Prologue
Yana Mae Madrigal
Sabi nila, ang makasal daw sa taong pinakamamahal mo ay isa sa pinakamasayang parte sa buhay ng tao ngunit heto ako at nagsisimula nang kabahan habang napapabuntong-hininga.
Dapat siya ang mauuna sa akin dito sa simbahan ngunit wala pa rin siya. Mag-iisang oras na siyang late ngunit positibo pa rin ako na darating siya at may magandang dahilan kung bakit wala pa rin siya. Nandito naman na ang magulang niya at ilang kamag-anak na aming bisita at siya na lang talaga ang hinihintay. Nagsisimula naman na itong kontakin ng magulang niya.
Maya-maya ay humahangos na lumapit ang kanyang Ina sa amin. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala at mukhang may dala itong hindi magandang balita.
H’wag naman sana...
Hinila nito si Papa at Mama sa tabi malayo sa akin. Nagtatakang napatingin na lamang ako sa mga ito. Tangan-tangan ang kaba sa dibdib na kanina ko pa dala.
Nagsimula na ring magbulungan ang mga tao roon. Maya-maya ay lumapit sa akin si Mama, parang gusto ko nang maiyak. Mukhang masamang balita nga talaga iyon.
"Anak..." Malungkot itong lumapit sa akin. "H-hindi na matutuloy ang kasal. Hindi na darating si Dave. U-umalis na siya anak..." Parang bombang sumabog ang balitang iyon ni Mama.
Hindi maaari... Hindi maaaring gawin niya 'to sa akin...
Napaupo na lang ako sa panghihina ng tuhod ko. Napatakip ako sa mukha habang lumuluha.
Bakit niya nagawa 'to?! Bakit niya nagawa 'to sa akin?!
Habang umiiyak ay paulit-ulit ko ring tinatanong ang sarili kung bakit niya nagawa iyon. Bakit siya umalis at bakit niya ako iniwan sa mismong araw ng kasal namin?