YU'ER
"Bitiwan mo na ako, Rio, bakit ka ba biglang yumayakap?" tanong ko sa kanya habang pinipilit na inaalis ang kanyang braso na nakayakap sa aking bewang.
"You. You will always be my problem, Yu'er, kahit noong hinahabol mo pa ako hanggang ngayon na ako naman ang lumalapit sa iyo! Kahit kailan hindi ka na nawala sa isipan ko, kaya pwede ba..."
"Pwedeng ano?" naguguluhang tanong ko sa kanya nang ilang minuto na ang lumipas ngunit hindi pa rin ito nagsasalita.
Hinawakan nito ang aking kamay at dinala sa kanyang labi para halikan. Ang mainit niyang bibig na dumampi sa aking palad ay nagdulot ng kakaibang sensasyon doon. "Yu'er, pwede ba na panagutan mo ang ginawa mong pagpapatibok dito sa puso ko?"
Natatawa ko siyang nilingon at itinulak palayo sa akin. "Alam ko na lahat nang nangyari sa mundong ito kaya hindi mo na ako dapat na pagsinungalingan pa. Alam ko na wala kang gusto sa akin dahil napakalaki nang pagkakagusto mo kay Zane. Atsaka, Rio, alam ko rin na kaya mo ako pinapansin ngayon dahil nacha-challenge ka kasi biglaan akong lumayo sa iyo," mahaba kong lintanya.
Umiiling siya at hahawakan na naman sana ako ulit nang umatras ako kaagad. "Ganoon ba kababaw ang paningin mo sa nararamdaman ko, Yu'er?"
"Hindi mababaw ang tingin ko sa nararamdaman mo, Rio, pero maniwala ka sa akin na si Zane ang babaeng dapat kasama mo ngayon."
Mas lalong naningkit ang kanyang mga mata. "Si Zane? Okay, pagbibigyan kita. Iyan naman ang gusto mo 'di ba?"
Naiinis na ngumisi ito sa akin at tinalikuran ako. Akala ko ay aalis na ito nang bigla siyang humarap sa akin at inisang hakbang ang pagitan naming dalawa bago ako ginawaran ako ng halik sa aking labi.
Malakas na sampal ang dumapo sa kanyang pisngi dahil sa ginawa nito. "Bakit mo ginawa iyon, Rio?" nanggigigil na tanong ko sa kanya.
Ilang beses akong humugot ng hangin para matigil ang paghuhurumentado ng aking puso. Kung pwede lang na tanggalin muna ito at ilagay sa ibang sisidlan ay ginawa ko na para mawala na ang kakaibang pakiramdam na ito.
"Anong nangyayari sa akin? B-bakit parang may kung anong bagay sa aking tiyan at kinikiliti ako?" kinakabahan kong tanong sa kawalan.
"Isa lang ang sagot r'yan, Yuer..." Tiningnan ko siya para malaman ko ang sinasabi nito sagot. Hindi ko siya pinigilan nang humakbang ito papalapit sa akin, nakita ko ang ngising sumilay sa kanyang labi ngunit hindi ko na pinansin iyon.
"Ano iyon? Sabihin mo na sa akin at sabihin mo rin kaagad ang gamot para matapos na ito." Malakas siyang tumawa sa sinabi ko
"Why do you look so innocent right now, Yu'er, hindi ba at ganito ang naramdaman mo noon? Admit it, Yu'er, you still love me right?"
Nanlalaki ang aking mga mata na tumingin sa kanya. Imposible iyon! Sinong tao ang magkakagusto kaagad sa taong kakakita pa lang niya. Hindi ako si Yu'er kaya dapat ay wala na akong nararamdaman para rito.
"Nagpapatawa ka ba, Rio? Wala akong gusto sa iyo at imposibleng magkakagusto ako sa iyo," kontra ko sa kanya. Nagkibit-balikat siya tila ba nakuha na niya ang sagot sa mga tanong niya. "Umalis ka na kung wala ka nang sasabihin."
"Hihintayin kita bukas sa front gate ng school, Yu'er, kapag nilapitan mo ako ibig sabihin no'n ay bibigyan mo ako ng pagkakataon at kung hindi ay titigilan na kita," nakangiti ngunit seryoso niya wika.
Hindi ko siya sinagot at naglakad na palayo sa kanya. Bukas ay babalik na sa dati ang lahat at ang tanging gagawin ko na lang ay maghintay kung kailan ako ibabalik ng writer sa totoong mundo.
"Yu'er, tandaan mo na maghihintay ako sa iyo." Mabilis akong tumakbo para makaalis na kaagad doon.
Napahawak ako sa aking tiyan habang nakasandal sa may pader. Nakarating naman ako kaagad sa bahay dahil hindi naman kalayuan dito ang pwesto namin ni Rio kanina ngunit pakiramdam ko ay babaliktad ang sikmura ko dahil sa biglaan kong pagtakbo.
"Yu'er? Anong ginagawa mo rito sa labas?" nagulat ako dahil sa biglaang tabong ni Riley sa akin. Hindi ko man lang ito nakita kanina dahil nagmamadali ako at napagod din ako kakatakbo. "Saan ka galing at pawisan ka? Kanina ka pa hinahanap ni tita."
Huminga ako nang malalim bago siya binalingan ng tingin. "Gusto ko lang magliwaliw sa labas at lumanghap ng sariwang hangin, dahil nahihirapan na ako sa dami ng mga proyektong ipapasa," rason ko sa kanya.
Naningkit ang kanyang mga mata para suriin ako kaya kaagad kong iniwas ang aking mukha para hindi niya ako mapagmasdan nang mabuti. "Bakit hindi ka lumapit sa akin para magpatulong?"
"Nakakahiya kaya sa iyo, Ri!"
"Paanong nakakahiya? Hindi ba at gawain mo naman iyan dati?" Nagkamot ako sa aking batok dahil sa sinabi nito. Paano ko naman iyon malalaman kung ang ibang scene sa loob ng librong ito ay hindi nakasulat sa libro? "Ang cute mo talaga, buwan—"
"Bitaw nga!" tinapik ko ang kanyang kamay na kumukurot sa aking pisngi at sinamaan siya ng tingin. "Papasok na ako sa loob, umalis ka na nga atsaka alam mo ba na iyong crush mo ay makikita mo na bukas?"
Kumunot ang kanyang noo habang tinuturo ang kanyang sarili. Tumango naman ako kaagad dahil may gusto naman talaga ito kay Zane. Pero hindi ko na iyon sasabihin sa kanya para magulat na lamang siya bukas sa kanyang makikita.
"Sino ba ang crush ko? Bakit crush?"
"Papasok na ako sa loob dahil may tatapusin pa ako. Ingat ka sa byahe!" paalam ko sa kanya.
"Yu'er!"
Nakangiti ko siyang nilingon sabay sabi ng, "Hmm?"
"Tawagan mo ako kapag kailangan mo ng tulong hindi na naman ako busy dahil tapos na ako sa mga gawain ko." Tumango ako at nagpasalamat sa kanya bago siya kinawayan at pumasok na sa loob.
Nang makarating ako sa aking kwarto ay kaagad kong kinuha ang cellphone ko at humiga na sa kama. Madali lang naman sa akin ang mga proyektong pinapagawa. Ayaw ko lang talaga sabihin ang totoong nangyari kay Riley.
Tiyak kong hindi nito magugustuhan kapag nalaman niya na si Rio ang kinatagpo ko. Nanlalaki ang aking mga mata nang biglang may tumawag sa akin at pangalan ni Zane ang tumatak doon.
Kinakabahan kong sinagot ang tawag nito at inilagay sa aking tainga ang cellphone. "Napatawag ka, Zane?"
"Nagawa mo na ba iyong hinihingi kong pabor sa iyo, Yu'er?" Hindi ako nakaimik sa sinabi nito. Ano ang sasabihin ko rito na nagdadalawang-isip ako na gawin iyon dahil madadamay ang pamilya ko. "Yu'er, ito lang ang hinihintay ko para malapitan ko bukas si Rio, dahil kung hindi mp gagawin iyo ibig sabihin lang no'n ay may gusto ka pa sa kanya."
Napalunok ako sa sinabi niya sabay suklay ng aking buhok gamit ang kamay ko. "I'll do it later, Zane," mahina kong saad.