10

1441 Words
MAHIHIGA NA sana sa kama si Santino nang marinig niya ang pag-iingay ng cell phone niya. Nahiling niya na sana ay hindi tungkol sa trabaho ang tawag. Nakausap na niya kanina ang kanyang father-in-law tungkol sa hinihingi niyang bakasyon. Hindi niya sinabi ang dahilan ng biglaan niyang pagbabakasyon ngunit pinagbigyan naman siya ng biyenan. He deserved a break. Nagulat si Santino nang malaman na si Soleng ang tumatawag sa kanya. Malakas pa rin ang tinig ang babae. “Kumusta?” “Hindi tayo magkaibigan para magkumustahan,” ang mataray nitong sabi sa kanya. Napangiwi si Santino. “Okay. I’m sorry.” “Sinaktan mo ang best friend ko. Hindi iyon madaling kalimutan. Baka hindi rin kita mapatawad.” “I understand.” “Anyways, may dahilan kung bakit ako tumawag.” “I’m all ears.” “Huh. Sosyal pakinggan ang English mo, ha. Tama nga ang sabi ni Auring na malayong-malayo ka na sa Santino na kilala namin. Ano nga naman ang aasahan kung nagpakasal ka sa isang heredera?” “Soleng, bakit hindi na lang natin pag-usapan ang dahilan ng pagtawag mo?” Madalas nang maakusahang golddigger si Santino. Noong una ay ikinaiinis at ikinagagalit niya iyon. Ikaliliit niya dahil kahit na paano ay totoo. Ilan sa mga kamag-anak ni Teresa ay linta ang tingin sa kanya. Hindi sapat ang husay niya sa trabaho upang mabago ang opinyon ng ilan. Kaya naman hindi naglaon ay natuto na siyang makibagay. Natuto siyang huwag makinig sa anumang negatibong sinasabi sa kanya. Kilala na niya ang sarili. Ang mahalaga ay hindi ganoon ang tingin sa kanya ng mga taong mahalaga sa kanyang puso at buhay. He stopped caring for other people a long time ago. Ngunit may tundo pa rin sa dibdib ngayong nanggaling ang mga salita mula kay Soleng. Mas mahirap yata dahil baka iniisip din ni Aurora ang kaparehong bagay. Nagpakawala ng buntong-hininga si Soleng bago nagsalita. “Mahaba `to kaya `wag ka munang sasabat. Sa totoo lang, hirap akong maniwala na magkasama kayong dalawa ngayon. Sa lahat ng malalapitan niya, ikaw talaga ang napili niya. Wala kang ideya kung ano ang naging epekto ng pakikipaghiwalay mo sa kanya, ng pagpapakasal mo sa iba. Kaya siguro hindi kita mapatawad kahit na matagal nang nangyari ang lahat. Dahil nakita ko kung paanong parang may namatay kay Auring noong iwanan mo siya. Nakita ko ang lahat ng mga naging pagbabago sa kanya. Nasaksihan ko kung paano niya unti-unting binuo ang sarili niya. Hindi ko iisa-isahin ang mga naging paghihirap niya. Hindi kita kokonsensiyahin dahil nakapagpasya ka na noon at siguro ay may matibay kang dahilan. Siguro ay hindi naging sapat ang pagmamahal. “Ang sasabihin ko sa `yo ay ilang bagay na nangyari sa buhay ni Auring pagkatapos mo siyang iwan. Natapos siya ng kolehiyo kahit na kamuntikan na siyang bumagsak sa lahat ng subjects noong naghiwalay kayo. Kaagad kaming kumuha ng board. Sinuwerte at pumasa. Lumuwas kami ng Maynila at nakipagsapalaran. Pero hindi namin natagalan ang buhay d’yan sa siyudad. Hindi naging madali ang buhay. Hindi naging madali ang paghahanap ng trabaho. Imbes na maging teacher, naging saleslady kami ng isang department store. Tatlong buwan na kontrata lang. Pagkatapos ng anim na buwan, nagbalik kami sa probinsiya at dito naghanap ng mapapasukan. Mahirap din naman kaso nakuha sa tiyaga. Naging teacher kami ni Auring sa isang maliit na private school. Pero dahil nakadepende ang sahod ng teacher sa populasyon ng enrollees, maliit talaga ang kita. Pinagtiyagaan namin. Gumawa ng paraan si Auring na kumita ng extra dahil magkokolehiyo na si Anabelle at nag-masteral si Aisa imbes na maghanap na ng trabaho. Sinusuportahan pa rin ng mga magulang nila si Aisa, kawawa si Anabelle. Nag-tutor si Auring. Tumanggap siya ng orders ng mga kakanin. Alam mong mahusay siyang gumawa ng kakanin, `di ba? Tinuruan siya ng lola niya at iilan na lang sa baryo ang gumagawa ng authentic na kakanin. Nakatulong din siguro ang kaabalahan niya sa paglimot sa `yo. Mag-isa niyang itinaguyod ang pag-aaral ni Anabelle. “Nagkaroon ng pagkakataon si Auring na  makapasok sa public school. Medyo mas malaki ang suweldo, mas maganda ang benefits. Sa elementary school ng Baryo Lungus siya napunta. At hindi masusukat ang debosyon niya sa mga batang estudyante niya. Alam mo na isa ang Baryo Lungus sa mga mahihirap na baryo sa bayan natin. Kapag may estudyante siyang hindi pumapasok, pinupuntahan niya at kinakausap ang mga magulang. Namimili siya ng school supplies sa mga batang walang kagamitan. Pati pagkain niya ay ibinibigay niya sa mga estudyante niya. Para sa isang tao na ‘nag-settle’ sa kursong Education dahil hindi niya makuha ang gusto talagang kurso, naging napakabuti at napakahusay niyang teacher. Mahal siya ng mga estudyante niya. Nagpakahirap pa nga si Auring na itatag ang drum and lyre corps program para sa mga elementary student. Nagpakahirap siyang makakalap ng sapat na pondo. Tinuruan niyang tumutog ang mga bata. Ang paniniwala niya, hindi naman por que mahirap ay hindi na maaaring i-enjoy ang musika. Hindi nagtagal, naaarkila na ang mga estudyante sa mga fiestahan at iba pang events. Nakakatulong kahit na paano ang mga bata at sa mga magulang nila. “Hindi ko ginagawang santa si Auring, Santi. Siguro, gusto ko lang sabihin sa `yo na hindi niya deserve ang ganito. Hindi siya dapat nasasaktan. Hindi ko lang maintindihan kung bakit patuloy niya iyong nararanasan. Sa pamilya man niya at sa ibang tao.” “P-paano siya sinaktan ng pamilya niya?” “Nakipag-asawa si Anabelle at hindi tinapos ang pag-aaral. Nagtrabaho sa abroad si Aisa at proud na proud sa kanya ang mga magulang nila. Kahit na hindi nagpapadala ng kahit na isang kusing si Aisa, madalas pa ring ipagmalaki ng mga magulang nila ang pagtatrabaho niya sa ibang bansa. Si Auring ang breadwinner sa kanila. Hindi na kayang magsaka ng tatay niya kaya siya na lang ang nagpapatanim at umaasikaso ng lahat. Mas maginhawa sana ang buhay nila kung tumutulong ang mga kapatid niya. Kaso gumagawa sila ng excuse sa lahat. Bunso si Anabelle, hindi naman niya kailangang tumulong. Wala na siyang pag-aaraling kapatid kaya okay lang na mag-asawa siya. Masyadong mahirap ang buhay sa abroad kaya hindi nakakapagpadala ng pera si Aisa. Hindi naman pinupulot ang pera roon. Pero kapag titingnan mo ang mga picture niya sa f*******:, akala mo kung sinong mayaman. Nasasaktan si Auring kahit na iba ang sinasabi ng bibig niya. May mga pagkakataon na napagod din siya pero hindi niya inalintana. Hindi niya maibulalas. Ibinabaon niya sa limot ang sama ng loob niya. Palagi siyang nagpapatawad kahit na walang humihingi sa kanya ng tawad.” Napabuntong-hininga si Soleng bago nagpatuloy. “Lumayo siya kasi baka hindi na siya makapagpatawad. Ira-rationalize na naman niya ang lahat. Pipilitin niyag magpatawad kahit na masakit. Nagawa niya sa `yo, kaya rin niyang gawin kina Dado at Aisa.” Ilang sandali muna ang lumipas bago nagawang sumagot ni Santino. May kaunting garalgal sa kanyang tinig. “I’ll take good care of her,” pangako niya. Narinig niya ang paghinga ni Soleng nang maluwag. “Alam ko naman na hindi mo siya responsibilidad, pero maraming salamat pa rin. Nakausap ko siya. Sinabi niya na pinahiram mo siya ng cell phone at mga pamalit na damit. Makikiusap sana ako na bantayan mo siya kung hindi makakaabala.” “Hindi mo kailangang makiusap. Hindi rin siya kailanman magiging abala.” “Nasabi sa akin ni Auring na biyudo ka na. Hindi naman sa masyado akong advanced mag-isip pero, pero ayoko sana na ipinapaalala mo pa ang nakaraan n’yong dalawa. Hindi siguro maiiwasan pero sana ay sikapin mong huwag nang gaanong palawigin ang pag-uusap tungkol doon. Masyado nang nasasaktan si Auring. Hindi niya kailangan ng kalituhan mula sa `yo o mula sa nakaraan n’yo. Gusto kong maging kaibigan ka lang niya, iyon lang. Pagpasensiyahan mo na ako, concern lang talaga ako kay Auring.” “Naiintindihan ko, Soleng.” Naiintindihan ng isipan ni Santino ngunit hindi iyon matanggap ng kanyang puso. “At kung hindi gaanong makakaabala sa `yo, gusto ko sanang bumisita isa sa mga araw na ito. Hindi lang ako makaluwas kaagad dahil may anak akong aasikasuhin pero bukas o makalawa ay gusto ko sanang makita si Auring.” “I’ll text you the addres.” “Salamat, Santi.” Matagal nang putol ang pag-uusap nila ni Soleng ngunit nakatitig pa rin sa kisame si Santino. Paulit-ulit niyang inilarawan sa kanyang diwa ang mga sinabi ni Soleng, ang naging buhay ni Aurora pagkatapos niyang mawala. Sana ay naroon siya noong kailangan nito ng makakasama, ng makakaramay. Ngunit kasal na siya noon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD