Chapter One
Maagang-maaga ay nagising ang ina nina Gio at Khate upang magluto. Pagkatapos ng isang oras ay ang mesa naman ang kaniyang inihanda para sa almusal ng pamilya. Habang si Gio naman ay maaga rin nagising para maglaba.
“Gio, gisingin mo na ’yung bunso mo. Mag-aalmusla na tayo,” tawag ng babaeng nasa apat na pung taong gulang sa kaniyang anak na binata habang inihahanda ang mesa upang sila ay makakain na.
“Opo, ’Nay. Sandali na lang po at matatapos na itong nilalabhan ko.”
“Mamaya na iyan, anak. Kumain na muna tayo. Sige na, gisingin mo na ’yung kapatid mo para sabay-sabay na tayong mag-almusal.”
“Nariyan na po.” Tumayo si Gio at iniwanan ang kaniyang mga labahin para pumunta sa kanilang kuwarto at gisingin ang kapatid nitong si Khate.
Binuksan ni Gio ang pintuan ng kuwarto at saka ginising ang kapatid na kasalukuyan pang natutulog nang mahimbing.
“Bunso! Bangon na . . . bangon na,” paulit-ulit na sabi ni Gio habang kinikiliti ang tagiliran ni Khate.
“Hmm . . . Kuya, inaantok pa ako.”
“Khate, bumangon ka na. Sabay-sabay na raw tayong mag-almusal sabi ni Inay,” pangungulit pa rin ni Gio sa kapatid.
“Kuya naman, eh. Gusto ko pang matulog.”
“Aalis na si Inay maya-maya kaya gumising ka na. Ayaw ni Nanay na hindi tayo magkasalo sa agahan at alam mo iyon.”
“Antok pa ako.”
“Ah, ganoon ha. Sandali, nasaan na ba ’yung kiliti ng bunso ko?”
Kunwaring hindi alam ni Gio ang kiliti ng kapatid. Hinanap niya ito at pagkatapos, kiniliti si Khate. Ganito si Gio kapag tinatamad gumising ni Khate. Kikilitiin niya ang huli at agad naman napatawa nang malakas ang batang babae na nasa limang taong gulang pa lang.
Natutuwa si Khate kapag ang Kuya Gio niya ang laging gumigising sa kanya. Malambing ang binatilyo. Mahaba ang pasensya nito lalo na tuwing nangungulit ang kapatid na maglaro sa paborito nilang lugar, ang dalampasigan.
Dito sila kadalasang naglalaro at nagpapalipas ng oras kapag hinihintay nila ang kanilang ina na galing sa paglalalaba at paglilinis ng bahay sa pinagtatrabuhan nitong malaking bahay.
Hindi gaanong malayo ang distansya ng kanilang bahay mula sa dagat. Kaya rito ibinubuhos ni Gio ang kanyang oras kasama ang bunsong kapatid na si Khate pagkatapos magawa ang lahat ng gawaing bahay.
Noong una ay umiiyak si Khate sa tuwing umaalis ang nanay nila para maglabada sa malaking bahay ng amo nito. Umaga na kung umaalis at gabi na umuuwi. Kaya naman si Gio ang palaging nagbabantay kay khate.
Hindi na nakapag-aral ang binatilyo dahil sa kakapusan at kahirapan sa buhay. Iniwan sila ng kanilang ama at naghanap ng ibang babaeng makakasama.
“Bunso, sige na! Bumangon ka na dali! Pagkatapos kong maglaba, pupunta tayo sa dalampasigan. Maglalaro tayo roon. Titingnan natin ’yung napakagandang tubig dagat na umaagos,” sabi ni Gio sa gising na kapatid pero nakapikit pa rin ang mga mata. “Pagkatapos, maligo ka na rin. Amoy laway ka, oh! Naamoy ni Kuya. Ang baho!” pabiro pang sabi nito.
“Talaga kuya? sige! Pagkatapos nating kumain saka maglaba, maligo tayo sa dagat, ah!” pagsisigurado ni Khate kay Gio.
Sa wakas at napabangon na rin niya ang kapatid. Mahirap gisingin si Khate dahil sa parang mantika itong matulog. Pero sa tuwing dinadahilan niya ang dagat ay kusa itong bumabangon at tuloy nagpapakandong palabas ng silid.
“Oh! magandang umaga, bunso,” bati ng kanilang ina na may suot na matamis na ngiti sa labi.
“Magandang umaga po, ’Nay!”
“Halina kayo, mag-almusal na tayo.” Naunang umupo ang matanda at saka inabutan ng pinggan ang panganay na anak. Subalit tumigil siya nang makitang nakakandong pa rin si Khate sa kuya nito. “Bumaba ka na nga riyan, Khate, papaano makakain nang maayos iyang kuya mo?”
Pagkawika ng kanilang ina ay agad na bumaba si Khate at umupo nang maayos sa silya saka naman sumunod si Gio sa pag-upo.
“Gio, anak, pagkatapos mong maglaba, pakilinis na rin ng buong bahay, ha. At saka ’yung electric fan, punasan mo na rin. Maalikabok na kasi, bawal pa naman sa kapatid mo iyon.”
“Opo, 'Nay. Ako na po ang bahala sa bahay t’saka po kay Khate,” sagot naman ni Gio sa ina.
“’Nay, gabi ka na naman po ba uuwi?” tanong ni Khate habang may laman pa ang kaniyang bibig.
“Bunso, ano’ng sabi ni kuya? Huwag magsasalita kapag puno pa ang bibig ng pagkain. Hayaan mo munang maubos bago magsalita. Nakalimutan mo na ba?”
Agad namang nginuyam ni Khate ang pagkain sa bibig saka nilunok.
“Sorry po kuya,” maagap nitong sagot sa kuya niya.
“Sige na, kain na.”
Natutuwa namang minamasdan ng ina ang dalawa nitong anak. Kahit papaano ay napalaki niya nang tama si Gio at palagi itong nasa tabi ni Khate para gabayan nang maayos.
“Sige na mga anak, kain nang kain. Bunso, Khate, aalis si Inay maya-maya, pakabait ka kay kuya ha?” bilin ng kanilang ina.
“Opo, Inay,” magalang naman na sagot ni Khate sa ina.
“Bunso, nganga,” saad ni Gio. Binuka pa nito ang bibig niya para gayahin ni Khate.
Ngumanga naman si Khate at maingat na sinubuan ni Gio.
“Ang sarap ’di ba? Luto ni kuya ’yan. Si Nanay ang nagsaing,” sabi niya sa kapatid.
“Siya nga nagluto niyan, Khate, tinuruan ko lang. Magaling itong kuya mo dahil mabilis matuto.”
“Masarap nga po, Nanay,” nakangiting saad ni Khate.
Nabusog ang mag-anak sa kanilang simpleng almusal. Mahirap man pero sama-sama sila at nagmamahalan.
Pagkatapos kumain ay nagpasya na ring umalis ang kanilang ina. Humalik na muna ito sa kanila at saka umalis na. Si Khate naman ay tapos na ring kumain kaya iniligpit na ni Gio ang hapag kainan. Naghugas na rin siya ng mga pinggan para malinis lahat.
“Kuya, ito pa, oh!” Iniabot ni Khate ang basong pinag-inuman niya ng tubig.
“Salamat, bunso. Pumasok ka muna sa silid mo at magpahinga. Marami pa kasing gagawin si Kuya, eh. Hintayin mo muna ako hanggang matapos saka tayo pupunta sa dagat para makaligo ka na rin.”
“Opo, Kuya Gio.”
Kahit na makulit minsan si Khate, masunurin naman itong kapatid kay Gio. Mahal na mahal niya ang kaniyang Kuya Gio.
Mula sanggol pa lang ay si Gio na ang nag-aalaga kay Khate dahil sa abala ang kanilang ina sa paghahanap buhay para kahit papaano ay makakain nang maayos ang magkapatid.
Para kay Gio, kinalimutan na sila ng kanilang ama kaya naman siya na ang nagsilbing ama sa kanyang bunsong kapatid na si Khate.