CHAPTER 3

3783 Words
Chapter 3 Kinabukasan ay himala na maaga akong pumasok sa paaralan. 8:15 ng umaga ay nasa harapan na ako ng gate at papasok na. Nagtaka naman ako na hindi bumungad sa akin ang guwardya na palaging nang-iinis sa akin. Nagtuloy-tuloy na akong pumasok sa loob ng school at ipinagkibit ko na lang ng balikat ang napansin ko. Habang naglalakad ako ay napansin ko ang isang pamilyar na bulto na nakatayo sa tuktok ng hagdan. Nakatayo siya malapit sa Clinic ng school. Gusto ko na rin namang makapag-move up dahil pagod na pagod na ako sa mga hagdan na kailangan kong daanan bago makarating sa classroom ko. Bakit ba kasi hindi sila magpalagay ng escalator para mas mapagaan ang buhay naming lahat? “Decyrie,” bati niya sa akin nang papalapit na ako sa kaniya. Nakauniporme siya at malinis naman siyang tingnan. “Sabay na tayong pumasok. Kanina pa kaya kita hinihintay.” Sabay na kaming naglakad dahil iisa lang naman kami ng classroom. “Anong trip mo? Hindi ko naman sinabing hintayin mo ako. Isa pa, hindi tayo close,” inis na ani ko. Tumawa si Reymel. “Oo nga, wala ka ngang sinabi. Pero ako na ang nag-insist. Hindi pa tayo magkaibigan, alam ko. Ito nga ang way ko para mag-offer ng friendship, eh.” Napaisip naman ako sandali. Sa sampung taon na nag-aaral ako, wala akong kaibigan na nagtagal. Nagkaroon ako ng kausap at kasama dati ngunit lahat sila ay hindi nakatagal sa pag-uugali ko. Hindi ko naman ipagkakaila na hindi ako mabuting kaibigan pero masakit pa rin talaga kapag nag-assume ka na tatagal sila pero bigla namang nawala kaagad. Masakit din para sa ‘kin kasi kaibigan ‘yong turing ko sa kanila tapos iniwan nila ako. “Hindi ko naman kailangan ng kaibigan,” sagot ko. Patuloy pa rin kaming naglalakad patungo sa classroom namin. May mangilan-ngilan pa akong nakikita na mga estudyante na pagala-gala. “Kaya ko namang mabuhay kahit walang kaibigan.” “Tss,” singhal niya. “Sinasabi mo lang ‘yan kasi hindi mo pa naman naranasan magkaroon ng kaibigan. Promise, kapag naging kaibigan mo ko, hindi mo na ‘yan maiisip.” At saka niya ako kinurot sa pisngi. Sinamaan ko siya ng tingin habang hinihimas ko ang kanang pisngi ko. Ang kapal naman ng mukha nitong hawakan ako. Tuluyan na kaming nakarating sa classroom at nakita naming nag-uumpisa na sa pagtuturo si Mrs. Usmenya. Tahimik naman na nakikinig ang mga kaklase ko. Kamalas-malasan nga lang na napunta sa bintana ang paningin ni Sofia at saka siya bumulong sa mga kaklase namin. Nagsimula na silang magbulungan at halatang pinag-uusapan kami. Halata sa mga mukha nila ang pagtataka at pagkaka-kuryoso kung bakit kami magkasama ni Reymel. “Ang pagkuha rito ay—” Napahinto sa pagsasalita si Mrs. Usmenya dahil napansin niya na wala sa kaniya ang atensyon ng mga kaklase ko. Napunta ang paningin niya sa bintana at napahinga na lang siya nang malalim. “Bakit ka pa kasi sumabay sa ‘kin?” bugnot na tanong ko sa katabi. Naglakad na ako papasok sa classroom at diretsong umupo sa upuan ko. Ganoon din ang ginawa ni Reymel. Nakasunod ang mga mata ng kaklase namin sa galaw naming dalawa. Kung makatingin sila ay akala mo may shooting ng pelikula. “Mr. Reyes, stand up,” biglang utos ni Mrs. Usmenya. Napabaling naman ako kay Reymel na kauupo pa lang sa upuan niya. Nasa kabilang banda siya ng classroom kaya malayo kami sa isa’t isa. Nakaupo siya sa 2nd row, sa tabi ng bintana. Dahan-dahang tumayo si Reymel. Nakayuko siya habang pinaglalaruan ang kamay niya na nakapatong sa ibabaw ng sandalan ng upuan na nasa harapan niya. Bigla namang tumahimik ang buong klase. Diretso ang tingin ni Mrs. Usmenya kay Reymel. “Why are you late, Mr. Reyes?” kalmadong tanong ni Mrs. Usmenya. Nanatili namang nakayuko si Reymel at hindi umiimik. “Tinatanong kita!” biglang sigaw niya kaya muntik pang mapasigaw ang mga kaklase ko nang dahil sa gulat. “If I ask you, answer me immediately. Now, why are you late?” Dahan-dahan ang ginawang pagtingin ni Reymel kay Mrs. Usmenya na nagtitimpi lang ngayon. Nakatayo si Mrs. Usmenya sa gilid ng lamesa. Tumaas ang kilay niya kay Reymel, naghihintay sa sagot nito. “K-Kasi po… kasi po hinintay ko pa na pumasok si Decyrie,” medyo mahina na sagot ni Reymel ngunit dinig naming lahat. Napatingin kaagad sa ‘kin ang mga kaklase ko. Kanina pa nila kami pinag-uusapan kaya kinumpirma lang ng sagot ni Reymel na tama ang mga hinala nila. Nakita ko ang pag-irap ni Sofia sa akin. Wala talagang araw na hindi niya ako iniirapan. Kapag nagagawi ang paningin ko sa kaniya, nakairap siya palagi. Kasalanan ko bang mas maganda ako sa kaniya? Napabaling naman sa akin si Mrs. Usmenya at saka siya napaismid. “At bakit mo siya hinintay, Mr. Reyes?” Sabay baling niya ulit kay Reymel. “Hindi mo ba alam na palagi siyang nahuhuli sa klase? Gusto mo bang ipatawag ko ang mga magulang mo?” Nakita ko ang paglunok ni Reymel. “A-Alam ko po. N-Nililigawan ko po kasi siya kaya hinintay ko siya.” Lahat ng kaklase ko ay nanlaki ang mga mata at ang iba sa kanila ay halos malaglag na ang panga nang dahil sa gulat. Maski ako ay napakunot ng noo nang dahil sa narinig ko. Sabay-sabay pa na nang-asar ang mga kaklase ko kaya lalo lang akong nainis. Karamihan pa sa kanila ay naga-“ayie”. Mga mai-issue. Hindi kami magkaibigan ni Reymel at mas lalong hindi kami close. Kung tutuusin, kahapon ang unang beses na nagkausap kaming dalawa. Ni minsan ay hindi pa kami nagkausap kung hindi tungkol sa mga projects at activities. Hindi rin kami magkatabi ng upuan kaya walang dahilan para magkausap kami. Tapos sasabihin niya ngayon sa klase na nililigawan niya ako? Ang Mathematics teacher namin ay nagulantang din sa narinig niya mula kay Reymel. “Tama ba ang pagkakarinig ko, Mr. Reyes? Nililigawan mo si Ms. Acibar?” pagkukumpirma ni Mrs. Usmenya. Tumango si Reymel. “Opo.” Napunta naman sa akin ang paningin ni Mrs. Usmenya at saka ako sinuyod ng tingin. Ibinalik niyang muli ang paningin kay Reymel. “Ano naman ang nakita mo kay Acibar para magustuhan mo? At saka sigurado ka na ba sa desisyon mo? Puwede ka pa namang umatras.” Nagtawanan ang mga kaklase ko nang dahil sa sinabi ni Ma’am. I didn’t laugh with them because I didn’t find it funny. If it was a joke, she sucks at joking. Jokes are supposed to be funny but hers wasn’t. Natawa nang bahagya si Reymel bago sumagot. “Kahit ano pa po ang ugali ni Decyrie, sigurado na po ako sa nararamdaman ko para sa kaniya. Hindi man po siya kasing bait at kasing galang ng iba, siya po talaga ‘yong gusto ko.” “Yieeee!” “Sana all na lang!” “When kaya may manliligaw sa ‘kin?” Sabay-sabay na sabi ng mga kaklase ko. May napapatili pa at napapahawak sa kanilang pisngi nang dahil yata sa sobrang kilig. “Silence!” sigaw ni Mrs. Usmenya. Dali-dali naman silang pumirmi sa kanilang mga upuan. “Kung sure ka na talaga tungkol diyan, wala na akong magagawa. Basta, huwag ka na lang gumaya sa kaniya na late kung pumasok sa paaralan. Maigi nang masira ang kinabukasan niya, ‘wag lang ang sa ‘yo. Nakikitaan pa naman kita ng pagpu-pursige sa pag-aaral.” Ngumiti naman si Reymel. “Thanks po, Ma’am,” sagot niya. Tumango si Ma’am. “You may now seat.” Umupo na si Reymel. Natahimik na rin naman ang mga kaklase ko. Hindi ko maintindihan sa kanila kung bakit ba kilig na kilig sila kahit hindi naman dapat. Hindi nakakatuwa ang mga nangyayari ngayon. “Okay, let us continue our discussion about the…” Hindi na ako pinuna ni Ma’am sa pagiging late ko ngayon. Nagtuloy na siya kaagad sa pagtuturo ng lesson namin sa araw na ‘to. Nang matapos ang klase namin sa Math ay lumipat na kami ng upuan. Katabi ko na naman si Sofia sa subject na ‘to kaya expected na makakarinig na naman ako ng comment galing sa kaniya. Parang hindi buo ang araw niya kapag hindi niya ako pinaparinggan. Kapag sinagot naman siya ay wala na siyang maibatong salita. Kauupo pa lang namin ay pinaulanan na niya ako kaagad ng mga salita. “May gana pa talagang magpaligaw. Eww! Kung ako ang pabaya sa pag-aaral tapos nanligaw sa ‘kin si Reymel, hindi ko siya papayagan. Syempre aayusin ko—” “Eh ang kaso hindi ikaw ang niligawan. Sorry ka na lang kasi ‘yong lalaking tinutukoy mo ay ako ang nililigawan. Kung inggit ka, puwede ko namang sabihin kay Reymel na ikaw na lang ang ligawan imbis na ako.” At saka ko siya nilingon. Nakaawang ang kulay pink niyang labi habang nanlalaki ang mga mata na nakatingin sa ‘kin. “What? Did I hit the bull’s eye?” Inayos niya ang ekspresyon ng kaniyang mukha at saka siya taas noo na nakipagtitigan sa akin. “Hindi ako inggit sa ’yo. Naaawa lang ako kay Reymel dahil sa isang kagaya mo pa siya mapupunta. Hindi bagay sa kaniya ang babae na kagaya mo na walang ibang ginawa kundi bigyan ng problema ang mga tao na nasa paligid niya.” Ngumuso ako at saka kunwaring nalungkot. “Ah, gano’n ba? So kanino pala siya nababagay? Sa ’yo?” malungkot ang boses na tugon ko. Unti-unti akong ngumisi at saka malakas na tumawa. “Oh, come on, Sofia! Sa ’yo ba siya bagay? Well, sorry to burst your bubbles but he is not for you. Ako nga ang niligawan, ‘di ba?” Pansin ko ang pagdami ng mga mata na nasa amin ngayon kaya ikinalma ko ang sarili ko. Bakit ba lahat na lang ng tao na nasa paligid ko ay pilit na sinisira ang araw ko? Puwede naman silang manahimik na lang at huwag akong idamay sa mga walang kuwenta nilang buhay. Hindi naman mapakali si Sofia habang tingin nang tingin sa paligid namin. Naco-conscious na siguro siya nang dahil sa pinagsasasabi niya. Kung ako lang naman, wala naman akong pakialam sa magiging opinyon ng iba dahil wala akong pakialam sa kanila. Sa lagay naman ni Sofia, alam kong nababahala siya sa kung ano ang magiging tingin ng ibang tao sa kaniya. May image siya na pinapangalagaan kaya alam kong isang pagkakamali niya lang ay may issue na kaagad na kakalat patungkol sa kaniya. Masasayang ang perfect image niya bilang isang matalino at mabait na honor student. “Totoo ba talaga na nililigawan ka na ni Reymel, Decyrie?” pakikiusyoso ni Juliebee. Nasa kanan ko siya. Katatapos lang ng pangalawang subject namin. Pagkatapos ng subject na ‘to ay break time na namin. Puwede na akong makawala sa mga pang-uusisa nila sa ‘kin. Ang sakit sa tainga ng mga bulungan nila. Para silang mga bubuyog na nagpupumilit pumasok sa tainga ko. “Wow! Kailan ka pala niya niligawan kung gano’n?” usisa naman ni Kim. Nasa kaliwa ko siya. Mga kaklase ko sila na hindi ko man palaging nakakausap ngunit kapag nakatabi ko na ay hindi ako tinitigilan sa pagdadaldal nila. Parang kahit sino ay kinakausap nila, wala silang pinipili. Kahit ‘yong pinakatahimik naming kaklase ay nagagawa nilang paingayin. Bumuntonghininga ako. “Hindi ako nililigawan ni Reymel.” Walang dahilan para hindi ko sagutin ang mga tanong nila. Mas maguguluhan lang sila kung tatahimik lang ako. “Eh bakit sinabi niya ‘yon kanina?” nagtatakang tanong ni Juliebee. Inayos ko ang buhok ko at saka ako sumandal sa upuan ko. “Ewan ko. Ginawa niya lang ‘yon na excuse para mapagtakpan ang pagiging late niya. Hindi naman kami close at hindi nga kami nag-uusap kaya papaanong nililigawan niya ako?” Hinampas ako ni Kim sa balikat. “Sus! Baka idini-deny mo lang? Narinig namin kanina ‘yong sagutan niyo ni Sofia kaya hindi mo na kailangang i-deny. Hindi naman masama na nililigawan ka niya dahil bagay naman kayo.” Umirap ako. “Kung ayaw niyong maniwala, edi ‘wag! Sinasagot ko lang naman nang maayos ‘yong mga tanong niyo.” Hindi na sila nakasagot dahil dumating na ang teacher namin sa ikatlong subject. Mabait naman ang teacher na ‘to kaya nakinig ako sa discussion niya. Wala rin naman akong ibang magagawa kundi ‘yon lang. Kaysa naman makipagtitigan at makipagdaldalan ako sa mga katabi ko na walang ibang alam gawin kundi ungkatin ang buhay ng ibang tao. Nang matapos ang klase ay inilipat ko na muna ang bag ko sa assigned seat ko para sa susunod na subject bago ako naglakad palabas sa classroom. Plano ko kasi na bumili sa canteen dahil hindi na ako nakapag-agahan kanina. Iniisip ko kasi ang mga kapatid ko na palaging nahuhuli sa klase nila nang dahil sa ‘kin. Kalalabas ko pa lang mula sa classroom namin ay narinig ko na kaagad ang boses ni Reymel na nanggaling sa likuran ko. “Decyrie!” tawag niya. “Hintayin mo ako. Sabay na tayo.” Hindi ako lumingon, o ni ang tumigil sa paglalakad ay hindi ko ginawa. Nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad palabas sa building namin ngunit hinabol niya ako. Nang makahabol siya ay pumunta siya sa harapan ko kaya naman napahinto ako sa paglalakad. Napapatingin naman ang ibang mga estudyante na nakakakita sa ‘min. Hinahabol niya ang hininga niya habang nakatayo sa harapan ko. “B-Bakit ba hindi mo ako pinapansin? Hindi ka naman ganiyan kanina nang papasok pa lang tayo sa classroom.” Huminga siya nang malalim at saka tumuwid sa pagkakatayo. Napakagat siya sa kaniyang labi. “Galit ka ba? May nagawa ba akong—” Mapakla akong tumawa. “What do you expect me to feel after you declared to everyone that you are courting me? Alam natin parehas na hindi mo ako nililigawan, Reymel. Hindi mo naman ‘yon kailangang sabihin kay Mrs. Usmenya para lang matakasan mo ‘yong pagka-late mo. Idinawit mo na nga ako sa dahilan mo, gumawa ka pa ng kuwento.” Gumalaw ang kaniyang Adam’s apple at saka siya nagbaba ng tingin. “Hindi pa ba obvious na nanliligaw ako sa ‘yo? Hinintay kita kahapon sa labas ng Faculty kasi nag-aalala ako sa ‘yo. Hinintay kita kanina kasi gusto ko na ako ‘yong una mong makikita bago ka pumasok sa classroom natin. Hindi ko sinabing manliligaw ako kasi gusto kong iparamdam sa ‘yo.” Seryoso ang kaniyang mukha habang nasa ibaba pa rin ang paningin. Napailing-iling ako. “Ang bilis naman yata ng pace mo, Reymel. Saglit na panahon pa lang tayong nakapag-usap, imposible namang magustuhan mo na ako kaagad.” Hindi ko talaga mapaniwalaan na ganoon kabilis niya akong nagustuhan. Seryoso ang kaniyang ekspresyon nang mag-angat siya ng paningin. Saglit siyang tumingin sa mga taong dumaraan sa gilid namin bago siya nagbalik ng paningin sa ‘kin. “Matagal na kitang g-gusto, Decyrie. Ngayon lang talaga ako nagkaroon ng lakas ng loob para lumapit at umamin sa ‘yo. Simula pa lang no’ng first quarter ay hinahangaan na kita. H-Hindi ko lang nga inasahan na magiging ganito kalalim ang nararamdaman ko para sa ‘yo.” Ramdam ko na sincere siya sa binitawan niyang mga salita ngunit hindi ko pa rin talaga nakikitaan ‘yon ng matibay na rason para hayaan ko siya. Hindi ako ‘yong tipo ng tao na basta-basta nagpapapasok sa buhay ko dahil mahihirapan ako kapag bigla silang nawala. Hindi ako natatakot pumasok sa relasyon. Hindi ako natatakot na sumubok ng panibagong karanasan. Pero natatakot ako sa kahahantungan at kahihinatnan ng magiging mga desisyon ko. “Hindi ko naman hinihintay na sumagot ka kaagad. Gusto ko lang na iparamdam sa ‘yo kung gaano kita kagusto. Gusto ko lang maramdaman mo ‘yong nararamdaman ko para sa ‘yo. Hindi mo rin kailangang ma-pressure o pag-isipan kaagad kasi handa naman akong maghintay. Kung ikaw ‘yong hihintayin ko, kahit gaano pa katagal, hihintayin kita. Hihintayin ko kung kailan ka magiging handa.” Ngumiti siya ngunit mababakas pa rin sa mukha niya ang kaseryosohan niya. Hindi ko alam kung anong nagtulak sa ‘kin at pumayag ako. Hindi ko man sinabi ‘yon sa kaniya ngunit ang hindi ko pagtutol ay ang sagot sa mga sinabi niya. Hindi ako tumutol dahil gusto ko rin namang subukan. Gusto kong malaman kung ano ang pakiramdam. Sinabi ko na hindi ko kailangan ang ibang tao para sumaya ngunit may puwang sa puso ko na naghahanap ng pagmamahal ng ibang tao. Gusto ko rin maramdaman na ituring na isang reyna o maski prinsesa. Hindi rin naman masamang pagbigyan ko si Reymel dahil mukha namang seryoso siya sa mga sinabi niya. Isa pa, hindi naman siya maglalakas ng loob para sabihin sa harap ng maraming tao na nililigawan niya ako kung hindi siya sigurado sa nararamdaman niya para sa ‘kin. Sabay na kaming naglakad ni Reymel papunta sa canteen ng school namin. Pinagtitinginan kami ng ibang estudyante dahil bilang lang sa mga daliri ko ang hindi nakakakilala sa ‘kin. Isa pa, kilala rin ng maraming estudyante si Reymel dahil sa pagiging guwapo niya at pagiging matalino. “Upo ka na muna rito. Ako na ang bibili ng pagkain natin,” paalam ni Reymel habang ipinaghihila ako ng upuan. May mangilan-ngilang estudyante na nasa lamesa kaharap ko. “Saglit lang ako.” Hindi na ako sumagot kaya umalis na kaagad si Reymel. Panay ang sulyap sa akin ng tatlong grade 9 student habang kumakain sila. Dalawa ang babae sa kanila at isa ang lalaki. Sinusulyapan din nila si Reymel na bumibili ng hamburger at C2. Tinataasan ko na lang sila ng kilay sa tuwing lalapat ang mga mata nila sa ‘kin. Nagbababa rin naman sila kaagad ng mga mata kapag nahuhuli ko sila. Napatitig naman ako kay Reymel habang bumibili siya ng pagkain. May tatlong lalaki na huminto sa harapan niya at saka tumabi sa kaniya. Tingin ko ay inaasar nila ito dahil tumatawa-tawa pa silang apat. Napapangiti naman si Reymel sa mga sinasabi nila kaya sinasapak siya ng mga ito. Ang alam ko ay mga kaibigan ‘yon ni Reymel na galing sa ibang section. Madalas ko silang makita na kasama ni Reymel dahil madalas ay tumatambay sila sa classroom namin. Napadpad ang paningin nila sa lamesa kung nasaan ako. Nakita nilang nakamasid ako sa kanila kaya pinagsasapak na naman nila si Reymel. Kinindatan naman ako ni Reymel kaya napairap ako sa kaniya. Bigla akong nagbaba ng tingin sa dibdib ko dahil bigla akong nakaramdam ng kakaibang pakiramdam. Mas naramdaman ko ang pagbilis ng t***k ng puso ko. Bigla akong napasandal sa upuan ko at saka napahawak sa dibdib ko. Ganito ba ang pakiramdam kapag kinikilig? First time ko lang kasing maranasan ito. Hindi naman kasi ako pumapayag na ligawan ako dahil bukod sa masyado pa akong bata, wala rin akong interes sa ganoon. Ngayon ay medyo na-curious ako kaya hinayaan ko na lang si Reymel. Magaan at nakakabaliw pala ang pakiramdam na ganito. Pakiramdam ko rin ay nag-init ang dalawang pisngi ko. Nang ma-realize kong para na akong baliw nang dahil sa inaasta ko ay ibinaba ko na ang kamay ko na nakahawak sa dibdib ko. Nang mag-angat ako ng paningin ay nahuli kong tinititigan ako ng tatlong estudyante na nasa harapan ko. Bigla-bigla naman silang nag-iwas ng tingin nang mahuli ko sila. Anong itinitingin-tingin nila? May dumi ba ako sa mukha? “Sorry kung natagalan ako. Kinausap ko pa kasi ‘yong mga kaibigan ko,” paghingi niya ng paumanhin. Umupo siya sa tabi ko at saka inilapag ang mga binili niya. Naisip ko naman na bayaran siya dahil hindi naman tama na siya ang pagbayarin ko sa kakainin at iinumin ko. Inilabas ko ang wallet na nasa bulsa ng palda ko at saka naglabas ng pera. “Oh,” usal ko sabay lapag ng pera sa lamesa. Kunot ang kaniyang noo nang bumaling sa lamesa. “Ano ‘yan?” tanong niya. “Pera ‘yan. Obvious naman,” sarkastikong tugon ko. Napailing siya. “Para ka namang nang-iinsulto niyan. Hindi mo na kailangang magbayad dahil ayos lang naman sa ‘kin.” Inilapit niya muli sa akin ang pera. Umiling ako. “Kung sa ‘yo ay ayos lang ‘yon, sa ‘kin ay hindi. Kung kaya ko namang bayaran ang kakainin ko, bakit hindi?” Inayos niya ang kaniyang buhok. Kinuha niya ang pera sa lamesa at kinuha ang kamay ko para ilagay ang pera sa palad ko. “Hindi na kailangan. Simula ngayon, ako na ang magbabayad ng kakainin at iinumin mo. ‘Wag mo na isipin ‘yong gagastusin ko dahil may pera naman ako kahit papaano.” Napatitig ako kay Reymel at saka bumaba ang paningin ko sa pera na nasa palad ko. Hindi ko alam pero bigla na namang bumilis ang t***k ng puso ko. Naaalarma na ako sa mga nangyayari sa ‘kin. Baka biglang lumala ang kakaibang nararamdaman ko nang dahil kay Reymel. “Sige na, kumain ka na. Huwag mo na isipin ‘yang pera. Ako na ang bahala,” untag niya sa akin. Binuksan niya pa ang isang C2 at inilapag sa tabi ng hamburger na nasa harapan ko. May pagkain at inumin din naman siya na nasa harapan niya. Parehas lang kami ng pagkain. “Acckkk! Sana all!” Napaangat ang paningin ko sa mga grade 9 student na nasa harapan namin. Para silang binudburan ng asin habang nakatingin sa amin. Bigla pang nag-finger heart ‘yong isang babaeng estudyante at saka napatili. ‘Yong lalaking estudyante naman ay gumawa ng heart gamit ang dalawang kamay at saka tiningnan kami sa gitna ng mga kamay niya na nakahugis puso. “Bagay po kayo!” sigaw no’ng isang babae. Pagkatapos sumigaw ng isang babae ay sabay-sabay silang nagsitayuan at saka dali-daling lumabas sa canteen. Gulat pa rin ako sa inakto ng mga estudyante na ‘yon kaya nanatili lang akong nakatitig sa harapan ko. Maya-maya ay narinig ko ang palakas nang palakas na pagtawa ng katabi ko. “Ang cute nila!” tumatawang saad niya. Napabaling ako sa kaniya at nakita kong nakasandal siya sa upuan habang nakahawak sa kaniyang tiyan. “B-Bagay raw tayo, narinig mo ‘yon?” Hindi ko alam pero natawa na lang din ako nang dahil sa tawa niya. Para na kasi siyang mauubusan ng hangin. Maya-maya lang ay dalawa na kaming tumatawa kahit ilang minuto na ang nakalipas nang mawala ‘yong mga estudyante na nasa harapan namin kanina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD