Family Calendar
Las Pinas City
Ang mga kwentong aking ibabahagi ay aking mga karanasan ng nakatira pa kami sa Las Pinas City, Manila.
Ang bahay namin noon ay may dalawang palapag. Hindi po ito kagaya ng iniisip ninyo na malaking bahay at nakatira sa isang subdivision.
Maliit lang po ang bahay namin na kakasya lang po ang apat na myembro ng pamilya.
Noong mga panahong iyon ay usong uso pa ang Family Calendar.
Ito ay Poster Calendar na sadyang ipinapagawa na minsan ay kasing lapad ng isang lamesa. Pipili ka ng larawang naka printa sa iyong calendar ex. ay picture ni Jesus, Baby o di kaya naman ay mga kilalang lugar pasyalan. Pagpili mo na ay lalagyan na ito o susulatan ng apelyido ng nagpapagawa ex. ay TORRES FAMILY, FERNANDEZ FAMILY atbp. Sa ibabang bahagi ng apelyido ay doon na nakaprinta ang petsa mula January hanggang December ng kasalukuyang taon kung kailan ka nagpagawa.
Mura lang naman noon ang pagpapagawa kaya halos lahat ng mga kapitbahay ay meron nito sa kanilang mga tahanan. Syempre hindi rin nagpahuli ang Papa ko kaya ngpasadya rin sya ng Family Calendar.
Dahil sa dalawa lang naman kaming magkapatid at puro pa babae kaya ang pinili ni Papa na larawan ay isang babaeng napakaganda. Mala-Dyosa o diwata ang itsura nito na pagtinitigan mo ay mahuhumaling ka talaga. Nagpaganda pa lalo dito ang Falls na nasa likuran ng babae. Matitingkad din ang mga kulay na ginamit dito kaya kung iisipin ay mukhang mas mahal ang ibinayad dito.
Isinabit ni Papa ito sa harap ng hagdanan papuntang pangalawang palapag ng bahay.
Tuwang-tuwa naman kami ng kapatid ko dahil nga sa naipagmamayabang namin ito sa aming mga kalaro.
Isang linggo ang nakalipas mula ng isinabit iyon ni Papa sa may hagdan ay parang sunod-sunod ang malas na dumadating sa amin at palagi ding nag-aaway sila Papa at Mama kahit na sa mga maliliit lang na dahilan.
Noong una akala namin ay natural lang ang mga nangyayari pero isang hapon habang naglalaro kami ng mga kaibigan ko ay may isa kaming kalaro na biglang umiyak habang nakatingin sa family calendar namin.
Tinanong namin sya kung ano ang nangyare pero ayaw nitong sumagot kaya tinawag namin ang kanyang mama. Tinanong sya nito kung ano ang nangyare at sinabi nyang ang pangit daw ng babaeng nasa calendar.
Isinawalang bahala nalang namin yun kasi akala namin ay naiinggit lang ito kaya nagpatuloy nalang ulit kami sa paglalaro.
Mga 6 PM ng araw ding yun ng naglalaro kami ng kapatid ko sa pangalawang palapag ng bahay. Tinawag na kami ni Mama para kumain sa baba kaya naman ay bumaba na kami. Nasa huling apakan na ako ng mapansin ko ang kapatid ko na nasa itaas pa rin ng hagdan.
Tulala itong nakatingin sa calendar kaya naman ay tinawag ko ito at baka magalit na si Mama. Nagulat naman itong tumingin sakin at bumaba na ng bigla itong madulas. Mga tatlong apakan lang naman ang nadulasan nito pero napilayan parin ito.
Mga 8 PM ng nakauwi kami galing sa manghihilot. Nasa taas kaming lahat at handa ng matulog.
Sumakit bigla ang likod ng kapatid ko kaya naman ay inutusan ako ni Mama na kunin sa baba ang oil na binigay ng manggagamot.
Nakakadalawang hakbang na ako ng parang hinihila ang aking mga mata na tumingin sa Calendar. Bumungad kaagad sa akin ang napaka-ganda at napaka-amo nitong mukha.
Bigla akong natigilan ng unti-unting umiba ang mukha nito.
Ang mga mata nito ay sumingkit na parang ang sama at talim ng mga titig. Ang maganda at maamo nitong mukha ay napalitan ng nakakatakot at masamang itsura ng babae.
Sa takot ay napahagolgol ako ng iyak at dali dali naman si papang pumunta sakin. Tinanong nya ako kung ano ang nangyare at sinabi kong nakita ko ang babae sa calendar ay umiba ang itsura at galit na galit ito sa akin.
Sa inis ni Papa ay kinuha nya ang Calendar at itinapon sa labas ng bahay. Dali-dali naman akong pumunta kay Mama. Sinabi rin ng kapatid ko na nakita nya rin daw na umiba ang itsura ng babae pero hindi ito galit. Ang nakita nya ay nakakaloko itong nakangite ng pagkalapad lapad habang nakatingin ng matalim sa kanya.
Nang marinig yun ni Papa ay bumaba ulit ito at sinunog ang Calendar. Mula non ay hindi na ulit kami nagpagawa pa ng Family Calendar at tuwing papasok kami sa bahay ng ibang tao ay iniiwasan naming tumingin ng matagal sa mga Posters na nakasabit sa kanilang mga bahay.
___ ___
KULTO
Naaalala nyo ba dati ang napabalitang grupo ng kulto na nang-iihipnotismo ng mga biktima nito? Grade 4 ako ng kalat na kalat sa buong Las Pinas ang ganitong balita.
Nung una ay inisip namin na baka panakot lang ito sa mga batang gumagala pa ng hatinggabi.
Marami ang natakot sa balitang ito.
Ang mga kulto daw pagsapit ng gabi ay pumupunta sa mga bahay bahay at kumakatok. Pagbukas mo daw ng pintuan ay agad kang susugurin ng mga ito. Okay lang kung pagnanakawan ka lang ng mga ito dahil ang mas malala pa na ang ibang biktima daw ay pinapatay pa ng mga ito.
Marami rin ang nagsasabi na huwag daw mag-iiwan ng kahit na anong gamit sa labas ng bahay, mapasinampay man o tsinelas. Dahil pwede daw nila itong gamitin na kapag kumatok sila at walang nagbukas ay kukuha raw sila ng tsinelas at oorasyunan ito. Kung sino ang may-ari ng tsinelas na naorasyunan ay parang malang malay na tatayo at ito ang magbubukas ng pintuan.
Kaya naman kapag pumatak na ang 7 PM sa lugar namin ay wala ng nasa labas at wala ka naring makikitang kahit isang sinampay o tsinelas sa labas ng mga bahay.
Marami talaga ang natatakot noon. Sinabi pa ng iba na Kulto daw ito ng mga magnanakaw. Mayroon ng ibang pinasok at pinagnakawan pero wala pa namang nagsabi na may na hypnotize na ang mga ito.
Sa mga batang katulad namin noon ay natatakot din kami kasi akala namin noon ay may mga powers o magic ang mga ito. Hatid-sundo narin kami ng mga magulang namin non.
Hindi ko na maalala kung anong araw yun pero siguradong walang pasok kami non. Inaya ako ng isa kong malapit na kaibigan para mangalakal ng hapon na yon.
Marami din naman kaming nakalakal at mga 20 pesos din ang nakuha namin. Nang panahong yun ay marami ng mabibili ang 20 pesos kaya tuwang tuwa kami. Papauwi na kami ng makita namin ang tiyahin ng kaibigan ko. Nagmamadali itong naglalakad papunta kung saan.
Dahil sa mga bata pa ay sinundan namin ito ay ipagmamayabang sana ang 20 pesos na nakalakal namin. Masyado itong malayo sa amin kaya hindi na namin ito tinawag pa.
Pumasok ito sa isang maliit na bahay sa likod ng isang chapel. Walang masyadong mga bahay sa paligid nito kaya nagtaka kami kung ano ang ginagawa ng tiya nya doon.
Dahil sa pagtataka ay sumilip kami sa butas ng dingding. Maraming mga tao ang nasa loob pero hindi sila nag-uusap usap o nagkikibuan man lang. Lahat sila ay naka itim na mahahabang damit na akala namin dati ay itim na daster.
Tumayo silang lahat at sabay sabay na yumuko. May mga sinasambit na salita ang mga ito pero dahil sa hina ay para lang silang nagsasalita sa hangin. Hinanap namin ang tiya nya pero hindi namin ito makita dahil sa limitado lang ang nakikita namin sa maliit na butas.
Nang biglang may humila sa amin papalayo sa bahay na yun. Ang tiya ng kaibigan ko. Nang medyo malayo na kami ay galit itong nagtanong sa amin kung ano daw ba ang ginagawa namin at nakasilip kami doon mabuti nalang daw at nakita nya kami.
Sabi namin na nakita namin syang nagmamadaling naglalakad kaya sinundan namin sya.
Tinanong sya ng kaibigan ko kung ano ang ginagawa nya doon at bakit hindi sya nakaitim na damit. Bigla namang tinakpan ng tiya nya ang kanyang bunganga. Sinabi nitong doon daw sya namamasukang katulong sa mag-asawang nakatira sa bahay na yon at mayroon daw birthday party kaya maraming tao.
Pagtapos non ay inutusan na kami nitong umuwi at huwag ng pupunta o susundan pa sya doon.
Umuwi nalang kami at hindi na iyon muli pang pinag-usapan pa. Ilang araw ang lumipas at napabalita sa aming lugar ang pagkawala ng tiya ng kaibigan ko at sabi daw ng mga amo nito ay nakipagtanan daw ito sa boyfriend nito.
Ang ipinagtataka lang ng pamilya ng kaibigan ko dahil napakabait daw ng tiya niya at hindi pa daw nila ito nakitang may kasamang lalaki. Akala nga daw nila ay magiging matandang dalaga na ito.
Mga isang buwan din ang nakakalipas ng umalis ang mga amo ng tiya ng kaibigan ko sa lugar na yon.
___ ___
Hello mga horror loverz...
Ano po ang tingin nyo sa pangalawa kong kwento? Mga kulto kaya ang nakita namin? Totoo kayang nakipagtanan ang tiya ng kaibigan ko at nasaan na kaya ito ngayon?
Buhay pa kaya ito?