DALAWANG floor ang condo unit na ito. Malawak, kompleto sa gamit at para na rin siyang bahay. Isang kuwarto sa ibaba at isa rin sa itaas. Pawang may sarili mga banyo. Malawak din ang kusina sa ibaba. Mas malaki pa ito sa condo unit ni Alexis na pinarentahan niya sa amin noon sa Maynila. Hindi ko alam kung paano niya ito nakuha nang gano’n kabilis gayong kahapon lang naman siya rito. O baka naman ilang araw na siya rito, hindi lang kaagad nagpakita. Tiningnan ko ang kuwarto sa ibaba, nakita kong nakaayos na ang mga personal na gamit ni Nanay, pero may iba pa siyang damit na nakapatong sa kama, na mukhang inaayos pa niya. “Nasaan ang mga gamit ko, Nay?” Iniwan ko si Alexis sa sala para pumasok dito sa kuwarto. Bahala siya kung umalis siya pero wala na akong sasabihin sa kanya. Una sa l

