KAKAUWI lang nila galing sa Alta Vista Subdivision at kulang-kulang kalahating oras ang kanilang biyahe pauwi sa condo unit ni Blake. Sa subdivision na iyon nakatayo ang nakakalula sa laki at tatlong palapag na bahay na pag-aari ng mga magulang ni Blake. Nahihiya man siyang umapak sa mala palasyong bahay na iyon ngunit hindi siya nakatanggi dahil sadyang mapilit ang Mommy ni Blake. Habang nasa opisina sila kaninang tanghali ni Blake at nagtatrabaho, ay tumawag ang Mommy ni Blake upang kumustahin ang binata. At sa kalagitanaan ng pag-usap ng mag-ina ay nabanggit ni Blake na nagsasama na silang dalawa sa condo unit nito simula pa noong lunes. Pigil ang hininga niya sa magiging reaksiyon ng ina nito. Nasa isip na niya na magagalit ang Mommy ni Blake dahil sa tila biglaan nilang desisyon.

