TUMAGAL pa ng ilang oras ang pag-ulan at pagbaha sa kabuuang lugar nina Gio. Nanatili pa rin siya sa itaas ng bubong. Basang-basa, nakatulala at parang binagsakan ng langit at lupa. Wala pa rin sa sariling nakaupo at nakatungo lamang. Hindi niya pinapansin ang mga taong sumisigaw sa kanya. Parang wala na siyang pakialam sa mundo sa mga oras na iyon. Humahagulgol habang sinasambit niya ang pangalan ng kanyang bunsong si Khate.
“Khate . . . Khate,” sunod-sunod na sambit ni Gio sa pangalan ng bunsong kaatid. “Patawad, bunso.”
Ang mga luha nito ay nakisabay sa tumutulong ulan sa kanyang magkabilang pisngi. Maya-maya ay biglang tumayo si Gio at wala sa sariling tumalon papuntang tubig baha. Nagpatianod na lamang siya sa agos ng mataas na tubig baha sa pag-aakalang wala na ang kanyang bunso.
Sa tindi ng nangyaring sakuna, at sa napakamurang edad ni Khate, imposibleng makatakas pa ang bata sa nangyaring trahedya sa buhay nila.
“Hilahin mo!” sigaw ng isang rescuer na agad namang sinunod ng isa pa.
“Iabot mo sa akin ’yung tali!” muli nitong sabi.
Kasalukuyan nilang hinahatak papalapit ang nakalutang na si Gio. Masuwerteng nakita nila ang huli. Pagkakuha kay Gio, agad nilang nilapatan ng pangunang lunas. At sa pagsikap mailigtas ang walang malay na si Gio, nagawa nila ito nang matagumpay.
Panay ang ubo ni Gio sa dami ng tubig na nakapasok sa bibig at ilong niya.
“Ligtas ka na,” saad ng isang rescuer kay Gio.
Mataman itong tinitigan ni Gio. Ngunit bigla na lang naghurumintado ang lalaki.
“Bakit n’yo ako iniligtas? Hayaan n’yo kong mamatay na!” galit na galit na wika nito sa mga rescuer na sumagip sa kaniya.
“Sir* ka pala! Pinaghirapan ka naming iligtas, tapos gan’yan ka pa!” singhal ng kaharap ni Gio. Subalit hindi siya pinansin ng huli.
“Khate, nand’yan na ako. Hintayin mo ako, bunso,” hindi pa rin tumitigil si Gio.
Lulundag na sanang muli si Gio sa tubig-baha subalit maagap siyang napigilan ng dalawang rescuer. Medyo nahirapan ang mga ito kaya naman napilitan ang isa na suntukin na lamang si Gio upang makatulog.
“Bakit mo sinuntok?”
“Eh, ang kulit! Huwag kang mag-alala, buhay pa iyan. Pinatulog ko lang.”
Kinabukasan, unti-unti nang humupa ang baha sa lugar nina Gio. Naglabasan na rin ang mga kalahating parte ng mga bahay at mga puno. Bumaba na rin ang baha sa unang palapag ng hospital.
Kagigising lang ni Gio noon at nasa evacuation center na ang huli, kasama ang iba pang nagsipag-alisan sa kani-kanilang bahay kahapon.
Bumangon at saka tumayo si Gio at pinagmasdan ang napakaraming tao na naroon. Tila nag-hesterical na naman ang binatilyo dahil hinanap na naman ang bunso niya. Nagbabakasakaling kaniya itong makita sa dami ng tao.
“Khate! Bunso!” panimula nitong sigaw. “Nandito si Kuya Gio mo!”
Pero hindi siya sinasagot kaya lumabas siya sa pangunahing pinto ng Evacuation Center. At doo’y may narinig siya na batang umiiyak, humahagulgol, at sumisigaw.
“Tulungan n’yo po ako!” sabi ng batang umiiyak.
Pinagmasdang mabuti ni Gio ang batang kanyang narinig na umiiyak. Nakaupo ito sa gilid ng hagdanan. Basang-basa at ang dumi ng katawan.
Biglang nabuhayan ng loob si Gio nang makita ang kasing-edad ng bunsong si Khate at pareho ring payat. Agad niya itong nilapitan.
“Khate! Bunso!” Sabay haplos sa mukha ng bata na punong-puno ng dumi. Sige pa rin sa pag-iyak ang bata.
“Tahan na, nandito na si Kuya Gio mo. Patawarin mo ako, ha? Mahal na mahal kita bunso!”
Subalit nang natigilan at napatitig si Gio nang matapos niyang linisan ang mukha ng bata. Bahagya siyang lumayo rito. Hindi si Khate ang bata na kaniyang nakita. Nanlumo si Gio at biglang tumayo saka tatalikod na sana nang hawakan ng bata ang short niya.
“Tulungan mo ako. Huwag mo ’kong iwan,” patuloy na hagulgol ng bata na nakahawak pa rin kay Gio.
Hindi lumingon si Gio sa batang humihingi ng tulong sa kanya. Dismayado ang hitsura dahil hindi ito ang kaniyang bunsong kapatid. Nagsimula na namang tumulo ang luha ni Gio at humagulgol.
Mas lalo niyang naiisip si Khate. Nakaligtas sana ito at gaya rin ng bata na nasa tabi niya, sana ay ligtas lang ang kaniyang bunso. Bumuntonghininga muna si Gio bago muling humarap sa bata.
“Bata, nasaan na ’yong mga magulang mo?” tanong nito sa bata habang pinipilit na pigilan ang kaniyang luha. May kasama ka ba?”
“Wa-wala po. Hindi ko alam kung nasaan ang lola ko,” sagot nito kahit na humihikbi.
“Ganun ba?”
“Tulungan mo po ako, kuya.”
Sunod-sunod na pumapatak ang mga luha sa pisngi ni Gio nang tinawag siyang kuya ng bata na umiiyak sa kaniyang harapan. Mas lalo niyang naalala ang bunso niyang si Khate.
“Khate . . .” muling sambit ni Gio sa pangalan ng bunso niya.
“Kuya, huwag mo akong iwan,” saad ng bata.
Naalala tuloy ni Gio ang huling sinabi ni Khate noon.
“????,????? ?? ?? ????? ????, ??!”
Pagkatapos ay hinayaan ni Gio na umagos ang mga luha niya sa kaniyang magkabilang pisngi.
“Tahan na bata. Halika, sumama ka sa akin.”
Binuhat ni Gio ang bata t’saka sabay na pumasok sa Evacuation Center. Humingi sila ng pagkain pagkatapos ay sabay na nag-almusal. Tinititigan nang mabuti ni Gio ang batang nakita niya mula sa labas.
Bigla na namang tumulo ang kaniyang mga luha. Ngunit agad na ipinahid nang tumingin ang bata sa kanya habang kumakain. Pinagbuksan niya ito ng mineral water at saka pinainom ng dahan-dahan. Bakas sa mukha nito ang gutom dahil sa nanginginig na katawan.
Lumipas ang ilang araw nila sa Evacuation Center. Nagpasya si Gio na bumalik sa kanilang bahay na kasama ang bata. Nawasak ang kaniyang puso nang makitang sirang-sira na ang kanilang tahanan.
Tanging bubong na lamang at iilang haligi na lang ang natira. Tinangay rin ng malakas na bagyo ang iba nilang kagamitan.
Nanlumo si Gio at saka lumuhod mismo sa harap ng bahay nila. Nagsimula na naman siyang lumuha. Dinudurog ang kaniyang puso dahil sa ’di inaasahang pangyayari sa buhay niya. Pati ang musmos na si Khate ay nawala rin sa kanya. At pati ang ina ay hindi niya nakita
“Aaah!” sigaw ni Gio. Pinagtinginan siya ng mga taong naroon na kagaya rin niyang naging malungkot sa sinapit ng lahat pagkatapos ng malaking unos.