NAPAKURAP si Donovan sa kaniyang narinig. Hindi siya makapaniwala sa sinabi sa kanila ng matanda.
“Sigurado po kayo, Amang?” pagkumpirma ni Donovan. Sina Irene at Ahura naman ay labis ang pagkagalak pati na rin si Priamos.
“Kung gayon ay susunduin ko na si Kirin sa Sentro at dadalhin na rin namin ang iba pa ninyong mga gamit,” wika ni Priamos.
“Sasamahan na kita, dumito ka na lamang Irene sapagkat namumukhaan ka ng mga kawal magiging dahilan pa ito ng iyong pagkakahuli,” wika naman ni Ahura.
Matapos ngang muling magpasalamat kay Yusuf ay kagyat na umalis ang dalawa. Napaisip naman si Donovan.
Kahit pa utang niya sa matanda ang kanilang buhay ay hindi pa rin siya lubusang nagtitiwala rito.
Hindi na niya hahayaan na muling malagay sa panganib ang buhay ng kaniyang mga kasama katulad nang nangyari noong sila ay unang mapadpad sa Sentro.
“Bakit mo kami napagpasyahang tulungan, Amang?” tanong ni Donovan sa matanda. Nais niyang malaman ang tunay na motibo nito sa pagtulong sa kanila.
“Kayo ang mga dayong hinahanap ng Hari ng Sanyar, hindi ba?”
Naumid naman ang dila ng binata.
Maging si Irene ay hindi rin nakapagsalita. Iniisip ni Donovan kung paanong nalaman ng isang matanda na naninirahan sa isang masukal na kakahuyan na ito ang kanilang pagkakakilanlan.
“Paano po ninyo nalaman ito?” nagtatakang tanong ng binata.
“May pakpak ang balita. Batid na sa buong Babylon ang pagdating ng tatlong dayong naglakas loob na lumaban sa mga kawal ng Reyna. Kahit saang lugar ay hindi kayo ligtas,” saad ni Yusuf.
Pumihit paharap sa kanila ang matanda.
“Ngayon, ako naman ang magtatanong sa’yo at matapat na kasagutan ang gusto kong marinig mula sa iyo, binata.”
“Isa ka sa mga bagong Gabay ng Babylon, tama ba ako?” diretsahang tanong ni Yusuf. “Hindi mo ito maitatanggi sa akin lalo pa’t nakita ko sa iyo ang simbolo ng mga Gabay.”
Matamang tinitigan sa mga mata ng matanda ang binata. Sinusubukang kumpirmahin ang kaniyang sapantaha.
Hindi naman nag-iwas ng tingin si Donovan.
“Tama ka. Pinili ako ng Gabay na si Astora upang maging bagong tagapagtanggol ng inyong mundo,” pag-amin ni Donovan.
“Ipaliwanag mo binata. Paano ka pinili ng Punong-Gabay na matagal nang wala sa Babylon?”
Inilahad nga ni Donovan ang lahat-lahat.
Maging si Irene ay namangha nang marinig ito. Wala siyang kaalam-alam na magiging malaki pala ang parte ni Donovan sa mundong kanilang kinaroroonan.
“Hindi kukunin ng Reyna ang inyong ina kung hindi siya nababagabag dito at lalong hindi ka pipiliin ni Astora na pumalit sa kaniya bilang Gabay kung walang anumang nag-uugnay sa’yo sa mundong ito,” pahayag ni Yusuf.
Napaisip naman dahil dito ang binata.
Matalinhaga ang mga binitiwang salita ng matanda ngunit ang mga ito ay may katotohanan. Tumatak sa isipan ni Donovan ang palaisipang ito mula sa matanda.
“Kung tunay ngang ikaw ang magiging Gabay ng Babylon ay ikaw pa lamang ang pinakamahinang Gabay na nakita ko,” wika ni Yusuf kasabay ng kaniyang pagtalikod kina Irene at Donovan.
“Sasanayin kita upang magawa mong ipagtanggol ang sarili mo laban sa mga kaaway na higit na mas malalakas pa sa iyo.”
Nagulat naman sa sinabi ni Yusuf si Irene. “Did you hear that? He will train you daw. Can he even fight?”
“You’ll be surprise if you're able to see him fight. Let’s get inside,” aya ng binata.
Makailang ulit kumurap ang dalaga nang makapasok na sa loob ng tahanan ni Yusuf. Hindi niya inaasahan na napakalaki pala nito sa loob, taliwas sa hitsura nito kung titingna mula sa labas.
“How the hell?” anas ni Irene.
Napangiti naman si Donovan sa nakikitang reaksyon sa dalaga. “Cool, isn’t it?”
Sunod-sunod na tumango si Irene. Hindi pa rin mapaniwalaan ang nakikita ng kaniyang mga mata. “Very cool.”
Ilang oras ang nagdaan bago muling nakabalik sina Priamos at Ahura kasama si Kirin sa kubo ni Yusuf. Nahahapong napaupo si Priamos sa tapat ng kubo.
“Sa wakas ay nakabalik din tayo. Pakiwari ko ay mapuputol na ang aking mga paa dahil sa layo ng ating nilakbay,” ani Priamos.
Nakauunawa namang tinapik-tapik ni Ahura ang balikat ng binata nang tabihan niya ito.
“Nakabalik na kami!” sigaw ni Ahura upang marinig siya ng mga tao sa loob.
Maya-maya ay bumukas ang pinto at iniluwal niyon si Yusuf. Natigilan ang matanda nang makita ang nakatayong si Kirin ilang metro mula kina Priamos.
“Nakabalik na po kami, Amang!” tangkang pag-agaw ni Priamos sa atensyon ng matanda ngunit nanatili lamang itong nakatitig kay Kirin.
Hindi rin nagtagal ay lumabas na rin mula sa kubo sina Irene at Donovan.
Agad na nagtungo ang dalawa sa nakaupong sina Priamos at Ahura upang kumustahin ang naging paglalakbay ng mga ito.
Binati rin ng mga ito si Kirin ngunit ang dalaga ay nanatili lamang na nakangiti sa matandang nasa kaniyang harapan. Ipinagtaka naman ito ni Donovan.
“Amang, may problema po ba?” tanong ng binata sa matanda na matalim na ang mga tinging ipinupukol sa kaniyang kaibigan ng mga sandaling iyon.
“SINO KA NILALANG! BAKIT KA NARIRITO!”
Nagulat ang lahat sa biglaang pagsigaw ni Yusuf. Nagtungo ang matanda kina Priamos, mabilis na kinuha ang espada nito at itinutok kay Kirin na hindi na ngiti ang ipinapakita sa lahat kundi ang isang nakakikilabot na pag ngisi.
Pumagitna naman kaagad si Donovan bago makahakbang papalapit ang matanda sa kaniyang kaibigan.
“Sandali po lamang! Kaibigan po namin siya at hindi siya masamang nilalang!”
“Nililinlang lamang kayo ng nilalang na iyan. Hindi siya isang Babylonian! Nadarama ko ang pagka-uhaw sa dugo ng babaeng ‘yan!” pahayag ni Yusuf.
Nagulumihan naman si Donovan ngunit hindi niya pa rin pinaniniwalaan ang matanda. “Maghunos-dili kayo, Amang!”
Nilingon ng binata ang kaibigan upang pagsalitain. “Kirin! Mag salita ka, patunayan mo kay Amang na wala kang binabalak na masama!”
Ngunit sa halip na mag salita at sundin ang pakiusap ni Donovan ay isang nakakapanindig balahibong paghalakhak lamang ang pinakawalan ng dalaga.
“Magaling unang Hari ng Babylon! Katulad ng aking inaasahan ay nagawa mo ngang matukoy ang aking pagkakakilanlan,” wika ni Kirin.
Naguguluhang lumapit sa dalaga si Irene. “Kirin? A-ano ang ibig mong sabihin?”
Naalerto sina Donovan nang biglaang haklitin ni Kirin si Irene sa braso at tutukan ito ng kutsilyo sa leeg.
Napadampot ng espada si Priamos at Donovan habang si Ahura naman ay iniumang ang hawak na palaso kay Kirin.
“A-akala ko magkaibigan tayo?” wika ni Irene kay Kirin na kasalukuyang nakapalibot ang braso sa kaniyang leeg.
“Sino ka ba talaga?”
“Isa kayong malaking hangal! Malalaman mo rin kung sino ako sa takdang panahon. At ang panahong iyon ay ang araw ng kamatayan mo at ng mga kaibigan mo!”
Muling hinarap ni Kirin sina Donovan.
“Sa muli nating pagkikita ay hindi ko na hahayaan pa na makita ninyong muli ang pag sikat ng araw! Sa muli nating pagkikita ay ako mismo ang papaslang sa mga hinirang at hihirangin pa lamang na tagapagtanggol ng Babylon!”
Malakas na sinipa ni Kirin si Irene sa binti dahilan upang ito ay mapaluhod sa lupa habang si Kirin naman ay tinalikuran na ang mga ito.
Nagpakawala ng dalawang magkasunod na palaso si Ahura subalit madali lamang itong nasalag ni Kirin. Agad na nilapitan nina Priamos at Donovan si Irene.
Magtatangka pa sana silang habulin si Kirin ngunit mula sa kakahuyan ay lumabas ang isang pangkat ng mga kawal ng Reyna at pinalibutan sina Donovan.
Naghanda naman sa pakikipaglaban ang grupo ng binata.
“Marunong ka namang gumamit ng espada, Ginoong Priamos hindi ba?” tanong ni Donovan.
Matipid na ngiti naman ang itinugon ni Priamos dito. Hindi na siya naghintay pa nang matagal at agad na tumakbong palusob sa mga kawal ng Reyna na nasa kaniyang harapan.
Ikinamangha nina Donovan ang tinataglay na lakas ni Priamos.
Ang mga kawal na nagtatangkang humarang dito ay nagagawa nitong gapiin. Ang binata ay tila isang ipo-ipo na nananalasa sa hanay ng mga kaaway.
Dahil sa kanilang mga nasaksihan ay lalong ginanahan sina Donovan na harapin ang mga kalaban habang si Yusuf naman ay pinagmamasdan lamang ang mga kaganapan.
Hindi naglaon ay tuluyan na ngang nagapi nina Donovan ang mga kawal ng Reyna. Katulad ng mga nauna nang naganap ay nagmistulang abo ang mga bangkay ng mga kawal bago tinangay ng hangin.
Hindi maunawaan nina Donovan kung ano ang sanhi nito subalit hindi na nila iyong pinagtuunan pa ng pansin.
“Kamangha-mangha ang iyong lakas kaibigan! Mahusay ka palang makipaglaban?” bulalas ni Donovan kay Priamos nang muli silang maglapit.
“Halos lahat naman dito sa Babylon ay marunong makipaglaban, Ginoong Donovan,” tugon ni Priamos.
“Donovan na lamang ang itawag mo sa akin at Priamos na lang ang aking itatawag sa iyo kung iyong mamarapatin,” wika ng binata. “Ngunit kung ang lahat ay marunong makipaglaban, bakit hindi ninyo labanan ang Puting Reyna?”
“Hindi ganoon kadali iyon, binata. Lubhang makapangyarihan ang Reyna kung kaya’t walang nangangahas na lumaban o sumuway man lamang sa kaniyang mga kagustuhan,” singit ni Yusuf.
“Tama ang Amang. Kung ang mga matataas na pinuno nga ng Babylon na higit na mas may kaalaman sa pakikidigma ay nagawa niyang talunin dalawang-daang taon na ang nakalilipas ay paano pa kaya kaming mga simpleng mamamayan lamang?” dagdag pa ni Priamos.
Nalungkot naman si Donovan sa mga narinig. Tama nga naman ito, ano nga naman ang magagawa ng mga mamamayang salat sa armas at makakain laban sa Reynang kasing-dami ng buhangin sa baybayin ng karagatan ang dami ang hukbo?
Ngunit may naalala si Donovan. “Sina Gurdashi Urbed! Hindi ba’t sila ay mayroong maliit na hukbo na lumalaban sa Reyna at sa apat na Haring itinalaga niyang mamumuno sa Babylon? Bakit hindi kayo humingi ng tulong sa kanila?”
Nagulat naman si Yusuf na kilala ni Donovan si Urbed. “Saan mo nalaman iyan binata?”
Napalingon si Donovan sa matanda.
“Ang alin po? Ang tungkol sa hukbong mapanghimagsik?”
Tumango ito. “Sila po mismo ang nag sabi sa akin.”
“Ang ibig bang sabihin nito ay totoo na mayroong hukbong kumakalaban sa Reyna? Hindi sila isang alamat o usap-usapan lamang?” gulat na wika ni Priamos habang hinahaplos ang kaniyang balbas.
Natawa naman si Donovan sa narinig.
“Ano’ng alamat ang sinasabi mo riyan kaibigan? Totoo ang kanilang hukbo. Sa katunayan nga ay sila pa ang nagbigay ng misyon sa amin na humanap ng mga Babylonian na handang umanib sa kilusan.”
Namamanghang napaupo si Yusuf. Sa mahabang panahon na naririnig niya ang usap-usapan patungkol sa mga matatapang na nilalang na ipinagpatuloy ang laban matapos mabigo ang Haring Jibreel ay ngayon lamang ito napatotohanan.
Matagal din niyang hinanap ang hukbong ito subalit bigo siya na makita kahit na ang anino man lamang ng mga ito.
Matagal na niyang ninanais na ipaghiganti ang pagkatalong natamo ng kaniyang apo na si Jibreel.
“Ang ibig mo bang sabihin ay kaisa kayo ng hukbong ito?” Namamanghang paglilinaw ni Priamos.
Nang tumango sa kaniya si Donovan ay mahigpit niya itong niyakap dahil sa labis na kagalakang nadarama niya.
“Kung gayon ay nais kong umanib sa inyo kaibigan! At ipinangangako ko na sasamahan ko kayo sa paghahanap ng mga matatapang na Babylonian.”
“Ikinagagalak kitang makasama, Priamos!” Masayang wika ni Donovan.
“Magiging malaking tulong ang iyong lakas upang magapi natin ang Reyna.”
Napansin naman ni Donovan si Irene sa isang gilid. Malungkot ito na marahil ay dahil sa pagtataksil na ginawa sa kanila ni Kirin na siyang itinuturing niyang pinakamalapit na kaibigan sa mundong ito.
Nilapitan niya ang dalaga. “Irene? Are you okay?”
Tumingala ito upang siya ay harapin. Ngumiti si Irene ngunit batid ni Donovan na isang huwad na ngiti lamang ang ipinamamalas nito.
“Yeah! I’m good.”
Masaya ang dalaga na mayroon na silang bagong makakasama at sa katauhan iyon ni Priamos. Subalit hindi pa rin niya maiwasang malungkot at magdamdam dahil sa pagkawala ni Kirin.
“I know you’re hurt, but Kirin was just lying to all of us Irene. Ngayon ay alam ko na kung bakit tayo natunton sa pamayanan nina Amang Alab at kung paanong nalaman ng mga kawal na nakarating na tayo sa Sentro. It was all her doing.”
“But I don’t understand, Don. Why? Madami na tayong napagdaanan, marami na tayong kapahamakan na nalampasan, marami na rin tayong pinagsahaman. But all of that was just a lie? I treated her as a true friend.”
Umupo si Donovan sa tabi ng dalaga nang mapahikbi ito. Iniwan na muna sila nina Ahura at pumasok sa loob ng kubo upang makapag usap sila ng sila lamang dalawa.
“Your heart is pure Irene and I truly admire you for that. But the world—this world is full of deceitful people who will just use your kindness so that they could fulfill their evil desires.”
Tinapik-tapik niya ang dalaga sa balikat upang subukang pakalmahin ito. “You should protect that pure heart of yours, so that no one can ever make you cry again.”
Nagpahid ng kaniyang mga luha si Irene. “I never cried.”
Napakunot noo naman si Donovan sa narinig. “What?”
“I said, I never cried!”
Natawa si Donovan nang maunawaan niya ang ipinahihiwatig ng dalaga. “Yeah, I understand. You certainly did not.”
Tinalikuran na ni Irene si Donovan at humakbang na papasok sa kubo subalit muli siyang lumingon dito at taos pusong ngumiti.
“Thank you, Don.”
Isang matamis na ngiti rin ang isinukli ng binata dito.