YU'ER
Napahawak ako sa aking dibdib sa sobrang gulat nang imulat ko ang aking mga mata at makita sa aking harapan si Riley na may malapad na ngiti. Sino ba naman ang hindi magugulat kong sobrang lapit ng mukha nito sa akin, lalo na at kakagising ko lang.
"I'm sorry, nagulat ba kita? Bubuhatin sana kita papasok sa loob. Nagising ka na naman kaya hindi ko na nagawa," pagbibigay-alam nito.
Hindi ko naman ito tinawagan kanina kaya hindi ko alam kung bakit siya nandito. Baka si mama ang tumawag sa kanya dahil matagal akong umuwi. Malapit naman sila sa isa't-isa dahil magkaibigan ang pamilya namin kaya hindi na nakapagtataka iyon.
"Why are you here, Ri?" tanong ko sa kanya habang kinukusot ang aking mga mata. "Wala ka bang trabaho kaya nandito ka na naman at nangungulit?" asar ko sa kanya.
Kinurot nito ang aking mukha kaya kaagad ko ring tinapik iyon lalo na at walang tigil ang tawa nito. "Akala ko tama na iyang kapangitan mo, Buwan, may ikakapangit ka pa pala!" pang-iinis niya sa akin.
Tumaas ang kilay ko sa sinabi nito at inilayo ang kanyang noo sa akin. "Kung pangit ako hindi ko na alam kung ano pa ang pwedeng itawag sa iyo!"
"Hindi naman ako—"
"Kayong dalawa r'yan, tama na iyang lambingan ninyo at malamig na ang pagkain." Sabay kaming napalingon sa labas ng kotse nang marinig ang boses ni mama. May ngiti sa labi nito tila ba inaasar kami ni Riley sa ginagamit niyang ekspresyon.
"Ma, naman! Kung ano-anu iyang pumapasok sa isipan mo! Magkaibigan lang po kami ni Riley."
Ngumisi siya habang tumatango ngunit bago pa ito tumalikod ay kinindatan pa ako nito. "Sumunod na kayo kaagad dahil nagugutom na ako."
"Opo, ma," sagot ko sa kanya bago muling nilingon si Riley na nauna nang bumaba. "Pasensya ka na kay mommy, Ri, hindi ko alam kung bakit ka nila pinagtri-tripan pero kalimutan mo na lang kaagad at huwag nang kimkimin."
Napatili ako nang bigla nitong hapitin ang aking bewang at inilapit ako sa kanyang katawan. "Bakit hindi na lang natin totohanin ang pang-aasar ni tita?"
Pinitik ko ang kanyang noo habang naiiling. "Baliw ka ba? Nakikita mo ba ang sarili mo na dini-date ako?"
Kampante ako sa isasagot nito na hindi dahil wala naman talaga itong gusto sa akin kundi kay Zane. Kaya ang hindi nito pagsagot sa akin ay kumpirmasyon niya na hindi nga niya nakikita ang sarili na dini-date ako. "Hindi pa sa ngayon pero baka sa susunod na araw o baka kapag natisod ako may chance ka na sa akin!" natatawa niyang saad.
Inirapan ko siya sabay batok dito bago lumayo sa kanya ng ilang metro. Kinagat ko ang aking ibabang labi dahil sa nakakatawang itsura nito habang nakahawak sa kanyang batok.
"Yu'er!"
"Hmm?" nang-aasar na usal ko. "Masakit ba? Pasensya ka na hindi kasi napigilan ng kamay ko nadapuan iyang pangit mong batok."
"Yu'er Marquis, halika rito!" Napatili ako sa sobrang gulat nang bigla itong sumigaw at tumakbo palapit sa akin kaya napatakbo rin ako papasok sa loob. "Hindi ka talaga makakatakas sa akin, buwan."
Tinawanan ko lang siya at dumeretso sa dining room kung nasaan sila naghihintay ni mama at daddy. "Kayong dalawa talaga para pa rin kayong mga bata kung maghabulan!" natatawang saway sa amin ni mama.
"Hayaan mo na ang mga bata, my, kapag nakapag-trabaho na ang mga iyan ay minsanan na lang silang magkita," saad naman ni papa sa kanya.
Malungkot akong napatango dahil sa sinabi nito. "Oo nga po, ma, hayaan niyo akong batok-batukan itong si Riley para hanap-hanapin niya ako," nakangisi kong sambit sabay tingin kay Riley na nakabusangot na ngayon.
"Ma, binu-bully po ako ni Buwan!" reklamo niya kay mama. Inilingan ko na lamang ito at umupo na sa tabi ni daddy para kumain.
Natigilan lang ako nang maalala na hindi pala ako nakapaghugas ng kamay. Nagiging makalimutin na rin ako ngayon siguro dala na rin ito nang pagbubuntis ko.
Napahawak ako sa aking tiyan dahil sa isiping iyon. Paano ko ipapaliwanag sa kanila ni mama at daddy ang mga pangyayaring ito? Matatanggap pa ba nila ang isang katulad ko? Sa mata ng ibang tao ay malandi ako at walang-kwentang anak. Mapapatawad pa ba nila ang isang katulad ko?
"Anak, okay ka lang? Masakit ba ang tiyan mo? Sabi ko naman na huwag kang magpapalipas ng gutom 'di ba?" nag-aalalang tanong sa akin ni mama. Inabot ko ang kanyang kamay at nginitian ito para mapanatag ang kanyang puso.
"Gusto mo samahan na kita sa hospital para makapagpagamot tayo kaagad—"
"Ma, okay lang po ako. Nagugutom lang po talaga ako atsaka nakalimutan ko pong maghugas ng kamay kaya natigilan ako."
"Pinakaba mo naman kasi ang iyon ina, Yu'er, kaya huwag kang magtataka kung bakit niya ito ginagawa ngayon," pagtatanggol nito kay mama.
"Opo, dad, 'di ko po pagsasabihan ang magandang asawa ninyo!" Sabay kaming nagtawanan sa sinabi ko.
"O, sige na, maghugas na kayong dalawa ni Riley ng kamay at nang makakain na tayo." Pareho kaming tumango ni Riley sa sinabi ni daddy at naglakad na papunta sa may sink.
HINDI makapaniwalang tumingin ako kay daddy dahil sa sinabi nito kay Riley. "Dad, kung ano-ano ang pinagsasabi ninyo sa lalaking iyan!"
"Bakit naman, anak?"
"Bakit niyo naman po kasi ako ibibilin sa lalaking iyan, dy, nand'yan pa naman kayo! Ipinamimigay niyo na po ba ako?" taas-kilay kong tanong sa kanila ni mama. They laugh halfheartedly kaya mas lalong naningkit ang aking mga mata. "May problema ba kayong dalawa, ma, dy?"
"Oo nga po, tito, sigurado akong tatagal pa ang buhay ninyo! Gusto niyo pang makita ang mga apo ninyo sa kanya 'di ba?"
"Hindi naman sa gusto na naming mawala sa mundong ito pero, anak, matanda na kami ng mommy mo. Ang gusto lang namin na balang araw ay may taong handang tumulong sa iyo kahit walang kapalit. Sa ngayon ay si Riley pa lang ang mapagkakatiwalaan namin sa iyo," malungkot na saad ni daddy.
"Si daddy talaga masyadong ma-emosyonal baka maiyak din iyang si Riley sa iyo!" masayang wika ko para pagaanin ang mabigat na usapang iyon. Kahit hindi ko ma-protektahan ang sarili ko kahit sila na lang.
Napatingin ako sa bag ko na nakalagay sa may sofa na nasa pinakasulok ng dining room na iyon. Tumutunog iyon kaya maski sila ay napatingin din. "Ma, tapos na po akong kumain. Sasagotin ko po muna ang tawag baka importante kasi dahil magpapasa na kami ng mga projects."
Tumango naman kaagad sila kaya nagpaalam na ako sa kanilang tatlo, kinuha ang aking bag at dumeretso na sa kwarto.
Pagkapasok ko ay kinuha ko ang cellphone na nasa bag at tiningnan ang tumatawag. Nanlalaki ang aking mga mata nang makita ang pangalan ni Rio sa may screen. Nakalimutan ko kanina na may pupuntahan pala ako. Sobrang pagod kasi ng katawan ko galing sa clinic kanina.
Malalim akong bumuntong-hininga at sinagot ang tawag nito. "Rio..."
"Saan ka galing? Akala ko ba ay makikipagkita ka sa akin pero bakit kasama mo ang Riley na iyon?" mariin ang pagkakasambit nito ng mga salita, halata rin ang inis sa kanyang boses kaya mas lalo akong nakonsensya.
Sino ba naman ang hindi maiinis kong pinaghintay ka ng ilang oras sa tagpuan. "I'm sorry, Rio, medyo masama kasi kanina ang pakiramdam ko—"
"Masama ang pakiramdam pero nagawa mo pang makipaglandian sa lalaking iyon, Yu'er?! Kung ayaw mo sa akin edi sabihin mo hindi iyong pinagmumukha mo akong tanga!" hiyaw nito sa kabilang linya kaya kaagad kong inilayo ang cellphone sa aking tainga.
Nasasaktan ako sa sinasabi nito ngunit pinili kong manahimik dahil wala rin namang patutunguhan ang pag-uusapan naming dalawa. Kapag nakita na nito si Zane ay mawawala na rin ang atensyon nito sa akin. Kung hindi na ako muling magpapakita rito ay magiging maayos na rin ang lahat.
"Yu'er, ano?! Seryoso ako kaya sana ay huwag mo akong gawing katatawanan."
"Nasaan ka ngayon?" tanong ko. Narinig ko ang kanyang pagbuntong-hininga kaya naghintay muna ako bago ito sumagot.
"Nasa harap na ako ngayon ng bahay ninyo. Kanina pa ako rito nakatayo habang nakikipag-usap ka sa Riley—"
"Lalabas na ako. Hintayin mo lang ako r'yan para makapag-usap tayo." Hindi ko na siya hinayaang makapagsalita pa at pinatay na ang tawag.
Kinuha ko ang maliit na box sa aking bag at inilagay iyon sa aking bulsa at lumabas na ng aking kwarto. Ngunit hindi pa ako nangangalahati sa daan ay naalala ko sila mama. Sigurado akong ipapasama nito sa akin si Riley kapag nakita nila akong lumabas at kapag nalaman nila na si Rio ang pupuntahan ko ay paniguradong maghi-histerikal ang mga ito.
Marahan ang bawat paghakbang ko, tinatantiya na walang bagay na maaapakan para walang magdudulot ng ingay at makalabas ako nang walang problema.
"RIO, nandito na ako," wika ko para makuha ang kanyang atensyon lalo na at nakatalikod ito sa akin. "Saglit lang ako dahil hahanapin din ako kaagad nila mommy—"
Nanlalaki ang aking mga mata nang bigla niya akong niyakap nang mahigpit. "Anong ginagawa mo, Rio?" gulat na tanong ko sa kanya.