Masama ang panahon kinabukasan. Nawalan din ng kuryente sa buong lugar nina Gio. Gaya ng kinagawian, naghahanda na ang ina ng huli papuntang trabaho nito. Tulog pa si Khate sa mga oras na iyon.
“Gio.”
“Bakit po, ’Nay?”
“Aalis na ako. Ikaw na ang bahala sa kapatid mo. Ito ang perang pambayad sa inutang mo kahapon sa tindahan. Magtira ka anak kahit kaunti dahil baka hindi pa ako makababali ulit kay Doña Jera,” sabi nito sa anak habang ibinibigay ang pera.
“Opo, ’nay. Ako na po ang bahala. Isasauli ko po sa inyo ang sukli pagkarating n’yo po mamayang gabi.”
“Huwag na anak. Itago mo na lang muna. At saka baka may hingin ang kapatid mo, bigyan mo na lang.”
“Opo. Ayos lng naman po kay bunso iyon. Hindi naman po siya masyadong humihingi sa akin. Makapaglaro lang po kami sa dalampasigan, masaya na ’yun,” sabi ni Gio at saka kinuha ang maliit na payong para ibigay sa ina. “Magdala po kayo ng payong para hindi kayo mabasa. Mahirap na baka po magkasakit kayo.”
“Sige, salamat. Lalakad na ako.”
“Mag-iingat po kayo,” habol nitong sabi sa inang si Rosalie.
Dahil sa hindi pa nagigising ang kapatid, tinapos na muna ni Gio ang mga gawain sa bahay. Sinamantala niya ito dahil baka magising si Khate ay kukulitin na naman siya nitong maligo sa dagat.
Ngunit magtatanghali na ay hindi pa rin nagigising ang kapatid. Kaya naman nagpasya siyang gisingin ito at makakain na. Pumasok siya ng k’warto at marahang umupo sa tabi ng kapatid.
“Bunso, gising na.Tanghali na, oh!”
Ngunit hindi pa rin kumikibo si Khate habang ito ay kaniyang ginigising.
“Khate, bumangon ka na, maglalaro na tayo. Tapos na ako sa paglilinis ng buong bahay, tulog ka pa.”
Nang hindi pa ring gumigising ang bata, t’saka niya kiniliti nang kiniliti pero tanging mahinang ungol lang ang naging sagot nito sa kaniya.
“Khate, bunso? Masama ba ang pakiramdam mo?”
Gising na si Khate sa mga sandaling ito at unti-unti nang humaharap sa kaniya. Ngunit nanatiling nakapikit pa rin ang mga mata.
“Ano? Masama ba ang pakiramdam mo? Bangon na riyan. Hindi ka pa kumakain simula pa kanina.”
Nagmulat ng mga mata si Khate, akmang babango ngunit napahiga ulit. Inalalayan na lamang siya ni Gio para makabangon subalit nang mahawakan ng kuya ay nagulat ito.
“Naku, bunso! Mainit ka! May lagnat ka yata. Halika ka nga.”
Binuhat ni Gio si Khate papuntang kusina t’saka pinaupo sa ibabaw ng mesa. Bumalik ng kuwarto upang kumuha ng maliit na tuwalya. Binasa ito ng tubig at saglit na piniga. Pagkatapos, nilapitan si Khate at ipinahid sa huli ang basang tuwalya.
“Ayos ka lang bunso?” Nag-aalalang tanong ni Gio na tinugunan naman ni Khate ng sunod-sunod na iling.
Ilang oras ding nasa ganoong kundisyon si Khate. Mahina at nilalamig. Pinasuot ni Gio ng malaking t-shirt at medyas si Khate. Binantayan ng ilang oras.
“Lagot na! Wala na tayong gamot para sa lagnat. Kailangan ko tuloy bumili sa labas,” sabi ni Gio. Mabuti na lang pala at binigyan siya ng pera ng kanyang ina kaninang umaga. “Khate, labas tayo, ah. Bibili tayo ng gamot mo sa tindahan. Kaya mo ba?”
“Kuya . . .” tanging sambit ni Khate na sinabayan pa ng ubo.
“Khate, inuubo ka.”
Mas lalong nag-alala si Gio sa kapatid niya.
“Ku . . .ya,” nanghihinang wika nito. “Hi-hindi ako makahinga.”
“Khate, sandali lang, ikukuha kita ng tubig.”
Tarantang-taranta si Gio habang kumukuha ng tubig. Nanginginig pa ang kaniyang mga kamay. Pagkuha niya ng tubig ay agad nitong ipinainom kay Khate nang dahan-dahan.
“Kuya, lumilindol ba?” nagtatakang tanong ni Khate kahit na hinihika.
“Ha?! Hi-hindi naman bunso.”
“Bakit po gumagalaw ang kamay mo? Hindi po tuloy ako makainom nang maayos,” reklamo nito sa kapatid.
Natigilan si Gio at napaisip. Saka sinabing . . . “Khate naman, nagawa mo pang magbiro sa kabila ng kalagayan mo ngayon. Nininerbyos si kuya kaya walang tigil sa paggalaw ang mga kamay ko.”
Ngunit humatong na sa nahihirapan nang huminga ni Khate kaya nagpasiya si Gio na lumabas ng bahay at humingi ng saklolo sa ilang kapitbahay.
“Aling diding, nariyan po ba si Mang Badong? Papahatid po sana kami ni Khate sa hospital. Hinihika po kasi siya at nilalagnat,” mangiyak-ngiyak na turan ni Gio sa kausap niya.
“Naku, Gio, nasa byahe pa, eh!”
“Sige po, salamat na lang po.”
Nagkataon naman na wala siyang mahingan ng tulong kaya naman tiniis ni Gio na lakarin ang mahabang distansya mula sa kanila papunta sa baranggay.
Sa pagmamadali ni Gio, hindi na niya napansin na magkaiba ang suot nitong tsinelas. Nawala na sa kaniyang isip. Ang tanging mahalaga lang sa ngayon ay madala niya sa hospital ang kapatid.
“Bunso, ayos ka lang ba? Malapit na tayo. Konting-tiis na lang,” wika niya sa habang pasan sa kaniyang likod ang bunso. Naiiyak na siya sa sitwasyon nila ngayon. Pinaghalong kaba at awa ang nararamdaman niya para sa kapatid.
Si Khate naman ay halatang hinang-hina na. Mainit at inuubo pa.
“Kapit lang, Khate. Malapit na tayo. Magiging maayos din ang lahat.”
Pero hindi maayos si Gio. Kinakabahan siya para sa kapatid.
“Kuya, mahal po kita.”
“Sh . . . alam ko na iyan, bunso. Huwag ka na munang magsalita.”
Pilit na pinapakalma ni Gio ang sarili. Pinapapatag ang kaniyang loob sa kung ano man ang kinakaharap nilang magkapatid ngayon. Hindi niya rin mapuntahan ang ina sapagkat mas kailangan niyang unahin ang kapatid. Lakad-takbo ang ginagawa ni Gio para lang marating ang baranggay. Doon siya hihingi ng tulong upang maisugod ang kapatid sa hospital.
“Gio, sakay na dali!”
Mabuti na lamang at napadaan si Mang Bobby at nakita siyang nagmamadaling tumatakbo na pasan-pasan sa likod Khate. Hindi nagatubili pa si Gio. Sumakay agad sa dalang sasakyan ni Mang Bobby.
“Salamat po, Mang Bobby,” saad niya t’saka tuluyang sumakay. “Sa hospital po tayo.”
Pinaharurot naman agad ni Mang Bobby ang kanyang motorsiklo papuntang hospital. Pagdating doon ay nagmamadaling tinungo ni Gio ang E.R. at nagmakaawa sa mga nars na nasa loob noon.
“Pakiusap, ’yung kapatid ko po, gamutin n’yo,” maluha-luhang sabi ni Gio sa isang Nars.
“Ako na po ang bahala sa kanya.” Kinuha nito si Khate at saka binigyan ng agarang lunas.
Dalawang oras ang nakalipas. Tinawag na ng doctor si Gio para bumili ng gamot.
“Ayos na ang pakiramdam ng kapatid mo ngunit may lagnat pa siya. Maaring may nalanghap lang siya na nakasama sa katawan niya. Pagpatuloy mo lang ang pagpapainom ng gamot at gagaling na siya,” hayag ng doktor na tumingin kay Khate.
Tila nabunutan ng tinik si Gio sa narinig niyang sabi ng Doktor. Sinunod naman niya ang utos nitong bumili ng gamot. Kaso nga lang, natigilan siya sa paglalakad nang malapit na siya sa botika. Kulang nga pala ang perang mayroon siya. Ngunit nagpatuloy pa rin siya.
“Ah, ma’am, magkano po ba ’tong gamot na nakasulat sa papel na ito?” tanong ni Gio sa tinderang humarap sa kanya.
“Akin na po ’yung reseta.”
“Heto po.” Inabot ni Gio ang kapirasong papel na ibinigay sa kaniya ng doktor kanina. Iniwan siya saglit nito at saka bumalik ulit nang matingnan ang kalahatang presyo ng mga gamot.
“Isang libo’t isang daan po, Sir.”
“Po? Ah, sandali lang po.”
Tumalikod si Gio sa tindera t’saka dinukot ang pera niyang nasa bulsa ng kanyang maikling short. Binilang niya ito. Napakamot siya sa kaniyang ulo nang mapansing kulang ang pera niya para pambili ng gamot ni Khate.
“Ma’am, puwede po ba na bayaran ko muna ang kalahati? Limang daan lang po ang ibinigay sa akin ng nanay ko. At saka, hindi po niya alam na isinugod ko ’yung bunso kong kapatid sa hospital,” pakiusap ni Gio nang humarap muli sa tindera.
“Hindi po p’wede, Sir. Ikakaltas po sa sahod ko ’yung kulang," tanggi ng tindera sa kaniyang pakiusap.
“Kulang po kasi ang pambayad ko. Eh, kailangan na po ng kapatid kong uminom ng gamot,” pangungulit ni Gio.
“Pasensya ka na po, Sir. Talagang hindi po puwede.”
Isinauli ng tindera ang resetang hawak niya t’saka tinalikuran si Gio. Namomroblema ngayon ang huli kung paano niya mabili agad ang gamot ni Khate. Kailangan pa naman nito na inumin agad ang mga gamot na nakasulat sa reseta.
“Iho!”
Nabigla si Gio nang marinig ang aleng tumawag sa kanya.
“Halika.”
“A-ako ho?” nagtatakang tanong ni Gio. Hindi niya kilala ang ale.
“Oo. Halika rito.”
Lumapit naman si Gio sa ale na tumawag sa kanya kahit na may bahagi ng kaniyang isip na nag-aalangan.
“Ito, tanggapin mo.” Inabutan siya ng pera nito.
“Naku po! Bakit n’yo po ako binibigyan ng pera?”
“Narinig ko kasi na kulang ang pera mo. Kaya heto, ibili mo na ng gamot iyan para sa kapatid mo,” nakangiting sabi ng babae.
“Ale, maraming salamat po rito.” Dahil sa kagalakan, napaluha si Gio.
“Tahan na, huwag ka na umiyak. At saka huwag kang mawalan ng pag-asa. May mga taong tutulong at tutulong sa iyo sa oras ng kagipitan. Manalig ka lang.”
“Maraming salamat po.”
“Pati ako naiiyak na rin sa iyo. Sige, ha, mauna na ako. Ibili mo na ng gamot ang iyong kapatid.”
“Sige po, maraming salamat po ulit.”
Matapos makausap ang aleng nagbigay sa kanya ng pera ay agad siyang bumalik sa botika at bumili ng gamot para sa bunsong kapatid.