MATAPOS makapaghain ni Gio sa hapag ng gabing iyon, sabay-sabay na naghapunan ang mag-anak. Si Gio ang nagluto ng lahat ng pagkain dahil sa ramdam niya ang pagod ng kanilang ina.
“Hayan, kain na,” sabi ni Gio sa ina niya na nauna nang umupo silya at sa bunsong kapatid na naghihintay sa paborito niyang pinggan.
“At para kay bunso, heto naman ang iyong pinggan at malinis na iyan.” Nilagyan ni Gio ng kanin at ulam ang paboritong pinggan ni Khate.
“Salamat po kuya ko!”
“Naku! Paborito niya talaga! Nakatutuwa ka naman, Khate,” saad ng kanilang ina. Inilapit pa nito ang baso at sinalinan ng tubig para ibigay sa bunsong anak. “Magdasal na muna tayo mga anak.”
Pagkatapos ng mataimtim na dasal ay nagsimula na silang kumain. Masaya pang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Sa ganitong oras lang sila nagkasasama nang maayos.
Natapos ang simpleng hapunan ng mag-iina. Nagpahinga saglit at saka pumasok na sa silid ang ina at si Khate.
Wala silang telebisyon at ang tanging meron lang sila ay electric fan na maliit na nagsisilbing pantaboy nila sa mga lamok tuwing sila ay matutulog. May gamit din silang mustikero. Sinisigurado nila na hindi malamukan ang bunso.
May hika si Khate pero hindi masiyadong malala. Umaatake lang kapag inuubo siya. At ito ang iniiwasan ng ina at ni Gio. Kaya naman maingat ang ginagawang pag-aalaga ng huli sa kapatid niya.
Malalim na ang gabi ngunit hindi makatulog si Gio kya naman bumangon siya at saka lumabas saglit ng bahay at nagpahangin.
Napakalamig ng hangin ng oras na iyon. Umupo siya sa silyang gawa niya paharap sa dagat. Madilim ang paligid pero nagsilbing ilaw naman ang konting liwanag na nagmula sa buwan.
“Anak!”
“Nay? Bakit gising pa po kayo?” gulat nitong tanong sa ina. Hindi niya ito namalayan na nakatayo sa may pintuan.
“Ikaw, bakit gising ka pa?”
Natahimik saglit si Gio. Lumapit ang kaniyang ina at tinabihan siya.
“Naramdam ko kasing may bumukas ng pinto. Akala ko naman kung sino, ikaw lang pala. May problema ba, Gio?”
“Hindi naman masyadong problema, ’Nay.” Nakatingin sa dagat si Gio habang kinakausap ang ina. “’Nay, bakit hindi ko po subukang magtrabaho. Malaki naman na po ako. Kaya ko na kayong tulungan sa mga gastusin. At kay bunso, tutulungan ko po kayong palakihin nang maayos si Khate. At saka . . . para hindi na rin kayo mahirapan.”
“Anak, walang ibang gagawa rito sa bahay. Ikaw lang ang inaasahan ko. Pati kay Khate. Paano kung magtatrabaho ka nga? Nagtatrabaho rin ako? Eh . . . sino ang titingin kay Khate?”
“’Nay, ako na lang po ang magtatrabaho. Dito na lang po kayo sa bahay.”
“Anak, disi-syete ka pa lang. Wala pang sino’ng tatanggap sa ’yo dahil nasa murang edad ka pa. Tapos, hindi ka pa nakapag-aral kahit high school lang.” Hinawakan ng ina ang kamay ni Gio.
“Meron po, ’Nay!”
“At ano? ’yung pagiging trabahador sa palengke? Mag-construction worker ka?Anak, hindi ko kayang makita ka sa ganoong klaseng trabaho. Ang liit pa ng katawan mo, oh!”
“Pero, ’Nay. Gusto ko pong magtrabaho dahil na rin po kay Khate. Kahit cake lang po ang dala ko lagi para sa kanya, matutuwa na po iyon.”
“Gio, huwag nang makulit. Sige na, tapos na ang usapang ito. Pumasok na tayo sa loob. Baka mahamugan ka pa. Dapuan ka ng ubo at baka mahawa pa si Khate sa ’yo.”
“Sige po, mauna na po kayo sa loob. Susunod na po ako,” dismayadong wika nito sa ina.
“Matulog ka na!”
Tumayo ang ina pagkatapos ng kanilang pag-uusap. Hindi man nagustuhan ni Gio ang sagot ng ina niya, nanahimik na lamang ang huli. Ilang minuto lang ay sumunod agad siya sa loob ng bahay ay nagpasya nang matulog.
Kinabukasan, maagang inutusan si Gio ng kanyang ina. Napadaan siya sa nag-uumpukang mga binatilyo at hindi niya sinasadyang marinig ang pag-uusap ng mga ito.
“Magkano ba sinahod mo, Ton-Ton?”
“Naka-anim na raan ako. Tatlong araw lang kasi ang pasok ko sa trabaho dahil nagkasakit ako. Sa tingin ko nga, hindi muna ako makakapagtrabaho. Sa ’yo ba, magkano?”
“Isang libo ako.”
“Ang laki, ah! Mabuti ka pa, malaki sinahod mo. Ako kasi, kailangan ko pang bayaran :yung utang ni Inay sa tindahan.”
Hindi nakatiis si Gio kaya naman lumapit siya sa nag-uusap na mga binatilyo ring kagaya niya.
“Pasensiya na kung sumabad ako sa usapan n’yo. Gusto ko kasing makatulong kay nanay.”
“Puwede ba akong sumama sa inyo?”
“Oo naman! Tamang-tama, kulang kasi ’yung helper ni Mang Ruben sa pinagtatrabuhan niyang construction. P’wede ka maging extra doon!”
“Talaga? Sige-sige, hintayin n'yo ko. Iuuwi ko lang ’tong pinabili ni Inay.”
Binilisan ni Gio ang paglalakad papuntang bahay nila. Hindi na niya sinabi sa kanyang ina na sasama siya kina Boy at ton-ton dahil sa alam niyang hindi siya papayagan nito.
Pumasok siya nang dahan-dahan sa loob ng bahay. Sinilip ang kanyang ina na nasa kusina. Pagkatapos, marahan niyang inilapag sa mesa ang toyong pinabili sa kanya saka lumabas nang hindi namamalayan ng ina.
Bumalik agad si Gio kina Boy at Ton-Ton. Sumama siya sa bahay ni Boy at sabay-sabay na silang pumunta kina Mang Ruben.
“Kakayanin mo ba ’yung trabaho, bata?” tanong ni Mang Ruben kay Gio habang sinisipat-sipat ang maliit na katawan niya.
“O-opo naman! Kaya ko po iyan. Banat po sa gawaing bahay ang katawan ko.”
“Bata, iba ang trabaho rito sa trabahong bahay na sinasabi mo.”
“Mang Ruben, sige na po. May bibilhin lang po ako para sa bunso ko. Kahit ngayong araw lang.”
Matamang tinitigan ni Mang Ruben ang nakikiusap na si Gio. Naaawa rin siya dito. Alam nito ang k’wento ng buhay nilang mag-anak.
“Oh s’ya, sige. Isasama kita pero ayaw ko na sugurin ako ng nanay mo. At saka, mabigat ang trabahong ito, Gio. Bawal rin ang tumunganga lang. Kung ano’ng p’wede mong gawin. Gawin mo.”
“Sige po. Maraming salamat po!” tuwang-tuwa na saad ni Gio.
Sakto namang pahinga ng nanay nila sa paglalaba kaya maghapong wala si Gio sa bahay. Nag-aalala naman ang kanyang ina kung nasaan na siya. Kaya hinanap nito si Gio sa mga kapitbahay at kasama niya si Khate.
“’Nay, nasaan po si kuya?” umiiyak natanong ni Khate sa ina.
“Ewan ko, bunso. Hindi natin siya mahanap. Hindi rin naman nagpaalam sa akin kaninang umaga. Nakita ko na lang na nakalagay na sa ibabaw ng mesa ang mga ipinambili niya,” nag-alalanf wika ng nanay nila.
“Dumidilim na po, ’Nay! Wala pa po si kuya.” Tumatangis pa rin si Khate dahil sa hindi pa dumadating si Gio.
Walang tigil sa pag-iyak si Khate dahil sa pag-alala sa kuya niya. Ala-seis na ng gabi wala pa rin ito. Naisip tuloy ng ina na baka may masamang nangyari kay Gio.
“Kuya . . .” tawag ni Khate na hanggang ngayon ay umiiyak pa rin.
Lumapit ang kanyang ina saka hinahagod-hagod ang likod nito. “Tahan na anak. Uuwi rin si kuya.” Pinahid rin nito ang mukha ng bunso dahil sa basang-basa na sa luha.
“Miss ko na si kuya ko! Hindi niya raw ako iiwan pero bakit umalis siya? Ang daya! May pa-promise pa siyang nalalaman!”
“Baka may pinuntahan lang, anak.” Bakas din ang pag-aalala nito sa panganay na anak ngunit hindi niya lang ipinapakita kay Khate.
“Sino po? Si Ate jielane ba?”
“Ha? Ah, siguro nga. Kaya tigil na sa pag-iyak, ha. Mamaya, aatakihin ka ng hika mo, ayaw ni kuya Gio mo ng ganoon.”
“Nasaan na ba kasi si kuya?” humahagulgol pa rin si Khate. “Gusto ko na siyang makita!”
“Tigil na bunso. Aatakihin ka ng hika mo sige ka,” sabi ng ina kay Khate.
“Kuya . . .”
Hindi alam ng ina kung papaano patahanin ang bunsong anak.
“Khate naman, pati ako nahahawa na sa kaiiyak mo.”
Maging ang ina nila ay tuluyan nang napaluha dahil sa walang tigil na iyak ni Khate. Wagas kasi kung maka-iyak ang huli. Para bang hindi na n’ya makikita pang muli ang kaniyang minamahal na kuya.
Subalit pagkaraan ng ilang minuto ay dumating na si Gio at may mga dala.
“Khate, bunso!Nandito na si Kuya mo!”
Ganoon na lamang ang galak ni Khate nang makita ang papasok na si Gio.
“Kuya!”
Pagkalapit ni Gio kay Khate ay agad siyang niyakap ng huli. Parang matagal silang hindi nagkita.