Chapter Five

1682 Words
NASA malaking bahay ang ina nina Gio at Khate na si Aling Rosalie. Naglalaba ng napakaraming mga labahin ng pamilya Assuncion. Ilang taon ring naninilbihan rito bilang labandera. Kung minsan naman para mas malaki ang ibibigay sa kanya, nililinis rin niya ang buong bahay. Ganito na ang naging agos ng buhay niya simula nang iwanan siya ng kanyang asawa. Maayos pa noon ang pamumuhay niya nang sila'y magkasama pa. Kinse-anyos pa lamang noon si Gio at ipinabubuntis niya si Khate. Lumuwas ng maynila ang asawa nito at doon nakakita ng kapalit niya. Kaya naman bigla na lang itong huminto sa pagpapadala ng pera at tuluyan na silang kinalimutan. Kahit nahihirapan si Rosalie sa laki ng tiyan ay pinilit niyang magtrabaho kahit na nalalapit na ang kabuwanan nito. Si Gio naman ay labis na nag-aalala kaya naman kahit bata pa ay tinutulungan niya ang kanyang buntis na ina sa paglalaba. Nagtataka man sa una si Gio dahil sa wala na siyang balita sa kanyang ama, hindi na lamang niya kinukulit ang ina. Sa tuwing tinatanong niya kasi ito tungkol sa ama, luha lang nagiging sagot nito. “Rosalie, pakilabhan na rin ito. Gagamitin kasi iyan ng apo kong si Jeza. Birthday na niya sa makalawa,” sabi ni Doña Jera sa naglalabang si Rosalie. “Pumunta ka na rin. Isama mo ’yung mga anak mo.” “Naku, Doña Jera, nakakahiya po.” “Bakit ka naman mahihiya?” “Kasi po, labandera n’yo lang po ako. Nakahihiya po na makihalubilo sa mga bisita n’yo.” “Ano ka ba? Hindi ka labandera sa araw na iyon, bisita kita. Kaya aasahan ko ang pagdating mo at ng mga anak mo.” Wala nang nagawa si Rosalie kundi pumayag na lamang sa Doña. Mabait naman ang amo niya. Kung minsan ay pinasasalubungan siya ng pagkain kapag aalis ito para mag-grocery. Pero ang pagkaing ibinibigay nito sa kanya ay hindi niya ginagalaw. Sa halip, kanya itong iniuuwi para sa mga anak. Matapos maglaba, inaayos rin ni Rosalie ang k’warto ng apo nitong si Jeza. Kaedad din ito ni Khate pero magkaiba ang ugali. Maluho kasi ang batang ito dahil sa mayaman ang mga magulang na nasawi sa aksidente. Tanging si Doña Jera na lang ang nag-aalaga rito. “Huwag mong galawin ang toys ko!” singhal ni Jeza kay Rosalie nang makita nitong hinahawakan at tinititigan ang manikang laruan ng bata. “Naku! Pasensya ka na, nagandahan kasi ako.” Ibinaba ni Rosalie ang manikang hawak. Bigla kasi niyang naisip si Khate nang makita ang malaking manika na nakalagay sa unan nito. “Akin na nga iyan! Marumihan mo pa, eh!” Hinablot ni Jeza ang manika mula sa kamang nilapagan ni Rosalie. “Sorry, Jeza.” Hindi siya sinagot ni Jeza sa halip, inirapan pa siya nito. Lumabas nang dahan-dahan si Rosalie habang pa lingon-lingon sa masungit na batang si Jeza. Nagpatuloy naman si Rosalie sa paglilinis sa k’warto ni Doña Jera. Malaki ang tiwala ng Doña sa kanya kaya hinayaan siyang maglabas-masok sa kuwarto nito. Malaki at malawak ang silid ng matanda. Malaki ang kama at makakapal ang kumot saka mga unan. Minsan naiisipang humiga ni Rosalie sa kama pero sumisilip muna siya sa pintuan bago gawin iyon. “Ang lambot maman nito,” naisantinig ni Rosalie habang nakahiga sa malambot na kama. “Masarap sa katawan.” Nangarap din siya ng ganito. Lumaki kasi siyang mahirap ang pamilya. Pero hanggang pangarap lang ang mga iyon dahil sa nag-asawa siya nang maaga. Bumangon agad si Rosali nang makarinig siya ng yabag na papalapit mula sa labas ng k’warto ni Doña Jera. “Rosalie!” “Po! Ano po ’yun, Doña Jera?” “Bumaba ka na muna at samahan mo akong magmeryenda. Ayaw kasi akong sabayan ng apo ko kaya halika muna sa baba.” “Sige po, susunod na po ako.” “Naku hindi! Halika na. Sabay na tayong bumaba at magmeryenda,” pangungulit ng matanda. Itinigil ni Rosalie ang ginagawa at saka lumabas sa kuwarto. Sabay silang bumaba ng Doña gaya ng nais nito. Inalalayan pa niya ang huli habang bumababa sa hagdanan. Medyo mahina na rin kasing maglakad ang Doña. Tumuloy na sa kusina si Rosalie at saka kinuha ang meryendang nakahanda na sa mahabang mesa. Nauna na niyang inihatid sa sofa si Doña Jera. Dinala niya ang tray na naglalaman ng pagkain patungo sa sala kung saan naroon ang matanda. Binuksan ni Rosalie ang telebisyon at nanood ng balita. “Paalala lang po sa mga pamilyang naninirahan malapit sa dagat o ilog. Kung maaari lang ay magsipaghanda dahil sa bagyong papalapit. Ayon sa PAGASA, nagiging super thypoon na po ang bagyong Landa. Marami na ang napinsala ng napakalas na bagyong ito kaya mag-iingat po ang lahat. Inaasahan ang malakas na bugso ng hangin at ulan.” Labis ang lungkot ni Doña Jera nang mapanoon sa telebisyon ang dulot ng bagyo sa mga naapektuhang pamilya. “Nakakaawa naman ang mga taong naapektuhan ng bagyong Landa,” wika ng Doña habang kumakain ng meryenda. Panay naman ang paglilinis ni Rosalie ng mesa na nasa harapan ng Doña. Hindi niya ito pinagtutuunan ng pansin dahil sa iniisip niya sina Gio at Khate kung nakakain na ba. “Rosalie, kumain ka rin. Linis ka nang linis diyan. Kumuha ka at kumain. Sabi ko naman sa iyo na sabay tayong dalawa.” “Sige, ho.” Huminto si Rosalie at nagtungo ng kusina. Naghugas ng mga kamay saka bumalik sa sala. Gabi na nang makauwi si Rosalie sa bahay. May dala siyang limang kilo ng bigas at mga delata. Bumili rin siya ng isda para sa kanilang magiging ulam. Nadatnan niyang nakaupo si Gio sa silyang gawa nito at nakasandal paharap sa dagat. “Oh, Gio, bakit nasa labas ka? Si Khate, nasaan?” Papalapit na si Rosalie sa panganay na anak. Hindi siya nito napansin kaagad. “’Nay! Mano po.” Ginagap niya ang kamay ng ina at nagmano. “Nasa silid po si Khate. Maaga pong dinalaw ng antok kaya pinatulog ko na po.” Kinuha niya ang mga dala ng ina. Umupo saglit si Rosalie at sumandal na rin. “Napagod po kayo, ’Nay? Pumasok na po kayo at ako na po ang bahala sa dala ni ’yo. Nakaluto na rin po ako ng ulam. Nangutang na lang muna ako sa tindahan para makapagluto nang maaga. Kasi po si Bunso, gutom na raw. Eh, naubos na po ’yung bigas na binili n’yo noong isang araw, kaya nakiusap po ako kina Aling Maya na umutang na muna. Babayaran lang sa pagdating mo.” “Sige, dadanan ko na lang bukas para bayaran,” s**o nito sa anak. Maya-maya ay biglang tumahimik ang paligid. Pumikit si Rosalie at nilanghap ang sariwang hangin habang si Gio naman ay pumasok sa loob ng bahay at i ilpapag sa mesa ang mga dala ni Rosalie. “’Nay, baka, pagod na po kayo. Pahinga ka na po. Ipaghahanda ko po kayo ng makakain,”sabi ni Gio nang makabalik sa ina. Hindi sumagot si Rosalie kay Gio. Nagulat na lamang siya nang makitang may luha sa mga mata ng ina. “’Nay? Ma-may problema po ba?” pag-aalalang tanong ng anak sa ina. Agad na pinahid ni Rosalie ang mga luhang umagos na lang bigla mula sa kaniyang mga mata. “Pasensya ka na anak kay nanay, ha?Napadaan kasi ako sa may eskwelahan nang pauwi na rito. Naalala tuloy kita,” humihikbing wika ng ina. “Anak, pasensya na dahil kinailangan mong tumigil sa pag-aaral. Naka-graduate ka na sana sa high school. Sorry kung ito lang ang kaya kong ibigay sa iyo at sa kapatid mong si Khate. Gusto ko man na pag-aralin ka pero kapos pa kasi tayo.” “’Nay . . .” “Anak, alam mo ba? Noong nasa malaking bahay ako, nakita ko ’yung malaking manika na laruan ng apo ni Doña Jera. Ang ganda. Pagkatapos bigla kong naalala si Khate. Gusto ko siyang bilhan ng gan’on, pero anak, hindi ko pa kaya, eh. ’Yung sahod ko kay Doña Jera, sapat lang para sa araw-araw na gastusin dito sa bahay. Bayad sa kuryente, tubig, at iba.” Ramdam na ramdam ni Gio ang lungkot ng ina. Humagulgol ito sa harap niya at awang-awa siya rito. “Gio, pasensya na, ha? Hindi naman sa nagrereklamo ako sa napakahirap nating buhay. Kaya lang sa tuwing naalala ko kayo ni Khate, sa tuwing naalala ko ’yung kinabukasan n’yo? Nanghihina ako.” “’Nay, kaya po natin ito. Pagsubok lang ’to at hindi tayo pababayaan ng Diyos.” “Alam ko naman ’yun, anak. Kaya nga hangga’t kaya ko kayong itaguyod, gagawin ko. Basta ipangako mo lang sa akin na hinding-hindi mo pababayaan si Khate.” “Huwag ka pong mag-alala, Inay, aalagaan ko nang mabuti si Bunso. Mahal na mahal ko po si Khate at kayo rin. Kapag nasa hustong edad na po ako, ako na naman po ang mag-aalaga sa inyo ni Khate. Kaya tahan na po at huwag na kayong umiyak. Pati ako naiiyak na rin po.” Ganoon na lang ang gulat ng mag-ina nang bigla nilang marinig si Khate na umiiyak din. Sabay na napalingo sina Gio at Rosalie sa bata. “Khate, bakit?” Lumapit si Gio sa kapatid at pinahiran ang mga luha nito. “Eh, kasi naman po, kuya, umiiyak po kayo ni Nanay.” “Ha? A-ano kasi . . .” “’Nay, umiiyak po ba kayo?” usisang tanong ni Khate sa ina. Biglang pinahid ni Rosalie ang kanyang mga luha para hindi makita ni Khate ang basa nitong mukha. “Hi-hindi, ah! Hindi ako umiiyak. Tingnan mo nga kung may luha,” tanggi ni Rosalie. “Ang daya ninyo po, Nay. Pinahid mo po agad, eh.” Nagkatinginan sina Rosalie at Gio at pagkatapos bigla na lang nagtawanan. “Halika nga rito, Khate at yayakapin kita.” Lumapit naman si Khate at buong higpit na niyakap ng ina. Pati na rin si Gio ay nakisali na rin sa dalawa. Ang hindi nila alam ay ’yun na pala ang huling yakap nila na magkakasama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD