YU'ER
"Sa tingin mo matatapos natin ito before 7?" tanong ko sa kanya habang inilalagay sa may kataasang shelf ang librong hawak ko. Lumingon siya sa akin at tumango kaya tiwala rin ako na matatapos nga namin ito. Tumingkayad ako para sana ilagay ang huling librong dala ko nang biglang may tumama sa aking likuran na matigas na bagay.
Kaagad ko iyong nilingon at baka tumama ako sa hagdan na ginamit kanina ni Rio, ngunit hindi ko inaasahan na siya pala ang nasa likuran ko.
"Anong ginagawa mo rito, Rio?" gumaralgal ang boses ko nang itanong ko iyon sa kanya. Gusto ko sanang talikuran ito nang bigla niyang hinapit ang aking bewang kaya mas lalong napadikit ang aking katawan sa kanya. "Akala ko ba nagkausap na tayo tungkol dito?"
"I just want to help you. Sa tingin ko kasi ay nahihirapan ka sa paglalagay ng librong ito dahil hindi mo abot," wika niya bago yumuko. Nagdikit ang aming ilong dahil sa ginawa nito kaya kaagad kong iniatras ang ulo ko palayo sa kanya. "Tama naman ako 'di ba, Yu'er?"
Napalunok ako sabay iwas ng tingin at tumango. Para akong tanga sa ginagawa ko ngunit hindi ko rin naman kayang salubungin ang kanyang mga mata. Nanginginig ang katawan ko, kinakabahan ako kapag ginagawa ko iyon. "Okay ka lang? Namamawis iyang noo mo, may masakit ba sa iyo?"
Muntikan na akong mapatili nang bigla niyang idinampi ang kanyang kamay sa aking noo. "Wala ka namang lagnat. Masakit tiyan mo?"
Umiling ako at inilayo ang kanyang kamay sa akin. "I'm fine, Rio, huwag mo akong alalahanin medyo mainit lang talaga dito sa library kaya pinagpapawisan ako."
Mas lalo tuloy akong nagmumukhang tanga sa sinabi ko. Sa totoo lang sobrang ginaw na ng library dahil halos lahat ng bahagi nito ay may nakalagay na air-con. Ngunit ano naman ang ira-rason ko sa tanong niyang iyon? Na kaya ako namamawis dahil sa kabang nararamdaman ko ngayon, dahil malapit kami sa isa't-isa?
Parang sinabi ko na rin na may gusto pa rin ako sa kanya... Wait, may gusto pa rin ba ako sa kanya? Alam ko sa sarili ko na hindi ko magugustuhan ang mga katulad ng lalaking ito. Pero itong puso na iniwan nang nagmamay-ari ng katawan na ito ay hindi pa rin matigil sa pagtibok dahil sa lalaking mahal niya.
"Are you done?" pukaw niya sa naglalakbay kong diwa. Kumunot naman kaagad ang aking noo dahil sa tanong niyang iyon.
"Done what?"
"Staring? Para mo na kasi akong hinuhubaran sa mga tinginan mo." Nanlalaki ang aking mga mata at tinampal ang kanyang dibdib para mapalayo siya sa akin at makaalis ako sa pagitan ng shelves at matipuno niyang katawan.
"Umasa ka pa na titingnan kita nang gan'yan!" naiinis na turan ko, sabay lakad palayo sa kanya.
Narinig ko pa ang mahina nitong tawa ngunit hinayaan ko na siya dahil hindi mo naman siya mapipigilan sa gusto niya.
"Yu'er, samahan mo kong mag-dinner mamaya!" hiyaw niya kahit malayo na ako sa kanya.
Mabuti na lang at gabi na at kaunti na lang ang gumagamit ng library at nasa right wing ang mga ito dahil malapit lang doon ang exit. Kung hindi ay baka napagalitan na naman ito ng guro na nagche-check o di kaya'y mga estudyante na sobrang pokus sa pagbabasa o pagre-review.
"Ha! Sino ka para samahan ko?" tanong ko sabay silip sa kanya kung saan ko siya iniwan kanina.
"Sabi mo kanina sa akin na babawi ka kapag natapos natin ito? Wala ka pa lang isang salita, Miss Marquis."
Inis kong kinagat ang aking ibabang labi. Bakit ko rin ba iyon sinabi kanina kahit alam ko naman na ang hirap kausap ng lalaking ito.
"Sasamahan nga! Kahit i-libre pa kita ng kakainin mo!" Hindi ko alam kung bakit yamot na yamot ako sa lalaking ito.
"Talaga ba? Kapag ginawa mo iyon ay itatago ko iyong bill ito pa naman ang unang beses na inilibre mo ako," nakangiti niyang usal.
"Ito ang unang beses na ili-libre kita pero palagi naman kitang dinadalhan ng pagkain dati, ah? Libre rin iyon!"
Halos araw-araw pa nga itong dalhan ni Yu'er ng pagkain pero itinatapon lang niya. Mabuti nga at mabait si Yu'er kung ako pa iyon ay baka itinapon ko na sa kanyang mukha ang dinadala ko.
"Ito naman kasi ang unang beses na ili-libre mo ako na may pagtingin na ako sa iyo." Napatigil ako sa kanyang sinabi. Paano naman siya magkakagusto sa isang katulad ko na masungit at hindi marunong magpahalaga sa ibang tao?
Hindi nga niya dati nagustuhan si Yu'er na puno iyon ng positive vibes. Mabait at matulungin pa ang babaeng iyon. Paano pa kaya ako? Sigurado akong hindi rin niya ako gusto at nacha-challenge lang ito dahil naninibago siya sa ikinikilos ni Yu'er atsaka biglaan din itong nawalan nang pagmamahal sa kanya.
"Wala kang gusto sa akin, Rio, nadadala ka lang ng emozyon mo kaya itigil mo na ang kahibangan na iyan," mariin kong saad sa kanya.
Masyado na yata akong naging pasaway sa kwentong ito. Ano kaya ang reaksyon ng writer habang binabasa niya ang pagbabago sa kwentong ito? Sa pagkakaalam ko ay may galit ito sa akin at gusto niyang may mangyaring masama sa character ni Yu'er para makaganti.
"Nahihibang naman talaga lahat nang nagmamahal dahil hindi nila kontrolado ang sariling emosyon, pero, Yu'er, sigurado ako sa nararamdaman ko sa iyo—"
"Stop! Just stop! Ayaw ko ng gulo at ayaw kong masaktan sa huli. Si Zane ang para sa iyo, Rio, at hindi ako."
Malalaki ang mga hakbang na tinungo ko ang mga librong hindi pa namin natatapos ilagay sa mga pwesto nito.
Ang bigat na ng talukap ng aking mga mata dahil sa pagpipigil ng iyak. Napahawak ako sa aking dibdib nang bigla itong kumirot.
"Hindi ka dapat nakakaramdam ng ganito dahil ikaw rin ang magsu-suffer kapag nawala na siya sa iyo balang araw," kausap ko sa aking dibdib sabay tapik doon. "Magkaiba kayo ng mundo, Yu'er, isa lamang siyang fictional character na hindi nabubuhay kong wala ang writer."
Napailing ako sa aking iniisip nang maski ang sarili ko ay kinakausap ko na rin para lang makumbinse ang aking sarili na wala nga akong gusto kay Rio.
"Yu'er Marquis, bilisan mo at marami pa iyan. Lumalalim na ang gabi akala ko ba gusto mong umuwi ng 7." Napakamot ako sa aking batok sabay sigaw sa kanya ng 'fine'.