YU'ER
Ipinag-krus ko ang aking dalawang braso habang naglalakad sa hallway ng I.T department. Medyo maginaw na ang dampi ng hangin sa aking katawan, ngunit walang pagmamadali sa aking mga hakbang.
Gusto kong sulitin ang payapang oras na ito. Walang tao kaya hindi ako natatakot na maglakad-lakad habang iniisip na may biglang humarang sa akin at kuyugin na naman ako. Malakas akong tao pero kung paulit-ulit iyong mangyayari sa isang araw ay tiyak kong hindi ko iyon kakayanin.
Nagdadalawang-isip akong umuwi dahil nahihiya ako sa kanila ni mama. Sigurado akong pati ang negosyo nila ay naaapektuhan na rin sa nangyari.
"Yu'er, ang dami mong problema! Kung hindi ka lang sana nagpakatanga noon sa isang lalaki hindi sana mangyayari ito!" kastigo ko sa aking sarili. "Anong sasabihin sa akin nila mama? Itatakwil ba nila ako bilang isang anak? Ikakahiya na ba nila ako?"
Masasaktan ako kapag nangyari iyon kaya hanggat maaari ay ayaw kong magkita muna kaming tatlo. Sa madilim kong mundo sila iyong naging liwanag ko. Sila ang naging dahilan kung bakit unti-unti kong naramdaman ang salitang pagmamahal.
Napatingin ako sa aking gilid nang makita kong unti-unti nang umuulan. Mapait akong napangiti at umupo sa sahig na malapit sa may railings at isinandal doon ang aking likuran.
"Hindi ko yata kakayanin na manatili rito nang matagal. Ramdam ko na ang unti-unting pagbabago ng ugali ko." Napahawak ako sa aking mukha nang maramdaman ko ang luhang pumatak sa aking mukha. "Hindi ako pwedeng ma-attached sa mga taong narito sa libro kung hindi ay mananatili na ako rito habang buhay."
Itinuwid ko ang aking mga paa nang makaramdam iyon nang pangangalay. Nakatanggap ako ng mensahe kahapon na nagsasabi na kapag napalapit ako sa mga tao rito at nakaramdam ako ng emosyon na tila ba ayaw ko nang malayo sa kanila ibig sabihin no'n ay hindi na ako makakabalik sa totoo kong mundo. Sa tingin ko ang writer ang gumawa no'n, siya rin naman ang nagkulong sa akin sa mundong ito.
Kahit gusto ko ang mga tao rito ay ayaw ko pa rin naman na manatili sa mundong ito. Gusto kong pagbayarin ang taong gumawa nito sa akin.
Ipinikit ko ang aking mga mata nang makaramdam ako ng ginaw. Wala pa naman akong dalang pang-kumot. Kung makita man ako mamaya ng guard na natutulog dito sasabihin ko na lang na nakatulog ako at hindi ko natingnan ang oras.
Inilagay ko ang aking kamay sa aking tiyan para kahit papaano ay mainitan iyon. Pasaway akong ina pero ayaw ko rin naman na masaktan ito. Nang maging kumportable na ako sa aking pwesto ay hinayaan ko na dalawin ako ng antok.
NAGISING ako nang may malamig na kamay na dumampi sa aking mukha. Pagkamulat ko ay nakita ko ang nakangiti ngunit nag-aalalang mukha ni mama. Nanlalaki ang aking mga mata at tatayo na sana bigla nang hinawakan nito ang aking braso at niyakap ako nang mahigpit.
"Anak, nag-aalala kami sa'yo ng daddy mo. Bakit hindi ka umuwi?" gumaralgal ang boses ni mama halatang nagsisimula nang umiyak. "Dahil ba iyon sa isyu na ginawa mo kagabi? Anak, kahit marami ka pang gawin na mali ay hindi ka namin bibitawan ng daddy mo. Nandito lang kami para sa'yo."
Napahikbi ako sa sinabi ni mama at niyakap din siya nang mahigpit. Lumapit din naman sa amin si daddy at yumakap na rin. "Ma, dy, I'm sorry po kung nasaktan ko po kayo. Bakit niyo po alam na nandito ako?"
Lumayo sila sa akin at nagkatinginang dalawa. Siniko pa ni mama si daddy para ipaalam dito na siya na ang magsasabi. Napangiti ako nang makita iyon sa kanila, ibig sabihin lang no'n na kahit hindi sila mag-usap ay alam na alam na nila ang isa't-isa.
"Yu'er, tinawagan kami ni Rio." Tumigil si daddy sa pagsasalita. Tinatantiya yata kung ano ang magiging reaksyon ko sa balita niyang iyon. Napangiti ako at tumango para ipakita sa kanila na okay lang ako. "Sinabi niya na nandito ka nga raw sa lugar na ito, ngunit hindi ka niya maiuwi dahil magagalit ka raw sa kanya."
Napaiwas ako ng tingin sa kanila at ipinokus ang mga mata sa ulan na mas bumilis na ang pagpatak. Gusto ko man na mapalapit kay Rio ay hindi na pwede. Sa t***k ng puso ni Yu'er dito imposibleng hindi mahuhulog ang loob ko sa kanya, lalo na at iba na ang pakikitungo ngayon ni Rio sa akin.
"Uwi na tayo, anak?" tanong ulit sa akin ni mama. Sa tingin ko ay iniiwasan na rin nila na mabanggit ang pangalan ni Rio. "May niluto ako para sa'yo."
"Ma, kung may isa pa akong pagkakamali na ginawa, mapapatawad niyo pa po ba ako?" kinakabahan kong turan. Hindi ko alam kung magagalit ba sila sa akin kapag sinabi ko sa kanila ang pagbubuntis ko, pero sa tingin ko ay dapat nila itong malaman lalo na at katawan naman ng anak nila ang ginagamit ko ngayon. "Pero hindi ko pa po kayang sabihin sa inyo ngayon, ma, dy."
Napatingin ako kay daddy nang tapikin nito ang aking balikat at akbayan ako. "Yu'er, palagi mong tandaan na lahat tayo may sekreto. Kung hindi mo pa iyan kayang ibahagi sa amin ni mama mo ay hindi ka namin pipilitin ang sa amin lang ay kapag hindi mo na kaya ang problema, sana sa amin ka pa rin tumakbo at humingi ng tulong."
Ipinikit ko ang aking mga mata para pigilin ang luhang nais bumuhos. Nag-iinit ang bawat gilid nito kaya nang hindi ko na mapigilan ay hinayaan ko na lamang iyon na tumulo. Nasasaktan ako sa mga nangyayari pero mas nagiging emosyonal ako dahil sa pagbubuntis ko.
"Uwi na po tayong tatlo kasi pagod na pagod na po ako." Sabay silang tumango at pinagitnaan ako.
Nagpapasalamat din ako kay Rio dahil kung hindi niya pinapunta rito ang mga magulang ko ay sigurado akong nandito pa rin ako at iniisip ang dapat gawin.
Nagtatanong sa aking sarili kong dapat ba akong umalis sa bahay o hindi. Siguro balang araw kapag naging maayos na ang lahat bago ako bumalik sa tunay na mundo ay pasasalamatan ko muna ito.
NAG-AALALANG mukha ni Riley ang sumalubong sa aming tatlo. Hindi pa kami nakakapasok sa loob ay kaagad na niya akong niyakap at sinuri ang buo kong katawan.
"Bakit hindi mo man lang ako tinawagan, Yu'er? Kanina pa kita hinahanap saan ka ba nagsusuot—"
Pinitik ko ang kanyang noo para matigil siya sa pagsasalita. Parang kakapusin na nga ito sa kanyang paghinga sa sobrang bilis ng kanyang pagsasalita. "Hindi ka hinihingal?" natatawa kong saad.
Sumimangot naman siya at inalalayan akong pumasok sa loob. "Sumunod kayo mamaya sa dining room, okay? Iinitin ko lang ang mga pagkain," paalala sa amin ni mama sabay hila kay papa patungo roon.
Hinawakan naman kaagad ni Riley ang aking balikat at pinalingon ako sa kanya. "Nasaktan ka ba? Maraming estudyante akong nakita kanina na galit na galit sa iyo."
Tumango ako at umikot para ipakita sa kanya na wala namang malubhang sugat akong natamo. "I'm fine. Hindi naman nila ako mahahawakan. Sapatosin ko sila, eh! Bakit ka ba nagpunta rito? Makikikain ka naman—Aray, Riley! Masakit ang tainga ko!" bulyaw ko sa kanya nang bigla na lang nitong hilahin pataas ang aking tainga.
"Nagmamatapang ka na naman, tingnan mo nga iyang mata mo nagkukulay dugo na! Bakit ba kailangan mo pang mag-post sa publiko para lang sa lalaking iyon? Kung hindi ka niya pinapahalagahan bakit kailangan mo pa siyang ipagtanggol?" naiinis niyang lintanya. Halatang galit na ito dahil namumula na ang kanyang mukha at nakikita na rin ang litid ng ugat sa kanyang leeg.
"Ayaw ko lang na makasira ng imahe ng ibang tao at ayaw ko na rin na makagulo sa relasyon ng iba, Riley, kasalanan ko rin naman ang nangyari kaya dapat lang na ayusin ko ito."
Bumuntong-hininga siya at pinakatitigan ako sa mga mata. "Yu'er, alam kong unti-unti ka nang nagbabago, nagiging mature ka na hindi katulad ng dati, pero sana naman huwag mong pabayaan ang sarili mo. Katulad na lang ngayon ikaw itong napapahamak sa ginagawa mo! Kung mahal nila ang isa'-isat hayaan mo silang magkabalikan na sila ang mag-aayos ng problema nila—"
"Sinasabi mo ba iyan sa akin ngayon dahil ayaw mong magbalikan silang dalawa dahil may gusto ka kay, Zane, at sa tingin mo wala kang tsansa kapag nar'yan si Rio?" pang-aasar ko sa kanya.
Kumunot ang kanyang noo sa sinabi ko kaya kaagad kong tinusok ang kanyang tagiliran gamit ang isa kong daliri. "Anong pinagsasabi mo? Wala akong gusto kay Zane! Ikaw iyong inaalala ko, Yu'er."
"Sino ang gusto mo kung ganoon?" nakataas-kilay kong tanong sa kanya. Ako pa talaga ang pagsisinungalingan niya na nabasa ko na ang libro na ito at kung paano niya gawin ang lahat para lang mapasakanya si Zane.
"Wala!"
"Sino nga sabihin mo na sa akin para hindi na kita kulitin!"
Naihilamos niya ang dalawang kamay dahil sa paulit-ulit kong tanong. Napangiti ako at muling tinusok ang kanyang tagiliran. "Ewan ko sa'yo, Yu'er, magtatanong ka tapos hindi ka naman naniniwala. Anong gamit no'n?"
Sinimangotan ko siya at tumigil na rin sa pangungulit sa kanya. "Sa tingin ko ay dapat mo nang kalimutan ang nararamdaman kay Zane dahil para sa kanya si Rio lang ang lalaking mamahalin nito," saad ko sabay lakad palayo sa kanya para hindi ako nito mapag-initan.
"Wala nga akong gusto sa babaeng iyon, Yu'er Marquis!" Kaagad kong tinakpan ang aking tainga para mas lalo siyang maasar. Hindi nga ako nagkakamali, ilang sandali lang ay narinig ko na ang kanyang mga yabag na papalapit sa akin. "Ikaw dapat ang sinasabihan ko n'yan dahil sa Rio na iyon!"
"Kayong dalawa, nag-aaway na naman kayo! Halika na kayo rito at para makakain." Nilingon ko si Riley at binelatan ito. Naningkit naman ang kanyang mga mata ngunit hindi ko na siya pinansin at sumunod na kaya mama.