Yu'er
Tinotoo nga ni Rio ang pinag-usapan namin ng araw na iyon. Bago ako umuwi ay sinabi na nito sa akin na hindi ko na raw itutuloy ang pagiging personal assistant niya para mawalan na talaga kami ng koneksyon sa isa't-isa.
Alam ko naman na matagal na niya itong gustong mangyari at sinusubok niya lang ako para masigurado niyang hindi ko na siya guguluhin. Napabuntong-hininga akong inilagay sa mesa ang box na kinuha ko kanina sa bakanteng kwarto.
Hindi ko iyon nabuksan pero sa tingin ko ay mga importanteng gamit iyon ni Yu'er noong nabubuhay pa siya dahil nakalagay iyon sa pinakaibabaw na parte ng drawer. Kinuha ko ang cellphone ko na nasa ibabaw ng mesa at sinagot ang tawag.
"Dad, napatawag po kayo?" bungad na tanong ko rito. "Baka sa susunod na araw na po ako uuwi sa bahay. Naglilinis pa po kasi ako ng apartment."
"Hindi iyon ang itinawag ko, anak, kinukumusta lang kita. Maayos ka lang ba r'yan?" Ngumiti ako nang maalala na tumawag din ito kanina kasama si mama. Pinaramdam talaga nila sa akin na espesyal ako hindi katulad noong nasa totoong mundo pa ako. "Kung may problema ka ay tawagan mo kaagad si daddy."
"Dad, I'm fine po. Tinanong niyo rin po iyan sa akin kanina hindi po ba?"
"Naitanong ko na ba?" natatawa nitong wika. "Pasensya ka na, anak, tumatanda na talaga si daddy kaya medyo nagiging makalimotin na ako. Wala ka bang pasok mamaya?"
"Meron po, dad, mamayang hapon pa naman po kaya naglilinis na muna ako ng mga gamit ko rito."
"Sige, anak, hindi na kita iistorbohin. May pupuntahan din kami ng mommy mo. Mag-iingat ka riyan, okay?"
"Yes po, dad, bye!" Ibinaba ko na ang tawag at muling tiningnan ang box ni Yu'er. Gusto kong tingnan ang laman ng box na iyon, ngunit nagdadalawang-isip ako dahil hindi ko naman ito pag-aari.
Inilagay ko sa gilid ng mesa ang box at ipinatong ang aking braso roon bago isinubsob ang aking ulo. Gusto kong malaman ang lahat nang nangyari dati kay Yu'er para malaman ko kung sino ang mga kaibigan at mga kaaway nito. Pero kaya ko bang makialam ng gamit ng iba?
Napailing ako at hinayaan na lang iyon doon at pumunta na sa kwarto para maligo at makapunta na sa paaralan.
NANINIBAGO ako sa aking nakita. Paano ba naman ngayon lang yata ako nakapunta sa paaralan na wala masyadong tao kahit weekdays naman. Sa laki ng university napaka-impossible naman na halos lahat ay walang pasok ngayon.
"Oh? Sino nga ba ang narito?" Kumunot ang noo ko nang makita ang tatlong babae at isang binabae na papalapit sa akin.
Ilang beses ba akong makakatagpo ng ganitong mga tao? Bakit ba ang daming kaaway ni Yu'er, ano ba ang pinanggagawa ng babaeng iyon?
Natigilan ako sabay iling ng aking ulo. Kahit siguro walang gawing masama ang isang tao ay magkakaroon pa rin ito ng haters—iyong mga taong kahit hindi naman nila gugustuhin ay maiinis lang talaga sila dahil hindi nila bet ang awra ng taong iyon.
"Siya iyong babaeng mang-aagaw ng boyfriend!" Malakas na nagtawanan ang mga kasamahan nito matapos niya iyong sabihin. Sa buong buhay ko ngayon ko lang naranasan na pagsabihan at kumprontahin ng ganito. "Nauubos na ba ang mga lalaki kaya nakipag-agawa ka na lang sa iba?"
Ngumisi ako at tiningnan siya mula ulo hanggang paa. Magpapatalo ba naman ako sa ganitong klaseng bardagulan? No way! Mababaw na usapin lamang ito na hindi ko na dapat pa patulan pero dahil pakiramdam ko ay inaapakan na ang pagkatao ko kaya kailangan kong pagsabihan ito.
"Sorry, miss, pero hindi naman ako katulad mo na limited lang iyong kilalang gwapo," kibit-balikat na balik ko sa kanya. Nanlalaki naman ang kanyang mga mata na binalingan ng tingin ang mga kaibigan.
"Huh! Akala mo ba na hindi namin alam na ikaw ang dahilan nang paghihiwalay nila Rio at Zane?"
"Mabuti pa kayo may alam kaso ako wala, eh, kaya tumabi na kayo r'yan dahil marami pa akong gagawin." Naglakad ako sa gitna nila para banggain ang isa sa kanila, ngunit nasa kalagitnaan pa lang ako ay may humila na sa buhok ko. "Bitawan mo ako!"
Kinaladkad pa ako nito hindi ko lang alam kung saan patungo dahil nakatakip na ang buhok sa aking mukha at hindi ko iyon maayos dahil nakakapit ang kamay niya roon.
"Sa tingin ko naman ay gusto mo ng away kaya ibibigay namin iyon sa iyo ngayon!"
"Hindi niyo ba ako kilala? Hindi niyo ba kilala ang pamilya ko? Baka pagsisihan niyo ang gagawin niyo sa akin ngayon. Tandaan niyo na hindi marunong magpatawad ang isang Yu'er Marquis," mariin kong babala sa kanila, ngunit pinagtawanan lamang nila ako.
Kumunot ang aking noo nang bitawan na ako ng mga ito. Nasa loob na pala kami ng isang classroom. Napaatras ako nang makita ang kwarto na puno ng mga estudyante.
"Anong ginagawa niyo? Tigilan niyo na ako!" Aalis na sana ako nang biglang hinarangan ng babaeng nakasuot ng pulang jacket ang pintuan.
"Sl*t! Mang-aagaw! Siguro gan'yan din ang ginawa ng ina mo sa ama mo. Iyong habol nang habol sa taong may nobya na tapos ibibigay ang katawan para mapikot ito. In short, malandi," sambit nito at nakipagtawanan sa mga kaibigan niya.
Ikinuyom ko ang aking kamao at tiningnan ito nang masama. Hindi ako sanay makipaglaban pero kapag ang mga magulang ko na ang sinisiraan ay hindi ako papatalo. Hindi ko hahayaan na pagsalitaan nila nang hindi maganda sila mama.
Puro kabutihan ang pinapakita nila sa akin kaya dapat lang na kabutihan din ang ibabalik ko sa kanila.
"Ulitin mo ang sinabi mo," nagtitimpi kong turan. Ibig sabihin lang no'n ay binibigyan ko pa siya nang pagkakataon na baguhin ang kanyang mga salita. "I don't want to hear your laugh! Sabi ko ulitin mo ang sinabi mo kanina tungkol sa magulang ko!"
"Iyon ba? Malandi ang ina mo, Yu'er, katulad mo rin siya—" Napasinghap ang lahat sa gulat dahil sa ginawa ko sa babaeng ito. Tumagilid na ang mukha nito sa lakas nang pagkakasampal ko, pati ang mukhang tinamaan ay namula na at nagkaroon ng marka ng aking kamay.
"Why are you crying? Ayaw mo pa no'n libreng blush on? Gusto mo sa kabila pa?" taas-kilay kong tanong sa kanya. Kaagad naman siyang napaatras habang hawak-hawak ang kanyang mukha. "Bakit ka nakatingin sa akin nang gan'yan?"
"Wala kang karapatan na gawin sa akin ito="
"Katulad nang wala ka ring karapatan na insultuhin ang mga magulang ko. Lahat nang gagawin mong hindi maganda sa akin at sa pamilya ko ay gagawin ko rin sa iyo."
Abala ako sa pakikipag-usap dito nang biglang may humila sa buhok ko sa likuran. "Ano ba!"
Inis kong inabot din ang buhok nito at nilakasan ang pagkakahila na ikinatili nito. "Anong nangyayari rito?" Nanlalaki ang mga mata ko nang marinig ang maawtoridad na boses na iyon. Sigurado akong isa iyon sa mga professor. Unti-unti kong binitawan ang buhok ng babaeng kasabunotan ko kanina at tiningnan ang taong bagong dating. "Lahat kayong naririto deretso sa disciplinary room! Lalo na kayo, Miss Valencia at Miss Marquis."
Inis kong binigyan ng tingin ang babaeng katabi ko bago sumunod sa professor. Wala akong pakialam kung may punishment akong matanggap basta nakaganti ako sa pananakit ng babaeng iyon.