Kabanata 1
Abala si Evelyn sa paghahanap ng building kung saan siya mayroong job interview. Kaunting oras na lang ay mahuhuli na siya sa napag-usapang oras dahil sa mabagal na usad ng mga sasakyan sa dinaanan niya. Normal naman ang ganoong sitwasyon sa Maynila lalo na at nasa Pilipinas siya ngunit normal lang din sa kanya ang paninisi niya sa trapiko kapag nahuhuli sa lakad niya kahit alam naman niya na hindi iyon katanggap-tanggap na dahilan.
“Nasaan na ba iyon? Bakit ba sobrang rami naman ng building sa lugar na ito? D. Spring, Building 4, 16th floor?” pagbabasa niya sa mensahe mula sa kanyang cell phone sa address ng gusali na kanina pa niya hinahanap kasabay ng pag-ikot niya ng tingin sa paligid. Sakto naman na may nakita siyang security guard kaya naman nagtanong kaagad siya at maginoo nitong itinuro ang gusali na hinahanap niya. Bago pa nga siya umalis ay may babala pang sinabi ang lalaki noong nalaman na sa S2J Black Stitch siya may job interview noong sinabi nito ang mga katagang, “Isang malaking good luck sa iyo, madam. Binata at guwapo ang may-ari ng kumpaniya na iyan ngunit sa kabila ng kagandahang lalaki niya ay siya naman ikinasama ng ugali niya. Ang balita ko nga ay walang tumatagal sa kanila at mukhang totoo nga iyon dahil palagi silang hiring.”
Hindi na siya nakapagtanong na muli sa lalaki dahil kaagad naman siyang iniwan pagkatapos ituro sa kanya ang gusali na hinahanap niya.
“Hindi ko alam kung dapat akong maniwala sa sinabi niya o sadyang mapanghusga lang ng tao ang lalaking iyon. Ang tanging naintindihan ko lang sa sinabi niya ngayong ay guwapo ang makauusap ko. Exciting iyon, ah!” bulong niya at pagkausap sa sarili. Hindi naman siya nagdalawang isip na tumakbo papunta sa gusali na iyon noong nakita niya na kaunting minuto na lang ay mahuhuli na siya sa interview na iyon. Sayang naman ang pagkakataon kung hindi man lang niya masisilayan ang guwapong CEO na isa sa pinakasikat na kumpaniya sa Pilipinas ngayon.
Nang makapasok na siya sa kumpaniya ay kaagad naman niyang sinabi sa receptionist na nandoon na may appointment siya sa S2J Black Stitch at kaagad naman nitong nalaman ang pangalan niya. Ito na mismo ang nagsabi na job interview ang pakay niya kaya hindi na siya nahirapang makipag-usap at hindi siya nagtagal doon.
“Miss Evelyn Espinolista,” pagtawag sa kanya ng babae para kumpirmahin kung siya tama ang pangalan na nakalagay sa listahan niya. Ang ibig bang sabihin ay ako lang ang may interview ngayon? tanong ni Evelyn sa isip niya noong napagtanto niya na nalaman kaagad ng babae ang pangalan nito. Magandang oportunidad para sa kanya kung siya lang ang may interview ngayong araw na ito dahil kahanga-hanga rin naman ang credentials niya at ang naging trabaho niya noon ay mataas ay kumpiyansa niya sa kanyang sarili.
Nang sabihin sa kanya na maaari na siyang pumunta sa elevator para maka-akyat ay nagmadali ulit siya. Malapit na sanang magsara ang elevator na iyon ngunit nakita siya ng isang lalaking nandoon sa loob at napigilan nito ang pagsara kaya nakapasok siya.
“Salamat,” sabi pa ni Evelyn sa lalaki. Napansin niya na sa kaparehong palapag din ang punta ng lalaki kaya iniisip na niya na nagtatrabaho ito sa S2J. Kita rin naman sa pustara ng lalaki ang pagkakaroon ng disiplina na ayon sa pagsasaliksik niya tungkol sa kumpaniya na papasukan niya ay importante sa boss nito ang pagkakaroon ng disiplina, hindi lang kapag nasa trabaho ngunit pati na rin sa oras na umapak ang empleyado sa gusali ng kumpaniya niya.
“Excuse me, itatanong ko lang sana kung sa S2J ka nagtatrabaho?” tanong ni Evelyn sa lalaki na kasabay niya sa elevator. Nakita niyang tumango ang lalaki kaya nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Ang suplado naman niya, ani Evelyn sa isip niya dahil tango lang ang sagot na natanggap niya.
“Bago ako umakyat dito ay may nakausap akong security guard, ang sabi niya sa akin ay guwapo raw ang CEO ng S2J pero masama naman ang ugali. Kinakabahan kasi ako ngayon, puwede mo bang sabihin sa akin kung totoo ang babala na natanggap ko mula sa security guard o binibiro lang niya ako?” Kahit nahalata ni Evelyn na suplado ang lalaking kasabay sa elevator ay minabuti niyang kausapin ito dahil totoo ang kaba na nararamdaman niya ngayon at isa sa paraan para mawala iyon ay kailangan niyang dumaldal.
The guy smirked a little which is barely visible before answering her. “Ano ba ang gusto mong malaman? Kung guwapo ba talaga ang magiging boss mo?” Kaagad naman niya iyong itinanggi. Itinaas pa niya ang dalawang kamay niya at kinawag sa lalaking nagtanong para sabihin na hindi ang kaguwapuhan ng CEO ang ipinunta niya kung hindi trabaho. “Ang ibig sabihin ay itinatanong mo sa akin kung totoo na masama ang ugali niya?” pagtatanong ng lalaki para ikumpirma ang nais na masagot sa tanong ni Evelyn.
Tumango naman si Evelyn kasabay ng pagsasalita niya ng, “Oo.”
Nagkataon naman na tumunog na ang elevator at bumukas ito dahil nasa 16th floor ng sila ng gusali. Bago lumabas ang lalaking kausap niya ay nagsalita ito. “Ikaw na lang ang humusga sa kanya kapag nakausap mo na ang magiging boss mo. Good luck sa iyo.” Dumiretso na ang lalaki sa pupuntahan nito pagkatapos niya iyon sabihin.
Dahan-dahan naman siyang lumabas sa elevator at nagpatuloy sa paglalakad para malaman niya kung totoo bang masama ang ugali ng magiging boss niya. Malaking kumpaniya iyon at maraming ipagmamalaki ang CEO ng S2J kaya ipinapanalangin na lang niya na hindi iyo kagaya ng mga naririnig niya. Kapansin-pansin ang katahimikan sa buong paligid ng malaki nilang opisina dahil rinig na rinig niya ang paglalakad niya dahil na rin sa heels ng sandals na suot niya kaya ang ilang empleyado ay napalilingon sa kanya.
“Bakit parang hindi naman puwedeng mag-usap sa opisina na ito?” tanong ni Evelyn sa sarili noong mapansin na walang nag-uusap sa mga ito kahit isa. Lahat ng tao ay abala sa kanya-kanyang ginagawa kaya pumasok sa isip niya na baka ng istrikto ang magiging boss niya kaya mas lalo lang siyang kinabahan.
May babaeng nakaabang sa labas bago makapasok sa mismong opisina kaya tinanong niya ang pangalan at kung ano ang pakay ni Evelyn sa opisina nila pagkatapos ay may tinawagan ito at pagkaraan ng ilang minuto ay sinamahan niya si Evelyn at sinabihan na pumasok sa isang kuwarto.
“Pumasok ka na po, nandiyan na po si Mr. Avillarde,” sabi nito kay Evelyn pagkatapos ay umalis na ito. Bago siya pumasok at kumatok muna siya at nakarinig naman siya ng boses na nagsasabing maaari na siyang pumasok.
Nakita niya ang isang lalaki na nakatayo sa gilid ng mesa kaya kaagad naman niyang binati ang lalaki at nagpakilala siya. Ngumiti ito sa kanya na kaagad naman niyang ipinagtaka dahil sa ngiti pa lang na iyon ay nagpatunay na hindi totoo ang sinabi ng security guard kanina. Kinumusta ng binata ang naging biyahe niya papunta sa opisina nito kaya awtomatikong naging madaldal siya at umabot pa sa punto na maging ang babala ng security guard sa kanya ay sinabi na niya. Sinabi pa nito na muntik na siyang mahuli sa oras ng interview niya dahil kung nahuli daw siya ay hindi na mabibigyan ng pagkakataon na ma-interview. Ganoon ito ka-istrikto kaya naman nagpasalamat siya na hindi nasayang ang pagkakataon na iyon. Natawa pa ang binata sa pagiging madaldal at pagiging komportable ni Evelyn kaya mas lalo lang siyang nagulat dahil base sa mga nalaman niya ay bihira lang itong makita nakangiti kapag nasa trabaho at mas lalong hindi pa nila naririnig na tumawa ang CEO ng S2J Black Stitch.
Mayroon kayang magandang nangyari para maging maganda ang mood niya? pagtatanong niya sa sarili habang nakangiti sa binata.
Sandaling napatingin siya sa lalaking nakangiti sa kanya at nagpasalamat siya sa oportunidad na ma-interview sa isang prestihiyong at isa sa pinakamataas na kumpaniya sa Pilipinas. Hindi nga rin halata na ubod ng yaman ang lalaking kaharap niya dahil simple lang ang suot nito at naisip ni Evelyn na mas maganda pa ang porma ng lalaking empleyado na nakasabay niya sa elevator kanina.
“Relax ka lang. Hindi naman ako ang magiging boss mo, Miss Evelyn,” sabi pa ng lalaking kaharap niya habang nakangiti. “Pasensya ka na at hindi ko kaagad nasabi sa iyo dahil nalibang ako sa kuwento mo noong kinumusta ko ang biyahe sa pagpunta mo rito. Hindi ka rin dapat sa akin magpasalamat, nasa likuran mo si Mr. Avillarde at narinig niya ang pagpapasalamat mo kaya sa kanya mo na lang mismo sabihin iyon. Ako nga pala si Charles, ang dating secretary ni Jack Avillarde. Good luck sa interview mo,” pagpapatuloy ng nagpakilalang si Charles. Tumingin ito sa likuran ni Evelyn. “Aalis na ako, Jack. Ikaw na ang bahala sa kanya. Huwag kang masyadong masungit, ah?” biro pa nito kay Mr. Avillarde at pagkatapos ng mga sinabi niya at kaagad naman itong umalis kaya hindi man lang nabigyan ng pagkakataon si Evelyn na makapagsalita ulit dahil maging siya at kinabahan dahil alam niyang nasa likod ang tunay na Ms. Avillarde at prisensya pa lang nito ay ramdam na niya na mukhang hindi siya makapapasa sa interview na ito dahil sa kadaldalan niya. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa pintuan at nang makaalis naman si Charles ay unti-unti niyang nilingon ang totoong magiging boss niya.
Halos manlaki ang mga mata niya sa gulat noong nakita na ang lalaking magiging boss niya kung sakali man na matatanggap siya ay ang lalaking nakasabay niya sa elevator at pinagtanungan tungkol sa itsura at ugali ng CEO ng S2J Black Stitch.
Sa madaling salita ay ang lalaking pinagtanungan niya ang mismong may-ari ng S2J!
Hindi na niya naitago ang pagkagulat. “ Nice to meet you too. Ako naman ang magtatanong sa iyo ngayon, sa tingin mo ba ay tama ang security guard na nakausap mo kanina?” tanong ni Mr. Avillarde habang mayroong seryosong mukha. Ito ang ibig sabihin ng mga nababasa niya na hindi ito marunong ngumiti.
Bigla na lang pumasok sa isip ni Evelyn na ngumisi ito kanina noong nasa elevator sila. Tama ba ang pagkakaalala niya o sadyang gumagawa lang siya ng paraan para pagaanin ang kahihiyan dahil sa nangyari kanina?
Lumakad si Mr. Avillarde at pumunta sa upuan niya, nagmostra ito na umupo siya kaya umupo naman kaagad siya.
“Before I start your interview, I want you to know that I will not answer any questions related to my personal life. Ang pinaka-ayaw ko sa empleyado ay madaldal at kung napansin mo naman ang dinaanan mo kanina ay tahimik sila at abala sa trabaho dahil binabayaran ko sila para magtrabaho at hindi para makipagdaldal sa opisina ko. Maliwanag ba iyon, Espinolista?” tanong ni Mr. Avillarde. Dahil sa pagbanggit nito sa apelyido ni Evelyn ay mas lalo lang itong nakaramdam ng kaba at parang hindi na niya alam kung saan hahanapin ang boses na parang nawala dahil sa kahihiyan sa paraan ng pagkausap niya kanina.
“Kapag nagtatanong ako, gusto ko ay sumasagot ka,” dagdag pa nito kaya kaagad na sumagot ang dalaga.
“Maliwanag po, Mr. Avillarde,” mabilis na sagot niya.
Ano ba itong ginawa ko? Pangit kaagad ang impression niya sa akin at masasabi kong talagang nakakakaba ang mga tingin niya habang may seryosong mukha na parang hindi mo talaga maiisip na kaya niyang tumawa o ngumiti man lang. Sayang naman ang kaguwapuhan niya kung hindi siya ngingiti! muling pagkausap ni Evelyn sa sarili.
“Ang kailangan ko lang ngayon ay makinig kang mabuti at sagutin ang mga tanong ko na walang paligoy-ligoy. Magsimula na tayo dahil hindi ako nag-aaksaya ng oras kaya ngayon pa lang ay binibigyan na kita ng oras na umatras kung sa tingin mo ay hindi mo kayang tumagal sa kumpaniya ko. I don’t welcome quitters on my company.”
Introduction pa lang ay napaka-istrikto na! Kakayanin kaya ni Evelyn ang pagiging istrikto ng binata? Matatanggap pa kaya siya sa trabaho na ito?