Kabanata 3
H E R A
Kuryoso? Hindi ko alam kung anong sinasabi ni manang na kuryoso daw ako sa lalaking iyon. Hindi na ba ako pwedeng magtanong ngayon tungkol sa mga tauhan namin? And why would I be curious with that man? I don't even find anything interesting about him. He is too plain and boring. And he's kind of annoying too.
Sa itsura naman niya, ayos lang. Pwede na. Hindi ako mahilig sa moreno kaya hindi ako makapagdesisyon kung gwapo ba siya sa paningin ko. Hindi din naman ako masyadong na-impress sa katawan niya dahil gaya nga ng sabi ko marami na akong nakitang mas magaganda pang katawan doon.
Ang pinaka ayaw ko sa kanya ay ang dating niya. Pakiramdam ko ang yabang ng dating niya kahit na tauhan lang naman namin siya dito. Hindi ko din gusto kung paano siya tumingin sa akin. He wasn't even intimidated at me. Kaya niya akong tignan ng diretso sa mga mata nang matagal, hindi tulad ng ibang mga tauhang nakakasalamuha ko dito sa mansiyon na halatang kinabahan tuwing tinitignan o kinakausap ako. At kapag tumititig ako sa mga mata niya parang ako pa itong gustong magbawi ng tingin. Hindi ko siya matignan ng diretso, may iba akong nararamdaman sa kanya. At ayoko ng pakiramdam na iyon.
Nagtatanong lang naman ako ng tungkol sa kanya dahil baka mamaya totoong akyat-bahay lang pala ang lalaking iyon at hindi naman talaga nagtatrabaho dito. Well, mabuti naman at hindi naman pala siya ganoon. Kung hindi maiinis talaga ako ng husto sa sarili ko dahil hinayaan ko ang isang tulisan na hawakan ako. At ang malala pa doon ay pinapasok ko pa siya sa kwarto ko. Pero buti nalang talaga at hindi ganoon.
So, tauhan nga siya dito sa mansyon namin. Bakit hindi ko siya madalas makita? Isang linggo na ang nakakalipas mula ng mangyari iyon pero hindi ko na ulit siya nakita pagkatapos noon. Not that I was looking for him, I was just wondering. Siguro palagi iyong absent dito sa trabaho dahil nag-aaral.
Tsk! Bakit pa kinuha ni Dad iyon kung hindi naman pala maaasahan. Laging absent! Kapag nakita ko nga iyon, tatambakan ko ng utos para naman magkaroon siya ng silbi dito sa mansyon. O baka naman tamad talaga iyon at palaging tulog kahit oras ng trabaho kaya hindi ko nakikita. Posible iyon. May pahingahan ang mga tauhan namin dito sa mansyon, malamang naroon iyon palagi para magpahinga kaya hindi ko madalas makita.
Kabago-bago niya pa lang, tatamad-tamad na siya. Bakit pa siya nagtrabaho dito kung hindi naman pala niya magagampanan ang trabaho niya ng maayos? Sana hindi na lang niya pinagsabay ang pag-aaral niya at ang pagtatrabaho dito kung hindi naman pala niya kaya.
Umiinom ako ng tubig nang may biglang dumating. Muntik pa akong masamid sa iniinom ko nang mapagtanto kung sino iyon. Hindi ko inasahan ang bigla niyang pagsulpot dito, iniisip ko lang siya at ito na siya agad ngayon. Kaya naman hindi ko na napigil ang pagkagulat sa reaksyon ko. Nagtama ang tingin naming dalawa at hindi ako makapaniwala na ako pa talaga ang unang nag-iwas ng tingin. Parang ako pa itong nahiya o nakaramdam ng pagkailang sa kanya.
Nakaramdam ako ng matinding iritasyon sa isiping iyon. Hindi pwedeng ganito. Siya dapat itong ganito sa akin. At bakit ba ako naiilang sa titig niya? I don't know. May iba sa titig niya na hindi ko magawang tagalan. Nakakainis. Hindi dapat ganito ang nararamdaman ko sa pobreng lalaking ito. Ano naman ang mayroon sa kanya para makaramdam ako ng ganito? Wala naman! Walang dahilan para mailang ako sa titig niya dahil wala naman talaga akong pakialam sa kanya at tauhan lang namin siya dito sa mansyon.
Nagtiim bagang ako at muling bumaling sa kanya. Mariin ang titig ko sa kanya habang nakaupo pa din sa kabisera. Ngunit sa ibang bagay na nakatuon ang kanyang paningin. Kausap na niya ngayon ang mayordoma namin. Ilang sandali ko pa siyang tinitigan ng masama bago ako umirap ako at ngumuso. Kung kailan gusto kong ipakita ang pagkairita ko sa kanya ay saka naman siya hindi bumabaling sa direksyon ko at mukhang wala na nga yatang balak tumingin sa akin. Humalukipkip ako, may biglang napagtanto.
Hindi niya man lang ako binati nang pumasok siya. Walang galang ang pobreng ito! Tatamad-tamad na nga, hindi pa marunong gumalang sa mga boss niya. Imposibleng hindi niya ako kilala dahil noong isang linggo lang ay binuhat niya pa ako papunta sa kwarto ko. Huwag mong sabihing nakalimutan na niya agad iyon! This jerk! Ang kapal naman ng mukha niyang kalimutan ako. Tignan natin!
Papalabas na sana siya ng dining room nang bigla akong magsalita.
"Ikaw, kuhanan mo ako ng tubig," malamig kong sabi.
There. Nakuha ko din ang atensyon niya. Nahinto siya sa paglalakad palabas at napabaling siya sa direksyon ko. Ganoon din si Felita at ang isa pang katulong na malapit sa akin.
"A-Ako po ba, senyorita?" Litong tanong ng kasambahay na malapit sa akin.
Umiling ako habang hindi pa din inaalis ang mariing tingin sa lalaki.
"Ikaw ang inuutusan ko. Ano pang ginagawa mo d'yan?" pataray na tanong ko.
Bago pa siya makapagreak ay nagsalita nang muli ang katulong na malapit sa akin.
"Ako na ho, senyorita," anito at mabilis na lumapit sa lamesa ngunit mariin ko siyang sinulyapan. Natigilan siya sa dapat na gagawin at agad na napaatras.
Muli akong bumaling sa nakatayo pa ding si... Apollo. Tumaas ang kilay ko nang makitang nakatayo pa din siya doon. Blanko ang kanyang ekspresyon, hindi ko mabasa kung ano ang iniisip niya ngayon. Sayang gusto ko pa namang makita ang naiinis niyang ekspresyon. Hindi pwedeng ako lang ang naiinis sa kanya, dapat siya din mainis sa akin. Tignan natin kung hanggang saan ang isang ito.
Unti-unti siyang kumilos at naglakad palapit sa lamesang kinakainan ko. Napangisi ako pero agad ko ding pinalis iyon nang makita kong bumalik ang tingin niya sa akin. Tinaasan ko siya ng kilay. Iniwas niya ang tingin sa akin at itinuon na lamang iyon sa ginagawa. Sinalinan niya ang baso ng tubig at tahimik na inilapag iyon sa harapan ko.
Napasimangot ako nang makitang tatalikod na siya at agad na aalis.
"At saan ka sa tingin mo pupunta?" mas mataray kaysa sa kanina ang tono ko ngayon.
Muli siyang bumaling sa akin.
"Sa hardin, senyorita, magtatrabaho," tuloy-tuloy at malamig niyang sabi.
Bahagyang umawang ang mga labi ko sa lamig ng pagkakasabi niya noon sa akin. Anong kapatan ng lalaking ito na kausapin ako sa ganoong tono! Ngunit nang bumaling ako sa mayordoma namin at sa isa pang kasambahay ay mukhang hindi naman nila napansin ang tonong ginamit sa akin ng lalaking ito. Uminit ang mukha ko sa inis. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang galit at iritasyong nararamdaman ko sa lalaking ito gayong wala naman siyang ginagawa sa akin. Hindi ko lang talaga gusto ang dating niya. Nayayabangan ako na hindi ko maintindihan sa kanya. Pakiramdam ko minamaliit niya ako sa paraan ng titig niya sa akin.
Wala pa akong nakilala na ganoon ang titig sa akin. Siya lang, o baka naman ganoon lang talaga siya kung tumingin kahit kanino. Ewan ko! Basta, ayoko sa kanya! Ayokong nakikita siya! Naiirita ako kapag nakikita ko ang malamig niyang tingin sa akin.
"Hindi pa ako tapos utusan ka." My mouth set in a hard line.
Binasa niya ang labi at tumango. Sandali akong napatitig sa parteng iyon ng kanyang mukha. Ngayon ko lang napansin na mapula pala nitong mga labi. Tumaas ang kilay ko. Tumikhim siya kaya muling umangat ang tingin ko sa kanyang mga mata.
"Hija, kung may utos ka, dito mo na kay Daniela ipagawa," singit ng aming mayordoma na ang tinutukoy ay ang isang kasambahay na narito sa dining.
Mariin akong umiling.
"Hindi na. Kaya na ni Apollo ang iuutos ko sa kanya," malamig kong sinabi para wala nang masabi ang aming mayordoma.
Ngunit nagsalita pa din ito.
"Ngunit, senyorita, may kailangan pang gawin si Apollo sa hardin."
"Ayos lang, manang. Mamaya ko na lang tatapusin ang mga iyon," ani Apollo. Napangisi ako.
Ganyan. Dapat maging masunurin ka sa mas nakakataas sa'yo.
"Pero baka gabihin ka nanaman, hijo, at hindi matapos ng maaga," patuloy ng aming magaling na mayordoma.
Napasimangot ako. Bakit ba mas magaling pa sa akin itong si Felita? Porque ba mayordoma siya dito ay may karapatan na siyang suwayin ang mga gusto ko? Kahit ano pa ang posisyon niya sa mansyon na ito, tauhan pa din siya ng pamilya namin. Binabayaran lang siya ng mga magulang ko para pagsilbihan kami! Hindi niya dapat ako sinusuway ng ganito ng dahil lang sa lalaking ‘yan!
Tumango lamang si Apollo bilang pagsasabing ayos lang sa kanya bago muling bumaling sa akin. Umirap ako.
“Sira ang shower sa bathroom ko, ayusin mo.”
“Pero, senyorita, mayroon naman tayong tauhan para sa bagay na ‘yan.”
Masamang tingin ang agad na ibinaling ko sa aming pakialamerang mayordoma. Hindi ako malupit sa mga tauhan namin tulad ng mga magulang ko pero ewan ko ba kung bakit sobra-sobra ang pagkainis na nararamdaman ko sa lalaking nasa harapan ko ngayon. Siguradong may kinalaman ito sa paraan ng pagtingin niya sa akin. Hindi ko ito gusto. Pakiramdam ko ay nagmamataas siya kahit na binabayaran lang naman siya ng mga magulang ko para pagsilbihan ang aming pamilya. Wala siyang karapatang tignan ako ng gano’n. Dapat malaman niya kung ano ang lugar niya sa pamamahay na ito.
“Ayos lang, manang. Ako na ang gagawa.”
“Good,” ngumisi ako at tumayo na para magtungo sa kwarto ko, nakasunod lang siya sa akin hanggang sa tuluyan kaming makarating sa kwarto.
Binuksan ko ang pinto at nauna nang pumasok. Pagbukas ko pa lang ng pinto ay ramdam ko na ang lamig. Palaging ganito sa kwarto ko. Nasanay na ako sa malamig. Mas palagay ako kapag ganito. Pero hindi ko alam kung bakit naiinis ako kapag nakikita ko ang malamig na tingin sa akin ng lalaking ito. May kung ano sa kanya na hindi ko magawang tagalan at hindi ko gusto.
Bumaling ako sa kanya nang makitang nakatayo lamang siya sa malapit sa pinto.
“Hindi kita pinapunta dito para tumunganga lang d’yan,” pairap kong sabi. Nagulat ako nang makita ang nang-uuyam niyang ngisi, ngunit sandali lang iyon nagtagal sa mga labi niya kaya hindi ko alam kung namamalikmata lang ba ako.
“Masusunod, senyorita,” kahit ang tono niya ay parang may halo ding panunuya. Biglang nag-init ang dugo ko dahil doon. Sinusubukan ba ako ng lalaking ito?
Akala mo kung sinong gwapo! Di hamak na mas gwapo pa sa kanya si Hades. Si Hades Santiago ang nag-iisang lalaking nagustuhan ko sa campus. Bukod sa gwapo na, matalino. Isa din ang pamilya nila sa pinakamayaman dito sa Rizal. Kaya kung papipiliin ako ng mapapangasawa ng mga magulang ko, siya ang pipiliin ko. Sigurado din naman akong kaagad silang papayag kapag nangyari iyon. Bukod sa mayaman ang pamilya nila Hades, pwede din siyang makatulong sa pagpapalago ng negosyo namin balang-araw dahil matalino din siya. Alam ko naman na noon pa man, may balak na talaga ang mga magulang kong ipakasal ako sa lalaking galing sa mayamang pamilya. At sisiguraduhin kong si Hades iyon.
Pinanood kong magtungo sa bathroom si Apollo. Hindi na ako nag-abala pang sumunod sa kanya doon para ipaliwanag kung ano ang sira ng shower. Bahala na siyang alamin kung ano ang sira noon na kailangan niyang ayusin. Tignan natin kung maasahan nga talaga ang lalaking ‘yan. Baka mamaya wala naman talaga siyang pakinabang, nag-aaksaya lang ang mga magulang ko ng pera sa kanya.
Hindi pa bumibilang ng limang minuto ay lumabas na agad siya ng bathroom. Nagtaas ako ng kilay sa kanya habang nakaupo sa couch.
“Kukuha lang ako ng kakailanganing mga gamit,” aniya at mabilis na nilisan ang kwarto ko nang hindi man lang hinihintay ang magiging tugon ko.
Ang kapal talaga ng mukha ng lalaking iyan. Akala mo kung sino kung umasta! Hindi man lang ako hinintay na magsalita at niliyasan na agad ako. Humanda talaga siya sa akin. Akala niya ba palalampasin ko ‘to? Pwes, nagkakamali siya.