MABUTI na lang at nakabili ng gamot si Gio para sa bunsong si Khate kaya naging maayos na pakiramdam nito.
“Kuya!” masayang tawag ni Khate kay Gio. Maaliwalas na ang mukha nito hindi gaya kahapon.
Sa labis na pag-alala sa bunso, nilapitan ni Gio si Khate at saka niyakap nang pagkahigpit-higpit.
“Ku-Kuya, hindi ako makahinga,” nahihirapang sabi nito dahil sa higpit ng pagkayakap.
Si Gio namay ay biglang bumitaw. “Pasens’ya na bunso, pinag-alala mo kasi ako kahapon, eh,” mangiyak-ngiyak na dagdag pa nito.
Nakangisi lamang si Khate sa kuya niyang pusong mamon. Muli nitong niyakap si Gio.
“Mahal na mahal kita, bunso.”
“Mahal din po kita kuya!”
“Pa-kiss nga ako!”
Hinalikan naman ni Khate si Gio sa pisngi nito. Ilang oras lang sila nanatili sa maliit na hospital na iyon at maayos na ang kalagayaan ni Khate kaya pinalabas din agad ang magkapatid. Hindi na sila pinabayad ng doktor dahil naawa sa kanila. Napag-alaman ni Gio na gaya niya, may kapatid ring babae ang doktor na tumingin kay Khate.
Hindi pa man sila nakalabas ng hospital at sinalubong na agad sila ng malakas na hangin na may kasamang kidlat. Kaya naman nanatili sila sa hospital upang hintayin na tumigil ang panaka-nakang ulan. Kagagaling lang din ni Khate kaya hindi puwedeng umuwi sila habang umuulan dahil baka lalagnatin muli ang kapatid.
Naisip ni Gio ang inang si Rosalie. Hindi pa alam ng nanay nila ang nangyari. Tiyak na mag-aalala ang ina kapag umuwi ito sa bahay at hindi sila makita.
“Uuwi na po ba tayo, kuya?”
“Sana, bunso, pero biglang umulan, eh. Papalipasin na muna natin ’yung ulan saka tayo uuwi. Maayos na ba pakiramdam mo?”
“Opo,” tipid nitong sagot sa kuya niya.
“Mabuti pa, pakainin na muna kita. May natira pa namang pagkain doon sa binili ko kanina. Halika, kumain ka na muna.”
Tinanguan lamang ni Khate si Gio. Kinarga siya ng huli at pina-upo . Pinakain na muna habang hinihintay ang pagtila ng ulan.
Gabi na naman nakauwi si Rosalie. Marami siyang nilabhan at nilinisan sa malaking bahay. Tinulungan pa niya ang isa niyang kasama para sa paghahanda ng nalalapit na kaarawan ng apo ni Doña Jera.
Hindi pa man siya nakakarating sa kanilang bahay, sinalubong na siya ni Aling Diding. Ibinalita sa kanya ang pagsugod ni Gio kay Khate sa hospital kanina umaga.
“Ano! Bakit hindi niya ako pinuntahan saglit para naman masamahan ko?” nag-aalalang sabi ni Rosalie.
Nagmamadali na kasi ’yung anak mo dahil hinihika si Khate,” sagot naman ni Aling Diding.
“Sige po salamat. Uuwi na muna ako sa bahay. Maghahanda ng gagamitin nila sa hospital. Sige Diding, salamat.”
Inihanda na nga ni Rosalie ang mga maaring gamitin nina Gio sa hospital. Hindi niya alam na lalabas na si Khate. Ngunit kanina pa rumaragasa ang ulan kaya nahirapan si Rosalie na lumabas ng bahay patungo sa hospital.
Sa ’di inaasahan, biglang lumindol nang malakas. Napakapit si Rosalie sa haligi ng maliit niyang bahay. Sa lakas nito ay nahulog ang konti nilang mga kasangkapan na nakalagay sa hindi gaanong mataas na lagayan.
Lubhang nag-alala si Rosalie sa kanyang mga anak. Kaya marka-bahala na siyang lumabas ng bahay. Sinuong niya ang malakas na ulan at hangin. Nagdala na lamang siya ng ilang damit at inilagay sa malaking supot. Magpapalit na lamang siya pagdating sa hospital.
Subalit ang lakas ng lindol na iyon, sinabayan ng mas malakas pang hangin at mabugsong ulan. Hindi inaasahan ng tagaroon na magla-land fall ang bagyong Landa sa lugar na nila. Lumihis ang bagyo papunta sa lugar nila sa halip na sa malayong lugar tatama.
May namuong tsunami sa dagat at tumaas ang tubig. Patuloy ang pag-ulan at paghampas ng hangin sa mga kabahayan na yari lamang sa magaan na materyales.
Umapaw agad ang tubig dagat mula sa dalampasigan. At saka dahan-dahan nang umaagos sa mga kabahayan na malapit sa dagat. Ilang oras lang ay pumasok na sa loob ng mga bahay ang tubig. Nagkabaha sa kabuuang lugar nina Gio at Khate.
Bukod pa sa ulan pati baha na rin ang sinuong ni Rosalie. Hanggang tuhod na ang bahang nilalakad niya ngayon.
“Diyos ko, hayaan n’yo akong makarating sa mga anak ko!” lumuluha at kinakabahang wika nito.
Nagkagulo na ang ibang tao sa lugar nila. Nagsihanda ng mga gamit na tanging mahalaga lamang at saka nilisan ang kani-kanilang bahay. Hindi nila inaasahan na may mangyayaring ganoon sa tinagal-tagal na nilang nanatili sa lugar na iyon.
Labis na rin ang pagkabahala ni Gio nang makitang pumasok na ang tubig sa unang palapag ng hospital. Hanggang tuhod na ito ng mga tao. Nagsilutangan na rin ang ibang kagamitang medikal
“Kuya, bumabaha na!” sigaw ni Khate.
“Huwag kang mag-alala, bunso. Bababa rin ’yan,” wika niya habang yakap-yakap si Khate.
Subalit mahigit limang oras nang umuulan na may kasamang malakas na hangin. Umakyat na ang mga tao sa hospital sa ikalawang palapag nito kasama na si Gio na buhat nito si Khate. Hindi malayong umabot pa ito dahil sa hindi masyadong malayo sa dagat ang hospital na pinagdalhan niya sa kapatid.
Dahil sa nagkabanggaan na ang mga tao nang tumaas pa ang tubig, ’di sad’yang nasiko ng isang lalaki si Gio habang papaakyat ng hagdan patungo sa ikatlong palapag. Naabutan na ng baha ang ikalawang palapag ng hospital. Napaatras si Gio at tuloy nahulog sila sa tubig baha.
Nabitawan ni Gio si Khate. Sa taas at lakas ng tubig t’saka sa dami ng mga taong nandoon, sa kasamaang palad, hindi na niya nakita ang bunso. Nawala na si Khate sa kaniyang paningin.
“Khate! Khate!” malakas na sigaw ni Gio. Ang sigaw niyang iyon ay sinasabayan rin ng mga hiyaw ng mga taong naroon rin sa hospital.
“Khate! Sumagot ka!” Nagsimula nang tumulo ang luha ng binatilyong si Gio. “ Khate, tinatawag ka ni kuya, sumagot ka! Nasaan ka na? Khate!”
Tuluyan nang humagulgol si Gio nang hindi na nga niya makita ang bunsong si Khate. Nilusong niya ang mataas na tubig baha sa ikalawang palapag ng hospital pati na rin sa baba. Nagbabakasaling napasama si Khate sa agos ng tubig.
Sa lakas ng tubig baha na umaagos, nabasag ang mga salamin at nasira ang mga pintuan nito. Nakarating si Gio hanggang sa pangunahing pinto ng hospital sa kahahanap kay Khate. Sinubukan siyang pigilan ng isang lalaki pero hindi pa rin siya tumigil.
Nang mahirapan ay saka nagpahinga sa may bubong ng botika na binilhan niya ng gamot ni Khate. Umupo at bagsak ang mga balikat. Nanghihina dulot ng walang tigil na paglangoy niya sa kahahanap kay Khate.
Patuloy sa pag-ulan nang malakas. Nasira ang bubong ng bahay ng mga taong naninirahan doon pati na ang mga kagamitan dulot ng napakataas na baha. Malaki ang naging pinsala ng bagyo Landa.
“Khate, bunso, patawarin mo si kuya!” humahagulgol na wika ni Gio.
Nagsitinginan ang mga taong naroon na nakatayo sa ikatlong palapag ng hospital sa binatilyo. Bakas ang lungkot at pag-aalala sa kanilang mga mukha. Nasira din ang kanilang kabuhayan dulot ng bagyo. Mararamdaman ang bawat pighati ng mga tao.