Chapter 2
Jeep ang kadalasan na sinasakyan naming magkakapatid papunta sa paaralan. Mas mabilis kasi ito at hindi nakakabutas ng bulsa ang pamasahe. Hindi kagaya na kapag tricycle ang sinakyan, mabagal at baka amoy usok na kami bago makarating sa paaralan. Mahal naman masyado ang pamasahe kapag taxi o UV Express.
“Bayad po,” medyo malakas na usal ni Kuya nang makasakay na kami sa jeep. Sa gitnang bahagi kasi kami ng jeep umupo. “Tatlo po. Isang PLMAR at dalawang Santolan,” dagdag ni Kuya. May isang Lola naman na kumuha ng bayad ni Kuya at saka iniabot ‘yon sa nasa unahan niya.
Ganito palagi ang scenario kapag sa jeep ka sumakay. Kapag sa dulo o katabi ng pinto ng jeep, o kahit sa gitnang bahagi ng jeep mo napiling umupo, ipapaabot mo ang bayad (pamasahe) mo sa mga tao na nasa unahan mo. Pagpapasa-pasahan ang bayad mo na para bang isa itong basketball at ang driver o ang kondoktor (barker) ang basketball ring.
Mabuti naman at matiwasay na nakarating ang bayad ni Kuya Donovan sa driver. Sinipat pa kami ng driver pagkatapos niyang bilangin ang pera na nasa palad niya. Kaagad din naman niyang ibinalik ang kaniyang paningin sa kalsada. Akala niya siguro ay kulang ang ibinayad namin.
Kung ako siguro ang nagbayad ay baka ganoon nga ang gawin ko pero kung si Kuya Donovan o Ate Ariela ang gagawa niyon ay mas malabo pa ‘yon sa tubig-kanal. Hindi naman importante ang pera sa mga kapatid ko kaya minsan hindi na nila kinukuha ang sukli.
Madalas na si Kuya Donovan ang nagbabayad ng pamasahe naming tatlo. Minsan ay si Ate Ariela lalo na kung walang barya si Kuya. Hindi naman nila ako pinagbabayad dahil kailangan ko raw ng pera para sa mga project ko. Alam kasi nila na hindi ako mahilig manghingi sa mga magulang namin dahil ayaw ko.
Sa PLMAR ako nag-aaral, matatagpuan ito sa Marikina City. Sa Marikina rin kami nakatira kaya medyo malapit lang ako sa paaralan. Sa De La Salle University naman nag-aaral sina Ate. Doon din ako balak pag-aralin nina Mommy kapag naka-graduate na ako ng Senior High.
May kalakihan ang tuition fee roon kaya naiintindihan ko rin kung bakit nakuntento na lang muna ang mga kapatid ko na mag-commute kahit hassle ‘to para sa kanila. Hindi biro ang pera na inilabas ng mga magulang namin para makapag-aral doon ang mga kapatid ko. Maganda raw kasi ang education system sa De La Salle lalo na kung ang course mo ay related sa pagmemedesina.
“Para po!” malakas na sigaw ko sabay hila sa lubid. Dahan-dahan namang itinabi ng driver ang jeep sa path walk. Tumingin ako kina Kuya at nakita kong nakatingin na sila sa ‘kin ngayon. “Una na ako sa inyo, Ate.” Baling ko kay Ate. “Ingat kayo, Kuya.” Baling ko naman kay Kuya.
Hinalikan ako ni Ate sa buhok. “Mag-iingat ka rin at mag-text o chat ka kapag may biglaan kang pupuntahan.” Nginitian ko siya at saka ako tumango.
“Take care.” ‘Yon lang sinabi ni Kuya at saka ako tinanguan.
Bumaba na ako sa jeep. Hinintay ko muna na mawala sa paningin ko ang jeep na kinalululanan ng mga kapatid ko bago ako naglakad papunta sa gate ng school.
Nahagip kaagad ng paningin ko ang guard na iiling-iling sa akin. Feeling close talaga ‘tong guard na ‘to palagi. Simula grade 8 ako ay palagi niya akong sinisita at pinagsasabihan na minsan ay agahan ko naman ang pagpasok sa eskuwelahan. Eh anong magagawa ko kung palagi akong tinatamad bumangon?
Pagkalapit ko ay pumalatak siya. “Late ka na naman, Decyrie. Ano na lang ang sasabihin mo sa Madame Principal kapag ipinatawag ka na naman sa —”
“Wala na ‘yon sa ‘yo. Hindi mo trabaho na pagsabihan ako dahil hindi naman ikaw ‘yong Principal. Pangalawa, hindi ikaw ‘yong teacher ko. Pangatlo, hindi tayo close para umasta ka nang ganiyan,” pasinghal na putol ko sa kaniya. “At saka puwede ba, Manong Guard? Huwag ikaw kaagad ‘yong bubungad sa ‘kin sa umaga dahil lalo lang akong naba-bad trip.” At saka ko siya inirapan. Nag-umpisa na akong maglakad palayo ngunit narinig ko pa ang sinabi niya.
“Batang ‘to! Wala ka talagang modo! Kaya wala kang nagiging kaibigan dahil diyan sa ugali mo na kasing baho ng basura,” pang-iinsulto niya.
Sinusubukan talaga ako ng guwardyang ‘to. Hindi na nga maganda ang mood ko dahil kulang ako sa tulog tapos dadagdagan pa niya?
Napahinto ako sa paglalakad ngunit nanatili akong nakatingin sa unahan. Huminga ako nang malalim para patayin ang namumuong iritasyon sa sistema ko.
Natawa siya nang mahina at narinig ko ang tunog ng sapatos niya na papalapit sa ‘kin. “Oh, ano? Natigilan ka? Hindi ba’t totoo naman na kaya wala kang naging kaibigan ay dahil sa ugali mo? Kung hindi lang siguro ma-pera ang mga magulang mo, matagal ka nang wala rito.”
I gritted my teeth for me to avoid bursting out on him. Dahan-dahan kong inilingon ang ulo ko sa kaniya at saka ko siya nginisihan. “Alam mo kung bakit wala akong naging kaibigan? ‘Yon ay dahil lahat ng mga tao rito ay walang halaga at basura lang para sa ‘kin. Lalong-lalo ka na.”
Nakita ko ang paggalaw ng kaniyang panga. Biglang naging visible ang mga ugat niya sa kaniyang noo at sentido. Nang dahil doon ay mas lalo lang akong napangisi.
Ibinalik kong muli ang paningin ko sa unahan bago ako ulit nagsalita. “At alam mo ba kung bakit ka guwardya ngayon? Kasi hanggang diyan lang ang kapasidad ng utak at talento mo. Diyan ka na tatanda, at diyan ka na rin mamamatay.” Pagkatapos kong sabihin ‘yon ay nagsimula na akong maglakad palayo sa gate ng school.
“Pagsisisihan mo rin pagdating ng araw ‘yang ugali mo! Tandaan mo ‘yan!” sigaw niya.
Hindi ko na inabala ang sarili ko na sumagot o lingunin man lang siya. Para saan pa? Baka kapag ginawa ko ‘yon ay bigla-bigla na lang siyang mag-resign. Kawawa naman ang pamilya na binubuhay niya.
Napansin ko naman na wala na masyadong estudyante sa paligid. Nag-uumpisa na nga talaga siguro ang klase. Malinis na ang covered court na paboritong tambayan ng mga estudyante sa tuwing may hinihintay sila. Wala na rin akong nakitang estudyante na palakad-lakad.
Tatlong minuto pa akong naglakad at nakarating na ako sa building ng classroom ko. Ipinagpapasalamat ko na nasa first floor ang classroom namin dahil kung hindi, baka naubusan na ako ng hininga sa sobrang hingal. Puro hagdan kasi ang dinaanan ko bago ako nakarating dito.
Nang makarating sa harapan ng classroom ko ay nakita kong nagtuturo ang teacher namin sa Math na si Mrs. Usmenya. Medyo terror ‘to at talaga namang ayaw sa mga late na estudyante.
Sa likod ako dumaan dahil nasa second to the last row ang upuan ko. Uupo na sana ako ngunit nagulat ako nang biglang may board eraser na dumaan sa gilid ko. Mabuti na lang at hindi ako natamaan dahil kung natamaan ako ay sakto ‘yon sa mata ko. Eye level kasi kaya kitang-kita ng dalawang mata ko.
“Remain standing, Acibar,” malumanay ngunit puno ng diin na utos ni Mrs. Usmenya.
Dahan-dahan kong inilapag sa upuan ko ang bag ko at saka ako humarap kay Mrs. Usmenya. Hanggang balikat lang ang kaniyang buhok at may suot siyang salamin. Nasa 52 years old na siya ngunit mukha pa rin namang bata kung titingnan. Maputi ang kulay ng kaniyang balat. Kulay pink ang lipstick niya at naka-dilaw siyang uniporme.
Halata ko ang gigil niya dahil nagbabanggaan ang mga ngipin niya habang nakatingin siya sa akin. “You really have the audacity to suddenly barged in and sit directly at your chair without excusing to me and your classmates,” paunang saad niya. “Late ka na ngang pumasok sa klase ko tapos ikaw pa itong may gana na mang-interrupt sa discussion namin? Nasaan ang manners mo, huh?”
Diretso lang akong nakatayo habang nakatitig sa kaniya. Lumakad siya papunta sa likod ng lamesa na nasa unahan at saka tumayo roon. Hindi niya ako nilubayan ng tingin kaya hindi ko rin inalis ang titig ko sa kaniya.
“Nasaan ang manners mo, Acibar?” ulit niya pa sa tanong niya. Nanatili siyang nakatayo sa likod ng lamesa habang nakahawak ang isang kamay niya sa dulo nito.
“Siguro nasa bintana?” pabalang na sagot ko.
Narinig ko na nagsinghapan ang mga kaklase ko. Napunta rin sa akin ang paningin nilang lahat ngunit hindi ko na sila pinansin. Hindi pa rin ba sila nasasanay? Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ganito palagi ang nangyayari.
Dahil nga na kay Mrs. Usmenya lang ang paningin ko, kitang-kita ko ang dahan-dahang pagkunot ng kaniyang noo at ang pag-awang ng kaniyang bibig. Siguro kung nasa kaniya pa rin ang board eraser ay baka ibinato niya na ulit ‘yon sa ‘kin.
Namula ang buong mukha ni Mrs. Usmenya. “Anong sinabi mo?” Hindi ako kumibo. “Ulitin mo ‘yong sinabi mo!” malakas na sigaw niya. Nakita ko ang pag-iktad ng mga kaklase ko na nakaupo malapit sa unahan.
“Hindi naman siguro kayo bingi para hindi marinig ‘yong sinabi ko kanina? Ang sabi ko ay baka nasa bintana ang manners ko,” walang preno na sagot ko.
Napatampal naman sa noo ang iba kong mga kaklase. Sa halos kalahating taon na magkaka-klase kami ay alam kong inaasahan na nila ‘to dahil mas madalas pa akong mag-birthday kaysa ang pumasok nang maaga.
“Maupo ka na. Mag-uusap tayo mamaya sa Faculty.” Kinuha niya na ang mga gamit niya at saka siya tuloy-tuloy na lumabas sa classroom.
Kinuha ko na ang bag ko at saka pumunta sa upuan ko para sa susunod na klase. Iba-iba kasi ang seating arrangement namin kada subject kaya kailangan pa talagang lumipat kada oras.
“Grabe ka na talaga, Decyrie! Hindi ka talaga pumapalya sa pagpapagalit sa mga teacher natin,” usal ng kaklase ko na nasa harapan ng upuan ko.
Ano nga bang pangalan nito? Saglit akong nag-isip. Bigla kong naalala na Juliebee ang pangalan niya. ‘Yon ‘yong sinabi niya nang mag-“introduce yourself” kami no’ng first day of school.
Hindi ko siya pinansin. Inilabas ko ang notebook at ang ballpen ko para kung may ipapasulat man ay makakapagsulat kaagad ako.
“Oo nga, eh. Hindi ko kaya ‘yong gano’n. Kinakabahan nga ako kahit ilang seconds lang akong late,” sang-ayon naman ng nasa kanan ko. Alexandra yata ang pangalan niya.
“Ganiyan talaga kapag lumaki sa mayamang pamilya. Hindi na iintindihin ang mga taong mas mababa sa kanila,” sabat ng nasa kaliwa ko. Si Sofia.
Hinarap ko si Sofia kaya napataas ang kilay niya. Masasabi ko na matalino si Sofia at nangunguna sa klase. Isa siya sa mga tao na palaging ikinukumpara sa akin pagdating sa pagiging honor student. Maganda rin siya at marami sa mga kaklase namin ang nakikipagkaibigan sa kaniya.
“Una sa lahat, hindi ako lumaki sa mayamang pamilya. Pangalawa, bakit ko naman iintindihin ang ibang tao kung sila nga ay hindi ako iniintindi? Bago mo ibuka ‘yang bibig mo, siguraduhin mo munang mabango ang mga lalabas diyan,” sarkastiko kong sagot sa kaniya.
Hindi naman na siya sumagot bagkus ay inirapan na lang ako at inabala ang sarili niya sa pagbubuklat ng notebook niya. Nagtawanan naman ang mga kaklase namin na nakarinig sa sinabi ko.
I’m Decyrie Acibar, 16 years old. I am the third child. Ako ang black sheep sa aming magkakapatid. Simula pagkabata ay may problema na talaga ako sa pakikipag-usap nang maayos sa ibang tao. Hindi uso sa akin ang pakikipag-plastikan at ang pagiging mabait. Lumaki ako na ang trato sa akin ng mga magulang ko ay mas masahol pa sa anak na ampon. Pakiramdam ko ay saling-ketket lang ako sa aming magkakapatid. Hindi ko naranasan na yakapin at ngitian ako ng mga magulang ko. Kung ngingiti man sila ay alam kong sarkastiko.
Kaya rin siguro masama ang loob ng mga magulang ko sa ‘kin dahil ako ang pinakapasaway sa sa aming magkakapatid. Kung tutuusin, ako lang ang siyang pasaway sa amin. Madalas kong hindi sundin ang gusto nina Daddy kahit pa na ikagalit nila. Wala naman na akong pakialam. Kung magalit sila, bahala sila. Kung kasuklaman nila ako, bahala sila. Tutal naman ay parang hindi anak ang turing nila sa akin.
Sa ngayon ay wala pa akong napapatunayan. Hindi ko rin naman nakikitaan ng kahit na anong dahilan para patunayan ko ang sarili ko sa kanila o sa kahit sino. Naniniwala ako na ang sarili ko lang ang dapat kong bigyan ng atensyon at halaga. Sa sarili ko lang din dapat ako may patunayan.
Naglalakad ako ngayon papunta sa Faculty Room dahil katatapos lang ng pangatlong subject ko at break time na namin ngayon. Hindi ko naman puwedeng balewalain ang sinabi ni Mrs. Usmenya dahil kalbaryo kapag nakaabot pa ito sa mga magulang ko. Tiyak na makakaabot din ito sa mga kapatid ko na ayaw kong mangyari. Alam ko kasi na pagsasabihan nila ako at baka marindi lang ako sa kanilang dalawa.
Pagkarating ko sa Faculty na nasa 2nd floor ng building na ‘to ay dumiretso ako kaagad sa lamesa ni Mrs. Usmenya. Abala siya sa mga ½ lengthwise na chine-check-an niya. Hindi niya ako napansin kaya nanatili lang ako na nakatayo sa harapan ng lamesa niya. May 20 minutes pa naman ako bago magsimula ang pang-apat kong subject kaya ayos na rin na sundin ko ang iniutos niya kanina.
Nang nag-angat siya ng tingin ay itinuro niya ang upuan na nasa gilid ng lamesa niya. Hindi man lang siya nagulat na nasa harapan niya na ako.
“Maupo ka,” utos niya.
Sinunod ko na lang siya kaagad para matapos na kami rito. Umupo ako sa upuan na halos katabi na ng upuan niya. Kulay kahoy ang upuan at may sandalan kaya sumandal ako habang hinihintay ang sasabihin niya.
Ilang minuto muna ang lumipas bago niya binitawan ang kulay pulang ballpen na hawak niya. Saglit niyang hinilot ang kaniyang leeg bago siya bumaling sa akin. Tahimik lang akong nakatingin sa kaniya.
Huminga siya nang malalim. “Sa totoo lang, hindi ko na alam ang gagawin ko sa ‘yong bata ka. Hindi ka nga lumiliban sa klase ko, ngunit palagi ka namang huli.” Napahilot na naman siya sa kaniyang leeg. “Ewan ko ba kasi sa mga magulang mo kung bakit dito ka pa pinag-aral. Dapat sa ibang paaralan na lang para hindi ako nangungunsime sa ‘yo. Palagi kang sakit sa ulo! Daig mo pa ‘yong mga kaklase mong lalaki. Mabuti na lang at malapit na kayong makapag-move up. Mawawala ka na sa paaralan na—”
“Bakit ba kasi hindi niyo na lang ako ibagsak? O bakit ba nanatili pa rin kayo sa section namin kung puro sakit ng ulo pala ‘yong ibinibigay ko?” tanong ko.
Saglit siyang napahinto. Inayos niya ang kaniyang salamin bago niya ibinaling ang buong atensyon niya sa akin. Humarap siya kung nasaan ako at saka ako tiningnan nang diretso sa mata.
“Decyrie, sa tagal na ng panahon simula nang magturo ako rito sa paaralan na ‘to ay wala akong sinukuang estudyante. May mga naging estudyante ako na kagaya mo. ‘Yong iba’y parang walang direksyon ang buhay, at ‘yong iba naman ay gusto lang ng atensyon,” aniya. “Alin ka sa dalawang ‘yon?” seryosong tanong niya.
Nagkibit ako ng balikat. “Para sa ‘kin, wala ako sa dalawang ‘yon. Ginagawa ko kung ano ang nakasanayan ko. Hindi para magpapansin o ipakita na wala akong patutunguhan. Ine-express ko lang naman ‘yong sarili ko, Ma’am.”
Napangiwi siya sa naging sagot ko. “Kahit kailan talaga ay wala kang galang! Sabihin na nating wala ka sa dalawang ‘yon pero sigurado naman ako na may factor ang behavior mo na ‘yan. Was it because you adapt that or you chose to be like that?” Bakit ba ang daming tanong nito ni Ma’am?
Ibinaling ko ang paningin ko sa mga papel na nasa lamesa. Pilit kong iniisip kung ano ba ang naging dahilan kung bakit ganito ang pag-uugali ko. “I don’t really know the answer. But one thing is for sure… I won’t change to please other people. I have my own beliefs and principles in life. If other people can’t accept what I believe in, they should just shut up and mind their own business.”
Naging matunog na naman ang paghinga ni Mrs. Usmenya. “Matigas talaga ang ulo mo! No words can change your mind—for now. Pero naniniwala ako na may isang tao na makakapagpabago sa pananaw mo sa buhay. Hindi ko sinasabing babaguhin ka niya, pero alam kong tutulungan ka niya na mas makita ang liwanag.”
Bumaling ako sa kaniya at nakita ko na nasa akin ang paningin niya. “Hindi pa naman po ako patay para makita si San Pedro na naghihintay sa ‘kin sa dulo ng tunnel habang may white light.” Hahampasin niya sana ako, mabuti na lang at nakatayo ako kaagad sa upuan.
Sinamaan niya ako ng tingin. “Bumalik ka na sa classroom mo. Hindi ko na matantya ang mga lumalabas sa bibig mo,” inis na usal niya. Tinuro niya pa ang pinto kaya naglakad na ako palabas sa Faculty.
Kapag ba mga Mathematics teacher ay walang panahon sa biro? Gusto ko lang naman sanang pagaanin ang atmosphere dahil mukhang galit na naman siya. Wala naman sana akong pakialam sa nararamdaman niya pero baka magulat na lang ako na nakatarak na sa leeg ko ang ballpen na nakapatong sa ibabaw ng lamesa niya.
Pagkalabas ko sa pinto ng Faculty Room ay nagulat ako dahil nakita kong nakasandal si Reymel sa gilid. Isa siya sa mga kaklase ko na mahilig mag-recite. Alam ko na masipag siyang mag-aral dahil palagi siyang nagiging leader kapag may group activity kami.
Nang makita niya ako ay napakamot siya sa kaniyang batok at saka siya sumilip sa loob ng Faculty. “Ah… tapos ka na bang kausapin ni Ma’am?” tanong niya nang mapadaan ako sa harap niya.
Napahinto ako sa paglalakad at saka tinitigan siya sa mukha. Guwapo naman si Reymel at attractive. Marami siyang taga-hanga, kaklase man namin o hindi.
Tumango ako at saka saglit na sinilip ang loob ng Faculty. “Bakit? Ipinatawag ka rin ba ni Ma’am?”
Umiling siya bago nag-iwas ng tingin sa akin. “H-Hindi,” sagot niya.
Kumunot ang noo ko. “Eh anong tinatanga mo rito? Hindi ba dapat ay nasa canteen ka kasama ng mga kaibigan mo?” Medyo naparami yata ang sinabi ko kaya daglian siyang nagbalik ng tingin sa akin.
“K-Kilala mo ako?” gulat na tanong niya. Bigla siyang napailing at saka natawa. “I mean, paano mo nalaman na gano’n nga ang ginagawa ko tuwing break time?”
Umirap ako. “Sino bang hindi makakakilala sa ‘yo? Bukod sa kaklase kita, marami rin akong naririnig na issue tungkol sa ‘yo.” Hindi ko na siya hinintay magsalita at nauna na akong maglakad.
Humabol siya at saka sumabay sa akin sa paglalakad palayo sa Faculty Room. “Ano namang issue ang naririnig mo tungkol sa ‘kin?”
Napasinghal ako. “Bakit ba kailangan mo pang malaman? At saka teka nga,” inis na ani ko. Huminto ako sa paglalakad kaya napahinto rin siya. Humarap ako sa kaniya at saka siya pinanliitan ng mga mata. “Bakit ka ba tanong nang tanong? At saka bakit ka nandoon sa Faculty Room kanina kung wala ka naman palang sadya?” May bigla akong naalala kaya pinanlakihan ko siya ng mga mata. “Don’t tell me… may nililigawan kang teacher?”
Imbis na mainis ay halos sumakit na ang tiyan niya sa katatawa nang dahil sa sinabi ko. “H-Hindi ko alam na j-joker ka pala,” naiiyak na saad niya. Sa sobrang tuwa niya ay naiiyak na siya.
Hindi ko na siya sinagot. Naglakad na lang ako ulit papunta sa classroom namin. Baka mabigwasan ko lang si Reymel kung makikipag-usap pa ako sa kaniya.
I didn’t intend to make him laugh by saying that. It was just a wild guess. If our teacher didn’t order him to come to the Faculty room, why would he go there? It’s not like there’s a canteen or a*****e there.
“Teka lang, Decyrie!”
Bahala ka sa buhay mo. Kung hindi ka lang talaga pogi…