“OMG! Mara!” kinikilig na tili ni Nika.
“Bakit para kang buteking kinuryente dyan Nika?” natatawang sabi niya sa nakitang histura ng kaibigan.
“Nakita ko ito sa doorstep mo. Naku baka sira na!” anito na iniaabot sa kanya ang tangan nitong box.
“Ano ba yan?” kunotnoo niyang kinuha mula rito ang box. “Ay!” kinilabutan niyang naihagis ang box sa sobrang pagkagulat. Mula roon ay lumabas ang isang inu-uod na palaka at umalingasaw ang masangsang na amoy mula doon.
“OMG! Kanino galing yan?”Diring diri na sabi ni Nika na yumakap sa kanya. “May nakaaway ka ba sis?”
“W-wala.” Nangingilabot na pinulot niya mula sa tabi nito ang tarhetang nahulog.
“Malapit ka ng sumunod.” Malakas na basa ni Nika sa nakasulat mula roon. Lalo siyang nangilabot. Sino naman ang magpapadala sa kanya ng ganoon? Wala siyan maalalang nakaaway man lang kahit minsan? Tulalang napatingin siya sa box. “Anong ibig sabihin nito Nika?” Halos hindi lumabas
sa bibig na sabi niya.
“My gosh Mara, hindi biro ito ha?” Takot nitong sabi habang inaakay siya paupo sa malapit na sofa ng bahay. “Kailangang mai-report agad natin ito sa pulisya.” Patuloy nito na tanging tango lamang ang kanyang naisagot.
Pakiramdam niya ay lalabas ang puso niya mula sa dibdib sa kanyang nakita. Pilit na hinahagilap ng isip kung sino ang maaaring gumawa niyon sa kanya. Subalit wala talaga siyang maisip. Sa kanya nakapangalan ang tarheta kaya imposibleng nagkamali ang sinumang nagpadala niyon.
“Sino kaya ang nagpadala nito Niks?” pakiramdam niya ay nalunok na yata niya ang kanyang dila sa takot. Ngayon lang niya naranasan ang ganito sa buong buhay niya. Oo at nakakapanood siya ng mga ganitong pangyayari sa pelikula. Pero iba pala ang pakiramdam kapag sa iyo na mismo ginawa.
“Sa tingin ko may taong galit sa iyo sis, nako! mag-iingat ka. Masyadong brutal ang gumawa nito sa iyo para padalhan ka pa ng ganyan.” Bakas sa mukha ng kaibigan ang matinding pag-aalala.
“Sa tingin ko nga rin Niks. Pero wala talaga akong maalalang nakaaway man lang.” nalilitong sagot niya rito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maisip kung sino ang maaaring magpadala ng ganyan sa kanya na may matinding galit. Nahahapo siyang napatingin sa box na kasalukuyan nang
nililinis ni Nika.
“Magpahinga ka na sis. Huwag mo muna isipin ang tungkol dito ok? ako na ang bahalang mag-report sa pulisya nito.” Anitong lumapit sa kanya matapos magligpit at makapaghugas. “Ikaw na muna ang bahala Nika. Nanlalambot ako, d ko akalaing may taong galot sakin ng ganito ng d ko alam.” Tila nanghihina niyang sabi na tumungo sa kwarto.
MATAPOS makipag-deal sa isa niyang kliyente ay nagtungo si Zach sa resthouse nila sa Tagaytay kung saan naroon ang ama. Mula sa kinatatayuan niya sa may pinto ay kitang kita niya ang malungkot na aura nito na nakatanaw sa Taal Lake subalit tila tagos naman dito ang tingin. Ang pakislap ng repleksiyon ng araw mula sa tubig na tumama sa mukha nito ay tila balewala lamang. Ang hapis nitong mukha ay kababakasan ng matinding lungkot.
“Kumusta ang Papa, Sara?” tanong niya sa private nurse ng ama.
“Mabuti buti naman na po kaysa noong nakaraang buwan. Umiinom na siya ng gamot ngayon at nagpapahinga na ng maaga.” Sagot nito na ang tingin ay nasa matanda.
“Mabuti kung ganoon. Magpahinga ka na at ako na muna ang bahala kay Papa.” Aniyang tinapik ang balikat ng dalaga.
“Sige po.” Tungo nito.
Matagal muna niyang pinagmasdan ang ama mula sa di kalayuan. Kung naririto ang kanyang mama ay pihadong hindi ito ganito ngayon. Wala sa sarili at matindi ang kalungkutang bumabalot rito.
Alam niyang unti-unti nang nakakabangon mula sa depresyon ang ama, malaki-laki na rin ang iginanda ng progreso nito mula nang huli niya itong dalawin. Ang pag inom nito ng gamot sa tamang oras ay isang malaking tanda nito.
“KUMUSTA kana Papa?” Bati niya rito nang makalapit. Isang malungkot na tingin lamang ang itinapon nito sa kanya bago muling tumingin sa makislap na tubig. “Mabuti at iniinom na ninyo ngayon ang mga gamot ninyo.” Patuloy niya. Subalit katulad pa rin ng dati ay nanatili lamang itong tahimik.
“Sa makalawa ay darating si tito Mike para sa inyong monthly check-up. I’m sure matutuwa din iyon sa laki ng progreso ninyo.” Nakangiti niyang sabi na idinantay ang mga kamay sa balikat ng ama.
Ang tito Mike niya ang personal na doktor ng pamilya at pinsan ng kanyang nasirang ina. Ito ang personal na pumupunta para mangalaga sa kalusugan nito. At sa buong taong nakalipas ay nanatili itong naroon upang suportahan at gabayan sila.
“Sir, kailangan na pong magpahinga ni Sir Ace.” Magalang na sabi ni Sara na bumungad sa silid. Isang tango lamang ang isinagot niya dito.
“Pa, nasa baba lang ako. Kung may kailangan kayo sabihin niyo lang kay Sara.” Muli ay katahimikan lamang ang isinagot nito. Alam niya, malapit nang bumalik sa normal ang lahat, sa ipinakikita nitong progreso ay hindi malabo iyon, at hihintayin niya ang araw na muli silang makakapagkwentuhan katulad ng dati.
PILIT na inaalala ni Mara kung sino ang maaaring magtangka sa kanyang buhay subalit wala talaga siyang maisip na sinuman. Masakit ang ulong nasapo niya ang kanyang noo, kanina pa nakaalis si Nika upang tumungo sa pinakamalapit na pulisya para i-report ang nangyari. Ilang oras na ang nakakalipas subalit hindi pa rin ito nakakabalik. Patamad siyang tumayo at tumungo sa banyo. Kailangan na niyang pumunta sa flowershop, malapit nang matapos iyon kaya mas kailangan ang kanyang superbisyon.
Matapos makapaligo ay tinawagan niya si Nika subalit patay ang cellphone nito. Hindi na niya mahihintay pa ang pagdating ng kaibigan kaya napagdesisyunan nalang niyang umalis ng nag-iisa. Nag-iwan nalang siya ng mensahe sa cellphone ng kaibigan upang malaman nito na umalis na siya.
Sa kabila ng kabang nararamdaman ay binalewala niya ang pilit na pumipigil sa isang bahagi ng kanyang isipan na huwag nalang tumuloy. Maingat niyang pinaandar ang kayang auto habang panay ang dasal na sana ay walang mangyaring masama sa kanya. Muling sumariwa sa kanya ang itsura ng inu-uod na palakang natanggap. Ang kabang nadarama ay lalo pang mas umigting, may nais pumatay sa kanya! Iyon ang nabuo sa kanyang isipan. Pakiramdam niya ay nanlaki ang kanyang ulo sa realisasyong iyon.
Habang binabaybay niya ang kahabaan ng kalsada patungo sa flower shop ay isang kotse ang biglang sumulpot na tila nawalan ng control at patungo ang direksiyon niyon sa kanya! Madali niyang ikinabig ang manibela upang umiwas, subalit sa pag-iwas niyang iyon ay isang poste ng meralco ang kanyang tutumbukin. Agad niyang tinapakan ang preno subalit hindi iyon kumakagat. Natatarantang tinapakan pa niya iyon ng kung ilang beses, pero wala. Isang malakas na sigaw ang kumawala sa kanya bago tuluyan siyang sumalpok.