Camotes Island
Ang ikukwento ko naman po sa inyo ngayon ay tungkol naman po sa karanasan ko ng na assign ako sa Camotes Island.
Isa po ang Camotes Island sa mga lugar dito sa Pilipinas na napuntahan ko na dahil sa nature ng trabaho ko. Sa katunayan po eh maraming beses na po akong nakapunta dito pero itong karanasan kong ito ang isa sa mga hinding hindi ko malilimutan.
Totoo pong napaka ganda ng isla. Maraming mga torista ang pabalik-balik na pumupunta dito dahil sa very calming and enjoyable experiences na dulot nito.
Pero kahit anung ganda ng pinupuntahan mo kung ikaw lang naman mag-isa ay hindi ka parin masyadong mag-eenjoy. Hindi naman pwedeng yakapin mo or kausapin mo sarili mo habang naglalakad sa tabing dagat diba? Hehe
Dahil sa medyo pamilyar na ako sa islang ito, kahit na maraming dala ay dere-deretso lang akong pumunta ng hotel. Para po mapangalagaan ang hotel na tinutuluyan ko ay mabuti pong hindi ko na banggitin pa ang pangalan nito.
Pagpasok ng kwarto ay kama agad ang makikita mo. Sa paanan ng kama ay may sinaunang TV na yung may box pa sa likod. Sa uluhan ng kama ay may malaking kabinet, ang haba nito ay hanggang kisame. Sa kaliwang bahagi ng kama ay malaking bintana at sa kanang bahagi naman ay ang CR. Ang light bulb ay yellowish ang kulay, yung tipong aantokin ka at marerelax.
Three days and two nights akong nagstay doon. Unang gabi ko ay ayos lang naman, nakatulog ako ng maayos dahil sa pagod narin sa byahe.
5 PM ng umuwi na ako ng hotel galing sa trabaho. Nagbihis lang ako at gumawa na ng report. Dahil sa dulong hallway pa ang kwarto ko ay hindi ito abot ng signal ng wifi kaya kinailangan ko pang lumabas ng kwarto at pumunta ng sala.
Ang sala ay mayroong maliit na lamesa ay dalawang upuan. Sa gilid nito ay ang hagdan pababa. Dahil sa malakas ang signal ng wifi dito ay nagpasya na akong dito nalang sa sala tapusin ang report ko.
Mga 10 minutes na akong nakaupo ay may naririnig akong tawanan at habulan ng dalawang bata. Ma di-distract ka talaga kasi ang sahig ng hotel ay kahoy yun bang makikita mo sa mga sinaunang mga bahay. Kaya naman pag may magtatakbuhan ay rinig na rinig talaga.
Hinayaan ko nalang at nagpatuloy sa aking ginagawa. Tumayo ako at binuksan ko ang ilaw dahil sa dilim ng paligid at parang uulan pa yata. Pagbalik ko sa upuan ay may nakita akong isang batang babae na nakatalikod at pumasok sa isang kwarto. Naka blue itong bistida at mahaba ang kulot nitong buhok.
Kahit nasa loob na ito ng kwarto ay rinig na rinig ko parin ang tawa ng mga ito. Hindi ko man nakita ang isa pang kasama nitong bata ay alam kong tumatakbo ito. Siguro ay hinahanap nito ang batang babae na pumasok ng kwarto.
Hindi ko rin naman masaway dahil sa nagbayad rin naman sila sa hotel na to at choice ko na dito magstay sa sala. Pag nasa loob kasi ako ay hindi naman masyadong rinig ang mga nagyayare sa labas unless nakabukas ang pinto ko.
Mga 6 PM na ng natapos ako at talagang madilim na sa labas. Sa awa naman ng Diyos ay hindi umulan kaya makakalabas pa ako at makakabili ng panghapunan.
Tatayo na sana ako ng biglang nagbrown-out. Napakadilim ng buong paligid kaya umupo ulit ako at hihintayin ko nalang na bumalik ang kuryente. Hindi naman ako na alarma dahil nga kapag nasa isla ka ay kalimitan talagang magka brown-out kaya medyo sanay na ko.
Maya-maya pa ay nararamdaman kong malapit lang ang mga bata sakin dahil sa lakas ng halakhak ng mga ito. Hindi ko naman sila makita dahil sa hindi pa totally nakaka adjust sa dilim ang mga mata ko. Hinayaan ko nalang at least may kasama ako dito sa sala.
Pero ipinagtataka ko ay kahit na brown-out eh talagang naghahabulan sila? Matinding mga bata to. Sabagay naman kapag bata ka ay wala ka talagang pakialam sa mga nangyayare sa paligid mo.
Sinabi ko nalang na " Wag kayo dito banda at baka mahulog kayo sa hagdan." Dahil nga nasa gilid lang ng sala ang hagdan ay yun ang naisip ko.
Nung makapag-adjust na sa dilim ang mga mata ko ay nawala narin ang mga tawanan ng mga bata at wala akong nakita sa sala. Siguro ay pumasok na ito sa kwarto nila. Naisip ko rin na baka nagpapahinga ang mga magulang ng mga ito kaya sila malaya na nakakapaglaro sa labas.
Mga isang minuto at nagka ilaw narin sa wakas kaya tumayo na ako at pumasok sa kwarto. Lumabas ako para bumili ng pagkain at mga bandang 9 PM na nung matapos ko lahat ng gagawin ko.
Humiga na ako ng kama at pina andar ang TV para naman pampatulog narin. Pagbukas ko ng TV ay kulay blue lang ang nakita ko. Kaya tinawag ko ang namamahala sa hotel at nagpatulong dito.
Nang hindi nito maayos ang problema ay humingi ito ng paumanhin at sinabing bukas pa ng umaga pupunta ang isa pang katiwala. Hinayaan ko nalang at nag cellphone nalang ako.
Kahit kulay blue lang ang makikita sa TV ay hindi ko ito pinatay. Matatakutin kasi ako kaya minsan ay nakabukas lang ang TV kapag natutulog ako.
Nang dinalaw na ako ng antok ay tumayo na ako para patayin ang ilaw pero hinayaan ko lang nakabukas ang ilaw sa CR. Kapag madilim kasi lahat sa paligid ko ay para akong hindi makahinga. Sinara ko nalang ng bahagya ang pintuan ng CR para may konting liwanag. Ang TV rin ay hindi ko pinatay.
Humiga na ako ulit at pinuwesto ang ulo ko paharap sa may bintana. Maaaninag sa kurtina ng bintana ang kakaunting ilaw mula sa CR dahil sa magkaharap lamang ang mga ito.
Makakaidlip na sana ako ng may naririnig nanaman akong nagtatakbuhan sa labas ng kwarto ko. Sa labas talaga ng kwarto ko nanggagaling ang ingay dahil kung mga kabilang kwarto lang ito ay hindi naman dapat ganon kalakas ang ingay.
Naasar ako dahil naisip ko nanaman ang mga bata. Dulong hallway na tong kwarto ko at bakit dito pa nila naisipang maglaro. Gabing gabi na hindi ba to pinapagalitan ng mga magulang nila. Tinakpan ko nalang ang tenga ko ng unan dahil sa tinatamad narin akong bumangon.
Nagising ako dahil sa napakadilim ng paligid. Brown-out nanaman, tiningnan ko sa cellphone ko kung anong oras na, 4 AM palang naman.
Sinubukan kong matulog ulit pero dahil sa hindi ako sanay na walag kahit kunting liwanag ay nakapikit lang ako at hindi na makatulog pa.
Maya-maya pa ay nakakaidlip na ako ng bumukas ang ilaw. Marami akong narinig na nagsabi na "Yes! may ilaw na"at "may kuryente na". Sa isip ko ay kahit ako nagpapasalamat at makakatulog na ulit ako.
Binuksan ko ang aking mga mata at tumambad sa akin ang napakaliwanag na kwarto. Napapikit ulit ako at unti-unting nagmulat. Tumayo ako at pinatay ko ulit ang ilaw. Nakita ko ang TV na nakapatay parin pero hinayaan ko narin naman dahil sa maya-maya ay maliwanag na sa labas ng bintana.Humiga ako at natulog ulit.
Pag gising ko ay agad akong bumangon at nag-ayos papuntang opisina. Bago ako umalis ay inayos ko narin ang mga gamit ko dahil pagtapos ng duty ko ay mag checheck-out na ako at uuwi sa amin. Ganito parati ang ginagawa ko para pagcheck-out ko ay deretso na akong aalis at hindi na mag-aayos pa. Dapat na check-out time talaga ay 12 Noon pero napakiusapan ko naman ang namamahala na kung pwede ay mga hapon nalang. Sabi nya ay okay lang daw kasi wala namang masyadong guests.
4 PM ng pumunta na ako ng hotel para mag check out. Kinuha ko na ang mga bags ko at dumiretso sa reception area. Hindi ko pa makuha ang resibo ko dahil sa ang may-ari ay papunta palang ng hotel at ito ang nag i-issue ng mga resibo kaya naghintay nalang ako wala naman akong choice.
Sinabi ng namamahala na sana daw ay maayos naman ang stay ko kaya naikwento ko na ang ingay ingay ng dalawang bata na naghahabulan sa labas ng kwarto ko kaya nahirapan akong makatulog. Sinabi ko rin na mula pa ito ng hapon hanggang gabi na habulan ng dalawa.
Pumunta ang namamahala sa table nito at may tiningnan. Humarap ito sa akin at sinabing, "Ma'am, wala po kaming guests na may mga dala pong bata at sa pangalawang palapag po ay ikaw lang po ang naka check-in. Lahat po ng guests namin ay nandito po sa unang palapag."
Panandalian akong hindi nakasagot.
Papaano? Hindi naman pwedeng guni guni ko lang kasi mga ilang ulit ko silang narinig na naghahabulan at may nakita pa akong batang babae na pumasok sa isang kwarto.
Sa kakaisip ko ay naalala ko rin ang nangyare ng nagbrown-out ng madaling araw.
Teka sinong mga narinig ko na nagsasabing may ilaw na? At pagmulat ko ay napakaliwanag? Papaanong napaka liwanag eh diba bago ako matulog ay pinatay ko pa ang ilaw at bahagyang sinara ang pinto ng CR? Diba dapat kung magkakabrown-out at babalik ang kuryente eh dapat ang ilaw lang ng CR ang magbubukas ulit?
At bakit masyadong maliwanag eh dim light nga ang kwarto diba? Pero ang boong kwarto nun ay parang puting bombilya ang liwanag. Hindi ko yun makakalimutan dahil sa tumayo pa ako at pinatay ang ilaw para matulog ulit. Nawala yun sa isip ko lahat dahil sa ang goal ko lang naman ng mga oras na yun ay makabalik sa pagtulog.
Paano? Anong nangyare? Pinaglalaruan ba ako? Guni-guni ko lang ba? Nagising ba talaga ako? Tumayo ba talaga ako? Panong walang mga tao? Walang mga bata?
Andami kong mga tanong sa isip ko pero natatakot ako. Kahit tumingin sa hagdan ay hindi ko magawa.
Mga ilang araw ko ring inisip ang mga nangyare.
May mga nilalang talaga sa mundo natin na minsan ay mapaglaro at mapanlinlang. Ang importante lang naman ay hindi ito nananakit at nananamantala. Katulad natin ay malaya rin silang naninirahan dito sa mundong ibabaw.
___ ___
Hello horror loverz...
Pasensya na po at medyo natagalan ang update natin. Medyo busy kasi sa work.
Sana po ay nasa mabuting kalagayan ang lahat.