Chapter 5
Tatlong oras daw ang aabutin sa operasyon. Habang hinihintay namin ang doktor ay taimtim kaming nagdadasal ni Mona. Magkahawak kami ng kamay at parehong nagdadasal na sana’y maging successful ang operasyon ni Rafaela.
Kanina pa siya nasa loob ng operating room. Dala niya ang manikang binili ko kanina dahil ayaw niyang bitawan ‘yon. Pumayag naman ang doktor para mabawasan ang takot ng anak ko kapag nasa loob na siya. Tahimik doon kapag tumatanaw ako sa pinto. Dala ang takot at kaba sa dibdib ko habang pumapatak ang minuto.
Kanina pa tawag nang tawag si Raevan. At dahil hindi ako makapag-concentrate, at mas lalo lang kinakabahan kapag tumatawag siya. Alam kong galit na ‘yon dahil maraming beses ko ng pinatay ang tawag niya. Ayaw na ayaw niya ng gano’n. Lalo pa at pinatay ko pa ang cell phone ko. Bahala na. Kailangan ako ngayon ng anak ko. Kaya hindi ko pa tini-text sa kaniya kung saan ako susunduin. Huwag lang sanang siya mismo ang sumundo sa’kin. Nakadagdag pa tuloy sa takot ko ang pag-iisip sa kaniya.
“Magiging okay si Baby ganda,” mahinahong saad ni Mona sa tabi ko. Mahigpit pa rin akong nakahawak sa kamay niya.
“Matapang na bata ‘yon,” dagdag niya pa. Marahan akong tumango at kinakabahang ngumiti sa kaniya.
“Alam ko ‘yon. Pero hindi mo maiaalis sa akin ang mag-alala,” saad ko.
“Naiintindihan kita. E, kahit ako rin. Pero alam kong kaya ‘yon ni Baby ganda. Kailangan nating maniwalang kaya niya,” nakangiting saad niya sa’kin.
Hindi ko maiwasan. Bilang ina ay ngayon lang ako natakot ng ganito. Wala namang sinabi ang doktor niya kung baka hindi niya kayanin pero hindi ko pa rin maiwasang matakot. Nasa loob ng operating room ang anak kong dalawang taon pa lang. Inooperahan sa puso at walang kamalay-malay sa susunod na mangyayari sa kaniya.
Hindi ko na napigilang suminghot. Sana kayanin ni Rafaela. Matapang ‘yon tulad ng Daddy at Lolo Rafael niya. Kasing bait ‘yon ni Mommy Vanessa. Hindi ko kakayanin kapag nawala sa akin ang anak ko. Siya lang ang meron ako. Siya lang ang kailangan ko para magpatuloy sa buhay.
Bumukas ang pinto at agad akong napatayo. Pati si Mona ay agad ring napatayo. Lumabas doon ang doktor at nag-alis ng facemask nang makita kami.
“Doc,” kinakabahan kong tawag sa kaniya. Ngumiti ito sa akin.
“Your baby is very brave. Successful ang operation niya,” nakangiting balita ng doktor. Halos mapaupo ako sa tuwa. Tila nakahinga ako ng maluwag pagkarinig no’n.
“Doc, salamat po. Salamat po ng marami,” umiiyak kong pasalamat.
Hindi ko mapigilang maiyak sa tuwa. “Sabi ko naman sa’yo e,” nakangiting sabi ni Mona.
Hindi mangyayari ‘yon kundi dahil sa perang pinahiram ni Raevan at sa dasal namin. Pinunasan ko ang luha at kinuha ang maliit na cell phone sa loob ng pitaka ko.
Binuhay ko ulit ‘yon at nagsidatingan ang mga messages. Kinabahan ako nang makitang 30 messages.
“Bakit pinapatayan mo ‘ko ng tawag?”
“Tinatakbuhan mo ba ako?”
“Where the fvck are you?”
“Answer my god damn call!”
Hindi ko na binasa ang iba dahil alam kong mas lalo lang akong matatakot. Kahit sa text lang ay pakiramdam ko, kaharap ko na siya. Paano pa kaya kapag kaharap ko siya at sinisigawan ako ng ganito? Baka mahimatay ako sa takot.
Agad kong ni-dial ang numero niya. Isang ring pa lang ay agad na niyang sinagot.
“Nasaan ka? Bakit kanina pa kita hindi matagawan?” madiing bungad niya sa’kin. Nasa boses niya ang pagtitimpi at parang konti na lang ay sasabog na ang bulkan.
“N-Nagka-emergency kasi. Pasensiya na,” mahinang boses ko. Narinig ko ang malalim niyang pagbuntong-hininga.
“Fvcking emergency,” rinig kong sabi niya. Galit na siya. Nasisiguro ko ‘yon. Pero anak niya ang tinutukoy ko. Hindi naman niya alam ang tungkol doon kaya nasasabi niya ‘to ngayon.
“May utang ka sa’kin,” may diing saad niya.
“Alam ko,” agad kong saad.
“Nakapirma ka sa’kin,” tila paalala niya.
“Alam ko,” agad kong sagot.
“Then why are you ignoring me?!” halos pasigaw niyang tanong kaya napaigtad ako.
“Nasa usapan na susundin mo lahat ng gusto ko, hindi ba?” galit niyang tanong. Napalunok ako.
“O-Oo,” nauutal kong sagot.
“Now. Text me the address. Susunduin kita,” nakakatakot niyang utos. Napalunok akong muli. Siya ang susundo sa’kin? Napalunok ako uli kahit wala na akong malunok na laway ko.
“Huwag mo na akong paghintayin at huwag mo na akong p*****n ng phone. Understand?” Dagdag niya pa. Tumango ako ng mabilis kahit hindi niya nakikita. Pati si Mona ay parang natatakot na nakatingin sa’kin.
“O-Oo. N-Naiintindihan ko,” nauutal kong sagot. Siya na ang nagbaba ng tawag.
“Nakakatakot siya,” bulalas ni Mona.
“Hindi ko alam na may ganiyan pa lang side ‘yang si Raevan. Crush na crush ko pa naman dati ‘yan noong nasa mansion pa lang tayo nagtatrabaho,” saad ni Mona.
Magkasama kami ni Mona sa mansion dati. Pareho kaming katulong doon. Maaga nga lang na umalis si Mona sa mansion nina Raevan dati dahil kailangan niyang umuwi ng probinsya. Nagulat nga siya nang malaman niyang naging mag-asawa kami. Akala niya kasi noon ay walang interest si Raevan sa akin dahil madalas hindi namamansin. Palagi lang silang magkasama noong pinsan niyang si Jasmine na anak ni Sir Jason at Ma’am Abby.
Ang ganda ni Ma’am Jasmine. Sobra. Kamukhang-kamukha ng Lola at Daddy niya. Kaya nga todo bantay ang kambal na sina Jackson at Jimson sa ate nila kapag may umaaligid ditong lalaki. Overprotected brothers nga ang bansag ni Jasmine sa kanilang dalawa dahil sa sobrang higpit magbantay ng kambal sa kaniya. Nakaka-miss din ang magkakapatid na ‘yon. Mini version daw sila ni Daddy Rafael at ni Sir Jason lalo na noong mga bata pa sila.
Nakilala ko na rin ang anak ni Sir Zack na si Angelo. Hindi maitatanggi ang katangian niya dahil nakuha niya ang itsura ng Daddy niya. At ang Mommy niya ay hindi halatang dalawa na ang anak. Bunso nila si Angela. Minsan kasing nag-reunion sila at kasama ang pamilya ni Sir Zack. Malapit silang mag-asawa kay Sir Jason.
Pati na rin sina Ma’am Melissa at Sir Liam na malapit din kay Daddy Rafael ay kasama sa reunion. Anak nila ‘yong sikat na modelo na si William Garcia. Sumunod sa yapak ng Daddy niya.
Minsan ko na ring nakilala si Ma’am Rachel na ubod ng sexy kahit ilang taon na ang tanda niya. At ang anak nilang si Romeo, gwapo at habulin ng mga babae. May crush nga si Jasmine doon e. Pero sekreto lang naming dalawa ‘yon. Alam din yata ni Raevan ang sekreto niyang ‘yon dahil close sila ni Jasmine. May kambal din silang anak, sina Rocco at Rochelle pero hindi nakasama sa reunion dahil nasa Barcelona raw nagbabakasyon.
Lahat sila ay galing sa kilalang pamilya. Mayayaman sila’t magaganda. Kaya nga noong reunion ay sobra akong nanliliit at nahihiya. Katulong lang ako noon sa mansion nina Raevan. Walang-wala ako sa katayuan nila sa buhay. Kaya talagang nakakagulat na naging asawa ko siya. At mas nakakagulat na iniwan ko lahat ng ‘yon. Sa kung anong dahilan, ako lang ang tanging nakakaalam.
Kahit kay Mona ay hindi ko sinasabi. Nahihiya ako. Kinakahiya kong gano’n ako. Kinakahiya kong magnanakaw ako.
“Narinig mo?” nahihiya kong tanong. Tumango siya.
“Oo. Nakakatakot ang boses niya pero ang husky!!” wika niya sabay tili sa huli.
“Ang sexy pakinggan. Kahit nakakapangilabot ay ang gwapo pa rin ng boses niya,” kinikilig niyang wika. Nakalimutan na yatang nasa hospital kami. Nanaig pa talaga ang paghanga niya sa nakakatakot na boses ni Raevan. Napailing na lang ako.
“Tanungin mo nga kung naghahanap uli sila ng katulong para makita ko siya ulit!” saad niya at bahagya akong siniko.
“Hindi ko na nga makausap ng maayos, magtatanong pa ako,” pailing-iling kong saad sa kaniya. Siniko naman niya uli ako.
Nakakatakot kaya ang awra ni Raevan ngayon. Parang hindi marunong ngumiti. Tapos magtatanong ako kung may bakanteng trabaho sa kanila bilang katulong? Hindi na. Kahit meron, hindi ko rin kayang sabihin.
“Malay mo. Makapasok uli tayong dalawa sa mansion nila. O hindi kaya, sa bahay niya!” saad niya at nagtititili na naman sa huling sinabi. Napalingon tuloy sa’min ‘yong nurse na dumaan.
“Ayoko. Nakakatakot na ang mukha niya ngayon. Mukha na siyang bato,” wika ko.
Hinihintay na lang namin kung kailan kami tatawagin ng nurse para makita si Rafaela.
Ni-text ko na ang address kung saan ako susunduin. Sempre, malayo dito sa hospital. Tiyak na mamaya pa naman ‘yon makakarating dahil dalawang oras ang byahe. May oras pa ako para makita ang anak ko. Binalik ko sa bulsa ang cell phone pagka-send ng text. Hindi ko na in-off dahil nakakatakot mapagalitan.
Nakakalungkot lang na imbes na bantayan ko siya ngayong gabi ay kailangan kong sumama sa Daddy niya dahil kailangan niya ako. May ipapatrabaho siguro.
Ang mahalaga naman ngayon ay ligtas na ang anak ko at successful ang operation. Kapag naghilom na ang sugat, makakapaglaro na siya tulad ng ibang bata sa labas.
“Ma’am Sarmiento?” Nag-angat ako ng tingin sa nurse.
“Kayo po ang magulang ni Rafaela Sarmiento?” tanong ng nurse. Agad akong tumango.
“Nalipat na po siya sa kwarto. Maaari niyo na pong puntahan,” saad ng nurse kaya sabay kaming nagpasalamat ni Mona at tumungo sa kwarto kung saan naroon si Rafaela.
Batid kong malaki-laki ang bill namin dito sa hospital. Panibagong pera na naman ‘yon. Hindi ko alam kung saan kukuha kaya maaari naman siguro akong humingi ng tulong sa mga opisyal. Magkano lang ang ipon ko. Nasa sampung libo lang yata ‘yon. Kung ibebenta ko naman ang cell phone ko, baka walang kumuha dahil kupas na at old model. Kaya sana makapaglabada ako sa sinasabi ni Mona para pandagdag pambayad sa mga gastusin dito sa hospital.
Nadatnan naming tulog si Rafaela. Nasa tabi na niya ang manikang binili ko kanina. Naaawa akong ngumiti sa kaniya. Kinuha ko ang kamay niya at maingat na hinaplos.
“Ang tapang ng b-baby ko,” garalgal kong boses. Marahan kong sinuklay ang malambot niyang buhok. May nakalagay sa kaniyang oxygen.
“Hindi ka na mahihirapang huminga at hindi ka na mabilis mapagod dahil okay na, anak. Magiging okay ka na,” naluluha kong bulong sa kaniya. Nasa gilid ko lang si Mona na nanunuod sa amin.
“Nakakaiyak ka tuloy, Ateng,” saad niya.
“Naaawa ako sa inyong mag-ina. Alam mo namang mababaw lang ang luha ko sa ganito e. Lalo na sa inyong mag-ina,” naluluha niyang saad.
Inayos ko ang kumot ni Rafaela. “Mona,” tawag ko sa kaniya.
“Ano ‘yon?” naluluha niya pa ring tanong.
“Aalis ako at baka bukas na makabalik. Susunduin ako mamaya ni Raevan,” wika ko.
“Naniningil na agad?” agad na tanong niya.
“May ipapatrabaho siguro,” saad ko.
“Hala! Baka gawin ka niyang alipin niyan, Vivien,” wika niya.
“Wala akong magagawa. Nagamit ko na ang pera e,” saad ko at sinulyapan si Rafaela.
Kung gano’n nga ang gawin niya, wala akong choice kundi sumunod. Ang sabi niya nga kanina ay nakapirma ako sa kontrata niya. Bawal humindi sa gusto niya.
“Sige. Ako na ang bahala kay Baby ganda,” wika niya. Nahihiya akong ngumiti sa kaniya.
“Salamat, Mona ha? Ang laking abala na ‘to sa’yo. Baka hinahanap ka na sa inyo. Okay lang naman kung umuwi ka muna para makapagpahinga ka rin. Kakausapin ko na lang si—”
“Wala ‘yon, Vivien. Pamilya na tayo. Tandaan mo ‘yan,” saad niya at niyakap ako.
“Gustong-gusto kong tumulong pero walang-wala rin ako kaya ito lang ang magagawa ko para sa inaanak ko,” saad niya.
“Ngayon lang ito at makakaraos din tayo balang-araw,” saad niya pa kaya tumango ako.
Tama siya. Pagsubok lang ‘to at lilipas din. Konting tiis lang at babalik uli kami sa dati naming buhay ng anak ko. Kaya lang, hindi ko alam kung hanggang kailan ako makakabayad kay Raevan. Wala naman siyang halagang hinihingi. Basta sundin ko lang daw lahat ng gusto niya. Sana pala, tinanong ko man lang kung hanggang kailan ako magsisilbi sa kaniya.
Gabi na at inabutan ko si Mona ng isang daan para bumili ng makakain namin. Wala pa kaming kain pareho. Pagkalabas niya ng kwarto ay agad na nag-ring ang cell phone ko. Unknown number na naman kaya alam ko na kung sino. Wala akong balak i-save ang number niya dahil wala akong balak tumawag sa kaniya. Siya ang tumawag sa’kin kung may gusto siyang ipagawa dahil ako ang may utang sa kaniya. Ayokong isipin niya na palagi akong may kailangan sa kaniya.
Sinagot ko ‘yon. “Nandito na ako,” wika niya kaya nagulat ako. Agad-agad? Paanong?
“Dapat nandito ka na. Bakit nauna pa ako sa’yo?” naiinis niyang sabi. Hindi ko tuloy malaman ang gagawin. Wala pa si Mona.
“P-Papunta na ako,” pagsisinungaling ko. Hihintayin ko muna saglit si Mona bago ako umalis.
Lumipas ang limang minuto at bumalik siya na may dalang dalawang supot ng ulam at dalawang kanin.
“Nangyari sa’yo?” tanong niya nang masilayan ang mukha ko.
“Naroon na si Raevan,” saad ko. Pati siya ay nagulat.
“Hala! Ang bilis naman niya,” mangha niyang sabi.
“Kaya nga e. Pasensiya ka na, Mona. Kailangan ko ng umalis,” nagmamadali kong paalam. Hinalikan ko ang pisngi at noo ni Rafaela.
“O, sige-sige. Mag-iingat ka. Tatawag na lang ako sa’yo o tumawag ka na lang sa’kin. Balitaan mo ‘ko ha?” saad niya. Tumango ako at lumabas na ng kwarto.
Lakad takbo ang ginagawa ko hanggang sa makalabas sa hospital. Agad akong pumara ng tricycle patungo sa plaza. Doon kasi ang sinabi kong lugar para hindi niya malaman na nasa hospital ako. Malayo naman ang bahay namin sa plaza kaya hindi niya rin mahahanap agad ang tirahan namin ng anak ko.
Nininerbyos ako habang nakasakay sa tricycle. Wala pa akong ligo at ito pa rin ang damit ko mula pa kanina. Pagkarating ay inabot ko ang bayad sa driver.
“Salamat ho,” wika ko at bumaba na.
Nagpalinga-linga ako sa paligid para hanapin siya. Hanggang sa mahagip ng mga mata ko ang kumpulan ng mga tao. May isang lalaki doon na nakatayo at nakahalukipkip. Kinukuhaan yata siya ng litrato. Artista yata ‘yon. Mukhang sikat dahil maraming fans. Hindi ko maaninag masiyado dahil medyo malayo. Gabi na rin kasi at napapaligiran siya ng maraming tao.
“Pogi, tingin dito, please,” rinig ko pang sabi ng babae. Hindi ko na lang pinansin.
“Nasaan na kaya ‘yon?” tanong ko sa sarili at naghanap. I-text ko kaya? Pero sabi niya, nandito na raw siya. Nasa paligid lang ‘yon. Hanapin ko na lang.
Nakakaisang hakbang pa lang ako nang bigla kong narinig ang malakulog niyang boses.
“Get out of my way!” masungit niyang saad. Nilingon ko uli sa likod at nakita kong siya pala ang kinukuhanan ng litrato ng mga tao.
Kay dali niyang hinawi ang mga tao para makadaan siya. Sa haba at laki ng mga baso niya at kamay. Talagang madali lang. Natuwa pa ang ibang kababaihan dahil nahawakan sila ni Raevan. Hindi ba nila nakikita ang umaapoy niyang mata ngayon? Nakakatakot na naman siya.
Malalaki ang hakbang niya at nakatitig sa akin ng mariin. Iyong titig na pati kaluluwa mo niyayanig sa takot. Napalunok ako ng sunod-sunod. Dala ng sobrang nerbyos ngayon ay nakalimutan ko na ang gutom ko. Napalitan na ng kaba ang buong sistema ko. Lalo na at malapit na siya sa’kin.
“Tss! Ang tagal mo. Gusto mo pa talagang ako ang sumundo sa’yo at maghintay?” naiinis niyang sabi at bigla na lang hinila ang kamay ko. Para akong papel na dinadala sa hangin. Nagpatianod na lang ako. Napasinghap pa ang mga kababaihan na may hawak na mga cell phone nang makitang hawak ni Raevan ang kamay ko.
“Sino ‘yan?” rinig kong tanong noong isa pero okupado na ang isip ko sa lalaking mahigpit na nakahawak ang kamay ko.
“Ang swerte naman niya,” saad pa noong isa. Swerte?
Hindi nila alam ang takot ko sa dibdib sa lalaking pinapantasya nila. Kung pwede lang humingi ng tulong at sabihing… sinusundo na ako ni kamatayan. Kung pwede lang sana at baka isigaw ko pa dito.
Simula pa lang ito pero nakakatakot na. Simula pa lang ito pero parang gusto ko ng sumuko na. Simula na ito ng pagbabayad utang.