Chapter 4

2207 Words
Chapter 4 *Vivien* Malamig na hangin ang sumalubong sa akin pagkabukas pa lang ng pinto ng malaking opisina niya. Agad ko siyang nakita na nakaupo sa kaniyang swivel chair. Nakasampay ang coat niya sa sandalan no’n at nakatutok lang siya sa laptop niya. Kunot ang noo at salubong ang perpekto niyang kilay. Nakatayo pa rin ako sa may pintuan dahil hindi ko alam ang gagawin. Lihim kong pinasadahan ang loob ng opisina niya. Nagbago na ang ayos ng opisina niya. Malaki pa rin at malawak. May sarili pang sala at mini bar. May flat screen tv din na nakasabit sa pader. Sa ilalim ng sofa ay ang malambot na carpet at babasaging lamesita sa gitna nito. Isa na nga itong library kung titignan dahil marami siyang libro sa bookshelf niya. “What do you need?” tanong niya kaya napaigtad ako sa gulat. Sa akin na pala siya nakatingin ngayon kaya napalunok ako. Ang layo ko sa kaniya dahil nandito ako sa sulok. Pero malinaw kong nadinig ang sinabi niya. Ano raw ang kailangan ko. Napalunok akong muli. Nahihirapan akong magsalita. Hindi ko alam kung papaano sasabihin at kung saan magsisimula. Nag-angat siya ng tingin sa akin kaya napatayo ako ng tuwid. Halos mamilipit na ang wallet ko sa higpit ng pagkakahawak ko. Walang buhay siyang nakatitig sa akin ngayon. Sinara niya ang laptop at tumayo. Kinabahan na ako lalo. Sunod-sunod akong napalunok nang humakbang siya. Nataranta na ako. “A-Ah…” parang hangin na lumabas sa bibig ko. “Money?” sarkastikong tanong niya. Napayuko ako dahil nahiya ako bigla. Hindi agad ako nakaimik. Gano’n na ba ako ka-obvious? “Ano pa bang aasahan mo, Vivien?” tanong ko sa isip. “Kakamustahin ka niya? Asa ka namang may pakialam pa siya sa’yo pagkatapos ng mga ginawa mo sa kaniya. Baka nga alam na niyang pinagnakawan mo siya noon dahil alam niyang pera na agad ang pakay ng pagpunta mo sa kaniya ngayon,” bulong ko sa isip. “How much?” tanong niya. Kinakabahan akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Nakita kong nakahawak na siya ng tseke at ballpen. Hinihintay na lang ako kung magkano. “Five hundred thousand?” tanong niya ulit. Nagulat ako. Paano niya nahulaan? Nakita ko siyang nagsulat doon at pinunit ang tseke. Humakbang siya palapit sa akin at walang buhay na inabot ang tseke sa’kin. Nakasulat doon ang amount. 500,000. Yumuko ako at nahihiyang kinuha ‘yon. Napansin kong namulsa siya sa harap ko. “Para saan ‘yan? Saan mo gagamitin?” magkasunod niyang tanong. Hindi ako sumagot dahil natatakot ako sa uri ng boses niya. Nakakatakot. Nakakapangilabot. Normal lang siyang nagtatanong pero ang boses niya ay nakakakaba. Parang may halong duda at pamimintang. “E-Emergency,” nauutal kong sagot. “B-Babayaran kita pangako,” agad kong dugtong sa sinabi. “How?” tanong niya at pinasadahan ako ng tingin. Bigla akong nilamig sa uri ng paghagod niya sa akin. “P-Paunti-unti,” sagot ko. Narinig ko siyang tumawa. Tawa na para bang joke ang sinabi ko. “How about a contract?” tanong niya. Mangha ko siyang tinignan. “Kontrata?” Manghang tanong ko. “Yes. A contract. Mababayaran mo ‘yang kalahating milyon kung susunod ka sa lahat ng gusto ko. Take it or leave it,” saad niya. Derekta niyang sinabi ‘yon at hindi na ako binigyan ng pagpipilian. Napatitig uli ako sa tsekeng hawak ko. Kalahating milyon ang nakasulat. Wala akong ibang pagpipilian. Kung hindi ako papayag sa gusto niya… hindi maooperahan si Rafaela mamaya o bukas. “Sige,” sagot ko. Mamimili pa ba ako kung buhay ng anak ko ang nakasalalay? Walang reaksyon ang mukha niya. Para siyang gwapong estatwa na gumagalaw lang. May kinuha siyang papel sa lamesa niya. Papel na walang sulat. “Printed name and your signature,” wika niya at inabot sa akin ang papel at ball pen. Pinatong ko sa lamesita ang papel para doon pumirma. Hindi ko alam kung tama pa ba ‘to pero wala naman akong choice. Kailangan ako ni Rafaela. “Ilagay mo rin ang number mo,” saad niya kaya gulat ko siyang tinignan. “Baka takbuhan mo na naman ako,” makahulugang wika niya kaya nanginginig ang kamay kong pumirma sa papel na walang sulat at nilagay din ang numero ko. Nang matapos ay kinuha niya ‘yon. “I call you when I need you,” saad niya at bigla na lang akong iniwan sa opisina niya. Dala-dala ang papel na nakasulat ang buong pangalan ko at numero. Naroon pa ang pirma ko. Ako naman ay napatitig sa tseke. Tila ngayon lang ako nakahinga ng maluwag noong nakaalis na siya. Kanina kasi ay para kong hinahabol ang sarili kong hangin. Gano’n lang kadali? Hindi niya ako sinigawan o pinaglitan man lang dahil sa ginawa ko sa kaniya noon? Pero ang mga mata niya ay walang emosyon. Malalim akong bumuntong-hininga. Naging manhid na yata siya. Lumabas agad ako sa opisina niya. Nakita pa ako ng sekretarya niya. Ngumiti lang ako sa kaniya at nagpaalam na. Ayokong magsayang ng oras sa pag-iisip kay Raevan. Ayokong masiyadong mag-isip ngayon kung bakit ganito ko kadaling nakuha ang kalahating milyon. Sa banko agad ako dumiretso. Agad ko ‘tong ibabayad sa hospital para bukas ay agad-agad na maoperahan si Rafaela. Nang dalhin ko ang tseke ay agad nila akong hiningan ng ID. Malaking halaga raw kasi ang nakalagay kaya naniniguro sila. Tinawagan pa nila ang may ari ng tseke at nang makumpirma ay binigay nila sa’kin ang limang balot ng tig-iisang libo na nagkakahalaga ng kalahating milyon. Hindi ko alam kung saan ilalagay kaya binigyan nila ako ng brown na envelope. Habang dala-dala ko ang pera ay mahigpit ko ‘yong yakap. Pakiramdam ko, buhat-buhat ko rin ang buhay ng anak ko. Bago sumakay ng jeep ay may nakita akong Barbie doll sa bangketa. Kinuha ko ang pitaka. Yakap ko pa rin ang envelope habang kumukuha ng trenta pesos para sa simpleng barbie doll. Kulot ang buhok nito, maganda ang gown na suot at may cute na sapatos. Matutuwa si Rafaela nito. Kahit gutom na at uhaw ay hindi ko na naisip na kumain. Sumakay na agad ako ng jeep pagkabili ng manika. Pagkatapos sa jeep ay bus naman papunta sa amin. Dalawang oras uli ang byahe at sasakay uli ng tricycle papunta sa hospital. Habang nasa biyahe ay ang anak ko lang ang iniisip ko. Dala ko na ang perang pang pa-opera niya. Ngayon pa lang ay iniisip ko nang sa susunod na buwan ay makakalaro na siya. Hindi na siya maiinggit habang nakadungaw sa bintana habang pinapanood ang mga batang naglalaro ng tumbang preso at tagu-taguan. Hindi na siya magtitiis sa munti niyang karton. Sa gitna ng pag-iisip ay biglang nag-ring ang cell phone ko. Unknown number ang nakalagay. Sinagot ko ‘yon. “Hello?” bungad ko. “Hello?” ulit ko dahil walang sumasagot. “Sinisuguro ko lang na hindi mo ‘ko iisahan,” saad sa kabilang linya. Sa boses pa lang ay kilala ko na. Napatingin na lang ako sa maliit na screen ng cell phone ko nang bigla niyang pinatay. Bumalik na naman ang kaba sa dibdib ko. Lalong humigpit ang yakap ko sa envelope na dala ko. Pagkarating sa hospital ay agad kong kinausap ang doktor ni Rafaela. Sinabi kong magbabayad na ako para sa operasyon ni Rafaela. Buo kong binayaran para wala ng maging problema. “Ihahanda na namin ngayon para maumpisahan na,” saad ng doktor. Hanggang bukas lang kasi maaaring maoperahan si Rafaela. Dahil kung hindi, baka sa susunod na atakihin siya sa puso ay hindi na siya makaligtas. “Salamat po, Doc,” magalang kong sabi. Tumango naman siya at umalis na. Bumalik ako sa kwarto ni Rafaela. Nadatnan ko roon si Mona na nakatulog sa monoblock na upuan. Nakayuko ang ulo sa gilid ng kama ni Rafaela. Saktong pagpasok ko ay nagising si Rafaela. “Momma,” tawag niya sa’kin. Nasa likod ko ang manikang binili ko kanina. Nahihilo na ako dahil sa gutom pero hindi ko na iniisip ‘yon. Nilapitan ko siya at hinalikan sa noo. “Saan po kayo galing?” tanong niya. “May inasikaso lang si Mommy. Para gumaling na ang baby ko,” nakangiting saad ko sa kaniya. Pero habang nakikita ko ang mga nakasaksak na aparatu sa dibdib niya at sa kamay ay naaawa ako. Kumikirot ang dibdib ko. Sana sa akin na lang binigay lahat ng nararamdaman niya. Sana ako na lang ang mahirapan at hindi siya. Pero alam kong matatag ang anak ko. Gagaling siya at makakapaglaro na. Iyon lang ang mahalaga sa akin. Nagising si Mona. “Nariyan ka na pala,” wika niya. “Kamusta ang lakad mo? Waley ba?” magkasunod niyang tanong. Imbes na sagutin siya ay inalis ko sa plastic ang kahon ng manika at nakangiting inabot ‘yon kay Rafaela. “Wow! Barbie!” nakangiting wika niya. Nagniningning ang mga mata niya habang hawak ang manikang binili ko. “Thank you, Momma,” wika niya kaya hinalikan ko siya sa pisngi. Humalik naman siya sa labi ko. “Nagustuhan mo?” tanong ko. Tumango siya. “Opo!” masiglang sagot niya. Kahit alam kong may masakit sa kaniya ay kayang-kaya niya ‘yong pagtakpan ng magagandang ngiti niya. Gano’n siya katapang at katatag. Alam kong kakayanin niya ang operasyong gagawin sa kaniya mamaya. Umupo ako sa gilid at pagod na bumuntong-hininga. “Ateng, ano’ng balita?” tanong ni Mona. “Nagkita ba kayo? Nakausap mo ba? Kinausap ka ba niya?” magkakasunod niyang tanong. Si Rafaela ay busy na sa manika niya. Tumango ako kaya napasinghap siya. “Nakahiram na ako ng pera at mamaya na ooperahan si Rafaela,” wika ko. “Talaga?” manghang tanong niya. “Anong sabi niya sa’yo? Paano ka nakahiram?” Magkasunod uli niyang tanong. “Wala. Basta na lang siyang nagsulat sa tseke ng kalahating milyon kahit wala pa akong sinasabi,” saad ko. “Ibig mong sabihin, gano’n lang kadali? Hindi ka ba niya sinigawan o ano?” magkasunod na naman niyang tanong. Umiling ako. “Iyon nga ang inaasahan ko e. Dahil alam kong galit siya sa’kin. Pero wala,” wika ko. “As in, wala?!” manghang tanong niya. “Pinapirma niya lang ako sa blankong papel. Pinalagay din ang number ko,” saad ko. Muli siyang napasinghap. “Hala, Ateng! Baka ipapahanap ka niya,” saad ni Mona. Hindi naman siguro. Hindi ko naman siya tatakbuhan. Magbabayad ako. “Sinisiguro niya lang na hindi ko siya tatakbuhan,” “Gano’n?” “So, papaano mo siya babayaran? E… pagkatapos ng operasyon nitong si Baby ganda e, siguradong may mga reseta pa ‘tong mga gamot,” saad niya. Kaya nga. Tiyak na hindi pa matatapos ang gastusin kahit makalabas na kami ng hospital. “Hahanap ako ng iba pang raket pang dagdag. Hindi ko pa alam kung papaano ko babayaran si Raevan,” pagod kong saad. Magbabayad ako pero hindi ko alam saan huhugot. Kahit siguro buuin ko ang isang buwang kita ko, sobrang liit lang ng bawas no’n sa kalahating milyon. “Basta ang mahalaga ngayon, gumaling ang anak ko,” dugtong ko at napatango siya. “May alam akong raket,” saad niya kaya interesado ko siyang nilingon. “Saan?” tanong ko. “Doon sa nililinisan mong bahay… iyong kapitbahay no’n. ‘Yong sinasabi ko sa’yong pogi?” saad niya. “Tapos?” tanong ko. Hindi ako interesado sa pogi. Trabaho ang hanap ko at hindi boyfriend. “Naghahanap ng labandera. 350 daw ang sweldo bawat laba. Ano kunin mo?” wika niya kaya agad akong tumango. Sayang din ‘yon. “O, sige. Sabihan ko agad ‘yong kapatid niya bukas,” saad niya. “Salamat, Mona,” “Ay sus, wala ‘yon. Maliit na tulong lang ‘yan. Saka, hindi na kayo iba sa akin,” nakangiting saad niya. Ang laki talaga ng pasalamat ko at kasama ko si Mona. Hindi ko alam kung kakayanin naming mag-ina ng wala siya. Mula noong pinalayas ako, siya na ang tumulong sa’kin. Hanggang ngayon ay siya pa rin. Biglang nag-ring ang phone ko. Sinagot ko ‘yon kahit unknown number. “Where are you? Ipapasundo kita mamayang 9pm,” deretsong saad niya. Hindi man lang marunong mag-hello. Derekta niya agad sinasabi ang gusto niyang sabihin. Ibang-iba na talaga siya ngayon. “Sino ‘yan?” bulong ni Mona sa tabi ko. “Pwede bang bukas na?” tanong ko. Ooperahan si Rafaela mamaya kaya dapat nandito ako. “Binabali mo na ba ang kontrata?” tanong niya. Kontrata? E, pinapirma niya lang ako sa blankong papel kanina. “Hindi naman sa gano’n. Ite-text ko na lang kung saan,” wika ko dahil ayokong magsimula ng away. Ayoko ring uminit ang ulo niya dahil may malaking utang ako sa kaniya. “Good,” saad niya at binaba agad ang tawag. Ni hindi rin marunong mag-goodbye. “Si Raevan,” saad ko kay Mona. Nanlaki naman ang mga mata niya. “Anong sabi?” tanong niya. “Susunduin daw ako mamaya,” wika ko. Gusto kong ligtas muna ang anak ko bago ko i-text ang address kung saan ako susunduin. Bahala ng magalit siya sa’kin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD