkatapos niyang sabihin iyon. “Sige. Kung iyon ang gusto mo.” Iginiya ni Santino si Aurora sa likurang bahagi ng bahay. Alam niyang hindi pa napupuntahan ng dalaga ang bahaging iyon. “Wow,” ang usal ni Aurora paglabas nila sa sliding door. May malaking swimming pool sa bahaging iyon ng bakuran. Maraming punong namumunga at mga halamang namumulaklak sa paligid. Maaliwalas doon at masarap tambayan. Kapag napapagod sa trabaho si Santino ay doon siya namamalagi upang ma-relax o kung nais lang niyang makapag-isip nang husto. “Mahilig ka pa rin bang lumangoy?” kaswal na tanong ni Santino nang mapansin na binabalik-balikan ng tingin ni Aurora ang malaking swimming pool. Ang dalaga ang nagturo sa kanya na lumangoy. Sa likod ng bahay ng mga ito sa San Pioquinto ay malaking ilog. Aurora swam like a fish. “Oo naman. May resort na sa bayan, alam mo ba? Kapag gusto kong i-treat ang sarili ko, doon na ako lumalangoy. Kasinglaki nitong swimming pool mo ang swimming pool nila. Ikaw lang ang gumagamit nito?” Tumango si Santino. Mas madalas na sa umaga niya ginagamit ang pool. Paglalangoy ang nagsisilbing ehersisyo niya. “Cool.” Nagsimulang maglakad si Aurora patungo sa porch swing. Kaagad sumunod si Santino. “Hindi ka na lumalangoy sa ilog?” “Hindi na madalas. Ipinagbabawal na kasi ang panliligo roon lalo na sa mga kabataan. Halos taon-taon na kasing may kinukuha ang ilog. Alam mo naman sa probinsiya, mapamahiin.” Naupo si Aurora sa swing. Nag-alangan sandali si Santino bago naupo sa tabi nito. Hindi nagprotesta si Aurora. May distansiya pa rin naman sa pagitan nila. “Kumusta ka na?” tanong ni Santino, ingat na ingat ang tinig. Napabuntong-hininga si Aurora. “Magsisinungaling ako kung sasabihin kong okay na ako.” “Of course. I can’t imagine what you went through, what you’re going through right now.” Tumingin si Aurora kay Santino. Bahagyang nailang si Santino sa matamang pagtitig ng dalaga. Tumikhim si Santino. “I’m sorry.” “Bakit? Para saan?” Hindi pa rin lumubay si Aurora ng tingin. “I’m sorry na nasasaktan ka. I’m sorry kung naipapaalala ko ang ilang masasakit na pangyayari sa nakaraan.” “Parang napakayabang mo naman yata para isipin na naaapektuhan pa ako sa nangyari sa atin? Sampung taon na nakakalipas, Santi. Matagal ko nang tinanggap na ibang babae ang pinili at pinakasalan mo. Hindi ba puwedeng mas nasasaktan ako sa kasalukuyan kaysa sa nakaraan?” “I’m sorry.” Masyado nga siyang mayabang upang isipin ang mga ganoon. Marahil ay siya lang ang nakakapit masyado sa nakaraan. Muling nagpakawala ng buntong-hininga si Aurora. “Pero tama ka rin naman. Naipapaalala mo sa akin ang ilang masasakit na alaala ng nakaraan. Para akong nagbalik sa batang ako na nasa isang fast-food restaurant. Nakatulala at hindi malaman ang gagawin dahil sinabi mong ikakasal ka na sa iba, na buntis siya. Hindi ko alam kung paano susulong, kung paano magpapatuloy sa buhay.” “Iyon ba ang nararamdaman mo ngayon, Auring?” Naisip ni Santino na kaya niyang bigyan ng mga dahilan si Aurora. Kaya niyang sabihin kung paano magpapatuloy sa buhay ang dating nobya. Nais niyang sabihin na naroon siya at hindi na mawawala kailanman. He could be responsible for her happiness. Ngunit madaling magsalita. Napakadaling mangako. Ayaw na niyang bumali ng anumang pangako. At ano ang katiyakan na siya ang kailangan nito? Tumango si Aurora. “Narito ako. Walang kahit na anong dala. Walang kahit na sapatos. Nahihiya ako sa `yo pero hindi rin naman ako makaalis dahil hindi ko alam kung saan ako pupunta.” “Is it hard being here? Nahihirapan ka bang nakikita ako?” Kung ang dahilan lang ng pananatili nito ay hindi nito alam kung paano susulong at kung paano magpapatuloy, maaari siyang gumawa ng paraan. Hindi niya hahayaan na patuloy na masaktan ang dalaga habang nakikita at nakakasama siya. “Mahirap. Lalo na noong una. Nagulat ako kasi matagal-tagal na rin mula nang sumagi ka sa isip ko. Nabuhay ang galit na akala ko ay matagal ko nang naibaon sa limot. Naisip ko na hindi siguro madaling magsi-sink in sa isipan ko ang nangyayari kung wala ka sa simbahan. You remind so much of the past. You reminded me of a kind of pain and torture na hindi ko na sana gustong maranasan. Pero naisip ko rin na hindi mo naman kasalanan. I was projecting. `Tapos naitanong ko sa sarili ko kung bakit parang iniisip ko ang nakaraan kaysa sa kasalukuyan. Siguro nga kasi hindi ko alam kung paano pakikitunguhan ang kasalukuyan at hinaharap. Napakitunguhan ko na ang nakaraan—ikaw.” Hindi umimik si Santino at matiyagang hinintay ang pagpapatuloy ni Aurora ang sinasabi. She was talking. They were talking. Nakakagaan na kahit na paano ng pakiramdam. “I got over you. Nagawa kong magmahal ng iba. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nananatili ako rito, malapit sa `yo kahit na may mga hindi magagandang bagay kang naipapaalala sa akin. Ipinapaalala mo rin sa akin na kaya ko. Minsan sa buhay ko, nasaktan ako nang sobra. Sa labis na sakit ay naisipan kong magpakamatay.” “Auring!” Nanlaki ang mga mata ni Santino sa gulat. Nahirapan siyang huminga sa kaalamang plinano nitong kitlin ang sariling buhay dahil sa ginawa niya. Parang sasabog ang dibdib niya nang maisip ang posibilidad na wala sana ang Aurora na kasama ngayon. Ngumiti si Aurora. “Narito ako, buhay. I got over you. Mahirap magtiwala uli at umibig pero nagawa ko. I moved on. Napagdikit-dikit ko ang mga pirasong winasak mo.” Humugot ng malalim na hininga si Aurora. “Wasak uli ang puso ko ngayon. Pero kapag napagmamasdan kita, parang may boses na nagsasabi sa akin na kinaya ko noon. Nabuo ko uli ang puso ko, ang sarili ko. Kaya ko uli ngayon. Ipinapaalala mo rin kung gaano ako katatag.” Napalunok si Santino. Hindi niya sigurado kung ikatutuwa o ikalulungkot niya ang narinig mula kay Aurora. Ngunit naisip din niya na mas maigi nang makatulong siya kaysa mas makadagdag sa pagdurusa nito. “Matagal-tagal din ang naging relasyon natin, Auring. Iyong breakup lang ba talaga ang pinakanaaalala mo?” Santino had to ask. “Marami rin naman tayong masasayang sandali na pinagsaluhan.” Tumango si Aurora. “Naging masaya tayo na magkasama. Bumuo ng mga pangarap na magkasama. Pero mas masakit kasing alalahanin ang mga bagay na iyon lalo at alam mo na sa paghihiwalay din nauwi ang lahat. Kahit na ano ang gawin ko, mas nangingibabaw ang katotohanan na binitiwan mo `ko, iniwan.” “Marami ka bang pinagsisisihan?” Naitanong din ni Santino ang bagay na iyon sa sarili. Kung kaya niyang balikan ang lahat, may mga babaguhin ba siya? “Noon ay marami. Sana ay hindi na lang kita sinagot. Sana ay hindi na lang ako bumuo ng mga masasayang alaala. Sana ay hindi na lang ikaw ang lalaking minahal ko mula sa high school. Nang hindi ko na mapaniwalaan ang mga bagay na iyon, iba naman ang mga pinagsisihan ko. Sana ay ipinilit kong sa Maynila rin ako nag-aral. Ako ang panganay, sana sa akin nag-i-invest ang mga magulang ko. Bakit si A-Aisa lang ang makapag-aaral sa Maynila? Kung nagawa ko sanang tawirin ang malaking distansiya sa pagitan nating dalawa noon, baka hindi tayo nagkahiwalay. Siguro ay iba ang naging kapalaran natin. Hanggang sa na-realize ko na masyado naman akong naging unfair at selfish. Hindi kasalanan ng iba ang naging sitwasyon natin. Hanggang sa matanggap ko na lang na wala na akong magagawa para baguhin ang sitwasyon. Natanggap ko na ganoon talaga ang kapalaran nating dalawa. Bago maging opisyal ang relasyon namin ni Dado, kumbinsido ako na wala ka na sa sistema ko. Wala na akong kinakatakutan. Lubos ang paniniwala ko na natagpuan ko na ang para sa akin. Maligaya ka na sa buhay mo at magiging maligaya na rin ako sa buhay ko.” Bahagyang nabasag ang tinig ni Aurora. Tumikhim ang dalaga bago nagpatuloy. “At heto na naman ako, magsisimula na naman sa proseso.” “I’d help,” ang taimtim na pangako ni Santino. “In every way that I can.” “Salamat, Santi. Malaki na ang naitulong mo sa akin.” “Nakausap mo na ba ang pamilya mo?” Tumango si Aurora. “Nakausap ko na kanina ang nanay at tatay. Nag-aalala sila sa akin pero okay naman sila. Sinabi ko na kailangan ko lang ng kaunting panahon para maiproseso ang mga nangyari.” “Si Dado at Aisa?” Iniiwas ni Aurora ang tingin at tumikhim. “Umalis daw sila ng San Pioquinto, sabi ni Anabelle.” “Alam ko kung bakit mas ginusto mong lumayo.” “Matagal na panahon na ang nakalipas. Hindi mo na ako kilala.” “Paano ko ba ito ipapaliwanag? Tama ka siguro na marami na ang nagbago dahil mahabang panahon na ang nakalipas. Pero alam ko na hindi nawawala ang core characteristics ng isang tao. You’re selfless and responsible and loving. Mananatili sa `yo ang mga katangian na iyon kahit na ano ang mangyari.” “So bakit ko nga pinili na lumayo at hindi harapin na lang ang lahat? Bukod sa naduwag ako?” “Dahil ayaw mong mamili sa inyo ni Aisa ang mga magulang n’yo. Hanggang ngayon ay nagpapaubaya ka pa rin sa kapatid mong iyon.” Sandaling natigilan si Aurora. Kapagkuwan ay napabulalas ng tawa. “Talaga? Sana ay totoo ang sinabi mo.” “Totoo ang sinabi ko.” Nakatitiyak si Santino na ganoon nga. “Puwede rin namang natatakot akong marinig mula sa mga magulang ko na mas si Aisa ang nararapat para kay Dado. O kaya natatakot akong marinig na kasalanan ko kung bakit nagmahal ng iba ang mapapangasawa ko.” “So kasalanan mo lang at walang kamalian o kasalanan ang iba—si Aisa o si Dado? You sell yourself short while Aisa is so wonderful. Ano nga ang sinabi ko kanina tungkol sa core characteristics? Selfless and loving.” Hindi nakaimik si Aurora. “Wala kang kasalanan. Sila ang dapat na humingi ng paumanhin. Sila ang dapat na hindi maging masaya dahil nasasaktan ka.” “Naging masaya ka noong magpakasal ka sa iba.” Si Santino naman ang hindi nakaimik. Bakit hindi mo sabihin sa kanya na hindi ka naman naging ganap na masaya sa piling ko, Santi? Palaging may kulang. Palaging may puwang. Natatakot kang lapastanganin ang mga alaala ko. Ayaw mong magmukhang hindi kita napasaya o naalagaan. Ayaw mong isipin na hindi mo `ko minahal sa ilang taon na mag-asawa tayo. I know, honey. I knew you long for something else, someone else. And you loved me in your own special way. Alam ko rin ang bagay na iyon. Naramdaman ko ang malasakit at pagmamahal. Hindi lamang katulad ng pag-ibig na naramdaman mo para sa iyong Auring. The love that’s always so intense. She owned a piece of your heart. She would always and forever owned that piece of your heart. Halos sabay na nagpakawala ng buntong-hininga sina Santino at Aurora.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD