Kabanata 2
H E R A
Ipinasok niya ako sa loob ng mansiyon. Kahit mukha siyang madungis hindi naman masama ang amoy niya. Tahimik lang ako habang nasa sa mga bisig niya. Hindi na ako nagreklamo pa kasi wala rin naman talaga akong magagawa kundi ang hayaan na lang siya. Masama ang pagkakabagsak ko kaya kahit pilitin ko ang sarili kong tumayo ay hindi ko talaga kaya.
Nang pumasok kami sa loob ay nakapagtatakang walang kahit isang katulong ang sumalubong sa amin. Siguro abala ang mga ito sa kanilang mga gawain. Huminto sandali ang lalaking may buhat sa akin. Nalilito siguro kung saan ako ibababa. Umirap ako at itinuro ang pangalawang palapag kung nasaan ang kwarto ko.
"Iakyat mo na lang ako sa kwarto ko," malamig ang boses na sabi ko.
Agad naman siyang tumango bilang pagsang-ayon sa utos ko.
"Sige. Tatawag na din ako ng doctor pagkatapos para matignan ka agad," aniya sa pormal na paraan.
Muli akong nakaramdam ng inis sa kapormalan niya. Hindi ko alam kung ano bang meron doon at bakit ako naiinis ng sobra. Wala naman masama kung maging pormal ang tungo niya sa akin. Dapat lang nga iyon dahil amo niya ako at utusan lang siya dito. Hindi niya ako pwedeng kausapin ng kaswal dahil hindi naman kami malapit sa isat-isa.
Walang kahirap-hirap niya akong naakyat sa pangalawang palapag. Itinuro ko sa kanya kung nasaan ang kwarto ko at agad niya akong dinala doon. Dahan-dahan pa niyang binuksan ang pinto ng kwarto ko na para bang nag-aalangan siyang pumasok doon. Pagpasok ay agad kong naramdaman ang lamig sa aking kwarto. Basa pa ako at naka bikini lang kaya mas doble ang lamig na dulot noon sa akin. Napayakap ako sa aking sarili. Nilingon ko ang lalaking may buhat sa akin. Basa din siya kaya paniguradong giniginaw na din siya ngayon. Itinuro ko ang coach.
"Doon mo na lang ako ilapag," utos ko bahagya pang nanginig sa ginaw.
Agad naman niya akong sinunod at ibinaba na nga doon. Nang maibaba na niya ako ay agad siyang tumuwid ng tayo.
"Mauna na ako. Tatawag na din ng titingin sa'yo," aniya. Tumango lang ako at wala ng sinabi.
Tumalikod na siya at hahakbang na sana paalis nang magsalita akong muli.
"Pakihinaan pala muna ng aircon," utos ko. Lumingon siya sa akin at tumango. Agad niyang ginawa ang utos ko.
"Pakikuha na din ako ng pamalit sa closet," utos ko ulit.
Tahimik siyang nagtungo sa closet ko at binuksan iyon. Hindi manlang siya nagtanong kung anong klaseng damit ang pinapakuha ko. Basta na lamang siyang kumuha ng kung anong damit doon. Inilapag niya ang mga damit na kinuha niya sa tabi ko. Uminit ang pisngi ko sa hiya nang makitang may underwear din siyang kinuha.
"May kailangan ka pa ba?"
"Wala na," mabilis kong sinabi, hindi makatingin sa kanya.
Hindi ako makapaniwalang hinayaan ko siyang makita iyon. Sana ay nagpatawag na lang ako ng ibang katulong para ipagawa iyon. Nakakainis. Kanina pa ako napapahiya sa isang ito.
Nag-angat ako ng tingin sa kanya nang hindi pa din siya gumalaw sa kinatatayuan niya. Parang naghihintay pa siya ng sasabihin ko.
"Makakaalis ka na," malamig kong sinabi. Tumango siya at tahimik na lumabas ng kwarto ko.
Isang lingo na ang lumipas at hindi ko na ulit nakita ang lalaking iyon sa mansiyon namin. Kung sabagay malawak ang mansiyon at hindi naman ako palalabas ng kwarto kaya baka hindi lang nagkakatagpo ang landas namin. Mabuti na lang dahil ayoko na din siyang makita pa pagkatapos ng mga kahihiyang natamo ko noong isang araw. Hindi ko nga alam kung bakit naiisip ko pa siya ngayon. Siguro kuryoso lang ako sa kanya dahil siya ang pinakabata sa mga utusan namin dito sa mansiyon. Baka nga siya 'yong anak ni Manong Tomas na sinasabi niyang ipapasok niya rito.
"Felita may bago ba tayong tauhan?" tanong ko isang araw sa mayordoma namin.
"Iyong anak ni Tomas na si Apollo," aniya.
So, anak nga talaga siya ni manong Tomas. Apollo, huh? How coincidental that both of our names can be found in Greek Mythology.
"Bakit, hija? May problema ka ba sa batang iyon?" Kumunot ang noo ni Felita habang hinihintay ang sagot ko.
Gusto kong sabihing oo, may problema ako sa kanya at hindi ko siya gusto pero hindi naman ako kasing lupit ng mga magulang ko para gawin iyon. Baka mapatalsik pa siya sa trabaho niya kung sasabihin ko iyon kahit wala naman siyang ginawang masama sa akin. Tinulungan niya pa nga ako. Hindi ko lang talaga alam kung bakit ang init ng dugo ko sa kanya. Basta mayabang ang dating niya para sa akin.
"Wala naman," sabi ko at umiling.
"Naku, mabuti naman kung ganoon. Mabait na bata 'yong si Apollo at masipag pa."
"Ilang taon na ba 'yon at bakit pinagtatrabaho na? Ayaw mag-aral?" kuryosong tanong ko.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit kuryoso pa ako doon gayong mabigat naman ang loob ko sa kanya. Siguro bored lang ako kaya ganito.
"Siya ang may gustong magtrabaho, hija. Hindi siya pinilit ng kanyang ama na magtrabaho dito. Siya ang nagpresinta. Nasa kolehiyo na 'yon sa pagkakaalam ko. Bukod sa masipag siya ay matalino din kaya nakakuha ng scholarship doon sa skwelahan na pinapasukan mo din."
Bahagyang napaawang ang mga labi ko sa nalaman tungkol sa lalaking iyon. Ang akala ko hindi na siya nag-aaral dahil nagtatrabaho na. Hindi ko naisip na pwede nga pala iyon. May mga taong kayang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Hindi ko nga lang alam kung paano nila nagagawa iyon. Paano sila makakapag-focus sa pinag-aaralan nila kung nagtatrabaho pa sila? Tapos scholar pa si Apollo. Ibig sabihin may kailangan siyang i-maintain na grades. Paano naman kaya niya nagagawa iyon? Siguro ganoon talaga kapag ipinanganak kang mahirap. Wala ka ng choice kundi kayanin ang kahit pinaka-imposibleng bagay para sa iba.
Kaya pala parang ang yabang ng dating niya para sa akin. Kahit papaano ay may ipagmamayabang naman pala. Kung scholar siya sa school ibig sabihin matalino talaga siya. 'Yong mga matatalino lang naman ang binibigyan ng scholarship ng school namin kaya sigurado akong matalino nga talaga siya.
"Bakit, hija? Kuryoso ka sa batang iyon?" Makahulugang tingin ang ipinukol sa akin ni Felita.
Agad akong nag-iwas ng tingin sa kanya at umiling.