YU'ER
WALANG umimik iyong tipong kahit ang mahinang pag-ihip ng hangin ay naririnig ko na. Palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa habang hinihintay ang kanilang sagot.
Kung hindi ko iyon malalaman ngayon tiyak na mapapahamak ako. Alam kong nasa panganib ang buhay ko dahil sa nangyari kanina, kaya delikado kung hindi ko alam ang mga kaaway ko. Hindi ko naman kasi nabasa roon sa libro na may iba pang nagdadalawa nang kapahamakan sa buhay ko bukod kay Rio at sa girlfriend nitong si Zane.
"Dad, kailangan ko iyong malaman dahil kailangan ko ring protektahan ang sarili ko." Baka kasi nakaligtaan ko iyong basahin. Ako pa naman kapag nagbabasa ay inuuna ko iyong mga sinasabi ng mga characters at babalikan na lamang ang mga pangungusap. Kung sana alam ko na mangyayari ito ay inayos ko iyon at hindi na lang nilaktawan. "Sabihin niyo po sa akin dahil kanina lang ay may mga taong nagbabalak na patayin ako, ngunit hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa kanila dahil wala akong alam!"
Napabuntong-hininga naman kaagad ito at hinila ako papunta sa tabi nila ni mama. "Sila iyong mga witch hunter. Hindi ko alam kung ano ang nangyari ngunit bigla na lamang silang sumulpot at isa sa mga napatay nila ay iyong tito mo."
Nanlalaki ang mga mata ko sa sinabi nito. Ibig sabihin lang no'n na gusto talaga ng writer na ito na mamatay si Yu'er.
"Kaya sana anak huwag ka na munang maglalabas kapag hindi importante o wala ka sa school, atsaka lumayo ka na muna sa mga tao dahil sa tingin ko ay tayo ang pinupunterya nila ngayon, lalo na sa Rio na iyon." Napatingin ako kay mama sabay ngiwi nang marinig ang pangalan ng lalaking iyon.
"Wala na talaga akong balak na makipag-usap sa walanghiyang lalaki na iyon," mariin kong saad dito.
"Naaalala mo siya, anak?"
Kumunot ang aking noo sa tanong nito, ngunit kaagad ko ring napagtanto ang kanyang sinabi. Ako nga pala si Yu'er na anak ng mga ito at dahil sa aksidenteng nangyari ay nakalimutan ko lahat ng mga nangyari sa akin sa mundong ito, kaya nakapagtataka nga naman kung bakit ako galit sa lalaking iyon.
"Ah... May tumatawag po kasi sa akin kanina at Rio iyong pangalan. Noong sinagot ko ang tawag ay pinagalitan ako dahil sa girlfriend niya! Napakawalanghiya niya po 'di ba?" Hindi ko naman pwedeng sabihin na hindi ako si Yu'er na anak nila, kaya hanggat kayang itago ang lahat ay itatago ko ito. Sa tingin ko naman ay babalik din ako kaagad sa tunay kong mundo.
"Sinisi ka niya? Tama ka nga, anak, napakawalanghiya niya. Dapat lang talaga na iwasan ang lalaking iyon," sabat naman ni papa. Tumango naman kaagad ako rito bilang pagsang-ayon.
I am really sorry to the real Yu'er, ngunit hindi ko na muling hahabulin ang lalaking iyon para sa kanya. Kapag nagkita kami ulit hindi na niya mahahanap ang Yu'er na mahal na mahal siya at handang gawin ang lahat para sa kanya. Minsan kailangan din ng isang babae ang maging ma-pride para di maapakan ang pagkatao nito.
"YU'ER! Yu'er, sandali may itatanong ako sa iyo! Hindi mo ba ako naririnig?" Inis kong nilingon ang taong humahabol sa akin at sinamaan ito ng tingin.
"Sino ka ba?" tanong ko sa lalaking lumalapit sa akin. Kulang ang salitang gwapo kung ide-describe ko siya. Matikas ang katawan nito na tila ba gusto mong sumubsob sa pagitan ng kanyang dibdib. Matangos ang kanyang ilong at mapupungay ang kanyang mga mata. Maganda rin ang pagkakatupi ng kanyang buhok tila ba kay linis nitong tingnan. Mas lalo pa itong gumwapo dahil sa makakapal niyang kilay.
Napahawak ako sa aking dibdib nang bigla itong tumibok nang mabilis. "Si Zane! Umalis si Zane ng dahil sa iyo!" galit nitong hiyaw kaya natauhan. "Ngayon ay nagmaang-maangan ka? Sino ako? Ha! Bagong taktika na naman ba ito, Yu'er dahil hindi mo ako makuha. Akala mo siguro ay hahabulin kita kapag ipapadama mo sa akin na parang wala na ako sa'yo!"
Napagtanto ko na ito pala si Rio Reigo. Hindi ko ito masyadong nakita sa panaginip kong iyon dahil medyo madilim ang paligid, kaya ngayon na nakaharap ko ito at nang matitigan siyang mabuti ay naiintindihan ko na ang nararamdaman ni Yu'er.
Kung kagwapuhan lang ang pagbabasehan ay may ilalaban naman ito, pero sa ugali ng lalaking ito napaka-imposible na may mahuhulog dito. Hindi ko alam kung bakit ganito ang pagkakagawa ng character ng lalaking ito.
"Huy, FC! Tigilan mo ako. Lumayas ka sa harapan ko!" Kumunot naman kaagad ang kanyang noo dahil sa tinawag ko sa kanya.
"FC?" tanong niya sabay turo sa kanyang sarili. Hindi ko na siya sinagot at tinalikuran ko na lang siya kaagad. FC short for Fictional Character, hindi ba at pwede ko naman iyong itawag sa kanya dahil iyon naman ang totoo.
Narinig ko ulit ang pagtawag niya sa akin ngunit hindi ko na ito muling pinansin pa. "Lalapit ka rin ulit sa akin dahil hindi mo ako matitiis."
Mahina akong natawa dahil sa kahanginan nito. Hanggang sa nakarating ako sa may loob ng classroom ay nakangiti pa rin ako, ngunit nawala iyon nang makita ang mga tingin ng estudyanteng kaklase ko sa subject na ito.
"Sigurado kayo na siya ang ipinalit kay Miss Zane? Maganda naman siya ngunit sa datingan pa lang ay hindi na ito nakakalahati sa unang nobya ni Senior Rio."
Sinamaan ko ng tingin ang babaeng nagsabi nito. Kamukha ko ang nagmamay-ari ng katawan na ito kaya imposible na wala akong dating siguro hindi lang talaga nito matanggap na maganda ako o di kaya'y ito ang gustong sabihin ng writer ng librong ito.
Napakibit-balikat ako at uupo na sana sa bakanteng upuan nang biglang may naunang umupo sa akin. Nagtitimpi na lang ako pero kapag hindi ko natansya ang mga taong 'to baka masapak ko sila. Uupo sana ulit ako sa kabila nang lumipat na naman ang lalaking umagaw sa upuan ko kanina.
"Anong feeling nang maagawan, miss—"
Ang malakas na tunog ng sampal ko ang nakapagpatigil dito sa pagsasalita. Kung ang dating Yu'er ang kaharap niya ngayon sigurado akong iiyak na naman iyon, kaya hanggat ako ang nasa katawan nito hindi ko hahayaan na ma-bully ito.
"P*ta! Lumalaban ka na ngayon?" galit niyang sigaw.
Ngumisi ako at sinalo ang kanyang kamay na sasampalin sana ako. "Don't try me, idiot!" mariin kong saad sa kanya sabay waksi ng kanyang kamay palayo sa akin.
Tumawa naman ito na tila ba hindi makapaniwala sa aking sinabi. Tinaasan ko naman siya kaagad ng kilay at tinulak ito. Sinundan ko ng tingin ang kanyang kamay nang itinaas na naman nito ulit iyon. "Do you want me to be a doctor and amputate your arms? Then go ahead and slap me."
Nabitin sa ere ang kanyang kamay habang nililingon ang iba niyang mga kaibigan na nakatingin sa aming dalawa. "A-akala mo ba ay natatakot ako sa mga banta mo?" nauutal niyang tanong sa akin.
Ngumisi ako at humakbang palapit sa kanya na ikinaatras naman niya kaagad. "Then do it, Mr. Rancho," wika ko habang nakatitig sa kanyang ID. "Don't you know that I'm wealthy and dangerous?"
I am Yu'er Marquis and I really want to brag about my wealth, beauty, and how dangerous I am when provoked, pero bakit nakaramdam ako ng hiya dahil sa sinabi ko?
I can't with the real owner of this body! Paano niya ikakahiya ang obvious na bagay na iyon. Papagalitan ko pa sana sa isipan ko ang may-ari ng katawan na ito nang makita kong gumalaw ang lalaki sa aking harapan.
Napabuntong-hininga ito at bumalik na sa kanyang kinauupuan. Madali naman pa lang kausap ang lalaking ito, mabuti na iyon at hindi ko sasayangin ang laway ko sa pakikipagbangayan dito.
Kinuha ko ang libro ko sa bag nang makita ko ang professor na papasok sa loob. Hindi ko alam kung ano pa ang ibang katangian ng babaeng ito, pero dahil ako na ngayon ang nagmamay-ari ng katawan nito dapat lang na complete package na ito. I must be beautiful, rich, and of course smart.
Napapitlag ako nang mag-vibrate ang phone ko sa aking bulsa. Hindi ko sana kukunin iyon nang umulit na naman ang pag-vibrate nito. Nagtagis ang ngipin ko sa sobrang inis at kinuha iyon sa aking bulsa.
Tumaas ang isa kong kilay nang makita ang pangalan ni Rio na nakatatak doon. Binuksan ko ang mensahe na pinadala nito at walang ganang binasa iyon. "Yu'er, pakiusapan mo na bumalik sa akin si Zane. Ikaw ang dahilan kung bakit siya umalis kaya pabalikin mo siya rito."
Napabuntong-hininga at tumingin sa harapan kung nasaan ang professor at abala sa pagdi-discuss. Itinaas ko kaagad ang aking kamay para makuha ang kanyang atensyon dahil balak kong lumabas para kausapin si Rio at para matapos na ang ugnayan naming dalawa.
"Sir, pwede po bang pumunta ako sa clinic? Masama po kasi ang pakiramdam ko," nanghihina kong saad sa kanya. Napatingin ako rito at naghihintay sa kanyang reaksyon, kapag ako hindi pinayagan ng writer dito ay matutulog talaga ako sa gitna ng lecture room na'to.
"You may go, Miss Marquis." Tumango ako at kinuha na ang aking mga gamit deretso labas ng kwartong iyon. Mabuti na lang at nakikinig din ang writer ng kwento na ito. Akala ko ay puro pagdurusa na lamang ang makukuha ko rito.
Kinuha ko ang cellphone ko at nagtipa ng mensahe para ipadala kay Rio. "Papunta akong clinic kaya salubungin mo ako para mapag-usapan natin ang tungkol sa problema mo." Pinasa ko iyon sa kanya at muling isinilid ang cellphone sa aking bulsa ng aking damit.
NASA kalagitnaan ako ng hallway nang nagkasalubong kaming dalawa itinuro pa nito na sundan ko siya ngunit hindi ko ito pinansin at dumeretso lang sa aking paglalakad. Hindi ko siya nililingon pero alam ko na nakasunod siya sa akin dahil sa mga yapak nito.
Lumiko ako sa panghuling building nang makitang walang tao roon. Deretso ang aking lakad papunta sa likuran nito para walang makakakita sa aming dalawa. Hindi naman ako naghintay nang matagal at dumating siya. Lalapitan ko sana siya nang kaagad siyang umatras tila ba isa akong ipis at nakakadiri kung mahahawakan ko siya.
"Wala akong balak na lapitan ka kung hindi mo na ako ginugulo ngayon. Anyway, ano ang kailangan mo sa akin? Akala ko ba ayaw mo akong makita?"
"I only want to see you because of Zane." Tumango ako sabay kibit ng aking balikat. Hindi naman ako kontra roon dahil iyon naman talaga ang nakatatak sa libro. Ginawa ang character nito para maging sunod-sunoran sa girlfriend niya. "Tatawagan ko ngayon si Zane at kakausapin mo siya. Tell her that you drug me—"
"Drug you?" natatawa at malakas kong sigaw. Hindi iyon ang nabasa ko sa libro at nakita ko sa isang memorya na dumaan sa panaginip ko. "You're drunk that night, Rio, pero wala akong natatandaan na nilagyan ko ng druga ang inomin mo o kung anuman ang kinain mo ng gabing iyon."
Natigilan siya at napatitig nang maigi sa aking mukha. "Kung hindi mo nilagyan ng drugs ang inomin ko edi sana walang nangyari sa ating dalawa! Hindi ba at ginawa mo iyon para maghiwalay kami ni Zane!"
Ang malalim, malamig at baritono nitong boses ay nagdadala ng kaba sa aking dibdib. Naalala ko tuloy ang nangyari sa huling pahina ng libro. Hindi ko pwedeng lapitan si Rio kung ayaw kong mamatay. Kaagad akong napaatras para mapalayo sa kanya, tumaas naman kaagad ang sulok ng kanyang labi dahil sa ginawa ko.
"Scared?" tanong niya sa akin. Hindi ako umimik at ibinigay na lang sa kanya ang cellphone ko. Naintindihan naman kaagad nito ang ibig kong sabihin at inabot ang cellphone ko. "Are you really sure about this?"
Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. He is fickle minded. Papalit-palit ang utak nito kaya hindi ko siya maintindihan kong ano ang tumatakbo sa kanyang isipan. "What do you mean, Mr. Reigo?" takang tanong ko rito.
Napailing siya at hinugot din ang cellphone nito sa kanyang bulsa. Tamad akong sumandal sa may pader at tiningnan siya habang ginagawa ang kailangan nito. Ilang ring lang at may sumagot na nga sa kabilang linya.
Napangisi ako nang marinig ang boses ng babae nang ini-loudspeaker nito ang tawag. Lumapit ako kaagad kay Rio at kinuha ang cellphone na nasa kamay nito. "What do you want, Yu'er, nakuha mo na si Rio hindi ba?"
Hindi ko alam kung paano nito nalaman na numero ko iyon kung kinuha pa ni Rio sa kanyang cellphone ang numero nito bago siya tinawagan, ngunit hinayaan ko na lang dahil ito na rin naman ang huli naming pag-uusal. Baka nga magpapalit na lang ako ng numero para wala nang manggugulo sa akin.
"Walang nangyari sa amin. I mean walang kasalanan si Rio sa nangyari sa amin dati. Inakit ko siya para makuha ang katawan nito." Gusto kong masuka dahil sa mga salitang binibitawan ko ngayon.
"Kung may nangyari man sa inyong dalawa ay wala na akong pakialam doon. We're done, Yu'er sa iyo na siya kung gusto." Tumingin ako kay Rio dahil sa sinabi nito, kaagad naman akong pinaningkitan ng mata ng huli, ngunit hindi ko naman makuha ang ibig niyang sabihin kaya kaagad akong nagtaas ng aking kilay.
"Say that you're sorry!" may galit sa boses na saad niya. Di makapaniwalang tumingon ako sa kanya sabay turo ng aking sarili.
"Me?" gulat na tanong ko sa kanya habang hinihintay ang kanyang sagot.