Dahon
Dahil sa uri ng trabaho ko ay marami na akong napupuntahang mga lugar dito sa Pilipinas. Hindi na iba sa akin ang parating pagsakay ng Bus kapag aalis.
Papunta akong Canlaon City, Negros Occidental at bus lang naman ang sasakyan papunta doon. Nung araw na yun ay maluwag ang bus na nasakyan ko. Mga 30 minuto nalang at makakarating na kami sa Canlaon ng may bumabang tatlong babae at may sumakay naman na isang babae at isang lalaki kung titingnan ay mukhang mag-asawa ang dalawang ito.
Kapansin pansin ang dalawang ito dahil sa mga maaamo nilang mga mukha. Mapuputi at matatangkad ang dalawa kaya pinagtitinginan talaga ng mga pasahero.
Mga ilang sandali lang ay inabot na ng lalaki ang pamasahe nilang dalawa sa konduktor. Halatang matagal ng naninirahan doon ang dalawa dahil sa tama lang ang pamasaheng ibinayad ng mga ito.
Mga 10 minuto ang nakakaraan ng bumaba na ang dalawa. Nagtaka ako dahil wala namang bahay o di kaya ay tindahan sa binabaan nila. Puro lang mga kahoy na malalaki.
Hindi pa nakakaalis ang bus ng napamura ang konduktor. Dahil sa ang perang ibinayad sa kanya kanina ng dalawa ay naging dahon. Tanda nya pa daw talaga na ang ibinayad sa kanya ay 20 pesos at ang nasa kamay nya lang ay puro 100 pesos, 50 pesos at tatlong 20 pesos. At ang hawak nya ngayon ay dalawang 20 pesos nalang. Ang huling nagbayad sa kanya ay ang dalawang mag-asawa lang at wala narin syang sinuklian kaya imposibleng naisukle nya ang isang 20 pesos.
Tiningnan nya ulit sa labas ang dalawa pero ni anino ng mga ito ay wala na. Pina andar na kaagad ng driver ang Bus at umalis na.
Ang palaisipan ay bakit mayroong nakatuping dahon sa kamay ng konduktor na akala mo ay pera talagang nakatupe.
Ano at sino ang dalawang yun?
Kinuwento ko yun sa mga kasamahan namin sa trabaho na taga Canlaon at meron daw talagang mag-asawa na nakikisakay sa Bus at nagbabayad naman daw ang dalawang ito. Kaya nga lang pagbumaba na daw ang mga ito ay agad namang nagiging dahon ang kanilang ibinayad. Maraming beses na daw nilang narinig ang ganitong kwento.
___ ___
Taytay, Palawan
Taong 2017 ng pumunta kami ng kasama ko sa trabaho/bestfriend ko sa Palawan. Napakaganda talaga ang Palawan at napakamahiwaga. Sobra isang linggo kami doon namalagi at nagtrabaho. Sabay kaming dumaong sa Puerto Princesa pero sya ay na-assigned sa Narra, Quezon at Brooke's Point. Ako naman ay Puerto Princesa at Roxas.
Sa pinapasalamat namin dahil sabay kaming na assigned sa Taytay. Ang taytay ay ang pinakahuli naming destinasyon at dalawang araw kami roong magtatrabaho.
Dahil nasa dulong parte na ng Palawan ang Taytay ay napakahiwaga talaga ng lugar na ito at napakaganda. Maraming mga puno at kakaunti ang mga sasakyan kaya naman napaka presko sa pakiramdam ang hangin doon.
Araw ng linggo kami sabay na nakarating sa Taytay. Nagpahinga muna kami at nagdesisyong humanap ng tindahan na pwede naming bilhan ng mga karagdagang mga materyales na gagamitin namin sa trabaho kinabukasan.
Naglakad-lakad kami ng biglang may ibinulong ang aking kasama.
"Nakita mo yun?" Bulong na tanong nya
"Ang ano?" nagtatakang sagot ko.
"Ang dalawang magandang babae na nasalubong natin." Sabi nya
Pagkasabi nya ay tumingin ako sa likod ko. At may nakita akong dalawang mapuputing babae.
"Huwag mong tingnan." saway nya naman sakin
"Oh eh bakit?" nagtataka parin ako
"Wala silang mala-kanal sa pagitan ng kanilang ilong at bibig. Hindi tao ang mga yan." Mahina nitong saad
"Kapag tumuwad tayo ngayon at titingnan natin sila ay makikita natin ang totoo nilang mga itsura." dagdag pa nito
Dumeretso nalang kami ng lakad at hindi na ko tumingin pa sa likod ko. Hindi naman ako natakot kasi may kasama naman ako.
Sunod na araw.
Mga 5 PM na ng matapos ang aming trabaho at umuwi sa aming tinutuluyan. Hindi ko nalang po sasabihin kung ano ang pangalan ng hotel o pension house na aming tinutuluyan.
Naglinis muna kami ng katawan at nagdesisyong lumabas para kumain ng hapunan. Mga 6 PM narin kami nakalabas.
Hanap kami ng hanap ng makakainan pero kung hindi sara ang kainan ay wala narin namang natira. Doon namin napagtanto na pag ganoong oras pala ay kakaunti nalang ang mga taong nasa labas. At maagang nagsasara ang mga tindahan.
Sa kakahanap namin ay meron kaming nadaanan na abandunadong building. Nagtataka kami kasi ang bago bago pa talaga ng itsura nito pero bakit abandunado na ito.
Hinayaan na muna namin at nagpatuloy sa paghahanap dahil sa medyo gutom narin kami.
Sa dulo ay may nakita kaming kainan. Ito nalang ang bukas pero walang kumakain dito. Tiningnan namin ang mga natirang ulam.
Hindi naman sa maarte kami pero hindi kami bumili. Medyo nalansahan kasi kami sa mga ulam na natira at hindi kasi kami basta basta nagtitiwala sa mga kakainin namin kapag nasa ibang lugar kami. Wala rin kasi kaming nakitang kumakain sa loob at wala ring bumibili.
Sa tagal at dami narin ng mga lugar na napuntahan namin dahil sa trabaho namin ay hindi kami basta basta bumibili o tumatanggap ng pagkain lalo na sa mga lugar na bago palang namin napupuntahan.
Para narin makaiwas kami sa kung ano man ang mga nilagay sa pagkain katulad ng mga lason o gayuma. Hindi po sa paranoid kami pero marami narin kasi ang nakaranas na kilala namin na napagtripan at sumakit ang tyan dahil sa inihalong lason sa mga binibili o tinatanggap na pagkain. Lalo na kapag alam nilang dayo ka, nayayabangan o nagagandahan sila sayo.
Napagpasyahan nalang naming bumalik na sa tinutuluyan namin.
Nung pabalik ay napadaan ulit kami sa abandunadong building. May dalawa itong palapag at napaka dilim sa loob. Nang nakatapat na kami dito ay may narinig kaming bola na parang dinidrible kaya huminto kami at tumingin sa building dahil dito nanggagaling ang tunog. Pero napakadilim papaanong may naglalaro ng bola sa loob nito?
Kaya dali dali kaming naglakad at pumunta nalang sa tindahang katabi ng aming tinutuluyan. Wala na itong ulam pero meron pa itong natitirang kanin.
Naisipan nalang naming doon kami kakain at bumili nalang kami ng kanin. Mabait ang may-ari ng tindahan at kumakain din sya kasabay namin.
Sa pag-uusap ay naitanong namin kung bakit mayroong abandunadong building na mukhang bagong gawa pa naman?
"Naka abot na kayo don sa kakahanap ng makakainan?" Natatawang sabi nito
"Dating multi-purpose building yun. Supermarket ang sa baba at pension house naman ang ikalawang palapag. Nung una ay malaki talaga ang kinikita ng may-ari pero mga ilang buwan lang ang nakalipas ng pagbukas nito ay sunod-sunod ang mga aksidente at p*****n sa harap mismo ng building. Kung hindi nasasagasaan ay may nasasaksak naman o nababaril. Mula noon ay wala nang masyadong taong pumupunta doon kasi sabi nila ay malas daw ang lugar na yun." Kwento nito
Natakot naman kami sa narining namin. Marami din syang kinuwento sa amin na hiwaga sa lugar na yun lalo na ng mga panahong wala pang masyadong tao roon. Dun na kasi sya ipinanganak at nakapag-asawa't nagkaanak.
Hindi narin kami pumunta pa malapit doon sa abandunadong building.
___ ___
Hello horror loverz...
Marami talagang kahiwagaan ang ating mundo. May mga nilalang na akala natin hindi totoo. Mga nilalang na nakikisalamuha rin sa ating mga tao.
Malay mo baka isa sa mga kasama mo, kaibigan mo o mga nakakasalamuha mo araw-araw ay hindi tao.
Lagi lang tandaan na tao man o hindi ay kinakailangan ng pantay na respeto.