YU'ER
NAPATINGIN ako kay Kuya Sik na nakatulog na sa paghihintay sa akin. Nilapitan ko ito at marahang tinapik ang kanyang balikat.
"Kuya Sik, uwi na po tayo. Tapos na po ako sa pagpapaayos." Kinusot nito ang kanyang mga mata bago tumingin sa akin. Nakita ko ang paglaki no'n tila ba hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita. "May problema po ba sa itsura ko, Kuya Sik?" naguguluhan kong tanong sa kanya.
"Wala naman po, Miss Yu'er, pero nagulat lang po ako na may iga-ganda pa po pala kayo." Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi para pigilan ang ngiti na sumilay sa aking labi. Alam kong maganda ako pero wala naman akong naririnig na pumupuri sa akin noon. Siguro wala lang talagang tao na malapit sa akin sa mundong iyon.
Mabait ang nagmamay-ari ng katawan na ito kaya marami ring malapit sa kanya. Hindi naman sa naiinggit ako pero gusto ko rin ang buhay na ito. Kapag bumalik ako sa totoong mundo baka hahayaan ko na rin ang sarili ko na mapalapit sa mga taong nakapaligid sa akin.
Ngunit kaagad din akong napailing sa isiping iyon. Ilang beses kong sinubukan na lapitan sila mommy at daddy ngunit puro pera lamang ang pinapadala nila sa akin, baka nga wala rin silang alam na nandito ako ngayon. Mapait akong napangiti nang may humawak sa aking mukha.
"Miss Yu'er, okay ka lang po ba? Uuwi na po ba tayo?"
Umiling ako kay Kuya Sik sabay turo sa aking damit. "I need to change my clothes, Kuya Sik, tingnan mo nga ako," wika ko sabay ikot sa kanyang harapan.
"Maganda pa rin naman po, Miss."
"I need to be mas maganda po!" Tinalikuran ko siya at lumabas na ng salon na iyon. Naramdaman ko naman na sumunod siya sa akin dahil sa mga mabibigat na yapak nito.
"Saan po tayo, Miss Yu'er?" nagtatakang tanong nito sa akin.
"Saang shop po ang may magagandang damit dito?" Pati paglalagay ng po bilang paggalang ay nagagawa ko na rito. Hindi rin ako nahihirapan na sambitin iyon dahil na rin siguro iyon ang dating katauhan ni Yu'er. "Iyong sa may kaunti lang po ang tao, kuya."
Ayaw kong mag-shopping sa may maraming tao at baka may makakita pa sa aking schoolmates o kung sino pa man na malapit sa babaeng ito. Tinatamad akong makipag-usap sa tuwing nagsho-shopping.
"Sa Wear It po, Miss Yu'er, marami pong magagandang damit doon na babagay sa inyo."
"Sige po, kuya," masaya kong sambit sabay suklay sa mahaba at tuwid na tuwid na buhok ko.
MABIBILANG nga lamang ang taong naroon kaya mas lalo akong sumaya. Nagsimula na akong maghanap ng mga damit na babagay sa akin. Gusto ko iyong astig ngunit babaeng-babae pa rin tingnan hindi katulad ng mga damit ni Yu'er sa closet nito aabutan pa ako ng susunod na araw para makapili nang magandang isuot.
Kumuha ako ng mga leather jackets at mga sando na pwedeng i-partner, bago ako pumunta sa mga jeans. Matapos kong kumuha ng ilang piraso ay umikot na naman ang mga mata para maghanap ng mini-dress.
Gusto ko ang mga iyon lalo na kapag mga light lang iyong kulay. My favorite is baby blue, light pink and white para kasing ang gaan sa pakiramdam kapag iyon ang isinuot mo.
"Yu'er, binibigyan na kita nang pagkatataon na gumanda rito. Dapat lang na magpasalamat sa akin!" nakangiti kong turan, kahit sarili ko lang naman ang kausap ko.
"Miss Yu'er?" Napalingon ako kay Kuya Sik nang marinig ang pagtawag niya sa akin. "Kinakausap niyo po ba ang sarili ninyo? Epekto po ba iyan nang—"
"Hindi po, kuya, nag-iisip lang po ako ng mga bibilhin ko. Hindi ko namamalayan na nasasabi ko na pala." I sound so defensive pero ang pangit naman kapag inamin ko na kinakausap ko nga ang sarili ko.
Hindi ko na siya hinayaan na makasagot pa sa akin at mabilis na tinungo ang ibang parte ng shop na iyon.
'Nakakahiya ka, Yu'er!' kastigo ko sa aking sarili dahil sa ginawa ko.
NANG matapos ako sa pamimili ay kaagad kong dinala ang mga iyon sa counter para magbayad. Ang dami kong pinamili halos maubos ko na ang mga magagandang damit dito. Sana lang ay hindi ako mapagalitan dahil sa perang nagastos ko ngayong araw.
Napatingin ako kay Kuya Sik at itinuro ang mga bags na tapos nang i-check ng cashier. "Kuya, pwede niyo na pong buhatin ang mga bags na iyan para hindi na po kayo mahirapan mamaya. Pwede naman po iyon, miss, 'di ba?" tanong ko rito.
Tiningnan muna ako nito mula ulo hanggang paa at nagdadalawang-isip na tumango. Sa tingin ko ay tinitingnan nito kung may ipambabayad ba ako o wala. Hindi ko naman siya masisisi lalo na at ilalabas ko na ang mga items na hindi pa nababayaran, marami na rin ang scammers sa mundong ito.
Pero hindi naman siguro binabase sa pananamit ang kakayahang magbayad hindi ba? Bumuntong-hininga na lang ako at hinayaan na siya sa ginagawa niya. Wala akong balak na makipag-away ngayon.
"That would be eighty-five thousand, ma'am," saad niya sa akin.
"Do you accept credit cards?" tanong ko rito. Tumango naman kaagad siya kaya mabilis kong inabot dito ang card ko. Mabilis naman ang naging proceso at natapos din.
"Thank you, ma'am." Ngumiti ako rito at nagpasalamat sa kanya dahil sa pag-assist nito sa akin.
Sa halip na hintayin si Kuya Sik ay binuhat ko na ang anim na bags na natitira para hindi na ito magpabalik-balik pa. "Miss Yu'er, ako na po bahala r'yan. Bakit po kayo nagbubuhat nang mabigat."
"Ano ka ba naman, Kuya Sik, hindi naman mabigat iyan at alam kong pagod ka na sa pabalik-balik mo." Umiling siya at kinuha sa akin ang mga bags. Nanibago tuloy ang kamay ko dahil sa biglaang paggaan ng braso ko kung saan isinabit ko kanina ang mga bags na kinuha nito. "Mabigat nga!" natatawa kong saad sa kanya. Ngumiti rin naman siya sabay iling.
"Sabi ko naman po sa inyo!" Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon sa kanya. Nauna na akong bumalik sa kanya sa sasakyan at ipinikit ang aking mga mata nang makaayos ako ng upo. Excited na ako para bukas.