Chapter 6

2290 Words
Chapter 6 Binuksan niya ang pinto sa passenger seat ng kaniyang mamahalin at magarang sports car. Kaya pala mabilis siyang nakarating dahil ganito ang sasakyang ginamit niya. Kulay itim at sobrang kintab. Paitaas pa kung buksan ang pinto kaya talagang nakakamangha. Sige pa rin sa pagkuha ng litrato ang mga tao sa kaniya na akala mo’y isa siyang Hollywood star. Kahit na nakasimangot siya at mukhang naiinis dahil sa paghihintay at pagsundo sa’kin ay hinahangaan pa rin siya sa angkin niyang itsura at tindig. Humihiyaw pa sa karangyaan ang angkin niyang charisma. Sabi niya kanina ay ipapasundo niya ako. Nainis ko yata siya ng sobra dahil pinatayan ko siya ng tawag. Kaya siya na mismo ang sumundo sa’kin. Pagkasara ng pinto ay umikot siya para sumakay sa driver seat. Sobrang tinted ng salamin ng sasakyan kaya hindi ako nakikita. Pero ang mga tao ay pinipilit na tumitig sa salamin para lang makita ang nasa loob. Dito sa loob ay napakabango. Naghahalo ang amoy ni Raevan dito at ang sariling perfume ng sasakyan. Malinis na malinis din at mukhang alaga sa car wash. Dalawang upuan lang ang kotse na ‘to at wala ng mauupuan sa likod. Pero natitiyak kong mabilis ang takbo nito. Agad kong hinanap ang seatbelt sa takot na baka sa kabilang buhay ako makarating kapag tumakbo na ang sasakyang ‘to. Napa-sign of the cross pa ako matapos ikabit ang dalawang seatbelt. Kaya siguro dalawa ang seatbelt dahil delikado sumakay dito. “Nakakatakot po, Diyos ko,” bulong ko sa isip at kumapit na sa lahat ng makakapitan. Sumakay siya sa driver seat ng nakasimangot pa rin. Tiim ang bagang at hindi ko alam kung dahil ba sa akin o dahil sa mga taong nakapaligid sa labas. Sinulyapan niya muna ako at napaupo ako ng tuwid. Mabagsik ang mga titig niya. Nakakatakot talaga. Sa sobrang bait ni Daddy Rafael at ni Mommy Vanessa ay maiisipan mong ampon itong si Raevan. Mabuti na lang talaga at kamukha niya ang Daddy at Lolo niya kaya Gomez talaga siya. Nagsuot siya ng seatbelt at binuhay ang makina. Bumukas ang ilaw ng sasakyan kaya kita ang dami ng mga tao. Hindi pa rin sila umaalis. Malakas niyang pinindot ng dalawang beses ang busina kaya napaigtad ang mga ‘to sa gulat. Napahawak ako ng mahigpit sa upuan at sa hawakan sa taas nang apakan niya ang gas ng sasakyan. Ang ganda ng tunog pero halatang sa kabilang buhay nga ang tungo nito. Pumikit ako ng mariin at nagdasal sa isip. “Diyos ko, patawarin niyo po sana ako sa mga kasalanang ginawa ko. Nais ko pa pong mabuhay para sa anak kong si Rafaela.” “What are you doing?” tanong niya kaya napamulat ako ng mata. Hindi pa pala kami umaandar. “W-Wala,” nauutal kong sagot at umayos uli ng upo. Nakita kong ginalaw niya ‘yong matigas na bakal na may bilog sa itaas para makaandar. Nasa gitna namin ‘yon. Hindi ko alam kung anong tawag doon pero alam kong ginagamit ‘yon kapag paandarin ang kotse. Kambyo yata ang tawag doon. Hindi ko sigurado. At siya na ngang tunay. Umaandar na kami. Gumilid naman ang mga tao. Niliko niya ang kotse para makadaan kami sa highway. At nang umapak ang gulong ng kotse sa kalsada ay mahigpit akong humawak sa kahit na saang mahahawakan ko. “D-Dahan-dahanin mo lang,” nauutal kong saad sa kaniya. Nilingon niya ako ng walang expression ang mukha. Nakita ko pa ang mayabang niyang ngisi nang makita ang reaksyon ko. Nakikita ko kung paano niya lagpasan ng mabilis ang mga tricycle, truck, van at ibang single na motor sa kalsada. Sa sobrang bilis ay gusto ko nang maiyak sa takot. Akala mo’y nakikipagkarera siya sa gawi ng pagmamaneho niya. Lalo na doon sa sharp curve. May babala doong slowdown pero… “Panginoon!” malakas kong sigaw nang mabilis niyang niliko ang sasakyan. Drift yata ang tawag doon. Drift to death. Iyon ang mas bagay na itawag doon. Taas baba ang dibdib ko sa sobrang takot. Tapos heto na naman ang isang sharp curve. “Raevan!” malakas kong tawag sa kaniya. Hindi ba siya marunong magbasa ng slowdown? Malalagutan ako ng hininga nito e. “Relax,” mayabang niyang sabi. Mabagsik ko siyang tinignan. “Mamamatay ako sa’yo e!” hindi ko na mapigilan ang sariling singhalan siya. Tumawa naman siya na parang kaibigan ni Satanas. Mabilis pa rin ang takbo namin. Natawag ko na lahat ng santo para lang sana safe kaming makarating. Lalo pa at kasama ko itong demonyong ito. Gustong-gusto pa na natatakot ako. Hanggang sa may nakasunod na sa aming pulis. “Here we go again,” tinatamad niyang saad at mukhang hindi kinakabahan sa nakabuntot sa aming pulis. Lalo pang nakadagdag sa nerbyos ko ang nakabuntot na motor ng pulis. Namumutla na yata ako dito sa kinauupuan samantalang itong kasama ko, nabubwesit pa. Hininto niya sa gilid ng kalsada ang sasakyan. “Hindi tayo mamamatay sa sobrang bilis mong magpatakbo. Mahuhuli naman tayo,” tila paninermon ko sa kaniya. “Pinapagalitan mo ba ‘ko?” masungit niyang tanong sa akin. Heto na naman ang nakakatakot niyang titig. Agad akong umiling. “H-Hindi,” mabilis at nauutal kong sagot sa kaniya. Huminto ang motor sa likuran namin. Bumaba doon ang pulis. Hindi ko na alam kung anong dasal pa ang gagawin ko. Baka sa kulungan na ako dalawin ng anak ko pagkatapos nito. Binaba niya ang salamin ng bintana. “Magandang gabi po, Ser,” wika ng pulis at pinasadahan kami. Tumango pa siya sa’kin pero ni ngumiti ng peke ay hindi ko magawa dahil sa nerbyos. “Alam niyo po bang over speeding kayo?” Magalang na tanong ng pulis sa kaniya. Nilabas ni Raevan ang license niya at inabot sa pulis. Nagulat ang pulis pagkakita pa lang ng lisensya niya. “Paumanhin po, Ser,” hinging paumanhin niya at binalik kay Raevan ang license. “Pasensiya na po sa abala, Ma’am,” dagdag niya pa. Nabigla naman ako sa biglaang pagbabago ng reaksyon ng pulis. Tinaas uli ni Raevan ang salamin ng bintana at pinaandar ang sasakyan ng hindi nagpapaalam sa pulis. Nakakabastos ang pinakita niyang pag-uugali. Hindi naman siya ganito dati. Natahimik ako. Ako pala ang may gawa nito sa kaniya. Hindi ko rin masabi sa kaniya ang mga dahilan ko dahil hangga’t maaari, gusto ko na lang na ilihim ‘yon. Ayokong ng alalahanin pa ang mga nakaraan ko dahil ikinakahiya ko ‘yon. Buong buhay ko, sinusumpa ako ng mga kamag-anak ko. Buong buhay ko, isa akong kahihiyan. Tinanim ng panahon sa pagkato ko na kriminal ako. Na magnanakaw ako. Kasi gano’n akong lumaki e. Pagod na akong mahusgahan. Ang tungkol sa anak namin, hangga’t maaari ay ayoko munang banggitin. Lalo na at ganito ang sitwasyon namin ngayon. At sa itsura pa lang ni Raevan, baka kunin niya pa ang anak ko sa akin. Nakita ko kanina kung paano nagbago ang expression ng pulis nang mabasa ang pangalan niya sa lisensya. Ibig sabihin no’n ay talagang kilala siya at kinatatakutan? Sa angking yaman ng pamilya nila at estado sa buhay, malamang na marami na ang nakakakilala sa kaniya. Sikat na sikat siya at bilyonaryo pa. Mabilis lang niyang makukuha ang anak ko sa’kin. Kahit nakakatakot ang bilis ng sasakyan ay naging tahimik na lang ako sa byahe. Napakarami kong malulungkot na pangyayari sa buhay na gusto ko ng makalimutan. Lalo na noong pinalayas ako sa amin. ‘Yong mga pangungutya sa akin ng mga bata sa amin noong bata pa ako hanggang sa mag-high school ako. “Magna! Magna! Magna!” tuwing lalabas ako ng bahay ay may maririnig akong ganito sa mga bata kapag nakikita nila ako. Pagbubulungan pa ako ng mga kapitbahay namin. Bata pa ako noon noong namatay si Papa. Si Mama na ang naghahanap-buhay para sa amin ng kapatid ko. Pero palagi ko siyang binibigyan ng sakit sa ulo. Naaawa ako sa kaniya pero hindi ko kayang labanan ang mga malilikot kong kamay. Wala na nga akong naitutulong, palagi ko pa siyang binibigyan ng konsumisyon. “Vivien!?” Tawag niya sa akin. Mula sa paggawa ng assignment sa sala ay magalang akong sumagot at tumayo para tumungo sa kusina. “Po?” Nakita ko siyang nilapag niya ang bilao ng mga natirang gulay sa lamesa. Iyon kasi ang ginagawa ni Mama para kumita ng pera. Maglalako siya ng gulay sa mga kabahayan na siyang kinukuha namin sa tanim namin sa likod-bahay. Pagod itong nag-alis ng bimpo sa ulo at ginawang pamunas sa leeg at noo niyang pawisan. Halata ang pagod niya. Pero mukhang may nabalitaan na naman siyang hindi maganda. “Ano na naman itong nabalitaan ko kila Aling Marta? Ninakaw mo raw ‘yong kwintas ng apo niya,” pagod at galit nitong tanong sa’kin. Sasagot sana ako kaso… “Ano ba naman ‘yan, Vivien? Maawa ka naman sa akin. Tignan mo ngang hindi na ako magkanda-ugaga sa pagbebenta para lang may pangkain tayo sa araw-araw. Tapos ito na naman ngayon, panibago na naman! Hindi pa nga ako nangangalahati sa ninakaw mong relo ng teacher mo,” pagod niyang reklamo at pabagsak na umupo at napahilot sa sintido. “Sorry po, Ma,” halos pabulong kong sabi. “Sorry na naman? Nababayaran ba ng sorry mo ang mga ninakaw mo?” “Mabuti kung binabalik mo sa kanila,” saad ni Mama. Naibabalik ko pa ang iba pero ang iba ay binibenta ko para makatulong kay Mama dahil nakikita kong nahihirapan na siya. Pero mas nakakadagdag lang pala ako. Ang iba kasi ay binibili ko ng mga gusto ko. Hindi ko maiwasan talaga kahit kinakain na ako ng konsensya ko. Hindi na lang ako nagsalita. “Napapagod na ako, Vivien,” wika ni Mama kaya naaawa ko siyang nilingon. “Pagod na pagod na ang katawan ko pati ang isip ko,” “Maawa ka naman!” napaigtad ako nang pinalo niya ang lamesa at nagsitalunan ang mga kamatis sa ibabaw ng bilao. “Wala ka ng ginawang tama dito sa bahay,” dagdag pa ng kapatid kong kadarating lang nang masilayan niya si Mama. Mukha siyang galing sa galaan dahil sa ayos niya. “Mabuti pa itong si Lilybeth, hindi ako binibigyan ng sakit sa ulo,” wika ni Mama kaya ngumiti ang kapatid ko. Hindi na lang ako umimik at bumalik na lang sa sala para tapusin ang assignment ko. “Ano na naman ang ninakaw niya, Ma?” rinig kong tanong ng kapatid ko. “Kwintas ng apo ni Aling Marta,” pagod na sagot ni Mama. “Bakit hindi niyo pa kasi palayasin ang babaeng ‘yan? Puro na lang kahihiyan ang mga dinadala niya dito sa bahay. Kahit mga kaibigan ko, pinag-iisipan na rin akong magnanakaw,” pasakdal niyang wika kay Mama. Humigpit ang hawak ko sa ball pen. Naninikip ang dibdib ko at parang may batong nakabara sa lalamunan. Wala na akong ginawang tama sa pamilyang ‘to. Binitawan ko ang ball pen at pinagmasdan ang mga palad. “Malilikot na kamay,” bulalas ko sa kanila. “Oo. Malilikot talaga sila. Kung ano-anong kinukuha!” wika ni Ate sa likuran ko at saka ako inirapan at padabog na naglakad patungong kwarto. Tahimik na lang akong umiyak sa habang gumagawa ng assignment. Ayokong maging ganoon din si Raevan sa akin. Ayoko ring malaman ng anak ko. Dahil baka kapag nalaman nila, layuan nila ako at ikahiya rin tulad ng pamilya ko. Hindi ko na namalayang nakarating na pala kami sa bahay niya. Naging bahay ko rin ito noong nagsasama pa lang kami. Tahimik akong bumaba sa sasakyan at pinasadahan ang malaking bahay. Bahay na dati ko ring pinagnakawan. Hindi ko na mabilang kung ilang bahay na ang ninakawan ko. At ngayon, inutangan ko pa ang isa sa mga ninakawan ko. Nakokonsensya ako pero wala akong ibang pagpipilian. Kaya nga pagkatapos nito, babalik kami sa dati ni Rafaela. Ayoko na ng gulo. Pinagbuksan kami ng pinto ng isa sa mga kasambahay niya. Pumasok naman ako ng nakasunod sa kaniya. “In my room,” saad niya kaya nagulat ako. Mabilis ko siyang nilingon. Room? Bakit doon? “Doon ba ako maglilinis?” tanong ko. Iniisip ko na ang sinabi ni Mona sa akin na gagawin akong taga-linis. Wala na namang emosyon ang mukha niya habang nakatunghay sa akin. “Go to my room. I don’t want to say it again,” mariin niyang saad kaya agad akong naglakad paakyat sa hagdanan. Bakit sa kwarto niya? Paglingon ko sa kaniya ay nasa likuran ko na siya nakasunod! Binilisan ko ang paghakbang ko at agad pinihit ang doorknob ng kwarto niya. Madilim kaya binuksan ko ang ilaw. “Get inside,” bulong niya sa likuran ko kaya halos mapatalon ako sa kinatatayuan at pumasok sa loob. Nakita ko siyang naghubad ng coat at umupo sa malaking kama. Tinitigan ako kaya napalunok ako. “Take off your clothes,” utos niya. Nagulat ako at tila nanlamig sa narinig. Ito na ba ang unang bayad sa kalahating milyon kong inutang? Napalunok ako ng sunod-sunod. Wala akong nabasa sa kontratang pinirmahan ko dahil walang nakasaad doon. Blanko ‘yon. Kaya hindi ko alam kung kasali ba ‘to sa pinag-usapan. Oo. Mag-asawa kami dati pero ibang usapan na ang hinihingi niya sa’kin ngayon. Pero sabi niya ay sundin daw lahat ng gusto niya. Napuno na ng takot ang dibdib ko. Paano kung hindi lang ito ang gusto niyang gawin ko? Hindi ako nagmakaawa sa kaniyang tulungan niya ako pero parang gano’n na rin ‘yon. Wala akong ibang mapupuntahan at mapagkukuhanan ng ganoong kalaking halaga kaya parang ganoon na nga. Siya lang ang tanging nakatulong sa akin. Nagamit ko na nga ang pera e.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD